Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Pag-ibig. Show all posts
Showing posts with label Pag-ibig. Show all posts

Saturday, May 17, 2014

K A R A M B O L A

Hindi ko alam kung paano ito sisimulan, tulad din ng hindi ko alam kung paano tatapusin kung sakaling masimulan na.


Marami talagang tanong sa mundo, na minsan maiisip mo, kailangan ba talaga ng sagot? O pwede ding tanong ka ng tanong pero wala naman pala dapat itanong. Kumbaga, pinapakomplikado mo lang yung mga bagay na simple naman kung titignan. Mahirap makontento no? Lalo't alam mo sa sarili mo na higit pa 'don ang dapat natatanggap mo. Meron din namang tanong na alam mo naman ang sagot, pero kailangan mo pang ipasampal sa'yo yun ng ibang tao. Mahirap tanggapin kasi masakit tanggapin.


Nitong dumaang mga buwan, ang dami dami kong naramdaman. Iba-iba. Halu-halo. Medyo nakakabaliw na nakaka-praning. Marami na akong narinig na kung anu-anong sermon, payo at marami pa. Pero sa huli, alam naman nating sarili din natin ang masusunod. Sabi nga ni Albert Camus di ba, Life is a sum of all your choices. Kaya kung ano man maging resulta ng mga pinili mo ngayon, hindi mo yan basta-basta pwedeng isisi o isumbat sa iba. Dahil ginusto mo man o hindi, pinili mong gawin yan. Wag nating bulyawan ang mundo na unfair ito, dahil hindi. Dahil kung merong takot, meron ding matapang. Kung merong duwang, meron ding marunong sumugal. Alin ka don?


Kung hindi ka pa handa sa sagot, wag ka magtanong. Kung hindi mo kayang matalo, wag ka sumugal. Simple as that. Pero sa panahon ngayon, dapat matapang ka, dapat lagi kang handa.. dahil talo ang mahihina. Fight!


Sabi nang isang kaibigan, wag kakalimutang babae ka. Magpasuyo ka. Hindi naman kalabisan yun.


Paulit-ulit na itong sinasabi pero minsan nakakalimutan natin -- mahalin mo ang sarili mo. 


Totoo na when it rains, it pours. Pakatatag ka lang. Lahat naman ng ulan, natatapos. at kapag tumila ang ulan, laging may araw na sasalubong sa'yo. Minsan pa nga may makulay na bahagharing ngingiti sa'yo. Wag kang magkulong at titigan lang ang ulan. Lumabas ka, damhin mo ang ulan. Wag ka matakot mabasa.


Sa oras na mahina ka, mas maraming tukso ang makikita. Wag kang magpakalulong sa mga bagay na alam mong pwede mong ikalubog at ikasira. Ang tukso ay hindi pinipigilan, ito ay iniiwasan.


Halos lahat ng bagay ay pwedeng nakasanayan lang. Kaya't wag magpakasanay sa mga bagay na alam mong hindi magtatagal. Nakakasira ito ng bait.


Madaling sabihin, mahirap gawin. Alam na nating lahat yan. Lagi lamang tatandaan na meron ding tinatawag na tama at mali. At may kulang, sapat, at sobra.


(Larawan mula sa google.)

Monday, May 13, 2013

Tayo: Big Word.

Ikaw At Ako.

May ikaw at ako, pero walang tayo. Umaasang meron pa, pero sadyang hindi na mababago. Maraming kumento ang mga kaibigan. May nangangaral, tamang nagpapayo lang, nakikisipatya kuno, may galit na sobrang apektado, at merong 'ah.. okay.'
  1. Wag daw magsasalita ng tapos, dahil wala daw nakakaalam ng pwedeng mangyari sa hinaharap.
  2. Malay mo kayo pa din sa huli, kailangan nyo lang magkahiwalay para sa sinasabing 'growth' at 'maturity.'
  3. Hayaan na. Ibig lang sabihin na hindi kayo para sa isa't isa.
  4. Wag sumuko. Malay mo, binubuo niya sarili niya para din sa'yo.
  5. Hayaan mo lang mapagod ang sarili mo, hihinto ka din.
  6. Tanggapin mo ng wala na.
  7. Wag maging tanga. Madaming pwedeng ipalit.
  8. Sabi ko na eh, pare-parehas lang sila.
  9. Hay.. sayang.
  10. Kung mahal mo pa, ipaglaban mo.

Oh well, papel. Sana lahat ng bagay pwedeng gawing batayan ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sa lahat ng pagkakataon pwedeng gawing rason ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sapat na pagmamahal na lang... period. Pero hindi.

