Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label lumabong pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label lumabong pag-ibig. Show all posts

Monday, May 13, 2013

Tayo: Big Word.

Ikaw At Ako.

May ikaw at ako, pero walang tayo. Umaasang meron pa, pero sadyang hindi na mababago. Maraming kumento ang mga kaibigan. May nangangaral, tamang nagpapayo lang, nakikisipatya kuno, may galit na sobrang apektado, at merong 'ah.. okay.'
  1. Wag daw magsasalita ng tapos, dahil wala daw nakakaalam ng pwedeng mangyari sa hinaharap.
  2. Malay mo kayo pa din sa huli, kailangan nyo lang magkahiwalay para sa sinasabing 'growth' at 'maturity.'
  3. Hayaan na. Ibig lang sabihin na hindi kayo para sa isa't isa.
  4. Wag sumuko. Malay mo, binubuo niya sarili niya para din sa'yo.
  5. Hayaan mo lang mapagod ang sarili mo, hihinto ka din.
  6. Tanggapin mo ng wala na.
  7. Wag maging tanga. Madaming pwedeng ipalit.
  8. Sabi ko na eh, pare-parehas lang sila.
  9. Hay.. sayang.
  10. Kung mahal mo pa, ipaglaban mo.

Oh well, papel. Sana lahat ng bagay pwedeng gawing batayan ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sa lahat ng pagkakataon pwedeng gawing rason ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sapat na pagmamahal na lang... period. Pero hindi.

Pero paano nga kung kayo pala talaga tapos sinukuan mo lang. Paano kung may pag-asa pa pala pero hindi mo na sinubukan. Paano kung babalik pa talaga pero hindi mo na hinintay. Paano?

Marami ang takot, kaya marami din ang malungkot. Takot bumitaw kahit yun na ang dapat gawin. Takot daw masaktan ulit, pero sa ginagawang pag-iwas doble ang sakit na nararamdaman. Self-inflicted pain.. hindi ba pwedeng self-inflicted kilig na lang?
 
Mayroong iba na todo ipaglaban na baka sila pa din talaga. Kasi daw single pa din kayo pareho. Pero kasi, may mga pagkakataong tayo na lang ang nagpapaasa sa sarili natin. Mga sarili na lang natin ang pumipilit, pero sa kahit anong anggulo mo tignan, wala na talaga eh.

Mayroon ding sobra ikulong ang sarili sa nakaraan, tapos mag-e-emote at magtataka na bakit ang tagal-tagal ng panahon eh nasasaktan pa din. Ang daming panahon ang sinasayang na imbes maging masaya, hinahayaan ang sarili na maging tanga. Mahalin natin ang mga sarili natin, para mahalin din tayo ng iba. Lahat naman ay nagsisimula sa mga sarili natin. Hanap tayo ng hanap sa iba, yun pala sa sarili lang natin makikita.

Mayroon din na halos isemento ang paligid, maproeteksyunan lang ang sarili sa sinasabing "hindi pwedeng emosyon." At mayroon din namang okay ka na, moved on ka na, pero ang mga tao sa paligid mo ang hindi maka-move on sa nangyari sa'yo. Pamilyar na tayo sa linyang: "Paano ka namin matutulungan kung mismong sarili mo ayaw mong tulungan." Pero sana alam din natin ang linyang: "Paano ko lubusang matutulungan sarili ko kung yung mga taong gusto akong maging okay, ay hindi naman naniniwalang pwede akong maging okay." Konting kibo't kilos, iuugnay at iuugnay sa mga bagay na hindi naman na dapat. Friends, move on, move on din pag may time. :) Nakaka-jejemon. Jejeje.

Oo, hindi naman madaling makalimot sa mga bagay na napasaya ka. Pero kasi, hindi naman dapat kalimutan 'yon. Nakaraan mo 'yon.. sabihin man nating hindi naging maganda ang resulta, eh marami ka namang babauning aral. Ang mahalaga ay makita mo ang saya sa sakit, ang ngiti sa mga luha, at aral sa mga pagkakamali. Naalala ko yung nabasa ko noong isang araw, "Kung nadapa ka ng siyam na beses, bumangon ka ng ika-sampung ulit."Okay lang umiyak, basta't alam mo kung kailan ka hihinto. Naramdamam mo mang hindi ka na buo, darating ang panahong mabubuo kang muli. Wala namang hindi nahihilom ng panahon.. basta't hindi mo hahayaang bulukin ka ng sakit. At kasama ng lumilipas na panahon, gumawa ka ng paraan para tuluyang mawala ang langib. Minsan mas magandang hindi mo lagyan ng band aid, makakahinga yung sugat.. mas mabilis gumaling.
 

(Larawan mula sa google.)

Friday, February 10, 2012

204:335 May Sasabihin Ako.

Ilang araw ang lumipas na dala-dala ang agam-agam. Ilang gabi ang pinalampas na kimkim ang isang kapasyahan. Nguni't isang gabi'y dumating na ang alam mong dapat ng maganap. Gabing babasag sa ilang araw na walang pag-uusap. Dumating na may hapunan nang nakahain sa hapag. Kita'y nilapitan at hinawakan ng mahigpit sa kamay. Mata sa mata, sinambit kong "May kailangan akong sabihin sa'yo." Walang salita, umupo lang siya at ngumiti, kahit sa mga mata niya'y lungkot ay hindi maitatanggi.

Gustong umurong ng aking dila, nguni't kailangan masabi ang nasa diwa. Sampung taong relasyon ay gusto nang putulin, gusto nang wakasan, gusto nang tuldukan. Malumanay kong sinabi ang nasa gunita. Iyon ang ating panghimagas noong gabing iyon. Imbes pagtaasan ng boses at hagulgulan ng iyak, mahinahon akong tinitigan at tinanong ng "Bakit?" Iniwasan ko ang tanong na nag-udyok sa kanya na magalit. Gusto niya ng dahilan na hindi ko naman alam kung paano sasagutin. Alam kong gusto niyang alamin ang problema at gawan ng paraan, gusto niya itong ayusin. Pero hindi ko na kayang sabihin pa ng harapan na sa kanya'y wala ng pagmamahal sa nadarama.

Sa kagustuhang matapos na ang usapan, sumulat ako ng kasunduan sa aming paghihiwalay. Sa kanya ang kotse at bahay na aming naipundar; sa kanya na din ang ilang porsyento na aming naipon sa lagakan ng pera. Matapos mabasa, pinunit niya itong umiiyak sa aking harapan. Hindi na ako nagulat. Inaasahan ko na marahil na ganoon ang magiging reaksyon niya.

