Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Totoong Kwento. Show all posts
Showing posts with label Totoong Kwento. Show all posts

Sunday, October 7, 2012

Warning Shot!

Martes noon. Walang kamalay malay sa kung paano matatapos ang araw ko. Kahit anong oras umuwi, ayos lang. Sanay naman ng abutan ng hating gabi sa daan. Pero binago ng pag-uwi ko ng alas otso, at pagsakay ko ng jeep sa Cubao ang kasanayang ito.

Tulad ng araw-araw na kinagawian, paglabas sa opisina, sasakay akong MRT at baba sa Cubao. At sa Cubao sasakay akong jeep papuntang Welcome. Madalas sa byahe, pampatay inip, nagbabasa akong libro. Hanggang sa maantala ako ng makarating sa Araneta. Ang iingay ng mga tao sa kalsada. Ang trapik. Hanggang makarating sa QI. Sabi sabi, may sunog daw. Sabi sabi, may banggaan daw. Hanggang sa pagdaan namin sa kanto ng Brgy. Tatalon, may nakahandusay na lalaki sa gitna ng daan. At dahil trapik, nahinto ang sinasakyan kong jeep sa mismong tapat ng duguang lalaki.

Marami na akong nasasaksihang ganito -- mga duguan sa kalsada. Pero iba ang pangyayaring ito.

Ang sakay sa jeep: si manong driver, si ate na nurse, si kuyang may ka-text, at ako, na mukang namumutla at nagambala sa nakita.

Lahat kami gulat. Ang daming pulis at tanod. May grupo na din ng media at mga usi sa paligid.  Nabasag ang pagkagulat ng lahat nang sumakay ang isang lalaking may back pack. Ang daming tanong ni manong driver. Anong nangyari? Nako, patay na yun 'no? Bakit kaya? At biglang sumagot ang bagong sakay na lalaki.




Bagong sakay: Holdaper po. Patay na.
Driver: Ano, iho?
Bagong sakay: Holdaper po yun. Patay na. Nabaril sa tyan.
Driver: Nako, natimbog! Naglalabasan nanaman ang mga masasamang loob. Magpapasko na din kasi.

At biglang may isang matinis na boses ang sumabat sa usapan..

Ate na nurse: Ano kuya? Anong nangyari?

Inusisa n'ya ang bagong sakay na lalaki na animo'y isa s'yang reporter. Ang daming tanong. Kaya't napakamot na lang ang lalaking bagong sakay. Pero sumasagot din naman siya sa bawat tanong ng nurse.

Bagong sakay: Holdaper yung namatay.
Nurse: sinong bumaril?
Bagong sakay: Pulis. May sakay na pulis din kasi 'yung jeep na hinoldap nun. Ayun.
Nurse: Saan n'ya binaril kuya?
Bagong sakay: Sa tagiliran, bandang tyan. Kaya ayon patay.
Nurse: Grabe naman! Dapat sa paa na lang nila binaril. Hindi nila pinatay. Grabe naman sila.
Bagong sakay: Nag-warning shot  na rin kasi. E may hawak din yung holdaper kaya siguro napilitan naring puruhan.
Nurse: Maski na. Ang bigat kaya sa loob na makakita ng taong duguan sa kalsada. Lalo pa't patay na. Araw-araw akong nasa ospital, halos araw-araw din akong nakakakita ng taong namamatay. At sa tingin ko, di naman magandang pati sa kalsada, makakakita ka din ng namatay. Di ba?
Bagong sakay: Alam n'yo, mabait yun. Kapitbahay ko kasi yun.

Napatingin ako sa bagong sakay na lalaki. At nakita ko din napatingin ang mausisang nurse, si manong driver, at ang lalaking text lang ng text. Napansin kong pawis na pawis ang bagong sakay na lalaki. Parang binabasa n'ya bawat tumatakbo sa isipan naming lahat.