Pero paano nga kung kayo pala talaga tapos sinukuan mo lang. Paano kung may pag-asa pa pala pero hindi mo na sinubukan. Paano kung babalik pa talaga pero hindi mo na hinintay. Paano?

Marami ang takot, kaya marami din ang malungkot. Takot bumitaw kahit yun na ang dapat gawin. Takot daw masaktan ulit, pero sa ginagawang pag-iwas doble ang sakit na nararamdaman. Self-inflicted pain.. hindi ba pwedeng self-inflicted kilig na lang?
 
Mayroong iba na todo ipaglaban na baka sila pa din talaga. Kasi daw single pa din kayo pareho. Pero kasi, may mga pagkakataong tayo na lang ang nagpapaasa sa sarili natin. Mga sarili na lang natin ang pumipilit, pero sa kahit anong anggulo mo tignan, wala na talaga eh.

Mayroon ding sobra ikulong ang sarili sa nakaraan, tapos mag-e-emote at magtataka na bakit ang tagal-tagal ng panahon eh nasasaktan pa din. Ang daming panahon ang sinasayang na imbes maging masaya, hinahayaan ang sarili na maging tanga. Mahalin natin ang mga sarili natin, para mahalin din tayo ng iba. Lahat naman ay nagsisimula sa mga sarili natin. Hanap tayo ng hanap sa iba, yun pala sa sarili lang natin makikita.

Mayroon din na halos isemento ang paligid, maproeteksyunan lang ang sarili sa sinasabing "hindi pwedeng emosyon." At mayroon din namang okay ka na, moved on ka na, pero ang mga tao sa paligid mo ang hindi maka-move on sa nangyari sa'yo. Pamilyar na tayo sa linyang: "Paano ka namin matutulungan kung mismong sarili mo ayaw mong tulungan." Pero sana alam din natin ang linyang: "Paano ko lubusang matutulungan sarili ko kung yung mga taong gusto akong maging okay, ay hindi naman naniniwalang pwede akong maging okay." Konting kibo't kilos, iuugnay at iuugnay sa mga bagay na hindi naman na dapat. Friends, move on, move on din pag may time. :) Nakaka-jejemon. Jejeje.

Oo, hindi naman madaling makalimot sa mga bagay na napasaya ka. Pero kasi, hindi naman dapat kalimutan 'yon. Nakaraan mo 'yon.. sabihin man nating hindi naging maganda ang resulta, eh marami ka namang babauning aral. Ang mahalaga ay makita mo ang saya sa sakit, ang ngiti sa mga luha, at aral sa mga pagkakamali. Naalala ko yung nabasa ko noong isang araw, "Kung nadapa ka ng siyam na beses, bumangon ka ng ika-sampung ulit."Okay lang umiyak, basta't alam mo kung kailan ka hihinto. Naramdamam mo mang hindi ka na buo, darating ang panahong mabubuo kang muli. Wala namang hindi nahihilom ng panahon.. basta't hindi mo hahayaang bulukin ka ng sakit. At kasama ng lumilipas na panahon, gumawa ka ng paraan para tuluyang mawala ang langib. Minsan mas magandang hindi mo lagyan ng band aid, makakahinga yung sugat.. mas mabilis gumaling.
 

(Larawan mula sa google.)

Kalma. Hindi Naman Ako Nagmamadali.

Pangarap kong tumanda.. at may ka HHWW. Pa-sway-sway pa kahit masakit na ang buto-buto. Sabi ko nga, sana buhay pa si Willie Revillame at ang "pang masa niyang programa sa tv" para makasali sa Will of Fortune kapag kulubot na balat at bingi na ako. Pipilitin ko ang asawa ko kahit yun pa pag-awayan namin. Madalas kasi yung segment na ang contestant eh yung mga 50 years ng kasal at magkasama pa din. Pangarap ko yun. Pangarap kong may kasamang tumanda. Pangarap kong ikwento sa mundo ang istorya ng pag-ibig ko. At pangarap kong mayakap si Will, mabigyan ng jacket, makita sa tv, at sabihing.. "Sa mga kapit-bahay ko dyan.. ARTISTA NA AKOOOOOO!!"


Etong boss ko, halos araw-araw kami tanungin kung bakit wala kaming boyfriend. Tinatanong kung anong tipo namin sa lalaki. Bale tatlo kaming babae sa opisina na kinukulit ni Sir. Sabi ni Angie, gusto daw niya sa singkit. Sabi naman ni Aileen, gusto niya sa lalaking lalaki ang dating. Ako naman.. gusto ko, sa tingin pa lang eh.. mabango na. Tapos sabi niya, irereto daw niya kami sa mga construction worker sa gumagawa sa baba ng building namin.

