Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Thursday, September 15, 2011

No Label.

Dati, matinding panliligaw ang kailangan para lang makuha ang salitang OO. Pati pamilya, liligawan mo, mapatunayan lang na malinis at tapat ang intensyon mo para sa babae. Linggo, buwan, minsan umaabot ng taon. Matinding suyuan kahit pa pila-pila sa panghaharana. Uso na din kaya noon ang salitang M.U. (Mutual Understanding)? Paano mo ba masasabing ang status n'yo e M.U. na? Pag-uusapan n'yo din kaya o saktong pakiramdaman lang? Hirap din eno. Paano pala kung ikaw lang nag-iisip na may pagkakaintindihan kayo? In short, hindi kayo nagkakaintindihan. Labo!




(1) Nagpapaligaw/ nanliligaw ng matagal para mas magkakilanlan kayo. Makilatis ang bawat isa. Manunuyo at magpapasuyo. Parang kayo pero wala naman talagang KAYO. Ibig bang sabihin mayroon na kayong Mutual Understanding non?

(2) Hindi nanliligaw, walang ligawang nangyayari. Magkaibigan kayo pero hindi simpleng magkaibigan ang turingan n'yo sa isa't isa. Parang more than friends pero less than lovers. Madalas tinatawag itong BESTFRIEND o pwede ding SPECIAL FRIEND. Abnormal. Hindi normal na tao sa buhay mo. Galing di ba? Malabong Usapan ito. Intindihin mo na lang Pre.

(3) Wala namang napag-uusapan. Nagsimula lang sa tukso at asaran. Sinakyan n'yo lang pareho hanggang alam n'yo parehong may katotohanan na sa bawat salita n'yo. O pwede ding nagkasanayan lang kasi nga, tinutukso kayo. Hmm.. MisUnderstanding?

(4) Parehas kayong hindi handa (kuno) sa isang relasyon. Pero gusto n'yo ang isa't isa, paano na? May I love you dito at doon. Holding hands dyan, at makakateng palitan ng messages. May tawagan, malalagkit na tinginan at halos araw-araw na date.. pero walang kayo ahh. Hindi kayo. ☺Sadyang mayroon lang kayong Malanding Ugnayan.

(5) Gusto/mahal ka daw. Pero sa totoo lang, ayaw mo naman sa kanya. Sadyang wala kang maramdamang kakaiba para sa taong 'yon. Nada. Pero lahat ginagawa n'ya. Lahat ng kaya n'yang ibigay, ibinibigay n'ya. Pagmamalasakit, pagmamahal at kung anu-ano pa. Hanggang dumating yung puntong ang tanging magagawa mo na lang para sa kanya ay yung tanggapin lahat yun, at suklian ito. Kasi nararamdaman mong Maraming Utang kang dapat ng bayaran. Gusto mo man o hindi, ang dami n'yang nasakripisyo para sa'yo.

Nabigyan man ng madaming depinisyon ang salitang M.U., madalas iisa lang naman ang bagsak n'yan, ang maging kayo. Kung wala nga lang eepal na bagong ka-M.U. :)

Pero kung iisipin, maraming pagkakataon ang pwedeng tawaging M.U..

Mutual - having the same relation each toward the other; held in common.
Understanding - personal interpretation; comprehension.

Parehas na pagkakaintindi sa sitwasyon o sa inyong relasyon. Pwedeng napag-uusapan, pero madalas nagpapakiramdaman na lang ngayon. Kaya nauuso ang parang kayo, pero hindi naman kayo. Kontento na sa samahang hindi mo makapa kung ano. Kumbaga sa produkto, walang brand. O kung sa pelikula, walang title. Hulaan. Minsan ayaw mo namang itanong, iwas ka ding mapag-usapan kasi may takot na baka ikaw lang pala ang nagsasabing M.U. kayo. Baka kasi ikaw lang ang nakakaintinding may kakaiba nang namamagitan sa inyo.. na hindi na kayo simpleng magkaibigan lang. Aminin man o hindi, marami na ang pa-playing safe ngayon. Bakit? Hindi na kasi katulad dati. Dati na kayang magbuhos ng effort kahit walang kasiguraduhang mapapasagot mo ang nililigawan mo. Karamihan ngayon, gusto instant. Karamihan ngayon, gusto kapag nag-effort ka, may kapalit.

Mga linyahang ayoko:

"Kapag nanligaw ba ako sa'yo, may pag-asa ako?"

Kapag sinabing meron, tuwang tuwa ka sa galak. So, ano yun, sure na? Wala ng bawian. Less suyo kasi dun din naman patungo e, ganun ba yun? Kapag sinabing wala, malulungkot. Yung iba magagalit pa.. magiging mapait. Edi kung walang pag-asa, tatantanan mo na din? Kasi iisipin mo, mababalewala lang naman e, walang patutunguhan.


"Sagutin mo na ako ngayon. Habang kinikilala natin ang isa't isa, tayo na."

Aba'y nagmamadali. Gusto ng assurance. May pangunguna sa pagdedesisyon mo. Ekis!


Hmm, ang panliligaw ay isang hakbang para magkakilanlan kayo. Stage kung saan pwede n'yong buoin ang isang pagkakaibigan (friendship) bago ang pagkaka-ibigan (romantic relationship). Para sa akin, kung seryoso ka,may pag-asa ka man o wala, mahalaga maiparamdam mo sa taong gusto mo na gusto mo s'ya o maipakita mong mahal mo siya. Hindi mo naman agad-agad masasabing gusto mo din kasi ang isang tao, kaya nga may tinatawag na nade-develop. Sa una wala naman talaga, pero sa unti-unting pagkakakilala sa isa't isa, may sumusulpot na emosyong akala mo hindi mo mararamdaman sa taong 'yon. Huwag mo lang daain sa makulit na paraan. Swabe lang Pre. Kung sabihin mang ayaw niya, d'yan na pumapasok ang salitang respeto.

Madali lang ang buhay kung gugustuhin. Huwag gawing kumplikado ang simple lang naman kung tutuusin. Minsan andyan na ang sagot pero ayaw mong tanggapin. Halata naman ang katotohanan pero deadma lang sa'yo. Posible ang lahat ng bagay kung mapag-uusapan lang. Lahat pwede mong malaman kung magtatanong ka lang. Walang malalim na sugat kung sa umpisa pa lang naging tapat ka na sa sarili mo at sa ibang tao. Mahirap kasi takot tayo.. takot sa sakit.. takot sa rejection. Kaya ano? Lagi lang nasa comfort zone, lagi lang playing safe. Kaya ang mga relasyon ngayon, laging no label. Laging kung tawagin nga nila.. M.U.



No comments: