Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Friday, May 6, 2011

Kwentong Chalk: High School Edition.

Kwentong Chalk Part II, ang pagpapatuloy . . . .



Mula sa Sta. Cruz, nagpatuloy ako ng sekondaryo sa San Rafael, San Miguel malapit sa Mendiola. Sa dinami dami ng mga pampribadong paaralan doon, sa nag-iisang pampublikong paaralan ako pumasok, dahil sa Operation Big Brother Program nila na nakita ng nanay ko.

Operation Big Brother (OBB), mga mag-aaral na tinutulungan ng mga kawani ng De La Salle University. May libreng libro, school supplies, advanced lessons at marami pang mga opurtunidad. Naging maswerte ako nang makapasok ako at napabilang sa top 80.

First day ng klase, flag ceremony katabi ang nangungusap na amoy ng trak ng basura. Klase sa di kagandahang classroom, at tagaktak na pawis dahil sa fresh air na facility. Masasabing kalait-lait pero hindi ko nalalamalayan, unti-unti na akong binago ng paaralang ito.


1st Year High School.
Hindi ata uso sa school namin ang class picture, o hindi lang kami ganun ka-aware. Favorite subject? Algebra. Akalain mong nahilig ako sa math, sabi naman kasi e, madali lang ang mathematics. ☺ At sumunod don ay ang Filipino, Ibong Adarna. E sino ba namang hindi mahihilig sa mga matatalinhagang salita?

Naging masaya ang buhay high school ko. Kahit na may dalang pressure ang mapabilang sa OBB class.

  • Mga Tumatak na Alaala:


2nd Year High School.
Naglalagas ang mga mag-aaral, mula sa 80 halos naging 60 na lamang kami. Maraming expectations, pero kakayanin. Patatagan ang labanan, pero para sa mga sumuko, hindi namang nangangahulugang talo na. May mga bagay lang talagang mas magandang bitawan kung alam mong hindi ka para sa bagay na yon.

Bagong adjustment nanaman para sa akin dahil sa pagkakalipat ko ng section. Pero hindi naman ako nahirapan dahil hindi naman mahirap pakisamahan ang mga bago kong kamag-aral. Tulungan, damayan, ika nga, 'friendly competition' ang meron sa amin. Grupo-grupo man ang barkadahan noon, nagkakasundo pa din ang lahat, nagkakaisa. Swerte ko sa mga nakapaligid sa aking mga tao. Swerte ko sa mga gurong naging bahagi ng pag-aaral ko. Swerte ko sa paaralang bulok kung tawagin ng labas lang ang nakikita. Swerte ko sa OBB kahit halos langit ang expectations ng mga guro mo. Swerte ako, sa mga kaibigang nakilala ko. ☺


Seven ng umaga hanggang 7pm sa school? Minsan minuto lang ang break. MASAYA. Hindi matatawaran ang lahat ng naranasan ko at natutunan ko. Malaki ang pasasalamat naming lahat sa mga oras na binuno namin sa school. Sabayang pagbigkas na umaabot hanggang madaling araw sa Freedom Park. Mga trainor na walang patawad sa parusa kapag nagmali ka. Pero MASAYA! Walang kasing saya. Ito na ang bumuo ng High School days naming lahat. Ang matuto hindi lang sa apat na sulok ng kwarto sa loob ng paaralan kundi maging sa malawak na mundo ng Mendiola.



  • Freedom Park
  1. Lugar kung saan unang nawala ang unang cellphone ko. At dito na nagsimula ang pagkakasunod-sunod ng pagiging lapitin ko sa magnanakaw at mandurukot. Saklap!
  1. Kung saan mas lalong nagkakakulay at nabibigyang interpretasyon ang mga pyesa ng mga Sabayang Pagbigkas.
  2. Saksi sa suntukan, tawanan, iyakan, pagmamahalan ng mga Mapans. (Luneta e.) ;)
  3. Masisislayan niyo dito ang MalacaƱang.

  • Mga Tumatak na Alaala:



3rd Year High School.
Hindi ko malilimutan ang walkathon mula sa old building papuntang new building. At bago ka makarating sa kabilang gusali, matutukso ka muna sa mga madadaanan mong kainan at computer shop. Matatag ka ba sa tukso? E sa amoy ng tubig na may basura galing sa Ilog Pasig, kaya mo?