Naalala ko pa, lagi kaming over time dahil sa dami ng dapat tapusin. Maski sabado pumapasok kami. Noong nakaluwag luwag kami, tuwang tuwa si Sir. Linya niya, "Good! good! Buti yang di na kayo nag-o-ot. Gusto ko hindi lang kayo puro trabaho. Pano kayo magkaka-boyfriend nyan kung lagi kayo may ot. Hindi na kayo pabata. Maganda yung may inspirasyon kayo. Nakakaganda din yun sa outcome ng trabaho. Sa Sabado, mag-mall kayo.. maghanap kayo ng lalaki."

Yung lalaki kong bestfriend, inuusisa na din ang lovelife ko. At ang conclusion nya sa akin, bagay daw sa akin eh seaman. At ngayon pa lang daw, sinasabi na niyang mahihirapan ako kaya simulan ko na manligaw. Ligawan ko na daw si Racini. Aba eh ayoko. Sa ganung bagay eh makaluma pa din ako. Gusto ko yung nililigawan at sinusuyo. Tapos sabi ng bestfriend ko: "Confirmed! Mahihirapan ka nga. May tendency kang tumandang dalaga. O kaya matanda ka na mag-aasawa."

Noong nagsisimula nang pag-usapan ang pag-aasawa, sabi ko pag 25 na ako, gusto ko kasal na ako non. Eh ngayong 23 na ako, para atang nagmamadali naman ako masyado noong sinabi ko yun. Halos dalawang taon na lang ang dadaan eh ni boyfriend wala ako. Hala ka!
Tuwing may gala o kitaan, lagi akong tampulan ng asaran na wag akong sumama kapag wala akong kasamang boyfriend. Sweet ng friends ko no. Superb!

Choosy. Mataas ang standard. Tibo. Manang. At kung anu-ano pa. Ang dami ng hinuha ng mga kaibigan at kakilala. Marami pang mas excited pa sa akin. Pero kasi hindi naman pumapasok sa isang relasyon para lang masabing meron kang karelasyon. Hindi naman nakakainip at nakakalungkot, kasi sobrang ang daming nagmamahal sa akin. Hindi naman din ako nagmamadali, naniniwala ako na lahat ay may kanya-kanyang perfect timing. At balang araw masasaksihan ng buong bansa pati ng may TFC subscribers.. na nag-eexist pa din ang happy ever after.

(larawan mula sa google.)

Monday, February 6, 2012

Aligaga sa Balentayns.

