Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Sunday, June 12, 2011

Magpalaya ka!




Dahil sa convo na ito sa FB sa isang kaibigan, kung anu-ano nang bumubulong sa utak ko. Oo nga pala, Araw ng Kalayaan ngayon. 113 taon na ang nakalilipas mula ng ipinahayag ni Hen. Emilio Aguinaldo ang ganap na kalayaan ng ating bansa. Ayon sa ating kasaysayan, bandang ika-lima ng hapon, Hulyo 12, 1898, sa Cavite el Viejo na ngayo'y mas kilala sa tawag na Kawit, Cavite, inihayag ng unang Pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo sa harap ng sambayanang Pilipino ang ating kalayaan. Sa araw din iyon unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas na ginawa ni Gng. Marcela Agoncillo sa Hongkong.




KALAYAAN, mula sa salitang ugat na LAYA. Layang mag-isip, layang magsalita, at layang kumilos sa paraang alam natin. At sa bawat kalayaan ay may kakambal na karapatan. Ang dalawang salitang ito ay makapangyarihan. Maaari itong makasira o makaganda sa tao; maaaring makabuhay o makapatay; maaaring maikasalba o maikalubog pa; at maaring gumawa ng gera o makapagpakasundo.

Marami sa mga site na nakikita ko sa internet ay may pare-parehong tanong:
MALAYA KA BA TALAGA? GANAP NGA BA TAONG MALAYA?

At ito ang ilan sa mga sagot na nakita ko..

  • No
    .
    Hindi pa rin malaya ang mga pilipino sa MGA KURAKOT na government official. Sa mga MASASAMANG loob. At sa mga TERROR na teacher.
  • sbi sa balita malaya tau POLITICALLY kc, may srili taung batas. . para skin, ndi pa,magulo pa buhay ng pilipinO ngaun e,
  • feeling ko sobrang laya natin di na tayo ma-disiplina.
  • Oo malaya tayo pero dapat makiramdam kung lumalagpas na sa kalayaang tinatamasa.


Malaya nga ba talaga ako? Malaya nga ba talaga tayo? Ang sagot ko ay isang tanong din: Sa anong aspeto? Kung sa bansa o gobyerno ang usapan.. oo! Malaya tayong ihalal ang taong mamumuno sa ating bansa. Pero anong nagyayari? sa bawat umuupo sa MalacaƱang, isang pagkakamali lang gusto nang pababain sa pwesto. Ikaw ang naghalal, ikaw din ang sisibak. Hindi madali ang magpatakbo ng bansang pasaway ang ang tao!


Malaya tayo sa pamamahayag. Ilan ba ang pahayagaan dito sa Pinas? Ilang channel ba ang meron sa telebisyon n'yo? Lahat ng mamamahayag may karapatang isulat o ibalita ang mga nakita o nakalap nila. Nakakarating din ang mga impormasyong yan sa ating mga madla. At malaya din tayong maniwala o hindi sa lahat ng nadidinig at nababasa natin.


Malaya tayong mga anak at mga magulang. Malaya kang maglayas o magrebelde kung ayaw mo ng patakaran sa loob ng pamamahay n'yo.

Malaya kang umibig. Malaya kang mang-iwan at magpaasa. Malaya kang manakit at mang-apak ng tao. Malaya kang magmura, malaya kang mambola, malaya kang magduda, magselos at magalit.


Malaya tayong sumigaw sa lansangan at ipahayag ang daing sa gobyerno. Malaya kang ikwento ang buong buhay mo sa internet. Malaya kang gumawa ng page ng kung anu-ano sa Facebook. Malaya kang magsuot ng damit ng gusto mo. Malaya kang pumili.


Malaya tayong magnakaw, mangukarot at mang-gantso. Malaya kang pumatay, mambuntis at manganak. Malaya ka! Malayang malaya.


Alam mo kung ano ang wala sa atin? Ang disiplina, tamang pagdedesisyon, pagsunod at pagtanggap. Nasa iisang gobyerno tayong may mataas na namamahala. May batas tayong dapat sundin at igalang. Sa bawat karapatang gagawin mo, di sapat na gawin mo iyon batay sa pansariling kagustuhan lamang, kundi sa pangmaramihan - pangkalahatan. May dapat sa hindi dapat. At mayroong tama at mali.


Malaya kang pumatay, pero mali. Malaya kang magnakaw, pero mali. Malaya kang mangotong, pero mali. Malaya kang manloko, pero mali. Malaya kang mambastos, pero mali. Malaya kang manakit, pero mali.


Nasobrahan ang utak natin sa pag-angkin sa kalayaan. Nasobrahan ang ipinagkaloob na kapangyarihang mag-isip, magsalita at gumawa. Ikulong natin ang ating mga sarili sa ideyolohiyang MALAYA tayo. Nakalimutan nating may salitang masama at mabuti. Malaya tayo, naaabuso na nga natin, hindi mo na nakikita?


Kung usaping dayuhan, dyan tayo tatagilid. Dahil hanggang sa ngayon, marami pa din ang sumasakop sa atin. Sakop pa din nila ang ating pag-iisip. Sa kanta, sa pananamit at sa pagkain. Sa lengguwahe, bakit nasasabihan kang bobo kung barok ka sa Ingles pero bihasa ka sa Tagalog? Bakit batayan ng pagkatao pag utal utal ka magsalita? Sa isang contest, natural lang ang may magsalin ng lengguwahe mo sa salitang Ingles. Pero bakit kapag Pinay/Pinoy ang gumawa nyan, parang "Nako! Talo na!" Naiintindihan ko naman na kailangan, pero usaping kalayaan naman ito, kaya malaya akong sabihin ang opinyon ko. ☺

Anong kinakanta mo? OPM ba? Iyong iba kapag nakarinig ng tagalog na kanta kung mandiri akala mo marunong silang bumuo ng kanta. Pero kapag banyagang musika na usapan, akala mo naman naiintindihan niya yung gustong iparating nung kanta.

Malaya ako, malaya tayo. Pero wag iisantabi ang bait sa sarili at sa kapwa mo tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero maging disiplinado sa bawat kilos mo.
Malaya ako, malaya tao. Pero huwag abuhusin ang karapatang hindi lamang ikaw ang may hawak.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag maging manhid sa nararamdaman ng ibang tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag itong gawing dahilan para magawa ng mali.
Malaya ako, malaya tayo. Pero alamin ang limitasyon ng karapatan at kalayaan mo.

Pinalaya ka sa dayuhang sumakop ng bansa mo. Kaya't magpalaya ka sa dayuhang binuo mo sa sarili mo! Namatay sila para sa kalayaan mo, ngayo'y mabuhay ka at gumawa ng tama at dapat para sa kapwa mo!


Araw-araw kang malaya. Lumipad ka at huwag maging pabigat sa mga puno. ☺

2 comments:

Anonymous said...

Malaya tayo. pero dapat alam natin ang hangganan ng kalayaan na un. Ur the best <3 Love you!

Paniking Aligaga said...

Hahaha! Best? Nako. Masyadong mabigat. Salamat sa tiwala Xizs. Iloveyou! :)