Matapos ang gabing iyon, lalong naging malinaw sa akin ang nilalayon kong pakikipaghiwalay. Ang taong nakasama ko ng sampung taon, ngayo'y tila hindi ko na kilala. Malalim na ang gabi sa tuwing ako'y umuuwi. Walang pansinan, walang tinginan, hindi na kami nagtatabi. Isang umaga sinabi niyang pumapayag na siyang makipaghiwalay. Nilatagan niya ako ng ilang kundisyon na isinulat niya sa papel. Hindi niya hiniling ang kotse, bahay o salapi. Kundi ang isang buwang pagpapanggap para sa aming nag-iisang supling. Gusto niya kaming manatiling masaya sa mata ng aming limang taong gulang na anak. Sumunod dito'y ang buhatin siya tuwing umaga mula sa kwarto hanggang sa aming bakuran bago kami pumasok sa trabaho. Tulad ng pagbuhat noong kami'y bagong kasal pa. Kabaliwan ito kung sa isip niya'y maaari nitong ibalik ang masaya naming pagsasama. Sinang-ayunan ko na lang ang kanyang kagustuhan. Isang buwan ay mabilis lang naman ding lilipas.


Kinabukasan, sinimulan ko nang bilangin ang isang buwan: magpanggap sa aming anak at ang kabaliwan niyang uma-umaga siyang buhatin. Kumikirot ang puso ko sa tuwing nakikita kong kilig na kilig ang anak namin. Pikit mata na lang akong ngumingiti dahil alam kong ito'y isang kasinungalingan lamang. Lumipas ang araw na kasama na ito sa aming sistema. Nawawala na ang ilang, humihigpit na ang kapit at tila nawawala na ang pagpapanggap. Naaamoy ko ang pabango niyang dati'y gustong-gusto kong amuyin. Nararamdaman ko ang hawak niyang dati'y gustong-gusto kong damhin. Kelan ko nga ba huling natitigan ang taong ito? Ang tagal nang itinakbo ng aming relasyon. Sa dami ng ibinigay niyang pagmamahal, paano ko nasabing sa kanya'y wala ng pagsinta? Natigilan ako. Anong ginagawa ko sa taong sampung taon akong minamahal at inaruga?

Sa mga sumunod na araw, madalas na akong napapatitig sa kanya. Napapansin ang kilos at pananamit niya. Bigla-bigla, tila bumabalik ang mga alaala noong unang taon ng aming pagsasama. Magiliw ko na siyang binubuhat at nangingiti sa tuwing nagbabanggaan ang aming mga tingin. Hindi ko na napansin na isang buwan na ang nakalilipas. Ang tagal ko siyang pinagmasdan at tila ayoko na siyang bitawan sa pagkakabuhat. Nasabi ko na lang na ang tagal pala naming hinayaan na mawalan kami ng oras sa isa't isa. Hinayaan naming wala nang naglalambing, naging steady, inakalang damdamin ay natutuyo na. Tinignan lang din niya ako, nginitian at nangilid luhang nagpasalamat sa pagtupad sa isang buwan naming kasunduan.

Habang papasok sa trabaho, napagtanto kong mali ako sa ideyang hindi ko na siya mahal. Nagkamali ako sa hingin ang aming paghihiwalay. Oo, naging malungkot ang ilang yugto ng aming pagsasama, nagkaroon ng pagkukulang at hindi pagpapahalaga... na dapat inaayos at lalong pinatatatag ang sumpaang binitiwan sa harap ng dambana. Umuwi akong may dalang paborito niyang bulaklak na may kalakip sulat:
Kita'y aking bubuhatin uma-umaga hanggang sa ating pagtanda.
Bisig ay 'di mapapagod kahit tayo'y maging ugud-ugod na.
Patawad, Oh, aking sinta!

Walang hinto sa pag-iyak ang aming anak. Siya nama'y walang malay na nakahiga, hindi na humihinga. Iyan ang naabutan ko sa aking pag-uwi. Huli na ako. Ilang buwan na din pala niyang nilalabanan ang kanyang malalang sakit. Parang nalanta ang hawak kong mga bulaklak. At kahit isigaw ko, hindi na niya maririnig ang sasabihin ko.

Wednesday, December 14, 2011

The Boat is Sinking.

Halos isang taon ang lumipas. Isang taong madaming pagbabago. Natutunan ko ulit maging masaya sa kabila ng mga di magagandang nangyari. Maraming masasayang alaala ang nabuo. Maraming di inaasahang pangyayari ang naganap. Maraming bagay ang gumulat na nagmulat muli sa akin na ipagpasalamat ang lahat na mayroon sa kasalukuyan.
Isang ordinaryong araw. Nakakulitan bigla ang isang ka-eskwela noong hayskul. Ito nanaman - biglaan, hindi inaasahan - bakit ang hilig ko sa ganitong eksena?
Araw-araw. Hindi makukumpleto ang araw na hindi siya nakakausap. Napapangiti na niya ako sa di ko mawaring dahilan, napapasaya. Naririnig ko na lang minsan ang aking sarili na kinukwento siya sa aking mga kaibigan. Nawawala ang kunot sa aking noo kapag nadidinig ko boses nya. Kwentuhang hindi na namin napapansin ang oras. Alam ko, gusto ko siya. At matapos ang mga di kasiguraduhan sa buhay ko, ngayon lang ulit ako naging sigurado ulit. Siya si Kevin, ang lalaking di ko inaasahang magtuturo sa akin magtiwala muli.
Sweet kami sa isa't isa. Masaya kami. May 1st month, 2nd month, 3rd month at 100 days. Nararamdaman ko ulit yung kilig, yung ngungiti mag-isa, yung magmahal ulit. Oo, gusto ko siya maging boyfriend. Gusto ko maging kami. Hanggang di inaasahang nagkita kami ni Jordan.
Masaya akong nakita ko ulit si Jordan. Maganda ang nabuo naming pagkakaibigan kaya siguro wala kaming ilangan sa isa't isa kahit pa naghiwalay kami bilang magkasintahan. Nasundan ang pagkikita ng isa at dalawa pa. At sinabi niyang gusto niya akong bumalik sa buhay niya. Hindi ako nakatulog noong gabing 'yon. Matagal kong hiniling na bumalik sa akin si Jordan. Ang tagal kong naghintay na dumating ang araw na ito. Alam ko wala ng dapat timbangin, wala na dapat piliang mangyari pero sabi ng isang kong kaibigan, kung gusto ko talaga si Kevin kailangang putulin ko ang koneksyon ko kay Jordan lalo ngayon sa sinabi niya. At kung bumalik man ako kay Jordan, masasaktan ko si Kevin na nagpasaya ulit sakin. Binigyan ko ng oras ang sarili ko makapag-isa. Hinanda ko ang sarili ko sa kung anong pwedeng mangyari matapos ang desisyon ko. Sinabi ko kay Kevin na kailangan ko mag-isip, pero di ko binanggit ang tungkol kay Jordan.
Mabilis na lumipas ang araw. Naging abala na din ako sa trabaho na halos di ko man lang magawang mag-text. Halos di na din nagpaparamdam si Kevin. At patuloy ang panunuyo ni Jordan.
Naglambing ako kay Kevin, ng paulit-ulit pero parang wala. Kapag nakakapag-usap kami parang mauuwi lang sa pagtatalo, sa tampuhan. Anong nangyari? Kasalanan ko ba ito? Hiniling ko makapag-isa ng maikling panahon para sa aming dalawa. Maging sigurado na kaya ko na ulit ibigay ng buo ang sarili ko. At ngayong handa na ako, anong nangyari? Gusto ko ibalik yung dating kami na hindi naman ganun katagal na nawala. Naluluha na lang ako kapag naiisip kong ako din ang may kasalanan ng mga nangyayari.
Napag-uusapan na namin ang tungkol sa aming dalawa dati pa, kaya alam kong gusto din niya ako. Patuloy ko lang sinuyo at nilambing hanggang sa nalaman kong nagkabalikan sila ng dati nyang kasintahan.Hindi ito ang inaasahan ko. Hindi ako handa na ganito ang mangyayari.
Pinili ko siya, pero hindi ako ang pinili niya. Gaano kasakit yun?
Nangyari ang gustong-gusto mong mangyari, ang bumalik ang pinakamamahal mo pero naka-move on ka na, gaano kalungkot yun?
Di naman siguro sadya ang nangyari, kaya tinanggap ko kahit masakit. Gusto ko maging bitter, pero para san?
Panibagong sugat, na kahit hindi ganun kalalim ay mag-iiwan pa din ng marka.


