Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Buhay-buhay. Show all posts
Showing posts with label Buhay-buhay. Show all posts

Saturday, May 17, 2014

K A R A M B O L A

Hindi ko alam kung paano ito sisimulan, tulad din ng hindi ko alam kung paano tatapusin kung sakaling masimulan na.


Marami talagang tanong sa mundo, na minsan maiisip mo, kailangan ba talaga ng sagot? O pwede ding tanong ka ng tanong pero wala naman pala dapat itanong. Kumbaga, pinapakomplikado mo lang yung mga bagay na simple naman kung titignan. Mahirap makontento no? Lalo't alam mo sa sarili mo na higit pa 'don ang dapat natatanggap mo. Meron din namang tanong na alam mo naman ang sagot, pero kailangan mo pang ipasampal sa'yo yun ng ibang tao. Mahirap tanggapin kasi masakit tanggapin.


Nitong dumaang mga buwan, ang dami dami kong naramdaman. Iba-iba. Halu-halo. Medyo nakakabaliw na nakaka-praning. Marami na akong narinig na kung anu-anong sermon, payo at marami pa. Pero sa huli, alam naman nating sarili din natin ang masusunod. Sabi nga ni Albert Camus di ba, Life is a sum of all your choices. Kaya kung ano man maging resulta ng mga pinili mo ngayon, hindi mo yan basta-basta pwedeng isisi o isumbat sa iba. Dahil ginusto mo man o hindi, pinili mong gawin yan. Wag nating bulyawan ang mundo na unfair ito, dahil hindi. Dahil kung merong takot, meron ding matapang. Kung merong duwang, meron ding marunong sumugal. Alin ka don?


Kung hindi ka pa handa sa sagot, wag ka magtanong. Kung hindi mo kayang matalo, wag ka sumugal. Simple as that. Pero sa panahon ngayon, dapat matapang ka, dapat lagi kang handa.. dahil talo ang mahihina. Fight!


Sabi nang isang kaibigan, wag kakalimutang babae ka. Magpasuyo ka. Hindi naman kalabisan yun.


Paulit-ulit na itong sinasabi pero minsan nakakalimutan natin -- mahalin mo ang sarili mo. 


Totoo na when it rains, it pours. Pakatatag ka lang. Lahat naman ng ulan, natatapos. at kapag tumila ang ulan, laging may araw na sasalubong sa'yo. Minsan pa nga may makulay na bahagharing ngingiti sa'yo. Wag kang magkulong at titigan lang ang ulan. Lumabas ka, damhin mo ang ulan. Wag ka matakot mabasa.


Sa oras na mahina ka, mas maraming tukso ang makikita. Wag kang magpakalulong sa mga bagay na alam mong pwede mong ikalubog at ikasira. Ang tukso ay hindi pinipigilan, ito ay iniiwasan.


Halos lahat ng bagay ay pwedeng nakasanayan lang. Kaya't wag magpakasanay sa mga bagay na alam mong hindi magtatagal. Nakakasira ito ng bait.


Madaling sabihin, mahirap gawin. Alam na nating lahat yan. Lagi lamang tatandaan na meron ding tinatawag na tama at mali. At may kulang, sapat, at sobra.


(Larawan mula sa google.)

Monday, May 13, 2013

Kalma. Hindi Naman Ako Nagmamadali.

Pangarap kong tumanda.. at may ka HHWW. Pa-sway-sway pa kahit masakit na ang buto-buto. Sabi ko nga, sana buhay pa si Willie Revillame at ang "pang masa niyang programa sa tv" para makasali sa Will of Fortune kapag kulubot na balat at bingi na ako. Pipilitin ko ang asawa ko kahit yun pa pag-awayan namin. Madalas kasi yung segment na ang contestant eh yung mga 50 years ng kasal at magkasama pa din. Pangarap ko yun. Pangarap kong may kasamang tumanda. Pangarap kong ikwento sa mundo ang istorya ng pag-ibig ko. At pangarap kong mayakap si Will, mabigyan ng jacket, makita sa tv, at sabihing.. "Sa mga kapit-bahay ko dyan.. ARTISTA NA AKOOOOOO!!"


