Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Kwentong Kalye. Show all posts
Showing posts with label Kwentong Kalye. Show all posts

Sunday, March 31, 2013

Yes! Lunes Na Ulit.

Gasgas na gasgas ang TGIF, kasi kinabukasan non simula ng pahinga sa trabaho o sa eskwela. Time out muna sa tambak na trabaho at sangkatutak na takdang-aralin. Tapos pag sumapit na ang Lunes, ang bibigat ng katawan para simulan ang araw. Tinatamad, bitin sa weekend at sabik ulit sa Biyernes. Pero ako, laging 'Hay, Friday na!' at 'Yes! Lunes na ulit.





Lagi akong may dalang libro para pampatanggal inip sa mahabang pila sa terminal ng FX papuntang Ayala. Minsan makakalahati ko na yung libro pero wala pa ding dumadating na sasakyan. Kaya minsan, 'di maiiwasang yung mga kasama mo sa pila ang pag-aksayahan mo ng tingin. Merong laging naka headphones na mas malaki pa ata sa ulo niya. Meron ding hawi ng hawi ng buhok na ginawa ng suklay ang mga daliri niya. Merong kahit walang tugtog, tila sumasayaw na sa kinatatayuan niya. Merong tingin ng tingin sa relo, nagbabasa ng libro, nanonood sa movie sa cellphone, nagma-marathon ng The Walking Dead sa iPod, naglalaro ng candy crush saga, nag-a-aka guardiya sibil ni Rizal at nabubugnot tulad ko. Hanggang sa alam ko na ang oras ng dating ng iba. At hanggang sa may lagi akong inaabangang babae sa kung anong suot niya. Magaling kasi siya magdala ng damit, na kahit simple lang eh nakaka- wow. Lagi na lang siya ang tinitignan ko. Nakatabi ko na din siya at nalaman kong napaka-conscious niya. Straight body kapag nakaupo, hindi natutulog sa byahe kahit naghihilik na ang lahat sa loob ng fx, sa pananalita eh mukang masungit at medyo maarte. (Hindi naman sa pagiging judgemental. Ayon lamang 'yan sa obserbasyon ko).


Hindi lang pala ako ang laging tumitingin sa kanya. Merong isang simpatikong lalaki ang sulyap ng sulyap. Medyo maliit siya para sa height ng lalaki. Dalawang emosyon lang ang karaniwang makikita mo sa mukha niya -- masungit at blangko. Hindi ko alam kung sadyang suplado siya tignan o lagi lang mukhang nakataas kilay niya. (Ang sexy tignan. Tehehe *u*)


Ang misteryoso ng dating. Nakakaasar pero ang cute din. Eh hanggang napansin kong kapag dumarating ako sa terminal matik na hinahanap ko si loko. Siya naman ang inoobserbahan ko. Mala-John Lloyd ang porma, humabang mahawk ang style ng buhok, may humahabang bigote, darating ng 7am o 5 to 10 minutes before 7 na laging may earphones na puti at backpack na itim. Hindi ko alam pero 'di ko namamalayan eh nagiging crush ko na siya. Kahit na sa tuwing mapapatingin siya sa direksyon ko, eh laging pa-snob ang mukha niya.


Sabik ako sa Lunes kasi dalawang araw ko siyang 'di nakita. Tantyado ang oras ng dating ko sa terminal para 'di masyado magkalayo ang pila namin. Tamang distansya lang para makasulyap. At Racini ang tinawag ko sa kanya kasi yun ang tatak ng bag niya. :)


Minsang inatake ako ng sakit ko: katam. Naalala ko siya at napatayo na lang ako sa'king pagkakahiga. Minadali ang kilos at imbes maglakad eh nag-tricycle na ako para maabutan ko siya sa pila. Nakaka-excite sa feeling. (Landi lang eno)


Pagdating ko, alam kong obvious ako na may hinahanap ako. Kaso wala, hindi ko siya nakita, 7:15 na din kasi, baka nakasakay na siya. Napabuntong hininga na lang ako at nanghinayang sa trenta pesos na pamasahe sa tricycle. Naglakad na lang sana ako, eh hindi ko din naman pala siya maabutan. Parang ewan lang na ang lungkot sa feeling. (Ang arte lang talaga. ☺) Tapos napalingon ako.