Saturday, October 29, 2011

Hindi Na Ako Babalik!

Masabihang paasa na hindi mo naman alam na nakapagpaasa ka at maramdamang pinaasa ka sa isang bagay na importante sa'yo, ano ba ang mas masakit? O kailangan bang may MAS pa para may masisi? Parehas lang naman masakit. Parehas may suntok sa dibdib. Pero minsan tatahimik ka na lang, iiyak na lang.. kasi kahit anong paliwanag ang gawin mo, walang makikinig.. walang iintindi sa mga paliwanag mo. Laging sarili mo lang ang kakampi mo. Sasabihin sa'yong nakasakit ka, pero sana maisip man lang nila na mismo ikaw, nasasaktan din. Sana ang tao, marunong magpreno kahit minsan. Lalo sa mga bagay na hindi naman nila sigurado. Kumalat na ang balita na isa kang paasa, pero ikaw walang kamalay-malay.

Normal lang bang umasa? Choice naman natin lahat di ba? Hindi naman tayo robot o bagay na de kontrol para diktahan ang pwede mong ikilos o maramdaman. Kusa. Ginusto. Inisip. Naramdaman. Bakit sa kasemplangan ng buhay natin laging kailangan isisi sa iba?



**********

Sabi nya ganito, sabi niya ganyan. Sarap pakinggan, ang sarap paniwalaan. Wagas ang saya, kahit maliit na pag-asa, panghahawakan. Ganun naman di ba, lalo't kung gustong-gusto mo ang isang bagay. Walang pagdadalawang isip, minsan kahit mahirap, sugod lang ng sugod. Okay lang masaktan minsan, kung sa dulo naman mapapasa'yo naman din. Kaso bigla bigla, kung hindi mo man nakita, mababalitaan mo na lang. Umikot na ang balita. Nakakatanga sa pakiramdam. Para kang pinaikot, niloko, pinaasa. Gusto mong magtanong pero wag na lang. Gusto mong lumapit pero iiwas na lang. Para saan pa? Para mas masaktan pa? Para mas maramdaman na pinaasa lang pala ako sa wala? Para masabi sa sariling dapat hindi na lang naniwala?




**********

UMASA AT NAGPAASA -- patawad kung naging ako ang dalawang ito. Para sa mga taong sinasabing napaasa ko, patawad. Maniwala kayo't sa hindi, wala sa intensyon ko ang gawin ito. Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin, kundi patawad. At para sa mga taong umasa ako, hindi ko naman kayo sinisisi. Kasi sa huli, ginusto ko naman na gawin yun, na maramdaman yun. Pero patawad, kung may kaunting inis. Nasaktan din naman ako.

Dito ko tinatapos ang Oktubre ko. Sabay-sabay nating salubungin ang buwan ng Nobyembre na may pagpapatawad sa puso at bukas na kaisipan. Vamos! ☺





Wednesday, July 13, 2011

Inlab. LABo. laYO. Part III

Nagmahal ako ng hindi sinadya sa taong ipinaramdam din na ako'y may halaga. Nakita man ito ng ibang tao o hindi, alam ng Diyos at naramdaman ko na totoo ang naging pagmamahalan namin. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng relasyong alam kong maipagmamalaki ko at pwede kong ikwento sa magiging supling ko. Nabigyan ako ng pagkakataong maging inspirasyon ng iba dahil naging huwaran ang aming pagsasama. Binagyo man kami ng kung anu-anong issue pero nalagpasan namin ito ng magkahawak kamay at lalong minamahal ang isa't isa. Naranasan kong maipagmalaki sa mundo at maramdamang pinakamagandang babae kahit sa paningin lang ng isang tao -- sa taong mahal mo at mahal ka. Nalagpasan ko ang takot at natutong harapin ito dahil may isang taong naniniwala sa'yo -- siya. Minsan kasi, isang tao lang ang kailangan mong maniwala sa'yo.. okay na.. lalakas na ang loob mo. Napatunayan kong walang imposible sa isang masayang relasyon lalo't dalawa kayong "committed".. dalawa kayong lumalaban, dalawa kayong nagbibigayan at nag-aakayan.

Hindi lang naman pagmamahal ang bumubuo sa relasyong pinapangarap ng lahat. Kailangan din ng matinding pang-unawa, sakripisyo, bukas na pag-iisip, walang sawang pag-uusap, tiwala, pagkakaibigan, pagiging kontento at may patnubay ng Diyos. Hindi lang ito sa pagsisimula ng relasyon kundi sa araw araw ng inyong pagsasama. Ang matagal na relasyon ay nalalamatan ng dahil sa simpleng hindi pagkakaunawaan; nagwawakas dahil sa simpleng pagpapabaya.