Unang subject, umagang umaga, amoy ng Ilog Pasig ang makakasama mo. Pero minsan maitatanong mo, anong dahilan ng pagtatakip namin ng ilong? Dahil ba sa amoy ng Ilog? O sa natatawa o nangingiting labi dahil sa umiiyak na kili-kili ng maestra namin? Hindi kami salbahe, pilyo't pilya lang.

Sabayang pagbigkas na hindi namin mabitawan kahit pagod na sa Acads. Dahil kahit ginagabi o inuumaga kami, masaya kaming uuwi, at mas lalong tumatatag ang samahan naming lahat.


Marami pang pagsubok ang yumanig sa aming samahan. Pag-aaral, pagkakaibigan, pag-iibigan, pikunan, trayduran at kung anu-ano pa. Pero natapos at umabot pa ng ika-apat na taong pagsasama. Kahit mula sa dalawang section, ngayon naging isa na lang. Lagasan nga, di ba? Kaya kung tignan kami ng iba, GC o grade conscious, minsan masungit pa. Hindi na namin minsan alam kung paano pa gawin ang mga dapat gawin sa loob ng 24 oras. Kaya minsan, on-the-spot ang reporting. Saluhan kung may magkamali. Takpanan kung may pagkukulang. Hindi masaya ang pag-angat kung ang mga kasama mo lubog at malungkot. Maraming kalokohan na hindi malilimutan, na hanggang sa pagtanda ata, tatawanan mo.

Kanya-kanyang code name sa mga guro mo. Andyan si rexona, si kabayo, si Madeline at iba pa. May kanya-kanyang trademark din sila paningin namin. Ang saging sa Geometry teacher, xerox sa MAPEH, at kung anu-ano pang mapupuna.

Nasubukan ang katatagan ko sa aking pag-aaral. Minsan hindi ko alam kong sa pagkakataon lang o sadyang nawawalan na talaga ako ng gana. May ilang subjects na hindi ko na papasukan, walang gana sa mga exam at pagbabalewala sa salitang'pag-aaral'. Pero andyan ang mga kaibigan ko para ipaalala na simula pa lang ito, may Kolehiyo pa! Inuntog nila ako sa reyalidad at tinulungang yakapin ito. Inakay at tinulungang bumangon a pagkakadapa. Salamat mga kaibigan! Kayo ang kayamanan ko. ♥

Science Month. Napagtripan nanaman ako at nalagay sa alanganing sitwasyon. PAGEANT nanaman. Kung hindi ako sasali, ibabagsak kaming lahat sa Chem. Posible ba yun? Posible man yun o hindi, wala naman akong nagawa. Nanay ni Barry ang gumawa ng recycled gown ko. Yun kasi ang tema. At ang korona, nasa kaklase ko, kaya dapat, nasa section pa din namin ang korono, kailangan kong ipanalo ang pageant na yun. Sa pagkakataong ito, confident ako! At alam ko maraming sumusuporta sa kin na hindi ko dapat sayangin at tiwalang 'di ko dapat masira. Masarap pakinggan at makita na maraming pumapalakpak sa iyo. Lalo noong nasagot ko ng maayos at maganda ang tanong sa akin sa Q and A. At alam ko, ako ang pinakamagaling sumagot noong pageant iyon. Dahil ako lang ang pinalakpakan ng Principal at Head ng Science Department noon. Bihira yun. ;) Sinabihan na din ako ng congrats ni Ronald dahil siya ang nakakakita ng resulta. Sumesenyas pa siyang sa akin niya iaabot ang bonggang bulaklak.

"Our Ms. Science for this School Year......"

Lumapit na nakangiti sa akin si Ronald habang inaabot ang bulaklak, pero hindi pangalan ko ang tinawag. Hindi na namin alam kung bakit nagkaganun. Hindi lang siguro para sa akin ang koronang iyon. Hindi naman din korona ang batayan ng pagkapanalo mo. Mali man o tama ang naging pagtawag sa nanalo, alam kong panalo ako sa puso ng mga kaklase ko. :))

  • Mga Tumatak na Alaala:


4th Year High School.
Alam ko hindi ko kayang ilarawan sa salita ang buong 4th year. Matagal lumilipas ang araw, matagal ang pag-ikot ng oras. Pero walang bahid ng pagkainip o pagmamadali, dahil gusto pa nga naming pahabain ang taong ito.Mas maraming aral at pagngiti. Mas maraming pagsubok at punyagi.