Hindi ko sigurado kung napatingin siya dahil napalingon ako o sadyang kanina pa niya ako tinititigan. (Assuming lang. ♥ Self-inflicted kilig) Pero sigurado akong nagbanggaan talaga ang tingin namin. Nawala ang sungit ng mukha niya. Hindi mukhang nakataas ang kilay. May pangatlong emosyon na siya-- gulat. Napangiti ako. Parang baliw lang. Sa tingin ko nga eh nag-blush pa nga ako. Nakita ko na 'yong nagpapa-excite sa'kin na mag Lunes na. 'Di na ako nagtangkang lumingon ulit, dahil bukas, alam kong makikita ko siya ulit at marahil ang pang-apat at iba pang emosyong nakatago sa minsang blangko at madalas na masungit niyang mukha.


(larawan mula sa deviantART.com)

Sunday, October 7, 2012

Warning Shot!

Martes noon. Walang kamalay malay sa kung paano matatapos ang araw ko. Kahit anong oras umuwi, ayos lang. Sanay naman ng abutan ng hating gabi sa daan. Pero binago ng pag-uwi ko ng alas otso, at pagsakay ko ng jeep sa Cubao ang kasanayang ito.

Tulad ng araw-araw na kinagawian, paglabas sa opisina, sasakay akong MRT at baba sa Cubao. At sa Cubao sasakay akong jeep papuntang Welcome. Madalas sa byahe, pampatay inip, nagbabasa akong libro. Hanggang sa maantala ako ng makarating sa Araneta. Ang iingay ng mga tao sa kalsada. Ang trapik. Hanggang makarating sa QI. Sabi sabi, may sunog daw. Sabi sabi, may banggaan daw. Hanggang sa pagdaan namin sa kanto ng Brgy. Tatalon, may nakahandusay na lalaki sa gitna ng daan. At dahil trapik, nahinto ang sinasakyan kong jeep sa mismong tapat ng duguang lalaki.

Marami na akong nasasaksihang ganito -- mga duguan sa kalsada. Pero iba ang pangyayaring ito.

Ang sakay sa jeep: si manong driver, si ate na nurse, si kuyang may ka-text, at ako, na mukang namumutla at nagambala sa nakita.

Lahat kami gulat. Ang daming pulis at tanod. May grupo na din ng media at mga usi sa paligid.  Nabasag ang pagkagulat ng lahat nang sumakay ang isang lalaking may back pack. Ang daming tanong ni manong driver. Anong nangyari? Nako, patay na yun 'no? Bakit kaya? At biglang sumagot ang bagong sakay na lalaki.




Bagong sakay: Holdaper po. Patay na.
Driver: Ano, iho?
Bagong sakay: Holdaper po yun. Patay na. Nabaril sa tyan.
Driver: Nako, natimbog! Naglalabasan nanaman ang mga masasamang loob. Magpapasko na din kasi.

At biglang may isang matinis na boses ang sumabat sa usapan..

Ate na nurse: Ano kuya? Anong nangyari?

Inusisa n'ya ang bagong sakay na lalaki na animo'y isa s'yang reporter. Ang daming tanong. Kaya't napakamot na lang ang lalaking bagong sakay. Pero sumasagot din naman siya sa bawat tanong ng nurse.

Bagong sakay: Holdaper yung namatay.
Nurse: sinong bumaril?
Bagong sakay: Pulis. May sakay na pulis din kasi 'yung jeep na hinoldap nun. Ayun.
Nurse: Saan n'ya binaril kuya?
Bagong sakay: Sa tagiliran, bandang tyan. Kaya ayon patay.
Nurse: Grabe naman! Dapat sa paa na lang nila binaril. Hindi nila pinatay. Grabe naman sila.
Bagong sakay: Nag-warning shot  na rin kasi. E may hawak din yung holdaper kaya siguro napilitan naring puruhan.
Nurse: Maski na. Ang bigat kaya sa loob na makakita ng taong duguan sa kalsada. Lalo pa't patay na. Araw-araw akong nasa ospital, halos araw-araw din akong nakakakita ng taong namamatay. At sa tingin ko, di naman magandang pati sa kalsada, makakakita ka din ng namatay. Di ba?
Bagong sakay: Alam n'yo, mabait yun. Kapitbahay ko kasi yun.

Napatingin ako sa bagong sakay na lalaki. At nakita ko din napatingin ang mausisang nurse, si manong driver, at ang lalaking text lang ng text. Napansin kong pawis na pawis ang bagong sakay na lalaki. Parang binabasa n'ya bawat tumatakbo sa isipan naming lahat.