Etong boss ko, halos araw-araw kami tanungin kung bakit wala kaming boyfriend. Tinatanong kung anong tipo namin sa lalaki. Bale tatlo kaming babae sa opisina na kinukulit ni Sir. Sabi ni Angie, gusto daw niya sa singkit. Sabi naman ni Aileen, gusto niya sa lalaking lalaki ang dating. Ako naman.. gusto ko, sa tingin pa lang eh.. mabango na. Tapos sabi niya, irereto daw niya kami sa mga construction worker sa gumagawa sa baba ng building namin.

Naalala ko pa, lagi kaming over time dahil sa dami ng dapat tapusin. Maski sabado pumapasok kami. Noong nakaluwag luwag kami, tuwang tuwa si Sir. Linya niya, "Good! good! Buti yang di na kayo nag-o-ot. Gusto ko hindi lang kayo puro trabaho. Pano kayo magkaka-boyfriend nyan kung lagi kayo may ot. Hindi na kayo pabata. Maganda yung may inspirasyon kayo. Nakakaganda din yun sa outcome ng trabaho. Sa Sabado, mag-mall kayo.. maghanap kayo ng lalaki."

Yung lalaki kong bestfriend, inuusisa na din ang lovelife ko. At ang conclusion nya sa akin, bagay daw sa akin eh seaman. At ngayon pa lang daw, sinasabi na niyang mahihirapan ako kaya simulan ko na manligaw. Ligawan ko na daw si Racini. Aba eh ayoko. Sa ganung bagay eh makaluma pa din ako. Gusto ko yung nililigawan at sinusuyo. Tapos sabi ng bestfriend ko: "Confirmed! Mahihirapan ka nga. May tendency kang tumandang dalaga. O kaya matanda ka na mag-aasawa."

Noong nagsisimula nang pag-usapan ang pag-aasawa, sabi ko pag 25 na ako, gusto ko kasal na ako non. Eh ngayong 23 na ako, para atang nagmamadali naman ako masyado noong sinabi ko yun. Halos dalawang taon na lang ang dadaan eh ni boyfriend wala ako. Hala ka!
Tuwing may gala o kitaan, lagi akong tampulan ng asaran na wag akong sumama kapag wala akong kasamang boyfriend. Sweet ng friends ko no. Superb!

Choosy. Mataas ang standard. Tibo. Manang. At kung anu-ano pa. Ang dami ng hinuha ng mga kaibigan at kakilala. Marami pang mas excited pa sa akin. Pero kasi hindi naman pumapasok sa isang relasyon para lang masabing meron kang karelasyon. Hindi naman nakakainip at nakakalungkot, kasi sobrang ang daming nagmamahal sa akin. Hindi naman din ako nagmamadali, naniniwala ako na lahat ay may kanya-kanyang perfect timing. At balang araw masasaksihan ng buong bansa pati ng may TFC subscribers.. na nag-eexist pa din ang happy ever after.

(larawan mula sa google.)

Saturday, January 12, 2013

Madalas.. Minsan..

Ang hirap basahin ng mga salita mo,
Laging pabitin, laging may pasubali.
Minsan mahirap maniwala,
Baka kasi sinabi lang dahil kailangan;
Sinabi lang pero laging walang kasiguraduhan.

Ang hirap basahin ng kilos mo,
Minsan nagdadalawang isip, nangangapa.
Kung hindi pigil, madalas malabo.
Mas malinaw pa ang sabaw ng pusit na inadobo;
Tinalo ang malabong amoy ng poso negro.

Ang hirap basahin ng ngiti mo,
Pilit, may takot, pero minsan naman may pananabik.
Pero sa tuwing tititig ako sa mata mo,
Laging may lungkot, laging may pananaghoy.
Kaya di ako naniniwala sa ngiti sa labi mo.

Laging bitin. Laging dapat kapain ang bawat sasabihin.
Nakakapanlinlang.
Madalas kailangan timbangin kung ano ang dapat paniwalaan.
Malabo. Magulo.
Minsan nakakahawa.

Dati, minsanan ka lang na ganito.
Ngayon, naging palagi..
Naging madalas.
Naging madalas na ang minsan..


