Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Pinaasa. Show all posts
Showing posts with label Pinaasa. Show all posts

Monday, May 13, 2013

Tayo: Big Word.

Ikaw At Ako.

May ikaw at ako, pero walang tayo. Umaasang meron pa, pero sadyang hindi na mababago. Maraming kumento ang mga kaibigan. May nangangaral, tamang nagpapayo lang, nakikisipatya kuno, may galit na sobrang apektado, at merong 'ah.. okay.'
  1. Wag daw magsasalita ng tapos, dahil wala daw nakakaalam ng pwedeng mangyari sa hinaharap.
  2. Malay mo kayo pa din sa huli, kailangan nyo lang magkahiwalay para sa sinasabing 'growth' at 'maturity.'
  3. Hayaan na. Ibig lang sabihin na hindi kayo para sa isa't isa.
  4. Wag sumuko. Malay mo, binubuo niya sarili niya para din sa'yo.
  5. Hayaan mo lang mapagod ang sarili mo, hihinto ka din.
  6. Tanggapin mo ng wala na.
  7. Wag maging tanga. Madaming pwedeng ipalit.
  8. Sabi ko na eh, pare-parehas lang sila.
  9. Hay.. sayang.
  10. Kung mahal mo pa, ipaglaban mo.

Oh well, papel. Sana lahat ng bagay pwedeng gawing batayan ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sa lahat ng pagkakataon pwedeng gawing rason ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sapat na pagmamahal na lang... period. Pero hindi.

Pero paano nga kung kayo pala talaga tapos sinukuan mo lang. Paano kung may pag-asa pa pala pero hindi mo na sinubukan. Paano kung babalik pa talaga pero hindi mo na hinintay. Paano?

Marami ang takot, kaya marami din ang malungkot. Takot bumitaw kahit yun na ang dapat gawin. Takot daw masaktan ulit, pero sa ginagawang pag-iwas doble ang sakit na nararamdaman. Self-inflicted pain.. hindi ba pwedeng self-inflicted kilig na lang?
 
Mayroong iba na todo ipaglaban na baka sila pa din talaga. Kasi daw single pa din kayo pareho. Pero kasi, may mga pagkakataong tayo na lang ang nagpapaasa sa sarili natin. Mga sarili na lang natin ang pumipilit, pero sa kahit anong anggulo mo tignan, wala na talaga eh.

Mayroon ding sobra ikulong ang sarili sa nakaraan, tapos mag-e-emote at magtataka na bakit ang tagal-tagal ng panahon eh nasasaktan pa din. Ang daming panahon ang sinasayang na imbes maging masaya, hinahayaan ang sarili na maging tanga. Mahalin natin ang mga sarili natin, para mahalin din tayo ng iba. Lahat naman ay nagsisimula sa mga sarili natin. Hanap tayo ng hanap sa iba, yun pala sa sarili lang natin makikita.

Mayroon din na halos isemento ang paligid, maproeteksyunan lang ang sarili sa sinasabing "hindi pwedeng emosyon." At mayroon din namang okay ka na, moved on ka na, pero ang mga tao sa paligid mo ang hindi maka-move on sa nangyari sa'yo. Pamilyar na tayo sa linyang: "Paano ka namin matutulungan kung mismong sarili mo ayaw mong tulungan." Pero sana alam din natin ang linyang: "Paano ko lubusang matutulungan sarili ko kung yung mga taong gusto akong maging okay, ay hindi naman naniniwalang pwede akong maging okay." Konting kibo't kilos, iuugnay at iuugnay sa mga bagay na hindi naman na dapat. Friends, move on, move on din pag may time. :) Nakaka-jejemon. Jejeje.

Oo, hindi naman madaling makalimot sa mga bagay na napasaya ka. Pero kasi, hindi naman dapat kalimutan 'yon. Nakaraan mo 'yon.. sabihin man nating hindi naging maganda ang resulta, eh marami ka namang babauning aral. Ang mahalaga ay makita mo ang saya sa sakit, ang ngiti sa mga luha, at aral sa mga pagkakamali. Naalala ko yung nabasa ko noong isang araw, "Kung nadapa ka ng siyam na beses, bumangon ka ng ika-sampung ulit."Okay lang umiyak, basta't alam mo kung kailan ka hihinto. Naramdamam mo mang hindi ka na buo, darating ang panahong mabubuo kang muli. Wala namang hindi nahihilom ng panahon.. basta't hindi mo hahayaang bulukin ka ng sakit. At kasama ng lumilipas na panahon, gumawa ka ng paraan para tuluyang mawala ang langib. Minsan mas magandang hindi mo lagyan ng band aid, makakahinga yung sugat.. mas mabilis gumaling.
 

(Larawan mula sa google.)

Saturday, October 29, 2011

Hindi Na Ako Babalik!

Masabihang paasa na hindi mo naman alam na nakapagpaasa ka at maramdamang pinaasa ka sa isang bagay na importante sa'yo, ano ba ang mas masakit? O kailangan bang may MAS pa para may masisi? Parehas lang naman masakit. Parehas may suntok sa dibdib. Pero minsan tatahimik ka na lang, iiyak na lang.. kasi kahit anong paliwanag ang gawin mo, walang makikinig.. walang iintindi sa mga paliwanag mo. Laging sarili mo lang ang kakampi mo. Sasabihin sa'yong nakasakit ka, pero sana maisip man lang nila na mismo ikaw, nasasaktan din. Sana ang tao, marunong magpreno kahit minsan. Lalo sa mga bagay na hindi naman nila sigurado. Kumalat na ang balita na isa kang paasa, pero ikaw walang kamalay-malay.

Normal lang bang umasa? Choice naman natin lahat di ba? Hindi naman tayo robot o bagay na de kontrol para diktahan ang pwede mong ikilos o maramdaman. Kusa. Ginusto. Inisip. Naramdaman. Bakit sa kasemplangan ng buhay natin laging kailangan isisi sa iba?



**********

Sabi nya ganito, sabi niya ganyan. Sarap pakinggan, ang sarap paniwalaan. Wagas ang saya, kahit maliit na pag-asa, panghahawakan. Ganun naman di ba, lalo't kung gustong-gusto mo ang isang bagay. Walang pagdadalawang isip, minsan kahit mahirap, sugod lang ng sugod. Okay lang masaktan minsan, kung sa dulo naman mapapasa'yo naman din. Kaso bigla bigla, kung hindi mo man nakita, mababalitaan mo na lang. Umikot na ang balita. Nakakatanga sa pakiramdam. Para kang pinaikot, niloko, pinaasa. Gusto mong magtanong pero wag na lang. Gusto mong lumapit pero iiwas na lang. Para saan pa? Para mas masaktan pa? Para mas maramdaman na pinaasa lang pala ako sa wala? Para masabi sa sariling dapat hindi na lang naniwala?




**********

UMASA AT NAGPAASA -- patawad kung naging ako ang dalawang ito. Para sa mga taong sinasabing napaasa ko, patawad. Maniwala kayo't sa hindi, wala sa intensyon ko ang gawin ito. Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin, kundi patawad. At para sa mga taong umasa ako, hindi ko naman kayo sinisisi. Kasi sa huli, ginusto ko naman na gawin yun, na maramdaman yun. Pero patawad, kung may kaunting inis. Nasaktan din naman ako.

Dito ko tinatapos ang Oktubre ko. Sabay-sabay nating salubungin ang buwan ng Nobyembre na may pagpapatawad sa puso at bukas na kaisipan. Vamos! ☺