*************************

Kahit ayoko, pinli kong lumayo. Binitiwan ko ang isa sa mga pinakaiingatan kong mawala. Niyakap ko ang katotohanang hindi na namin maibabalik ang dati naming pagsasama. Lumayo ako para sa mas ikabubuti naming pareho. Tinulungan ko ang sarili kong bumangon ulit at lumakad na ng pasulong. Lumingon man ako, sinanay kong ipikit ang mga mata ko kapag nararamdaman kong hinihila akong pabalik sa'yo. Binigay ko sa utak ko ang mga pagdedesisyon habang pinapagaling ko ang puso kong bugbog sa sugat at sakit. Binuksan ko ang mga mata ko sa reyalidad at sa lahat ng posibilidad. Oo, minsan naliligaw sa mga panalangin ko na bumalik ang pagmamahalan namin. Pero hindi na tulad ng dating ipinipilit kong ibigay ang hiling ko kahit maging awa na lang ang maging rason niya. Natutunan kong mahalin ulit ang sarili ko at maging masaya kahit sa simpleng mga bagay. Naging matagal ang proseso bago ko ulit nabuo ang sarili ko. Sa paunti-unting hakbang, nakikita ko na ulit na masaya na tignan ang mga mata ko.. na totoo na ang ngiti na nakakurba sa labi ko. Magaan na ang lahat. Makita man kitang may kasamang iba, walang kaplastikan akong ngingiti at sasabihing masaya ako para sa inyong dalawa.


Kapag naririnig ko ang kanta natin, hindi na ako nalulungkot. Ang naiisip ko, minsan sa buhay ko, naging masaya akong kinakanta ang kantang yon kasama ang taong minahal ko ng sobra. Ang pagmamahalan natin, ang naging labuan at ang paglayo ko ay naging magandang kabanata sa istorya nating pareho. Mas nakilala ko ang sarili ko at nalaman ang mga bagay na kaya ko pa lang gawin.

Walang kalimutang nangyari, at walang mangyayaring ganon. Mananatili ka, tayong isang masaya at magandang alaala ng nakalipas. Magiging aral at gabay ang lahat para sa taong nakalaan talaga para sa ating dalawa. Ang huling hiling ko na lang ngayon para sa'yo ay nawa'y naayos mo na ang gulo sa iyong sarili. Sa huli, magiging magandang inspirasyon tayo sa iba.

Salamat!



Inlab. LABo. laYO. Part II

Ang pagpapatuloy...


Gabi. Umuulan. Isang ordinaryong araw na tatatak sa isip ko.

"Hi!"

"Hello!:)"

"Kamusta ka?"

"Ayos lang! Ikaw?!

"Okay lang din."

"Good to know you're okay. Hows your day, baby?"

"We need to talk!"

"We're talking, aren't we?"

"A real talk, I mean."

"Ano ba 'to, joke?"

(yamot...)

"Hmm.. matagal ko na 'tong pinag-isipan..."

"Ako din, ang dami kong napag-isipan lately.."

"Really? About what?"

"About us. :)"

"So, ikaw din pala."

"Yeah! Ayoko na ng ganito, baby..."

"Ayoko na din.. Kaya napag-isipan kong friends na muna tayo."

"Whhaa-whaaaattt? What do you mean by that?"

"Friends. No committment. But we could still hang-out together. And besides, sabi mo naman, ayaw mo na din ng ganito. Ang gulo na.. ang labo na."

"Right! Ayoko na ng ganito tayo, so I was thinking of making things new again. Aayusin natin.. SANA. Magsisimula ulit tayo. Pag-uusapan ang mga dapat pag-usapan."

(silence...)

"Mahal mo pa ba ako?"

"Oo naman. Hindi naman na mawawala yun."

"Gaano kamahal?"

"Hindi ko na sigurado..."

"Kailan pa?"

"Medyo matagal na."

"Ng hindi ko alam? Sana sinabi mo sa akin para hanggang ngayon sigurado ka pa. Para alam ko ngayon kung paano ako lulugar..."

"Ayokong masaktan ka!"

"Tengene naman! Ano feeling mo ngayon.. nagtatatalon ako sa tuwa?"

"Sorry... Ang gulo ko na din kasi. Kailangan ko ayusin sarili ko."

"Okay.."

Okay? At iyon lang ang nasabi ko? Seryoso? Well, oo. Yun nga lang ang nasabi sa dinamiraming gusto kong sabihin, okay lang ang naging ending. Ganun natapos ang gabi naming pareho --sa salitang okay. Hindi ako umiyak at hindi ko nakita o nalaman kung naiyak ba siya. Parang ang gaan ng lahat.

Helllllloooooooo?! wala nang "kayo!"

Yan ang paulit-ulit na nadidinig ko. Oo na.. Oo na!!

Kinabukasan, wala na akong kiss sa noo o beso man lang. Wala nang kumikindat o pabirong bumabatok sa akin. Anyare? I thought I was just dreaming last night. :( Then and there, tsaka ko naramdaman yung sakit. Nagsi-sink in na lahat. Gusto kong sumabog, gusto ko magwala at mainis sa sarili ko kung bakit okay lang ang nasabi ko.

"You look so sad. What happened?"

"Naiihi kasi ako. Samahan nyo nga ako sa CR."

"Di nga??"

"Sa CR na please? Di ko na kaya magpigil e.."

At habang naglalakad sa hallway.. umiiyak ako. Ayoko talaga ng ganung eksena. :/

"Ano ba nangyare sa'yo?"

"Wala na kami! :'("

(shocked...)

"For real? BAKIT???"

"Hindi ko alam. Hindi ko na alam. Ang sakit pala. Ang sakit sakit!"

Bakit kapag nanliligaw, kailangan ng matinding approval para maging kayo. Kailangan mutuan decision palagi. Pero bakit kapag hiwalayan na, kahit isa lang ang magdesisyon, kahit ayaw mo, mag-aapprove ka. Not fair. :(

*************************

Mula noon, ninamnam ko ang sakit. Hinayaan kong makita siya na unti-unting lumalayo, habang ako nakahawak pa din sa nakaraan. Nasaksihan ko kung paano siya bumubuo ng bagong mundo na hindi na ako kasama, samantalang ako, hindi ko maiwan iwan ang mundong kasama siya. Nakita ko siyang tumawa habang ako, hirap na hirap ngumiti. Sulong siya ng sulong samantalang ako, palubog nang palubog. Walang too late sa pagmamahal, kaya gagawin ko ang lahat --lahat-lahat-- para mabawi ko ang pesteng okay na yun, kahit alam kong marami nang nagbago. Name it! Lahat ginawa ko. Isa na lang ang hindi.. ang bitawan at palayain ang sarili ko. Nag-iiinom ako at nalasing. Alam ko namang hindi mababago ng pag-inom ko ang katotohanan, inililihis ko lang yung pag-iintindi ko sa nararamdaman kong sakit. Sa pagsakit ng ulo o ano pang epekto ng alak, nakakalimutan kong broken hearted pala ako.. kahit sandali.