#

Sunday, October 7, 2012

Warning Shot!

Martes noon. Walang kamalay malay sa kung paano matatapos ang araw ko. Kahit anong oras umuwi, ayos lang. Sanay naman ng abutan ng hating gabi sa daan. Pero binago ng pag-uwi ko ng alas otso, at pagsakay ko ng jeep sa Cubao ang kasanayang ito.

Tulad ng araw-araw na kinagawian, paglabas sa opisina, sasakay akong MRT at baba sa Cubao. At sa Cubao sasakay akong jeep papuntang Welcome. Madalas sa byahe, pampatay inip, nagbabasa akong libro. Hanggang sa maantala ako ng makarating sa Araneta. Ang iingay ng mga tao sa kalsada. Ang trapik. Hanggang makarating sa QI. Sabi sabi, may sunog daw. Sabi sabi, may banggaan daw. Hanggang sa pagdaan namin sa kanto ng Brgy. Tatalon, may nakahandusay na lalaki sa gitna ng daan. At dahil trapik, nahinto ang sinasakyan kong jeep sa mismong tapat ng duguang lalaki.

Marami na akong nasasaksihang ganito -- mga duguan sa kalsada. Pero iba ang pangyayaring ito.

Ang sakay sa jeep: si manong driver, si ate na nurse, si kuyang may ka-text, at ako, na mukang namumutla at nagambala sa nakita.

Lahat kami gulat. Ang daming pulis at tanod. May grupo na din ng media at mga usi sa paligid.  Nabasag ang pagkagulat ng lahat nang sumakay ang isang lalaking may back pack. Ang daming tanong ni manong driver. Anong nangyari? Nako, patay na yun 'no? Bakit kaya? At biglang sumagot ang bagong sakay na lalaki.




Bagong sakay: Holdaper po. Patay na.
Driver: Ano, iho?
Bagong sakay: Holdaper po yun. Patay na. Nabaril sa tyan.
Driver: Nako, natimbog! Naglalabasan nanaman ang mga masasamang loob. Magpapasko na din kasi.

At biglang may isang matinis na boses ang sumabat sa usapan..

Ate na nurse: Ano kuya? Anong nangyari?

Inusisa n'ya ang bagong sakay na lalaki na animo'y isa s'yang reporter. Ang daming tanong. Kaya't napakamot na lang ang lalaking bagong sakay. Pero sumasagot din naman siya sa bawat tanong ng nurse.

Bagong sakay: Holdaper yung namatay.
Nurse: sinong bumaril?
Bagong sakay: Pulis. May sakay na pulis din kasi 'yung jeep na hinoldap nun. Ayun.
Nurse: Saan n'ya binaril kuya?
Bagong sakay: Sa tagiliran, bandang tyan. Kaya ayon patay.
Nurse: Grabe naman! Dapat sa paa na lang nila binaril. Hindi nila pinatay. Grabe naman sila.
Bagong sakay: Nag-warning shot  na rin kasi. E may hawak din yung holdaper kaya siguro napilitan naring puruhan.
Nurse: Maski na. Ang bigat kaya sa loob na makakita ng taong duguan sa kalsada. Lalo pa't patay na. Araw-araw akong nasa ospital, halos araw-araw din akong nakakakita ng taong namamatay. At sa tingin ko, di naman magandang pati sa kalsada, makakakita ka din ng namatay. Di ba?
Bagong sakay: Alam n'yo, mabait yun. Kapitbahay ko kasi yun.

Napatingin ako sa bagong sakay na lalaki. At nakita ko din napatingin ang mausisang nurse, si manong driver, at ang lalaking text lang ng text. Napansin kong pawis na pawis ang bagong sakay na lalaki. Parang binabasa n'ya bawat tumatakbo sa isipan naming lahat.