Nurse: HA? Talaga kuya?
Bagong sakay: Oo, kapitbahay ko yun. Mabait yun. Factory worker s'ya. Alam ko may sakit ang anak niya kaya siguro naisipan n'yang gawin yun. Marami na ngayon ang kumakapit sa patalim para lang sa mga minamahal nila. Kaya siguro hindi ko siya masisisi. Nakakalungkot nga lang na sa ganitong paraan siya namatay.
Nurse: Kawawa naman pala. Ang hirap na kasi ng ekonomiya natin. Ang hirap maghanap ng trabaho. Ang baba magpasweldo. Kung hindi sapat ang kita, kulang naman. Paano na ngayon  yung anak n'yang may sakit? Dagdag gastos pa ngayon yung pagkamatay nya 'no?
Manong driver: Yan ang pagkukulang ng media. Ibabalita at ipapakita nila na nahuli at napatay nila ang holdaper na walang nakakaalam kung bakit nila ito nagawa. Hindi nila napapakita ang lahat ng anggulo ng istorya. Nakakalungkot.
Bagong sakay: ....
Lalaking nagte-text: (Nagte-text pa din.)
Ako: Para po sa tabi.

Nangangatog akong bumaba. At ang dami kong naisip habang nakikinig sa usapan sa jeep na 'yon. Pwedeng tama sila, pwedeng hindi. Pero sabi nga, may dahilan lahat. At may dahilan kung bakit ganon ang paniniwala o opinyon nila. At sa pangyayaring 'yon, nabigyan ako ng dahilan para mag-iba ng routa sa pag-uwi.



Sunday, June 17, 2012

Ganito At Ganyan.

Hindi talaga minsan lilipas ang isang araw na hindi ka makukunsumi. At madalas, pare-parehas lang naman ng mga dahilan kung bakit. Hindi mo minsan mawari kung nataon lang, o sinasadya na. Mayroon din namang mga bagay-bagay na pwede pala, pero mas pinipiling hindi na lang gawin. Isang katamaran o walang kadisiplinahan? Ang daming dumadahilan, ang daming sinasabi. Pero ang iba, kibit balikat na lang, yung iba taas kilay pa.
Sa LRT1 at 2, pati sa MRT.
Bakit mas malaki ang tren ng LRT 2 kaysa sa LRT1 at MRT kung mas marami namang mas sumasakay dito? Bakit sa MRT nagagawang sumunod sa pila ng mga pasahero (kahit paano) pero sa LRT 1 sarap manapak sa sobrang garapal maningit. Bakit ang daming bulgar na manyak sa LRT 1, e sa MRT nga kaya naman sumimple ng hipo. Buti pa sa LRT 2, madalas parang wala lang, pwede ka pang mag-tumbling.


Sa jeep.

Wow! Parang model lang ng shampoo, teh! Ang kati mo sa mukha, pramis! Hindi marunong makiramdam o sadyang nagmamaganda lang talaga? Tandaan, hindi lang ikaw ang nag-iisang pasahero. At hindi lahat nagtutuwa sa hinahanging buhok mo.

Kung ayaw mong mag-abot ng bayad, wag kang uupo sa likod ng tsuper. Minsan ang nakakainis pa, titignan ka lang hanggang sa mangawit kili-kili mo sa inaabot mong bayad. Kahit i-megaphone mo pa ang salitang PAKI ABOT PO, sorry deadma lang talaga.

Mayroon ding wagas makabukaka at makapanakop ng upuan. Ano, tatlo ang binayad? May pagkakataon ding halata namang isang pisngi lang ng pwet mo ang nakaupo, e ayaw pang umusod. Sarap i-leglock!

Tapos etong si Manong driver sasabihing sampuan kahit siyaman lang naman talaga ang kapasidad ng jeep nya. Aguy, sakit n'yo sa peklat! At idagdag mo pa ang 'kulang ang bayad' mo kahit araw-araw mo namang byahe 'yon. Isasagot pa sa'yo na ang tagal tagal na daw nilang nagbabyahe na ganoon ang presyo ng bayad. Eh Manong, ako din po.. araw-araw ako nagbabyahe, pare-parehas lang pamasaheng inaabot ko. Taga saan ka 'nong?

Sa FX.

Lahat gusto umupo sa may bukasan ng pinto. Lalo sa sevice van, ang daming ayaw sa may dulo kahit na terminal-to-terminal naman ang sakay at baba niya. Kaya imbes makaalis na, tatagal pa sa kaartehan. Tapos sisimangot kapag yung pina-upo nila sa likod ay baba bago mag terminal. Eh, ginusto n'yo yan eh.