Umaga, tanghali, gabi... hindi ko na napapansing lumilipas ang araw. Nagtago ako sa madilim kong kwarto. Hinayaan kong pasayahin ako ng ibang tao dahil nakakasawa ang pakiramdam na malungkot. Ngiti dito, ngiti doon.. pero makikita pa din malungkot ang mata ko. Hanggang nagpakalayo ako, dala ang mga katanungang hindi ko masagot sagot. Pero minsan, sa mga pagkakataong hindi mo inaasahan, sinasagot ka na lang ng Diyos. Binibigyang linaw Niya ang magulong mong utak.

Linggo. Huling misa ng araw na iyon. Umupo ako sa bandang gitna. Madalas, mag-isa lang naman ako magsimba. Tumitig ako sa altar at naluha. Para akong kinausap ng Diyos. Kinausap Niya ang puso ko. Nawala lahat ng bigat sa dibdib ko. Ang simple lang naman ng sinabi ko:

"Lord, yakapin Mo akong mahigpit. Tulungan po N'yo akong tanggapin na ang lahat. Bigyan Mo po ako ng mas malawak na pang-unawa. Ipaalala Mo po sa aking malaki ang mundo at maraming bagay ang pwede ko pang mapagdaanan, na mas mabigat pa dito. Give me strength po. Hindi ko po ito kayang mag-isa. Alisin N'yo po ang tapaho sa mga mata ko."

Ang weird ng feeling pero parang nag-iba ang aura ko. Lumalabas-labas na ulit ako kasama ang mga kaibigan ko. Nakikipaghalubilo na ako, nakikipagkaibigan. Sabi nila, kapag gumagaling na ang sugat mo, nangangati na ito. Ayun, nangangati na ako. JK! :))

Kung gaano kami katagal naging magkarelasyon, ganun din halos katagal para matanggap kong tapos na kami. Na hindi na siya babalik. Na may iba na siya. Pinuno ko ng tao ang paligid ko. Mga luma at (lumang) bagong tao.. yung malayo sa kanya. Posible pala yung ikaw ang tinuturing niyang ngayon at bukas niya pero sa isang iglap, magigising ka na lang na ikaw na ang kahapon niya. Ang minamahal, naging minahal; ang nagpapasaya, naging nagpasaya; ang nakakasama, naging nakasama. Naging past tense na ang lahat.. naging past ka na niya. Masakit ituring na nakaraan ang taong turing mo'y ang iyong kasalukuyan at kinabukasan. Para lang din kayong nabubuhay sa magkaibang panahon. Pero ngayon.. tanggap ko na. Tanggap ko na ng buong-buo. Yakap na yakap ko na ang katotohanan.


Tanggap ko ng siya at ako ay isa na lang bahagi ng nakaraan. Isang nakaraang lipas at ngayo'y kumukupas. Tanggap ko ng ang forever naming dalawa ay matagal nang natapos. Tanggap ko ng ang mga pangako namin sa isa't isa'y isa na lamang mga salita, walang ng buhay at unti-unti nang nabubura. Tanggap ko ng hindi na kami ang prinsepe at prinsesa ng isa't isa. Maaaring ako lang ang naging daan para makilala niya ang tunay na bida sa knayng istorya. Isa na lang ako sa mga tauhang kaming dalawa ang bumuo. Tanggap ko ng ang tangi ko na lang pinanghahawakan ay mga alaalang inaanod na ng panahon. Tanggap ko ng hindi na iisa ang tibok na aming mga puso. At hindi na din ako ang magiging dahilan ng pagbilis ng pintig ng puso niya. Tanggap ko ng isa na lang kaming alaala. At sa kabila ng ilang sakit, nagpapasalamat pa din ako na naramdaman kong magmahal, mahalin.. at iwan.


Ipagpapatuloy...

Sunday, July 10, 2011

Inlab. LABo. laYO.

Maisip pa lang kita napapangiti na ako. Minuto pa lang na hindi tayo magkasama, namimiss na kita agad. Iipunin ko lahat ng barya sa bag ko, makapagpa-load lang para makareply sa text mo. Kung 'di man abot, mambubulabog ako ng mga kaibigan para makitext pa. Magpapakakorni ako, mapakilig to the bones lang kita. Okay lang na matawag na baliw, e sa hindi ko mapigilang ngumiti mag-isa. Ikaw lang, masaya na, cloud 9 na ang feeling.



Magpapakabait ako hindi para magpa-impress kundi para hindi tayo mag-aaway. Ikaw ang magsisilbing diary ko para hindi kita mapag-alala. Ipaaalam ko sa'yo lahat ng desisyon ko dahil kasama ka na sa buhay na binubuo ko. Nagiging baduy daw ako ng hindi ko namamlayan. Hangga't maari gusto kita kausap kahit wala naman talagang pinag-uusapan. Ikaw ang huling naiisip ko bago ako matulog, at ikaw ang bumubungad sa diwa ko pagkagising ko sa umaga. Tinginan pa lang natin, nagkakaintindihan na tayo. Tusok-tusok lang sa hepa foods, unkabogable date na para sa atin. Sabay kumain at matulog kahit hindi naman literal na magkasama. Magsusundo at maghahatiran tayo kahit pagod na buong maghapon. "Hehe!" lang sa text, agad mo pang rereplyan. Aalamin kung ano ang makapagpapasaya sa isa't para walang sandaling malungkot. Gagawing posible ang imposible. Ekis ang kalungkutan kapag tayo ang makasama. Ipakikilala kita sa buong mundo, ipagmamalaki. Nakagagawa ako ng mga bagay na akala ko hindi ko kaya (love letters, personalized gifts, etc.)