Nurse: HA? Talaga kuya?
Bagong sakay: Oo, kapitbahay ko yun. Mabait yun. Factory worker s'ya. Alam ko may sakit ang anak niya kaya siguro naisipan n'yang gawin yun. Marami na ngayon ang kumakapit sa patalim para lang sa mga minamahal nila. Kaya siguro hindi ko siya masisisi. Nakakalungkot nga lang na sa ganitong paraan siya namatay.
Nurse: Kawawa naman pala. Ang hirap na kasi ng ekonomiya natin. Ang hirap maghanap ng trabaho. Ang baba magpasweldo. Kung hindi sapat ang kita, kulang naman. Paano na ngayon  yung anak n'yang may sakit? Dagdag gastos pa ngayon yung pagkamatay nya 'no?
Manong driver: Yan ang pagkukulang ng media. Ibabalita at ipapakita nila na nahuli at napatay nila ang holdaper na walang nakakaalam kung bakit nila ito nagawa. Hindi nila napapakita ang lahat ng anggulo ng istorya. Nakakalungkot.
Bagong sakay: ....
Lalaking nagte-text: (Nagte-text pa din.)
Ako: Para po sa tabi.

Nangangatog akong bumaba. At ang dami kong naisip habang nakikinig sa usapan sa jeep na 'yon. Pwedeng tama sila, pwedeng hindi. Pero sabi nga, may dahilan lahat. At may dahilan kung bakit ganon ang paniniwala o opinyon nila. At sa pangyayaring 'yon, nabigyan ako ng dahilan para mag-iba ng routa sa pag-uwi.



Sunday, June 17, 2012

Ganito At Ganyan.

Hindi talaga minsan lilipas ang isang araw na hindi ka makukunsumi. At madalas, pare-parehas lang naman ng mga dahilan kung bakit. Hindi mo minsan mawari kung nataon lang, o sinasadya na. Mayroon din namang mga bagay-bagay na pwede pala, pero mas pinipiling hindi na lang gawin. Isang katamaran o walang kadisiplinahan? Ang daming dumadahilan, ang daming sinasabi. Pero ang iba, kibit balikat na lang, yung iba taas kilay pa.
Sa LRT1 at 2, pati sa MRT.
Bakit mas malaki ang tren ng LRT 2 kaysa sa LRT1 at MRT kung mas marami namang mas sumasakay dito? Bakit sa MRT nagagawang sumunod sa pila ng mga pasahero (kahit paano) pero sa LRT 1 sarap manapak sa sobrang garapal maningit. Bakit ang daming bulgar na manyak sa LRT 1, e sa MRT nga kaya naman sumimple ng hipo. Buti pa sa LRT 2, madalas parang wala lang, pwede ka pang mag-tumbling.


Sa jeep.

Wow! Parang model lang ng shampoo, teh! Ang kati mo sa mukha, pramis! Hindi marunong makiramdam o sadyang nagmamaganda lang talaga? Tandaan, hindi lang ikaw ang nag-iisang pasahero. At hindi lahat nagtutuwa sa hinahanging buhok mo.

Kung ayaw mong mag-abot ng bayad, wag kang uupo sa likod ng tsuper. Minsan ang nakakainis pa, titignan ka lang hanggang sa mangawit kili-kili mo sa inaabot mong bayad. Kahit i-megaphone mo pa ang salitang PAKI ABOT PO, sorry deadma lang talaga.

Mayroon ding wagas makabukaka at makapanakop ng upuan. Ano, tatlo ang binayad? May pagkakataon ding halata namang isang pisngi lang ng pwet mo ang nakaupo, e ayaw pang umusod. Sarap i-leglock!

Tapos etong si Manong driver sasabihing sampuan kahit siyaman lang naman talaga ang kapasidad ng jeep nya. Aguy, sakit n'yo sa peklat! At idagdag mo pa ang 'kulang ang bayad' mo kahit araw-araw mo namang byahe 'yon. Isasagot pa sa'yo na ang tagal tagal na daw nilang nagbabyahe na ganoon ang presyo ng bayad. Eh Manong, ako din po.. araw-araw ako nagbabyahe, pare-parehas lang pamasaheng inaabot ko. Taga saan ka 'nong?

Sa FX.

Lahat gusto umupo sa may bukasan ng pinto. Lalo sa sevice van, ang daming ayaw sa may dulo kahit na terminal-to-terminal naman ang sakay at baba niya. Kaya imbes makaalis na, tatagal pa sa kaartehan. Tapos sisimangot kapag yung pina-upo nila sa likod ay baba bago mag terminal. Eh, ginusto n'yo yan eh.