Hindi naman sa pagrereklamo, pero dahil pare-parehas lang naman tayo nagko-commute, pakiramdaman naman. Wag puro pakapalan ng mukha. Hindi pa ako bihasa sa ganyang laban e. Okay?

Friday, December 9, 2011

Tatlong Pisong Pangarap.



"...beggars were the only ones who never pretend to be happy; on the contrary, they pretend to be sad."
-- Paulo Coelho

Nakakita ka na ba ng namamalimos na nakangiti? Ng pulubing hanep sa saya habang nakahingi ang palad niyang nag-iintay sa kung anumang ibigay ng kuripot mong bulsa? Kahit galing sa masayang paglalaro, lalapit sa'yong nakalamukos ang mukha para sa baryang pamasahe mo sana, pero sa kanila'y pangkaen na?

Aminado akong hindi ako palabigay sa mga namamalimos. Dahil kasi sa sinasabi nilang walang makain nguni't nangingintab ang mga suot na bling bling, paano ako maniniwala? Sa bawat pagbibigay nila ng mga sobreng nakasulat na pambili sana ng damit at pagkaen pero sa likurang bulsa'y may plastik ng rugby, saan ba ako makakatulong, sa pangkaen o sa pangbisyo nila? Sa bawat punas sa sapatos, tsinelas o sa paa ng mga tao sa jeep, hindi mo nalalalayan kwintas mo'y nahablot na nila. Nakakaawang nakakainis lang. Hindi ako madamot o mapanghusga, pero masisisi n'yo ba ako?

Tirik ang araw, binabaybay ang isang kalye sa Maynila. Mayroong biglang sumulpot na marungis na bata at hinihingi ang may kagat kong tinapay. Ewan ko ba kung bakit matanong ako kung minsan. Parang hiningi ko ang biodata nung bata. At habang nagtatanungan kami, bigla ko na lang siya inaya kumain sa isang hambugeran sa tabi.


Siya Si Hannah. Limang taong gulang na nakatira sa ilalim ng isang tulay sa Maynila. Dalawa silang magkapatid na namamalimos sa daan at kung minsan ay nagtitinda ng sampaguita. Ang kanyang ama ay may pedicab na nagsisilbing hanapbuhay nila. Samantalang ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa isang pabrika. Ang kinikita na kanyang mga magulang ay nagsisilbing panggastos nila sa pang-araw araw at pangtustos sa pag-aaral ng kanyang kuya. Ang pamamalimos ay taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, nguni't sa murang edad, naiisip na niyang tumulong at ito ang nakikita niyang paraan. Sa bawat napapalimusan niya, nagtatabi siya ng tatlong piso at ito'y iipunin niya. Ayon kay Hannah, iipunin niya ito para sa kanyang pag-aaral. Trenta pesos, ang kadalasang salaping pinagkakasya nila para sa pagkain nila buong araw. Kaya naman ang binili kong burger sa kanya, ginagatan lang niya ng halos dalawang beses at binalot na ulit niya. Iuuwi na lang daw niya ito sa bahay at paghahatian ng buong pamilya.



Gusto ni Hannah na maging guro balang araw. Gusto niyang magturo sa mga batang lansangan na kapos para makapag-aral. Gusto niyang matutong mangarap ang mga batang sa tingin ng iba'y walang pag-asang umunlad sa buhay.

Umuwi akong dala-dala ang kwento ng isang batang halos itaboy ng lipunan. At habang ginagawa ko ito, naaalala ko ang masaya niyang mukha habang kumakain ng tinapay na sa tingin nila'y burger na; ang lungkot at pag-asa sa mga mata niya habang nagkukwento tungkol sa mga pangarap niya.

Sa tatlong pisong pagbuo sa kanyang pangarap, ano ba naman ang baryang ito para ipagdamot pa sa batang sinasabing pag-asa ng bayan?





Tuesday, December 6, 2011

Bato Balaning Pilipinas at Pilipino.

Ilang presidente na ang papalit-palit na umupo. Ilang pagpupulong at pagra-rally na ang nasaksihan sa daan. Pare-parehas na hinaing sa iba't ibang pinunong binoto at kalauna'y nais ding patalsikin. Marami na ang nasaktan, at ang iba'y nasawi. Sino ba ang bingi sa labas lalamunang sigaw sa kalsada? Sino ba ang bulag sa pagbabagong nagaganap na harapang sinasampal sa madla? Sino ba talaga ang may kasalanan sa kahirapang hindi matakasan ni Juan?