Gagawa pa ako ng gimik para masopresa kita. Isang tunog pa lang sa cellphone o telepono, agad agad ko ng titignan o sasagutin lalo't kung ikaw yun. Kung dati puro quotations ang laman ng inbox ko, ngayon puro messages galing sa'yo. Nagiging sentimental ang mga simpleng bagay. Nagiging espesyal ang mga ordinaryong araw. Sa'yo lang nakatingin ang mga mata ko kahit sino pang iharap mo sa akin. Simpleng kendi lang galing sa'yo, masaya na ako. Lahat ng first, memorable. Kahit minsan nga OA na -- First breakfast/ lunch/ dinner together, first bus ride, first date, first out of town, first holding hands, first kiss, first pikunan, first away, first gift sa isa't isa, at kung anu-ano pang first. I love you dito, I love you doon, kahit paulit-ulit nakakakilig.


Kung may hindi pagkakaunawaan, hindi pwedeng matapos ang isang buong araw ng hindi ito napag-uusapan, dapat maayos agad. Ang maliliit na alitan, mananatling maliit dahil naidadaan sa maayos na usapan at nagpapakumbaba sa isa't isa. Iintindihin kita, tatanggapin ng buong-buo, at mamahalin ng higit pa sa alam mo. Matutulog kang minamahal kita at magigising na mas minamahal pa kita kaysa sa kahapon. Halos lahat, nakaplano nang magkasama tayo. Hindi maitago ang saya sa mga mata natin. Wala na akong mahihiling pa. Pero isang araw, dahil sa isang bagay na hindi ko lubos malaman kung ano, biglang nagbago ang ihip ng hangin. Tila naging baligtad ang ikot ng mundo.

********************

Maisip lang kita, nasasaktan na ako. Lumilipas ang minuto, oras at araw na hindi kita nakikita pero hindi ko namamalayan. Wala akong load, kaya wag umasa sa reply ko.

"E wala nga akong load, paano ako makakapagtext?"

Wala naman dahilan, nag-aaway. Maliit na bagay, napapalaki hanggang sa magkayamutan na lang.

"Hindi ko naman kailangang ipaalam lahat sa'yo no!"

Dati rati'y kahit hindi naman tinatanong, e sasabihin mo pa.

"Kung mahal mo ako, tanggap mo kung ano at sino ako."

Konting 'di pagkakaunawaan, hindi na napag-uusapan, kaya lumilipas ang araw hanggang umabot ng linggo na hindi nagpapansinan, walang paramdaman. Madalas na tayong nagkakapikunan na minsan hindi ko na alam kung bakit at anong dahilan. Nabawasan ang saya, nawala ang kilig, nawalan ng amor sa isa't isa.

"Saan mo gustong pumunta?
"Bahala ka!"
"Ano ang gusto mo?"
"Bahala ka!"

"Tulog ka na, may gagawin pa ako.
"Tulog na. Goodnight!"

"Kaen ka na, tapos na ako."
"Kaen ka na, mamaya na ako."

"Sunduin mo naman ako.."
"Pwede bang sa susunod na lang? Napagod kasi ako buong maghapon."

"Hatid pa ba kita?

Tumunog man ang ilang beses ang cellphone o telepono, wala ng pagmamadali sa pagsagot. Naka-silent na ang cellphone o minsan idadahilan na lang ito kapag late reply sa text. Delete all messages na dati hirap na hirap kang magbura. Ulyanin na sa date at special day n'yo. Nagiging masyadong friendly na sa iba na minsa'y nauuwi na sa flirting. Kahit huli at halata na, harap harapan pang ide-deny sa'yo. Sakit lang! Bihira na ang sabihan ng i love you o mahal kita. Kapag may nagtatanong kung kamusta tayo, hindi ko na alam kung paano ko sasagutin ng tama.

"Eto going strong!" (nga ba?)

"Okay kami.. masaya!" (labas pa sa ilong habang sinasabi..)

"Sana maintindihan mo naman ako..."
"Hindi naman lahat kaya kong intindihin!!"

Mabubugnot. Mayayamot. Magagalit hanggang idaan sa bisyo, ibaling sa iba ang atensyon o hanapin sa iba ang nakikita mong pagkukulang. Minsan iiiyak ko na lang. Bakit naging ganito? Mahal kita at mahal mo ako, pero bakit wala na yung dating saya, yung dating kilig, yung dating tayo?


Gusto kong pag-usapan at ayusin kung anong nagyayari sa atin, pero tuwing sinisimulan ko, alam kong ayaw mong makinig, ramdam kong ayaw mong pag-usapan. Palilipasin ang problema pero mauungkat sa susunod na pagtatalo. Nagiging praning sa bawat kilos ng isa na nagiging tama sa hinala. Pagkagising sa umaga, hangga't maaari ayaw ko ng ikaw ang una kong maiisip dahil nalulungkot lang ako, naiinis. Nagbago ka, at oo, nagbagao din marahil ako. Oo, pwedeng pati ako nagsasawa na sa kakasuyo. Pero ikaw din ba, gusto mo din ba tulad ko na maayos pa natin ang relasyong dati'y walang away at puro pag-iintindihan at pagpapakumbaba?

Totoo bang sa una lang masaya? Totoo bang sa umpisa lang nagkakaintindihan? Totoo bang sa simula lang sweet? Kapag bago tsaka lang maayos ang lahat? Totoo bang kahit taon na ang pinagsamahan talagang darating sa panhong ganito, magulo? Kaya ba nating sayangin ang mga binuo nating pangarap? Kaya ba nating bitawan ang isang bagay na nakasanayan na at naging malaking bahagi na ng sistema ng ating pagkatao? Kaya mo ba? Kaya ko ba?

Bakit tayo naging ganito? May iba ba? O sadyang ikaw at ako ang problema? Ang daming tanong ang nagsusulputan sa isip ko. Ang dami kong kasagutang gusto kong malaman. Ang dating "hindi kita kayang mawala sa buhay ko," naging isang tanong na hindi ko alam kung paano ba dapat sagutin -- Kamusta ka na? -- Dahil sa hindi ko nga alam kung paano sagutin, tatlong salita lang ang nasabi ko: I miss you! Hindi ko na sigurado kung talagang nararamdaman ko ang mga salitang yan o dahil wala na talaga akong masabi pa.

"I miss you, too!"

Nangiti ako, pero bakit kumirot ang dibdib ko? Nagkulitan kami pero parang may iba sa pakiramdam. Nagkwentuhan tulad ng dati, pero hindi na tulad ng dati. Magkasama kami pero parang ang layo pa din niya. Nagiging cycle na lahat, paulit-ulit. Parang scripted na ang bawat galaw at sinasabi, expected na ang mga susunod na mangyayari. Kumbaga sa libro, intro pa lang, alam mo na ang ending ng istorya. Sunud-sunod na gabi, ito ang naging laman ng text niya:

"Goodnight, baby! I love you. Mwuah!"