Ilang araw na lang at Valentine's Day na. May ka-date ka na ba? Anong plano mo para pakiligin siya? Ah, tsokolate at bulaklak, tapos kain sa labas. Nood sine na din kung ma-tripan. Hmm.. bahala na. Pero kung gusto mo ng tips sige magkukwento ako ng mga kilig gimik para sa balentayns. ☺
Love Letter.
"Ang makita ka ang nagiging motibasyon ko upang pumasok pa. Kahit madalas mukha kang masungit, hindi ko maiwasang hindi ka masulyapan kahit saglit. Gusto kitang lapitan nguni't kapag nakikita ko ang ngiti mo, kahit minsa'y pilit, pakiramdam ko humihinto ang mundo ko sa pag-ikit. Gusto kitang kausapin nguni't sa tuwing nadidinig ko ang iyong tinig, utal na ang dila at natutuliro na ang isip. Kaya't dinaan ko sa liham pagka't 'di na ito kaya pang ilihim."
Habang tumatagal, nawawala na ang nakakakilig na love letters. Dahil sabi nga pwede na ito sa text, pwede na sa facebook at sa kung anu-ano pang gawa ng teknolohiya. Pero ang totoo, walang tatalo sa sulat-kamay na liham.
Love Letter with Gimik.
"Ikaw ang isa sa mga pinakaimportanteng kaibigan ko. Kaya gusto ko sanang ipakilala sa'yo ang nagpapatibok ng puso ko at ang nagpapasaya sa akin. Gusto ko sanang ilarawan siya sa'yo nguni't alam kong hindi sasapat ang mga salita. Kaya mamaya bago umuwi, pumunta ka sa computer room. Ipapakilala kita sa kanya at magtatapat na din ako."
Sa computer room, may mga nakakalat na rosas. Halos lahat ng kaibigan ko at niya ay nandoon din. Nilapitan niya ako at niyaya sa loob. Nadinig ko na tumugtog ang isang kanta ng MYMP. Lahat sila nakatingin sa amin. Napansin kong pati Computer teacher namin andoon, nakangiting nakatingin sa amin. "Anong nangyayari?" sa isip isip ko.
Siya: Yung sinasabi ko sa'yo sa sulat.. Ikaw yun.
Simple pero Panalo.
Pwede na kaya ang cloud 9 sabay banat na 'ganyan ang feeling ko pag kasama kita, parang nasa cloud 9.' Tapos pipitas ako ng maraming santan at gagawin kong tiyara n'ya, dahil prinsepe at prinsesa namin ang isa't isa. Kakaen kaming fishball, kikiam, kwek-kwek at tapsilog o kahit anong -silog. Tapos magmo-movie marathon kami sa bahay hanggang sa wala na kaming mapanood. Haaay! Ang simple no? Pero masaya, kasi kasama mo ang mahal mo.
Retired Playboy.
Para sa mga tumatalikod na sa pagiging playboy at chickboy:
Inaya niya ako sa isa sa pinaka magandang simbahan sa Pilipinas, sa lugar kung saan siya lumaki. Hindi naman lahat ng simbahan ay may misa kada oras lalo't kung hindi Linggo. Pero inaaya niya ako ng Miyerkules. Hindi ko alam kung sumasabay ang tadhana at pagkakataon pero pagdating namin sa simbahan, kakatapos lang ng kasal kaya't may red carpet pa at mga bulaklak sa paligid. Nagkwento siya ng mga nangyari sa kanya noong bata, hindi ko alam na nagpapatay lang pala siya ng oras noon at nag-iipon ng lakas ng loob para sabihin ang mga salitang nagpangiti sa akin noon.
Siya: Sinasabi nila na ang simbahan ay isang sagradong lugar. At dito, hindi ka pwedeng magsinungaling dahil nasa harap natin ang Diyos. Naniniwala ka ba doon?
Ako: Oo naman. ☺
Siya: Kaya ngayon, sa harap ng Diyos, sinasabi kong gusto kita.
Effort kung Effort.
20090322022659_large
Expected na ng marami na sa tuwing Araw ng mga Puso, laging present ang bulaklak. At syempre ang pinakamabenta ay ang rosas. Pero walang tatalo sa rosas na natanggap ko.
Isang dosenang rosas ng paborito kong kulay na nakaayos ng maganda sa isang dinesenyuhang cartolina. Hindi amoy rosas kundi amoy colored paper at tinta. Hindi lang ako ang kinilig kundi pati ang mga kaibigan ko. Ang bouquet na ito na purong gawa sa papel. At bawat rosas may nakasulat na magandang bahagi ng pagsasama namin.
**********
Merong iba na ayaw na dumaan ang araw na ito. Kasi walang partner, walang kasintahan o iniibig. Nakakaramdam ng lungkot ang iba'y nayayamot. Pero kung tutuusin, wala naman dapat ikalungkot o ikayamot. Hindi naman ibig sabihin na wala kang kapareha ngayong darating na Valentine's e mananatili ka ng mag-isa. At ang araw na ito ay hindi naman para sa mga mag-jowa lang.
"Ang saya ko palagi kapag natatapat sa Sabado o Linggo ang Araw ng mga Puso. Hindi napaparamdam sa akin ni Kupido na napag-iiwanan ako. Hindi naipapamukha sa akin harap-harapan na mag-isa ako." Ganito ako mag-isip dati. Hindi ko napapansin ang mga magaganda at nakakakilig na nangyayari sa buhay ko. Pinuno ko ng drama at inggit ang dapat masaya at may pasasalamat sa Diyos.
**********
Wala naman sa materyal na kabagayan ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso. Ito ay dapat sa kung paano mo ipararamdam ang nararamdaman mong pagmamahal para sa mga taong nasa paligid mo. Hindi dapat ma-bitter o malungkot. Hindi dapat mainggit at mapoot. Wag bigyan ng puwang ang pagmumokmok. Kung wala 'yong pinana ni kupido para sa'yo, wag isiping pinagkaitan ka na ng pagkakataon.
Alam ko ilang araw pa bago ang pinakahihintay na Valentine's Day, pero inuunahan ko na kayong batiin ng isang masaya at punong-puno ng pagmamahal na Maligayang Araw ng mga Puso. Laging lagyan ng ngiti ang labi, dahil sa ngiting yan, maraming ka ng napapasaya. ☺