Hindi naman sa pagrereklamo, pero dahil pare-parehas lang naman tayo nagko-commute, pakiramdaman naman. Wag puro pakapalan ng mukha. Hindi pa ako bihasa sa ganyang laban e. Okay?

Saturday, May 12, 2012

Hoy Fidela!

Mama tawag ko sa kanya. Minsan Mudra. Madalas Mother Earth o kaya Mother Dear. Natatawag ko din siyang Mudrakels, minsan pag naglalambing, Nay o Nanay. Kapag naman nang-aasar ako sa kanya, tinatawag ko siya sa totoo at buo niyang pangalan.

Gustong gusto ko kapag tinatawag niya akong anak, kahit madalas, sa text lang naman ito nagaganap. Gustong gusto ko kapag naaasar o napipikon siya; ang kunot na noo at salubong niyang kilay kapag nagagalit siya. Pero mas gusto kong nakikita ang pigil na pigil niyang ngiti, kapag binobola ko siya tungkol sa luto niya.


Mula noong nag-aaral ako, nagigising siya ng sobrang aga para lutuan ako ng babaunin at painitan ng tubig panligo. Kahit naman na nagigising ako sa tunog ng alarm, e gigisingin niya pa din ako. Kahit na kaya ko naman ng kumilos, gustong gusto pa din niya siya ang magbubuhol ng laso sa damit ko. Minsan, gusto niyang siya pa ang magta-tuck in ng damit ko, siya ang nagtatali ng buhok ko o naghahanda ng damit ng susuotin ko. Pero sa kabila nito, hindi niya ako pinalaking maluho lalo sa materyal na bagay.

Magaling siyang magluto. May mga pagkain na ayaw kong kainin pero kapag siya ang nagluto, nakakalimutan kong hindi ako kumakain ng ganon.

Baka matawag akong walang modo kapag makita mo kaming magbiruan. At baka mapagkamalan mo siyang bagets kapag narinig mo siyang bumanat ng kung anu-ano. Nagugulat na lang ako madalas kapag bigla niyang sasakyan ang pang-aasar ko sa kanya.

Hindi siya yung nanay na sinasabihang gwapo o maganda ang anak niya. Minsan itatanong ko pa na "Bakit kaya ang ganda-ganda ko?" ang lagi niyang sagot ay itigil ko na daw ang kalokohan ko. Pero kapag sasabihin kong bakit ang ganda niya, ngingiti lang yun at mamumula na parang tinukso sa crush niya.

Hindi siya pala-kwento pero kapag brown out, ewan ko ba, pero ang daldal niya lalo kapag kumakain kami. Paborito niyang ikwento e yung paano sila noong mga bata pa sila.

Madalas din kaming magtalo. Sobrang magkasalungat ang tingin namin sa mga bagay-bagay. Pero kahit ganon, alam ko na madalas niya akong iniintindi at pinagbibigyan... dahil kasi mapilit at matigas ang ulo ko.

Gusto niya na kapag nag-text siya, magre-reply ka agad. Pero maiimbyerna ka kakahintay ng reply nyang OK.

Ibibigay niya ang pagkain sa'kin at sasabihing busog siya kahit hindi naman. Ibibigay niya ang damit na binili niya sa sarili niya at sasabihing hindi pala kasya sa kanya kahit fit naman talaga sa kanya. Ibibigay ko sweldo ko sa kanya para sa panluho niya pero ipapambibili lang niya yun ng anek-anek na sinasabi niyang kailangan ko.

Minsan magagalit siya sa akin, maiinis at mabubwisit. Hindi ako kakausapin na minsan tumatagal ng isang linggo, pero ganun pa din tuwing umaga.. may mainit na tubig, nakahandang baon, yun nga lang, kung hindi hampas, sipa ang panggising niya sa akin.

Ano pa naman madalas na hindi namin mapagkasunduan, hindi magbabago ang pagmamahal na alam naming merong sa aming dalawa. Magkasalungat man kami, nagkakasundo't nagkakasalubong kami sa katotohanang ina at anak niya ako.