Parang may nakasave na sa drafts niya tapos ise-send na lang niya tuwing gabi. Wala nang epekto. Wala ng dating. :( Kapag nakikita ko ang ngiti niya, alam kong kulang na ang saya. Kapag nagkakatitigan kami, alam kong may gusto itong sabihin pero hindi ko na mabasa. Para na kaming kumakapa sa dilim, parehas pang nakapiring. Para akong pipi, siya naman bingi. Ano na ba ang dapat kong gawin?



Itutuloy. . . .

Friday, May 20, 2011

Break na Tayo!

Scenario I:
Guy: Sorry, ayoko na!
Girl: Nakikipag-break ka ba? :(
Guy: Masyado na kasi akong nasasakal sa'yo.

Emo Love 1 Hang

Scenario II:
Girl: Kailangan nating mag-usap.
Guy: Tungkol saan?
Girl: Tungkol sa atin.
Guy: Anong tungkol sa atin?
Girl: Gusto ko nang tapusin ang relasyon natin.. kailangan ko munang mag-focus sa pag-aaral ko. Pwede naman tayo maging magkaibigan e.

Emo Myspace Comments

Scenario III:
Guy: Babe, may aaminin ako sa'yo.
Girl: Ano yun, Babe?
Guy: Hindi lang kasi ikaw ang girlfriend ko.

Emo fail love.

Scenario IV:
Girl: Tama na! Ayoko na! Masyado mo na akong nasasaktan. Emotionally and physically. Tapusin na natin ang relasyong ito!

emo love kissing. love you forever emo. you may

Scenario V:
Guy: Ayoko na, tapos na tayo!
Girl: Huh? Bakit?
Guy: Wala na patutunguhan 'to. Hindi tayo lagi nagkakasundo.

emo love Pictures, Images and Photos

Scenario VI:
Girl: Wag ka na magtext, wag ka na tumawag at wag ka na din magpapakita sa akin.
Guy: Ano nanaman problema mo?
Girl: Tutal wala ka namang time para sa akin, edi mas okay nang maghiwalay tayo!

black and white quotes about love. love quotes black and white
Scenario VII:
Guy: (hindi na nagpaparamdam)..
Girl: (nagtetext, tumatawag, pero wala.. hanggang matuklasang...)
Guy: (....may iba na pala.)

broken heart poems. emo love quotes and poems.

Scenario VIII:
Girl: (confused..)
Guy: Baby, may problema ka ba? Problema ba tayo?
Girl: Wala. Wala tayong problema. Ako! Ako lang ang problema.
Guy: (?)
Girl: I need space. Kailangan ko munag mapag-isa. Kailangan ko munang maintindihan sarili ko.


Scenario IX:
Guy: (cold..)
Girl: Babe.. magkaaway ba tayo??
Guy: Ha? Hindi.
Girl: E bat ganito tayo? Ang lamig natin sa isa't isa.
Guy: Hmm.. kasi..
Girl: (?)
Guy: Kasi.. hindi na ata kita mahal. Wala na akong maramdaman.

emo love break. Of Love and Break Ups

Scenario X:
Girl: I love you...
Guy: :)
Girl: Pero alam ko mas mahal mo siya, at mas kailangan ka niya. Kaya pinapalaya na kita. :'(

emo love break. I still love breaklove reak


* * * * * * *

Gaano ba kadali sabihin ang salitang break na tayo? O gaano ba ito kahirap? Sa mga salitang iyan, marami ang natutuwa, pero madalas, marami ang nasasaktan. Marami ding nababago, iyong iba, nagiging gago. Pinagpaplanuhan ba ito? O sadya na lang lalabas sa bibig mo? Tulad ng I love you, may pinipili ba itong pagkakataon? O sa kahit na anong senaryo, pwede mo na itong banggitin? Kung kadalasan nakakasakit lang pala ito, bakit pa kaya ito nauso? Minsan ba naisip mong pumasok sa isang relasyon kasi alam mong kapag ayaw mo na, pwede naman makipag-break? Bakit ba kailangan sabihin ang break na tayo!?

Wala akong maraming personal na karanasan sa ganitong usapan, bagkus ako'y isang NBSB - No Boyfriend Since Break-up. ☺Pero kung tatanungin mo ang kahit na sino, marami silang masasabing dahilan. Bakit? Kasi pare-parehas lang. Gasgas na. Luma! Marami ang ginagawang pampagaan ng sitwasyon ang nga katagang, "pwede pa din naman tayong maging kaibigan." Kaya mo? Ang totoo, hindi. Pero mananatili kang kaibigan niya dahil nga naman, mahal mo pa. At habang mahal mo siya't kaibigan ka niya, patuloy ka sa pag-asang babalik siya ulit sa'yo. Pero posible ba, na maging magkaibigan na lang kayo?

Posible at imposible, depende sa sitwasyon at pagkakataon. Kapag pumasok ka sa isang relasyon, isang mahalagang bagay na dapat pinatatatag ninyong pareho ay ang pagkakaibigan. Mawala man ang salitang KAYO, mananatili pa din ang ugnayang magkaibigan kayo. Pero tandaan, magkaibigan na lang kayo, may mga bagay na hindi ninyo na dapat ginawa. Mayroon na kayong limitasyon sa isa't isa. Sa break-up o paghihiwalay, maraming dahilan ang nagkalat. Mayroong totoo, mayroon ding gawa-gawa para makatakas na lang.

NASASAKAL / MARAMING PAGKUKULANG.

Personally, hindi ako naniniwala sa ganitong dahilan. Paano mo ba masasabing sobra o kulang? E paano mo ba masusukat ang sapat? Natitimbang ba ang pagmamahal at atensyon? Kailangan ba binibilang ang tiwala at ang iyong communication? Walang sobra, sapat, o kulang. Matuto ka lang pahalagahan ang mga bagay ng ginagawa niya para sa'yo at sa inyo. Matuto kang tignan ang mga maliliit na bagay na sinusubukan niyang gawin para sa iyo. Wag lamang sabihing mahal mo siya o mahalaga siya, kundi ipakita't ipadama ang nararamdaman mo. Maging kontento sa anumang mayroon kayo. Mayroong tamang panahon ang lahat, pero wag ding gawing huli na ang lahat. Makontento at magpahalaga.

SAKRIPISYO / PAGPAPARAYA.