Nurse: HA? Talaga kuya?
Bagong sakay: Oo, kapitbahay ko yun. Mabait yun. Factory worker s'ya. Alam ko may sakit ang anak niya kaya siguro naisipan n'yang gawin yun. Marami na ngayon ang kumakapit sa patalim para lang sa mga minamahal nila. Kaya siguro hindi ko siya masisisi. Nakakalungkot nga lang na sa ganitong paraan siya namatay.
Nurse: Kawawa naman pala. Ang hirap na kasi ng ekonomiya natin. Ang hirap maghanap ng trabaho. Ang baba magpasweldo. Kung hindi sapat ang kita, kulang naman. Paano na ngayon  yung anak n'yang may sakit? Dagdag gastos pa ngayon yung pagkamatay nya 'no?
Manong driver: Yan ang pagkukulang ng media. Ibabalita at ipapakita nila na nahuli at napatay nila ang holdaper na walang nakakaalam kung bakit nila ito nagawa. Hindi nila napapakita ang lahat ng anggulo ng istorya. Nakakalungkot.
Bagong sakay: ....
Lalaking nagte-text: (Nagte-text pa din.)
Ako: Para po sa tabi.

Nangangatog akong bumaba. At ang dami kong naisip habang nakikinig sa usapan sa jeep na 'yon. Pwedeng tama sila, pwedeng hindi. Pero sabi nga, may dahilan lahat. At may dahilan kung bakit ganon ang paniniwala o opinyon nila. At sa pangyayaring 'yon, nabigyan ako ng dahilan para mag-iba ng routa sa pag-uwi.



Sunday, June 17, 2012

Ganito At Ganyan.

Hindi talaga minsan lilipas ang isang araw na hindi ka makukunsumi. At madalas, pare-parehas lang naman ng mga dahilan kung bakit. Hindi mo minsan mawari kung nataon lang, o sinasadya na. Mayroon din namang mga bagay-bagay na pwede pala, pero mas pinipiling hindi na lang gawin. Isang katamaran o walang kadisiplinahan? Ang daming dumadahilan, ang daming sinasabi. Pero ang iba, kibit balikat na lang, yung iba taas kilay pa.
Sa LRT1 at 2, pati sa MRT.
Bakit mas malaki ang tren ng LRT 2 kaysa sa LRT1 at MRT kung mas marami namang mas sumasakay dito? Bakit sa MRT nagagawang sumunod sa pila ng mga pasahero (kahit paano) pero sa LRT 1 sarap manapak sa sobrang garapal maningit. Bakit ang daming bulgar na manyak sa LRT 1, e sa MRT nga kaya naman sumimple ng hipo. Buti pa sa LRT 2, madalas parang wala lang, pwede ka pang mag-tumbling.


Sa jeep.

Wow! Parang model lang ng shampoo, teh! Ang kati mo sa mukha, pramis! Hindi marunong makiramdam o sadyang nagmamaganda lang talaga? Tandaan, hindi lang ikaw ang nag-iisang pasahero. At hindi lahat nagtutuwa sa hinahanging buhok mo.

Kung ayaw mong mag-abot ng bayad, wag kang uupo sa likod ng tsuper. Minsan ang nakakainis pa, titignan ka lang hanggang sa mangawit kili-kili mo sa inaabot mong bayad. Kahit i-megaphone mo pa ang salitang PAKI ABOT PO, sorry deadma lang talaga.

Mayroon ding wagas makabukaka at makapanakop ng upuan. Ano, tatlo ang binayad? May pagkakataon ding halata namang isang pisngi lang ng pwet mo ang nakaupo, e ayaw pang umusod. Sarap i-leglock!