Nasa palad ng bawat isa ang kapangyarihang pumili ng mamumuno sa bansa. Lahat ng suporta ay ibibigay manalo lamang ang manok at pinupulso ng nakararami. Bakit mo ba siya pinili? Dahil ba sa matalino siya, may kakayahang mamuno, at malapit sa masa? O dahil sa sikat ang pamilya, walang ibang mapili, at mayaman siya? Ano pa man ang dahilan kung bakit siya ang isinulat mo sa iyong balota, sana ganun pa din ang suportang ibinibigay mo matapos ang pagkakahalal sa kanya.

Madaling sabihing maraming magbabago. Pero hindi ganoon kadali pag sinasagawa na ang pagbabago.

Halimbawa na lang sa ating mga sarili. May nagsasabi sa atin na 'magbabago na ako.' Ang taong nasadlak sa bisyo, hindi agad-agad na kinabukasan ay matatalikuran na niya ang bisyong lagi-lagi niyang ginagawa. Posible ang magbago. Pero maski sa sarili natin, aminin natin, hindi mabilisang proseso ito. Paano pa kaya kung ang babaguhin ay ang nakagisnang pamamalakad?


May nais makapag-aral nguni't hindi gumagawa ng paraan. May nais makapagtrabaho pero hindi naman naghahanap, nananatiling tambay sa bahay. May gustong lamanan ang sikmura pero sa halip, rugby ang binili sa tindahan.

May nakakapag-aral kahit kapos, pero iniiwan ang eskwela para sa ibang bagay. May biniyayaan ng trabaho, pero binabalewala lang. At may nakakakain ng maayos nguni't kung aksayahin, wari'y sila ang nagmamay-ari ng palayaan sa mundo.

Maaaring hindi ko nakikita ang mga nakikita mo, o napapansin ang mga bagay na dinadaan-daanan ko lang, pero hindi nangangahulugang wala na akong pakialam.

Edukasyon - sinasabing kalasag sa kahirapan. Nguni't kapag nakatapos ka, asan ka? Ang ilan e nakadaragdag pa sa problema ng bayan. Saan mo ginamit ang pinaglalabang edukasyon para sa'yo?

Pinag-aagawang budget na milyon o bilyon. Maraming nagsasabing mali ang ginagawang alokasyon. Ilang sangay ba ang dapat nitong paglaanan? Paano ba ang dapat na paghahati-hati ng mga salaping galing din naman sa kaban ng bayan? Maraming nagrereklamo na ang pinoproblemang pagba-budget ay kung paano pagkakasyahin ang baon sa paglalaro ng computer games, sa pangbisyo o sa pagpapaganda.

Pantay na karapatan. Hinihingi ng ilan ang salitang yan. Nguni't ang mismong pinaghihingan nyan ay hindi mo binibigyan ng sinasabing mong 'pantay' na karapatan.

Maraming palpak na gawa ang napupuna. Nguni't wala man lang isa na pumansin sa mga magagandang nagawa. Ang daming humihingi ng pagbabago nguni't wala ni isa ang nagkusang nanguna sa pagbabago. Lahat ay nagrereklamo, nguni't wala ni isa ang gumawa ng paraan kundi isinisi sa sinasabi nilang may kasalanan ng kanilang katamaran.

**********


Hindi ako mayaman. Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa isang Unibersidad na nagmulat sa akin ng 'tatsulok' na sistema ng bansa. Alam ko ang pakiramdam ng mga sumisigaw sa Mendiola, Morayta, o maski sa loob lang ng paaralan. Nabiyayaan ako ng edukasyon na muntik ko ng itapon. Kahit hindi laging bongga ang nakahain sa hapag-kainan, tatlong beses naming nalalamanan ang aming tyan. May trabaho akong iniwan ko, na ang iba'y nasasayangan. Naiisip ko na sana noong nag-aaral ako, sinulit ko. Sana mas naging mabuting estudyante ako. Sa mga pagkakataong kapos, sana kinaen ko na lang yung mga patagong pagkaing inaksaya ko kahit sobrang busog na ako. Sa mga panahong wala akong magawa, sana hindi ako tinamad noon.

Maraming palpak sa buhay ng tao. At malaking porsyento ay hindi dapat na sa ibang tao isisi at ipaako. Tulad ng sabi ko dati, simulan mo sa maliit na bagay.. simulan mo sa sarili mo. Pero dahil tamad akong tao, tulungan mo itong maipabasa ito kay PNoy!