Mahirap na masarap na maging anak ng nanay ko. Gusto niya akong matutong maglakad pero ayaw niya akong bitawan at madapa. Gusto niya akong matutong magsalita, pero iilang salita lang ang tinuturo niyang bigkasin ko. Pero malaki ang pasasalamat ko na siya ang nanay ko. Gasgas man pero sasabihin ko pa din...


At para sa aking magandang inang si Fidela na menopause na ata, Happy Mother's Day. Wag kang magkuripot at manlibre ka ng turon. At wag muna magsungit, lalong kukulot ang panget mong buhok. :D Chos!

Friday, March 30, 2012

Tran-Script.

Maliban sa diploma, importante din ang transcript. Napaka sagrado ng papel na ito. Dito nakalagay lahat ng grado mo. Ito ang magpapatunay kung gaano ka ba kagaling na estudyante, kung gaano ka katalino, kung gaano mo nakabisa ang bawat titik sa librong gamit n'yo, at kung gaano mo nabola ang mga guro mo. Ang mga numero ang basehan kung saan ka ilalagay na klase, ang mga numero ang basehan kung tatanggapin ka ba sa trabahong gustong-gusto mong pasukan.

Okay ka sa exam, okay ka din sa interview. Tapos nung makita ang 'sardinas' mong grade sa trascript mo, ayun, nagdalawang isip pa sa'yo kahit oks na oks ka na. 555. Tatlong singko. Masasabi bang bobo ka na kung may ganito kang marka? Ang laking mantsa sa papel, na mas dudungis pa sa pagkatao mo.

Itatanong kung bakit naging ganon ang grade mo. Pero kahit anong dahilan ang sabihin mo, totoo man o hindi, malaking porsyento e hindi ka paniniwalaan. Reject agad ang application mo. Lagi kong gusto itanong kung bakit ganun-ganun na lang iisantabi ng maraming kumpanya ang may ganitong record sa transcript nila. Bakit?

Magiging mantsa din ba sa maganda nilang kumpanya kung tatanggap sila ng mga aplikanteng ganito? Kahit na ang rason e napagtripan lang talaga sila ng professor nila. Na sa kabila ng putik sa puting papel na 'yon e magaling ka naman talaga. Alam mo na hindi mo deserve iyon pero ang tanging nagawa mo na lang noon ay tanggapin ito at ulitin ulit.


Hindi uno, dos, tres, o singko ang magiging basehan kung magaling ka ba sa isang aspeto ng buhay mo. Hindi ito ang susukat sa kakayahan mo. Hindi ito ang magsasabi kung kaya mo bang gawin o hindi ang isang bagay. Hindi porke hindi mo napalya ang uno noong nag-aaral ka e alam mo na lahat ng trabaho. At hindi porke sinalo mo lahat ng singko e pagxe-xerox lang ang alam mo.

Maraming nagtatagong kwento sa bawat numerong nakasulat sa transcript ng sinuman. Maraming nagsunog ng kilay, gumapang, namawis, nabaliw at nagkalabo-labo ang buhay estudyante makuha lang ang bwisit na uno na yan. Pero meron din namang nagbutas lang ng bulsa o nanlaki lang ang mata. Merong tumulay sa alambre, lumunok ng gas at ang iba'y nakipaglaro sa apoy, pero ang ending, isang nakakanginig lamang singko.

Scripted: Ang marahil sasabihin ng mga transcript kung nakakapagsalita lang ito.

Magkaiba ang mundo sa loob at labas ng eskwelahan. Magkaiba ang itinuro ang isang bagay sa ginagawa na ito sa totoong buhay. Ang pagkakamali mo mang nagawa kahapon ay hindi maaaring hadlang para sumuko na lang. Kung nadapa ka noon at nakayanan mong bumangon muli, makakayanan mo ulit ito.. kahit paulit-ulit pa. Kung maraming bugok sa eskwelahan, mas marami sa labas. At marami sa kanila, may magagandang record noong nag-aaral sila. At kasalungat nito, marami ding aanga-anga kung ituring noong nag-aaral pa, pero ngayon, tinitingala na at hinahangaan.