Tapos etong si Manong driver sasabihing sampuan kahit siyaman lang naman talaga ang kapasidad ng jeep nya. Aguy, sakit n'yo sa peklat! At idagdag mo pa ang 'kulang ang bayad' mo kahit araw-araw mo namang byahe 'yon. Isasagot pa sa'yo na ang tagal tagal na daw nilang nagbabyahe na ganoon ang presyo ng bayad. Eh Manong, ako din po.. araw-araw ako nagbabyahe, pare-parehas lang pamasaheng inaabot ko. Taga saan ka 'nong?

Sa FX.

Lahat gusto umupo sa may bukasan ng pinto. Lalo sa sevice van, ang daming ayaw sa may dulo kahit na terminal-to-terminal naman ang sakay at baba niya. Kaya imbes makaalis na, tatagal pa sa kaartehan. Tapos sisimangot kapag yung pina-upo nila sa likod ay baba bago mag terminal. Eh, ginusto n'yo yan eh.

Hindi naman sa pagrereklamo, pero dahil pare-parehas lang naman tayo nagko-commute, pakiramdaman naman. Wag puro pakapalan ng mukha. Hindi pa ako bihasa sa ganyang laban e. Okay?

Sunday, March 18, 2012

Peso vs. Piraso

Tatlo, isang daan. Apat, piso. Tatlo, one fifty. Sampung piso tumpok. Ilan lang yan sa mga alam nating palitan sa pagitan ng kung ilan at kung magkano. Patas naman, di ba? Pero minsan nagrereklamo pa, o kaya tatawad ka pa. Syempre gusto mo masulit ang bawat halaga ng pisong ibabayad mo. E ang isang libo piraso kapalit ng P75? Nako kahit ballpen yan matutuwa ako.. P75 lang may kapalit ng isang libong piraso. Pero ano ba talaga ang kapalit ng P75 na ito?

May nakilala akong isang ina sa Lungsod ng Maynila. May tatlong anak at biyuda. Bago pa man pumanaw ang kanyang asawa, hindi na lingid sa kaalamanan ng iba ang pagpupursigi nila sa buhay upang matustusan ang bawat gastusin sa bahay at sa kanilang mga anak. Kaya't nang pumanaw ang kanyang Mister, hindi lang doble kundi triple kayod na ang kanyang ginawa. Maraming raket na sinubukan, halos araw-araw.


Sa ngayon, nagtutupi siya ng mga
popcorn box. Noong una naisip kong ang dali lang para kumita, magtutupi ka lang at may kapalit na itong pera. Pero noong nalaman ko yung halaga kada ilan, parang nalungkot ako. P75 para sa isang libong piraso. Makakabili ka ba ng bigas, ulam at mapapabaunan mo na ba ang mga anak mo sa halagang ito? Ang hirap mag-budget.


Kapag nanonood tayo ng sine, kakabit na ito ang pagkain ng popcorn. Pero pagkatapos, itatapon lang din. Hindi naman sa sinasabi kong itago mo ang pinagkainan mo, parang may mali lang. Hindi ba pwedeng taasan ang presyo kada pirasong magagawa ng mga lalagyan na ito. O kaya babaan ang kailangang piraso kapalit ang iilang pisong pagkakasyahin sa pamilya.

Masasabi mo bang mahirap na talaga ang buhay sa ating bansa, o sadyang hindi lang patas ang mga o iilang nakatataas sa lipunan?

Pagtutulungan nilang mag-iina ang pagtutupi para sa loob ng bente kuatro oras, higit pa sa inaasahang
seventy five pesos ang makukuha nila. Sa una, mararamdaman mo ang pananakit ng likod at kamay.. minsan pati ng mata. Pero dahil na rin siguro sa makakasanayan mo na lang ito sa pagdaan ng araw, balewala na lang lahat ng mararamdaman mo, makaabot ka lang sa quota mo.

Sa gitna ng panghihinayang ko sa mga tinatapong
popcorn box matapos itong kainin, bibili pa din ako nito kahit hindi ako manonood ng sine, dahil sa ilang kababayan nating nais kumita sa malinis na paraan, ang paggawa nito ang kanilang ikinabubuhay.