Saturday, October 1, 2011

Ang Tunay na Babae ay Nanonood ng Wrestling


Ang saya siguro maging wrestler, no? Hindi ko mapapalampasmga episode sa WWE kahit sinasabing scripted lang naman ito. At kahit ayoko ngmga muscles na OA sa paningin ko, fan ako. :)
**********

Marami ang nagsasabing unfair daw ang mundo pagdating sababae at lalaki. E nasan nga ba ang equality? Dati dapat ang lalaki angnagtatrabaho, ang babae dapat nasa bahay lang-- nag-aalaga sa pamilya,nananahi, gumagawa ng mga gawaing bahay. Minsan nga hindi na pinag-aaral kasinga naman, pag-aaralin pa e kung ang gagawin lang naman nya habambuhay e sabahay lang, buburuhin ang sarili sa cross stitch at pagluluto. E kaso iba nanga ngayon. Kaya nang makipagsabayan ang mga babae sa mga lalaki. Alam mo yan!Pero wag ka naman masyadong literal.

Sabi ng mga lalaki, unfair daw na nasasabihan silang bekikapag umiyak. E sino ba nagsabing bawal umiyak? Hindi masamang umiyak, masamakung pipigilan mo yan. Kaya maraming namamatay dahil sa sakit sa puso e. Hindikabaklaan na ipakitang nasaktan ka. Tao ka e, may emosyon. Hindi sa lahat ngoras kailangang ipakitang malakas ka, kasi lahat naman ng tao, may kahinaan.

Sabi nila, off daw kung babae ang manligaw. E ako, kungmanliligaw man ako, sa babae hindi sa lalaki. :)) Anyways, hindi naman masamangipakitang may nagugustuhan ka. So, paano, iintayin na lang ng babae yungtorpeng lalaki? Masasabihan agad na malandi ang babae kapag unang nagpakita ngmotibo. Hindi ba unfair yun?

Kapag ang lalaki nambabae, okay lang kasi nasa nature daw ngmga lalaki yun. E ang babae kapag nanlalaki, halos tapakan buong pagkatao modahil sa nagawa mo. Bat ganun?

Ang babae lang nagkaka monthly period. MONTHLY. E ang lalakiisang beses lang tuliin. At ang pagtutuli sa lalaki ay nakakatulong pa sapagkalalaki nila. E ang babae, pag tinuli, tuwing sinisipingan sila.. masakit.Fair ba un?

*Oh yes. You read it right. May (mga) bansang tinutuli angmga babae. Para lalaki lang ang makaramdam ng pleasure sa intercourse nila ngasawa niya.

Sa LRT o sa bus, mabigat pa sa loob mong may paupuin kangmatanda o babae. Hindi naman sa nagpapaka superhero, pero hiluhin ako kapagmatagal na nakatayo. Pero kapag alam kong may mas lakas ako, magpapaubaya akosa upuan. Kasi ganun naman talaga di ba? Bigayan. Pero badtrip minsan. Ang damikong dala-dala, malayo pa bababaan ko pero lahat ng lalaki nakayuko. Wa pakelssa beauty ko. BADTRIP! Tas may sumakay na maputi, maganda, pa-demure, walangsabi-sabi ang ganda ng pagkakaupo niya. Pouch lang naman ang dala-dala niya.

Bat ganun? Nagiging sukatan ng pagiging babae ang katawan?Kailangan sexy, C cup pero tatlong dangkal lang ang bewang. Kfine. Di akoC cup, 26 ang bewang ko. At di ako ang babaeng nililingon.. tinititiganlang. :D HAHA. Bwisit!

E sino ba namang makakatanggi sa balingkinitan ang katawan?E baka nga gustuhin mo pang kandungin. Ano pa kung ganito:


Sige. Magpigil ka!

Alam nyo ba kung bakit may mini skirts? plunging neckline?Kasi dun nakakakuha ng pansin ang mga babae. Kasi masyadong makasalanan angmata ng mga lalaki. Kasi yun ang kahinaan nyo. Hindi papansin ang mga babae,strategy yun. *Wink! LMAO.

Aminin mang hindi ng mga lalake, mas mapanghamak sila sakatawan kesa sa mga babae. Kaya sobra kung kumita ang mga magazine gaya ng FHMat Maxim, dahil laman ng mga pahina nito ang mga babaeng na-overdose saairbrush at retouch. At ang mabentang magazines na pambabae? Mga magazines nanatuturo kung papaanong magpapayat. Swerte ko lang na hindi ako tabain kahitnakaka 5 extra rice ako. Oooopppss!