Nakalulungkot man isipin, nguni't isang bungi lang na marka e parang pandidirihan ka na. Tipong naestima na nila ang abilidad mo kahit hindi pa man din nila nakikita kung paano ka mag-isip at gumawa.

E tutal, scripted naman na ang mga transcript ngayon, tara na sa Recto! ☺

Saturday, March 24, 2012

Estudyante Pagkatapos ng Martsa.

Matatapos nanaman ang buwan ng Marso, at ang ibig din nitong sabihin, marami nanamang estudyante ang magtatapos sa kanilang pag-aaral. Maririnig nanaman ang paboritong martsa song tuwing graduation. Maraming sabik umakyat ng entablado para abutin ang diplomang ilang taong pinaghirapan. Maraming abot langit ang saya dahil tapos na ang pagiging mag-aaral mo sa Unibersidad na ilang taon mo din nais takasan. Maraming nagpupunyagi dahil malalagpasan na ang isang yugto ng kanilang buhay. Maraming nasasabik na kumawala sa isa't kalahating dekadang pag-aaral. Maraming nasasabik, maraming natutuwa at nasisiyahan.

Kahit walang award o hindi ka tatawaging cumlaude, ayos lang. Iba sa pakiramdam na makita mo pa lang ang pangalan mo sa list of graduating students. Paghahandaan ang susuoting damit at ang ayos ng buhok. May dalang saya at luha ang huling pagkanta mi sa himno ng paaralan mo.

Isang malaking selebrasyon para sa pamilya lalo't ginapang ang pag-aaral mo.

Nguni't sa kabila ng lahat ng ito, maraming din ang natatakot at kinakabahan.

Pagkatapos mong abutin ang diploma, pagkatapos ng seremonya, pagkatapos ng palakpakan at paghahagis ng toga.. ano ka na?



Wala ng "estudyante po!" ang pagsasabi mo ng "bayad po!" sa jeep. Wala ka nang aasahang allowance mula sa mga magulang mo kung hindi makapal ang mukha mo. :D Wala ng maribdibang pagre-review at garapalang pangongodigo. Hindi mo na makikita ang pinakaiiwasan mong terror professor, pati yung crush mong nagpapaganda ng araw mo. Mababawasan na ang mga dahilan mo para makakupit ng pera sa magulang mo dahil wala ng project o ano pang school stuffs nakailangan ipasa, bilhin o tapusin kahit pangluho mo lang naman talaga yun. Paalam cramming na din kahit kasalanan mo naman talaga kung bakit nangangarag ka. Hindi na rin kayo araw-araw magkikita ng mga barkada mo lalo na kung may mga trabaho na kayo. Ngayon pa lang atang naiisip mo lahat ng ito, nami-miss mo na maging estudyante.

Swerte ng iba kung may trabaho na agad. Pero para sa akin mas maswerte yung mga makakapagpahinga MUNA bago makapagtrabaho. ☺

Minsan maiisip mong may mas sasama pa pala sa terror professor mo -- ang boss mo. Malalaman mong may mas mahirap pa pala sa pag-iisip ng dahilan para makakupit ka ng pera -- ang pagtrabahuan ito. Kapag na-late ka o lumiban ka sa trabaho mo, hindi lang sarili mo ang apektado.. kundi ang responsibilidad na ibinigay sa'yo ng kumpanya -- mas nakararaming tao. Madidiskubre mo ding hindi sapat ang aklat na na inaaral mo noong estudyante ka pa lang. Makakakilala ka ng mga iba't ibang uri ng tao na karamihan ay akala mo ganito, akala mo ganyan, pero sa huli hindi pala. Wala na sa test paper ang exam. Hindi na intelektuwal ang susubukin lang sa'yo.

Mayroon pa palang mas ipapagod pa ang katawan mo, ang ikasasagad ng pasyensya mo at ikakatatamad mo.

Pagkatapos ng pinakahihintay mong araw, ano ang plano mo? Anong direksyon ang tatahakin mo? Pagkatapos ng elementarya, alam mong papunta sa pagiging High School student ang landas mo. Ganun din sa pagtatapos ng HS, Kolehiyo ang susunod na tatapakan mo. Pero pagkatapos sa Kolehiyo, ano ang TIYAK na landas na pupuntahan mo?