Para saan? Sa pag-aaral, sa pamilya, sa kaibigan, sa pangarap, sa prinsipyo, sa paniniwala, para sa wala. Ito ba iyong tipong nasa harap mo na tinulak mo pa? Hawak mo na pero pinakawalan mo pa? Pwede ka namang piliin pero may iba pa palang pinagpipilian? Niyakap ka na, pero kailangan mong kumawala kasi iyon ang dapat, iyon ang tama. Mahal ninyo isa't isa pero may responsibilidad na siya sa iba. Kailangan maghiwalay kasi may mas mahalagang priority sa buhay. Napagdesisyunang maging magkaibigan na lang dahil sa utos ng magulang. Piniling tapusin ang namamagitan dahil hindi nanniniwalang magwo-work ang long distance relationship. Sang-ayon o hindi sang-ayon kailangan gawin ng isa, para sa mas magandang pagsasama, o para sa mas ikabubuti ng nakararami. Minsan talaga, love is a big sacrifice.

TUYONG DAMDAMIN / WALA NG PAGMAMAHAL.

Isa pang dahilang hindi ko pinaniniwalaan. Kapag minahal mo ang isang tao, hindi na mawawala ang pagmamahal na iyon. Maaaring mabawasan, madagdagan.. pero hindi mawawala. Kung anuman ang naramdaman mong pagmamahal para sa taong iyon, mananatiling sa kanya iyon hanggang sa mamatay siya. Dahil iba't ibang pagmamahal ang nararamdaman at nararanasan natin sa bawat tao. Kadalasan, nagiging stagnant lang ito, dahil napabayaan. Nawalan ng kulay, saya, at tamis dahil nawalan ng atensyon, nawalan ng pag-aalaga, at nawalan ng tiwala. Minsan, ang masyadong pagiging komportable sa relasyon ay hindi maganda. Dyan na nagsisimula ang 'bahala nga siya,' na dati'y 'kailangan naming maayos to.' May pagkakataon pang hindi ka na iimik kasi expected mong dapat alam na nya iyon. Komportable sa 'mahal namin ang isa't isa,' kaya petiks petiks na lang din. Makakaramdam ng pagbabalewala kasi iniisip ng isa na maiintindihan mo naman. Nagiging tipikal na lang ang mga bagay na dati ay espesyal na espesyal sa iyong dalawa, kasi pauli-ulit. Nagiging normal na lang, kasi nakasanayan na. Makiramdam ka.

TIWALA.

Isa sa mga pinakaimportanteng sangkap ng magandang pagsasama. Sa bawat ginagawa natin, madalas sinasabi na dapat pinag-iisipan muna natin ito hindi lamang isa o dalawang beses, kundi maraming beses. Dahil sa bawat mangyayare matapos ang pagdedesisyon mo, maaaring tiwala sa'yo ang nakabingit dito. At kapag nasira na 'yon, daig mo pa ang nanliligaw para mabalik 'yon. Swerte mo, kung buong tiwala ulit ang makukuha mo. Kaya wag balewalain ang mga pagkakataong ibinibigay sa'yo, alagaan mo ito.

Kasama sa tiwala ang pagiging salawahan. Posible bang higit sa isa ang mahal mo? Oo, pero imposibleng patas sila. Laging may lamang diyan, kaya pumili ka! Wag hintaying ang matira na lang sa'yo ay ang sarili mo.


Marami pang dahilan na alam ko namang alam n'yo na. Maganda man o hindi ang naging paghihiwalay ninyo, magpasalamat, dahil naging bahagi siya ng buhay mo. Hindi lahat ng tao ay nagkaroon ng pagkakataong makilala man lang siya. Gawin mo siyang inspirasyon o aral, para mas mapabuting tao ka.

Madali sabihing magiging okay ka din, pero kapag nasa sitwasyon ka na, 'paano na ako?' Para sa iba, madali ang magpanggap na okay ka, na wala na sa'yo ang lahat, pero kapag mag-isa ka, okay ka ba talaga? Madaling ngumiti at tumawa, pero parang ang hirap na maging masaya. Kasi ginawa mo siyang mundo mo, na dapat ay hindi. Kapag nasasaktan tayo, ang tingin natin sa rosas ay matinik na bulaklak. Nguni't kapag masaya ka, isang maganda at mabangong bulaklak ang rosas na hawak mo. Nasa pag-iisip na'tin ang lahat. Sabi nga, be positive! ☺

Madalas kong sinasabi na kapag nasaktan ka, hindi kasalanan ang umiyak. Hindi bawal na maramdaman mo ang lungkot. Dahil natural lang yan, kasi nga, nasasaktan ka. Ang tanging magiging kasalanan mo na lang ay ang hayaan mo ang sarili mo na maging malungkot sa mabahang panahon. Sayang! Maraming magagandang bagay ang nakapaligid na hinihintay lang na mapansin mo. Lahat ng kasiyahan ay nagsisimula sa pagpapahalaga at pagrespeto.

Ang nakakalungkot lang sa iba ng break-up ay ang maging strangers na lang kayo ulit. Ang dating sinasabing hindi mabubuhay kapag nawala ka sa buhay nila ay ngayon ay buhay na buhay pa't humihinga. Ang dating nagsasabing hindi na makakayang magmahal pa ulit ay nagmamahal na ng iba ngayon. Ang dating kamay na ikaw lang ang humahawak, ay hawak na ng iba. Maraming magbabago, pero hindi dahilan yan para malugmok . Magmahal muli, you deserve to be happy.

Break na tayo! Hindi ibig sabihin ay katapusan na ng mundo. Ibig lang sabihin ay may mas maganda pang darating para sa'yo. At ginawa siyang daan para maging handa ka para sa taong bubuo ng nawala sa'yo.

Noonga nakaraang buwan, mayroon akong napanood --stages ng relationships. Halos lahat ng nakapanood nito, nakarelate. :P At sana, maging guide ito para hindi na kayo maging strangers again.



If you are in a relationship, you must have faith in God, faith in your relationship, and faith for each other.

You must not just like or love your partner, but must accept everything about him/her, for who he/she is and not.

Never get tried expressing your love, specially to girls.

Appreciate everything (s)he's doing.

Huwag palapagpasin ang isang araw na magkagalit kayo. TALK!

Huwag mapagod intindihin ang isa't isa.

Say what you really feel, huwag mong kimkimin.

Surprise your partner. ☺

Ask, but never demand.

Don't be too sensitive, nor insensitive.

It's okay to act as a child when you're making 'lambing', but don't be childish.

Don't be narrow-minded

Trust your partner and your relationship.

Think before you act.

Have quality time together. It matters.

Be proud of her/ him. ♥

Be honest!

Ask guidance from HIM. ☺ ♥ ☺

'wag gawing bisyo ang break-up kapag nag-aaway.

Don't be too paranoid. It'll kill you!

RESPECT your partner.

Keep the love alive, stay inlove! ♥