Kaya sa mga lalake, wala namang problema kungpag-lawayan ninyo si Megan Fox, Angelina Jolie o kung sino pang mga babae na looks lang naman ang laban, Ok lang rin ang constructivecriticism. Pero tandaan ninyong ilagay niyo lang sa patas ang lahat: Bagoniyo i-criticize ang kulay ng kutis ng babae, isipin ninyo kung makinis kayo.At bago ninyo punahin ang laki ng boobs, isipin ninyo na pinupuna rin namin anglaki ng etits niyo. HELLO!

**********
Hindi kakulangan sa pagkalalaki na gawin ang karaniwangginagawa ng mga babae. Pansinin mo, kapwa lalaki mo lang din ang pumupuna sakilos mo.

Sa usapang date. Taas-taasan ang ego kapag hindi lalaki angnagbayad. Tse! Pa-impress ng pa-impress e sino ba nagsabing kayo magbayad?Pwede namang hati. Wag ipilit ang di kaya. Ikaw lang din naman mahihirapan.Buti pa ako, sa teresa lang, solb na ako. :D LOL. 60 pesos may tatlong extrarice at masarap na ulam na. Yez!

Wala namang nagsabing magpanggap ka. Maging totoo ka lang.Naduduwag ka kasing mahusgahan. Wag paapekto kung di naman totoo. yun langnaman, yun di ba?

May mga matatapang na lumalabas sa comfort zone nila. Nanag-eexperiment. Na gumagawa ng mga bagay na iba sa karamihan. Kumabaga satermonolohiya ng tao, weird. O sa sinasabing mga normal, e mga abnormal. Fairba yun?

Babae man o lalaki, parehas lang tao. Parehas lang maykakayanan, parehas may emosyon at pakiramdam. Parehas marunong mag-isip atgumawa ng desisyon. Ang mahirap lang, may ibang sumusunod lang sa anino ng iba.Anino ng mga mapanghusgang mata at mga kaisipang sarado sa katotohanang pataslang tayo.

Sunday, June 12, 2011

Magpalaya ka!




Dahil sa convo na ito sa FB sa isang kaibigan, kung anu-ano nang bumubulong sa utak ko. Oo nga pala, Araw ng Kalayaan ngayon. 113 taon na ang nakalilipas mula ng ipinahayag ni Hen. Emilio Aguinaldo ang ganap na kalayaan ng ating bansa. Ayon sa ating kasaysayan, bandang ika-lima ng hapon, Hulyo 12, 1898, sa Cavite el Viejo na ngayo'y mas kilala sa tawag na Kawit, Cavite, inihayag ng unang Pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo sa harap ng sambayanang Pilipino ang ating kalayaan. Sa araw din iyon unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas na ginawa ni Gng. Marcela Agoncillo sa Hongkong.




KALAYAAN, mula sa salitang ugat na LAYA. Layang mag-isip, layang magsalita, at layang kumilos sa paraang alam natin. At sa bawat kalayaan ay may kakambal na karapatan. Ang dalawang salitang ito ay makapangyarihan. Maaari itong makasira o makaganda sa tao; maaaring makabuhay o makapatay; maaaring maikasalba o maikalubog pa; at maaring gumawa ng gera o makapagpakasundo.

Marami sa mga site na nakikita ko sa internet ay may pare-parehong tanong:
MALAYA KA BA TALAGA? GANAP NGA BA TAONG MALAYA?

At ito ang ilan sa mga sagot na nakita ko..

  • No
    .
    Hindi pa rin malaya ang mga pilipino sa MGA KURAKOT na government official. Sa mga MASASAMANG loob. At sa mga TERROR na teacher.
  • sbi sa balita malaya tau POLITICALLY kc, may srili taung batas. . para skin, ndi pa,magulo pa buhay ng pilipinO ngaun e,
  • feeling ko sobrang laya natin di na tayo ma-disiplina.
  • Oo malaya tayo pero dapat makiramdam kung lumalagpas na sa kalayaang tinatamasa.


Malaya nga ba talaga ako? Malaya nga ba talaga tayo? Ang sagot ko ay isang tanong din: Sa anong aspeto? Kung sa bansa o gobyerno ang usapan.. oo! Malaya tayong ihalal ang taong mamumuno sa ating bansa. Pero anong nagyayari? sa bawat umuupo sa MalacaƱang, isang pagkakamali lang gusto nang pababain sa pwesto. Ikaw ang naghalal, ikaw din ang sisibak. Hindi madali ang magpatakbo ng bansang pasaway ang ang tao!