Mas malaking mundo ang naghihintay sa ating lahat. Mas mabigat na ang mga responsibilidad. At mas matinding pagdedesisyon na ang kinakailangan. Hindi pala ganun-ganun lang ang lahat. Tulad ng ilang taong paghihintay at paghihirap na makuha ang diplomang hinahanagad mo, ganun din pagkatapos nito. Hindi nagtatapos ang pagiging mag-aaral natin. Hindi humihinto ang pagkatuto at pagsubok na kikilala sa ating kakayahan at pagkatao.

Maraming pagbabago ang maaaring maganap sa paligid, sa nakasanayan, sa nalalaman, at maski sa mga sarili natin.

Gawin mong sandata lahat ng natutunan mo sa loob at labas ng eskwelahan mo. Hindi mo man agad ito magagamit ng sabay-sabay, tiyak darating ang panahon na kakailanganin mong gamitin ito.

Para sa mga magtatapos ngayong taon, Mabuhay! At sa mga may ilang taon pa, sulitin ang bawat araw na may kakabit titulo kang estudyante. ☺

Sunday, March 18, 2012

Peso vs. Piraso

Tatlo, isang daan. Apat, piso. Tatlo, one fifty. Sampung piso tumpok. Ilan lang yan sa mga alam nating palitan sa pagitan ng kung ilan at kung magkano. Patas naman, di ba? Pero minsan nagrereklamo pa, o kaya tatawad ka pa. Syempre gusto mo masulit ang bawat halaga ng pisong ibabayad mo. E ang isang libo piraso kapalit ng P75? Nako kahit ballpen yan matutuwa ako.. P75 lang may kapalit ng isang libong piraso. Pero ano ba talaga ang kapalit ng P75 na ito?

May nakilala akong isang ina sa Lungsod ng Maynila. May tatlong anak at biyuda. Bago pa man pumanaw ang kanyang asawa, hindi na lingid sa kaalamanan ng iba ang pagpupursigi nila sa buhay upang matustusan ang bawat gastusin sa bahay at sa kanilang mga anak. Kaya't nang pumanaw ang kanyang Mister, hindi lang doble kundi triple kayod na ang kanyang ginawa. Maraming raket na sinubukan, halos araw-araw.


Sa ngayon, nagtutupi siya ng mga
popcorn box. Noong una naisip kong ang dali lang para kumita, magtutupi ka lang at may kapalit na itong pera. Pero noong nalaman ko yung halaga kada ilan, parang nalungkot ako. P75 para sa isang libong piraso. Makakabili ka ba ng bigas, ulam at mapapabaunan mo na ba ang mga anak mo sa halagang ito? Ang hirap mag-budget.


Kapag nanonood tayo ng sine, kakabit na ito ang pagkain ng popcorn. Pero pagkatapos, itatapon lang din. Hindi naman sa sinasabi kong itago mo ang pinagkainan mo, parang may mali lang. Hindi ba pwedeng taasan ang presyo kada pirasong magagawa ng mga lalagyan na ito. O kaya babaan ang kailangang piraso kapalit ang iilang pisong pagkakasyahin sa pamilya.

Masasabi mo bang mahirap na talaga ang buhay sa ating bansa, o sadyang hindi lang patas ang mga o iilang nakatataas sa lipunan?

Pagtutulungan nilang mag-iina ang pagtutupi para sa loob ng bente kuatro oras, higit pa sa inaasahang
seventy five pesos ang makukuha nila. Sa una, mararamdaman mo ang pananakit ng likod at kamay.. minsan pati ng mata. Pero dahil na rin siguro sa makakasanayan mo na lang ito sa pagdaan ng araw, balewala na lang lahat ng mararamdaman mo, makaabot ka lang sa quota mo.

Sa gitna ng panghihinayang ko sa mga tinatapong
popcorn box matapos itong kainin, bibili pa din ako nito kahit hindi ako manonood ng sine, dahil sa ilang kababayan nating nais kumita sa malinis na paraan, ang paggawa nito ang kanilang ikinabubuhay.