Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Munting Pangarap. Show all posts
Showing posts with label Munting Pangarap. Show all posts

Monday, May 13, 2013

Kalma. Hindi Naman Ako Nagmamadali.

Pangarap kong tumanda.. at may ka HHWW. Pa-sway-sway pa kahit masakit na ang buto-buto. Sabi ko nga, sana buhay pa si Willie Revillame at ang "pang masa niyang programa sa tv" para makasali sa Will of Fortune kapag kulubot na balat at bingi na ako. Pipilitin ko ang asawa ko kahit yun pa pag-awayan namin. Madalas kasi yung segment na ang contestant eh yung mga 50 years ng kasal at magkasama pa din. Pangarap ko yun. Pangarap kong may kasamang tumanda. Pangarap kong ikwento sa mundo ang istorya ng pag-ibig ko. At pangarap kong mayakap si Will, mabigyan ng jacket, makita sa tv, at sabihing.. "Sa mga kapit-bahay ko dyan.. ARTISTA NA AKOOOOOO!!"


Etong boss ko, halos araw-araw kami tanungin kung bakit wala kaming boyfriend. Tinatanong kung anong tipo namin sa lalaki. Bale tatlo kaming babae sa opisina na kinukulit ni Sir. Sabi ni Angie, gusto daw niya sa singkit. Sabi naman ni Aileen, gusto niya sa lalaking lalaki ang dating. Ako naman.. gusto ko, sa tingin pa lang eh.. mabango na. Tapos sabi niya, irereto daw niya kami sa mga construction worker sa gumagawa sa baba ng building namin.

Naalala ko pa, lagi kaming over time dahil sa dami ng dapat tapusin. Maski sabado pumapasok kami. Noong nakaluwag luwag kami, tuwang tuwa si Sir. Linya niya, "Good! good! Buti yang di na kayo nag-o-ot. Gusto ko hindi lang kayo puro trabaho. Pano kayo magkaka-boyfriend nyan kung lagi kayo may ot. Hindi na kayo pabata. Maganda yung may inspirasyon kayo. Nakakaganda din yun sa outcome ng trabaho. Sa Sabado, mag-mall kayo.. maghanap kayo ng lalaki."

Yung lalaki kong bestfriend, inuusisa na din ang lovelife ko. At ang conclusion nya sa akin, bagay daw sa akin eh seaman. At ngayon pa lang daw, sinasabi na niyang mahihirapan ako kaya simulan ko na manligaw. Ligawan ko na daw si Racini. Aba eh ayoko. Sa ganung bagay eh makaluma pa din ako. Gusto ko yung nililigawan at sinusuyo. Tapos sabi ng bestfriend ko: "Confirmed! Mahihirapan ka nga. May tendency kang tumandang dalaga. O kaya matanda ka na mag-aasawa."

Noong nagsisimula nang pag-usapan ang pag-aasawa, sabi ko pag 25 na ako, gusto ko kasal na ako non. Eh ngayong 23 na ako, para atang nagmamadali naman ako masyado noong sinabi ko yun. Halos dalawang taon na lang ang dadaan eh ni boyfriend wala ako. Hala ka!
Tuwing may gala o kitaan, lagi akong tampulan ng asaran na wag akong sumama kapag wala akong kasamang boyfriend. Sweet ng friends ko no. Superb!

Choosy. Mataas ang standard. Tibo. Manang. At kung anu-ano pa. Ang dami ng hinuha ng mga kaibigan at kakilala. Marami pang mas excited pa sa akin. Pero kasi hindi naman pumapasok sa isang relasyon para lang masabing meron kang karelasyon. Hindi naman nakakainip at nakakalungkot, kasi sobrang ang daming nagmamahal sa akin. Hindi naman din ako nagmamadali, naniniwala ako na lahat ay may kanya-kanyang perfect timing. At balang araw masasaksihan ng buong bansa pati ng may TFC subscribers.. na nag-eexist pa din ang happy ever after.

(larawan mula sa google.)

Friday, December 9, 2011

Tatlong Pisong Pangarap.



"...beggars were the only ones who never pretend to be happy; on the contrary, they pretend to be sad."
-- Paulo Coelho

Nakakita ka na ba ng namamalimos na nakangiti? Ng pulubing hanep sa saya habang nakahingi ang palad niyang nag-iintay sa kung anumang ibigay ng kuripot mong bulsa? Kahit galing sa masayang paglalaro, lalapit sa'yong nakalamukos ang mukha para sa baryang pamasahe mo sana, pero sa kanila'y pangkaen na?

Aminado akong hindi ako palabigay sa mga namamalimos. Dahil kasi sa sinasabi nilang walang makain nguni't nangingintab ang mga suot na bling bling, paano ako maniniwala? Sa bawat pagbibigay nila ng mga sobreng nakasulat na pambili sana ng damit at pagkaen pero sa likurang bulsa'y may plastik ng rugby, saan ba ako makakatulong, sa pangkaen o sa pangbisyo nila? Sa bawat punas sa sapatos, tsinelas o sa paa ng mga tao sa jeep, hindi mo nalalalayan kwintas mo'y nahablot na nila. Nakakaawang nakakainis lang. Hindi ako madamot o mapanghusga, pero masisisi n'yo ba ako?

Tirik ang araw, binabaybay ang isang kalye sa Maynila. Mayroong biglang sumulpot na marungis na bata at hinihingi ang may kagat kong tinapay. Ewan ko ba kung bakit matanong ako kung minsan. Parang hiningi ko ang biodata nung bata. At habang nagtatanungan kami, bigla ko na lang siya inaya kumain sa isang hambugeran sa tabi.


Siya Si Hannah. Limang taong gulang na nakatira sa ilalim ng isang tulay sa Maynila. Dalawa silang magkapatid na namamalimos sa daan at kung minsan ay nagtitinda ng sampaguita. Ang kanyang ama ay may pedicab na nagsisilbing hanapbuhay nila. Samantalang ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa isang pabrika. Ang kinikita na kanyang mga magulang ay nagsisilbing panggastos nila sa pang-araw araw at pangtustos sa pag-aaral ng kanyang kuya. Ang pamamalimos ay taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, nguni't sa murang edad, naiisip na niyang tumulong at ito ang nakikita niyang paraan. Sa bawat napapalimusan niya, nagtatabi siya ng tatlong piso at ito'y iipunin niya. Ayon kay Hannah, iipunin niya ito para sa kanyang pag-aaral. Trenta pesos, ang kadalasang salaping pinagkakasya nila para sa pagkain nila buong araw. Kaya naman ang binili kong burger sa kanya, ginagatan lang niya ng halos dalawang beses at binalot na ulit niya. Iuuwi na lang daw niya ito sa bahay at paghahatian ng buong pamilya.



Gusto ni Hannah na maging guro balang araw. Gusto niyang magturo sa mga batang lansangan na kapos para makapag-aral. Gusto niyang matutong mangarap ang mga batang sa tingin ng iba'y walang pag-asang umunlad sa buhay.

Umuwi akong dala-dala ang kwento ng isang batang halos itaboy ng lipunan. At habang ginagawa ko ito, naaalala ko ang masaya niyang mukha habang kumakain ng tinapay na sa tingin nila'y burger na; ang lungkot at pag-asa sa mga mata niya habang nagkukwento tungkol sa mga pangarap niya.

Sa tatlong pisong pagbuo sa kanyang pangarap, ano ba naman ang baryang ito para ipagdamot pa sa batang sinasabing pag-asa ng bayan?