Malaya tayo sa pamamahayag. Ilan ba ang pahayagaan dito sa Pinas? Ilang channel ba ang meron sa telebisyon n'yo? Lahat ng mamamahayag may karapatang isulat o ibalita ang mga nakita o nakalap nila. Nakakarating din ang mga impormasyong yan sa ating mga madla. At malaya din tayong maniwala o hindi sa lahat ng nadidinig at nababasa natin.


Malaya tayong mga anak at mga magulang. Malaya kang maglayas o magrebelde kung ayaw mo ng patakaran sa loob ng pamamahay n'yo.

Malaya kang umibig. Malaya kang mang-iwan at magpaasa. Malaya kang manakit at mang-apak ng tao. Malaya kang magmura, malaya kang mambola, malaya kang magduda, magselos at magalit.


Malaya tayong sumigaw sa lansangan at ipahayag ang daing sa gobyerno. Malaya kang ikwento ang buong buhay mo sa internet. Malaya kang gumawa ng page ng kung anu-ano sa Facebook. Malaya kang magsuot ng damit ng gusto mo. Malaya kang pumili.


Malaya tayong magnakaw, mangukarot at mang-gantso. Malaya kang pumatay, mambuntis at manganak. Malaya ka! Malayang malaya.


Alam mo kung ano ang wala sa atin? Ang disiplina, tamang pagdedesisyon, pagsunod at pagtanggap. Nasa iisang gobyerno tayong may mataas na namamahala. May batas tayong dapat sundin at igalang. Sa bawat karapatang gagawin mo, di sapat na gawin mo iyon batay sa pansariling kagustuhan lamang, kundi sa pangmaramihan - pangkalahatan. May dapat sa hindi dapat. At mayroong tama at mali.


Malaya kang pumatay, pero mali. Malaya kang magnakaw, pero mali. Malaya kang mangotong, pero mali. Malaya kang manloko, pero mali. Malaya kang mambastos, pero mali. Malaya kang manakit, pero mali.


Nasobrahan ang utak natin sa pag-angkin sa kalayaan. Nasobrahan ang ipinagkaloob na kapangyarihang mag-isip, magsalita at gumawa. Ikulong natin ang ating mga sarili sa ideyolohiyang MALAYA tayo. Nakalimutan nating may salitang masama at mabuti. Malaya tayo, naaabuso na nga natin, hindi mo na nakikita?


Kung usaping dayuhan, dyan tayo tatagilid. Dahil hanggang sa ngayon, marami pa din ang sumasakop sa atin. Sakop pa din nila ang ating pag-iisip. Sa kanta, sa pananamit at sa pagkain. Sa lengguwahe, bakit nasasabihan kang bobo kung barok ka sa Ingles pero bihasa ka sa Tagalog? Bakit batayan ng pagkatao pag utal utal ka magsalita? Sa isang contest, natural lang ang may magsalin ng lengguwahe mo sa salitang Ingles. Pero bakit kapag Pinay/Pinoy ang gumawa nyan, parang "Nako! Talo na!" Naiintindihan ko naman na kailangan, pero usaping kalayaan naman ito, kaya malaya akong sabihin ang opinyon ko. ☺

Anong kinakanta mo? OPM ba? Iyong iba kapag nakarinig ng tagalog na kanta kung mandiri akala mo marunong silang bumuo ng kanta. Pero kapag banyagang musika na usapan, akala mo naman naiintindihan niya yung gustong iparating nung kanta.

Malaya ako, malaya tayo. Pero wag iisantabi ang bait sa sarili at sa kapwa mo tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero maging disiplinado sa bawat kilos mo.
Malaya ako, malaya tao. Pero huwag abuhusin ang karapatang hindi lamang ikaw ang may hawak.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag maging manhid sa nararamdaman ng ibang tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag itong gawing dahilan para magawa ng mali.
Malaya ako, malaya tayo. Pero alamin ang limitasyon ng karapatan at kalayaan mo.

Pinalaya ka sa dayuhang sumakop ng bansa mo. Kaya't magpalaya ka sa dayuhang binuo mo sa sarili mo! Namatay sila para sa kalayaan mo, ngayo'y mabuhay ka at gumawa ng tama at dapat para sa kapwa mo!


Araw-araw kang malaya. Lumipad ka at huwag maging pabigat sa mga puno. ☺