Isang buwang magiging ina at ama sa mga itlog na bihisan at binigyan ng pangalan. Ang anak ko'y si Nicole. Proyekto namin yan sa Values Education.

First time kong ma-principal dahil sa artikulong sinulat ko para sa aming School Newspaper. At kung hindi iyon tatanggalin, hindi din iyon pwedeng iimprenta. Aral?
  • Paninindigan. Ang sinulat ko'y isang katotohanan tungkol sa pagiging estudyante. Isang artikulong naglalaman at naghahayag ng isang pagiging Mapan.
  • Tapang. Sa pagharap sa lahat ng taong hindi naniniwala sa iyo. Pagbabatikos sa iyong kakayahan, sa iyong talento at sa mga bagay na nakikita mo -- tunay na nakikita mo. Panget man ito o maganda.
Para sa guro ko, walang masama sa sinulat ko, kaya nalathala ang huling dyaryong batch namin ang sumulat. ☺

May grade pa lng 40? Oo, sa card. HAHA.

Isang section na lang kami ng OBB ngayon. The Survivors.


OBB. Para sa iba ito ang kahulugan niyan:
  • Mga hambog!
  • Masusungit.
  • Grade Conscious
  • Mapili sa kaibigan
  • Pa-bida
  • Mortal na kaaway
Hindi namin alam kung bakit ganito ang pagkakakilala sa amin ng ibang estudyante. Kaya bago kami magtapos, gumawa ako ng article sa dyaryo ng aming School Paper na naghahayag ng aming istorya bilang OBB. Siguro. isa nga itong pagtatanggol sa aming mga sarili.

Mga Natutunan at Hindi Malilimutang Sandali:
  • Maraming nabubulag sa pera, kaya't maraming tao ay ginagamit ang pera maging masaya, kahit sandali lang.
  • Make friends. Sila ang magiging tagumpay mo.
  • Magkaiba ang pagpapahinga, sa pagsuko.
  • May mga bagay na kinakailangan ng matinding pag-iisip. Hindi lang isa o dalawa, maraming pag-iisip.
  • Huwag maging masyadong sensitive; huwag maging masyadong insensitive.
  • Huwag mong sabihing hindi mo kaya. Subukan mo muna!
  • Hindi dapat nasisira ang pagkakaibigan dahil sa lalaki. Tsk!
  • Tignan ang bagay hindi lang sa kung ano ang nakikita ng mata.
  • Huwag isuko basta-basta ang pagkakaibigan.
  • Huwag hintayin ang paraan, gumawa ka!
  • Huwag humanap ng dahilan para sumuko, humanap ng dahilan para lumaban.
  • Mahalin ang magulang.
  • Ang friendster ay nakakasira ng schedule.
  • Ang condom ay may iba't ibang flavor.
  • Hindi nakakadiri ang palaka, lalo't kapag hiniwa mo na ito. ☺
  • Huwag mag-blush kapag tinawag ka ng crush mong intern, baka himatayin ka. ♥
  • Ang mga manyak ay nasa paligid lang. Huwag magpapagabi sa daan.
  • Huwag gawing tubig ang redhorse. Nakakaantok.
  • Huwag maliitin ang Gin. Baka hindi ka na magising.
  • Ang lugaw ang sagot sa hang-over. ☺
  • Hindi nasusukat sa panlabas na anyo ang kagandahan ng isang Paaralan. :))
  • Sa apat na taon, maaaring mabago ang buhay mo.
  • Ang makasaysayang pagkapanalo sa Sabayang Pagbigkas. (Huling pagsali. Unang pagkakataong nagsabayang bigkas na nakasapatos)

  • Journalism Class kay Ma'am Aviles at Ma'am Almendarez.
  • JS Prom 2006.

Hindi dito magtatapos ang lahat, dahil maraming pang daan ang tatahakin, magkakasama man o hindi. Tuloy pa rin ang kalokohan, hindi pa tapos ang mga pagkakaibigang nabuo....



Ipagpapatuloy. . . . .


Abangan . . .
Habang tumatagal, palayo ako ng palayo. Mula Sta. Cruz, napunta sa Mendiola. Ngayon, nasa Sta.Mesa na ako. Sa totoo, ayokong mag-aral sa Unibersidad na ito. AYOKO. Pero dito ako nakapasok. Siguro may dahilan, may misyon akong dapat gawin....

No comments: