Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Laro ng buhay. Show all posts
Showing posts with label Laro ng buhay. Show all posts

Saturday, May 17, 2014

K A R A M B O L A

Hindi ko alam kung paano ito sisimulan, tulad din ng hindi ko alam kung paano tatapusin kung sakaling masimulan na.


Marami talagang tanong sa mundo, na minsan maiisip mo, kailangan ba talaga ng sagot? O pwede ding tanong ka ng tanong pero wala naman pala dapat itanong. Kumbaga, pinapakomplikado mo lang yung mga bagay na simple naman kung titignan. Mahirap makontento no? Lalo't alam mo sa sarili mo na higit pa 'don ang dapat natatanggap mo. Meron din namang tanong na alam mo naman ang sagot, pero kailangan mo pang ipasampal sa'yo yun ng ibang tao. Mahirap tanggapin kasi masakit tanggapin.


Nitong dumaang mga buwan, ang dami dami kong naramdaman. Iba-iba. Halu-halo. Medyo nakakabaliw na nakaka-praning. Marami na akong narinig na kung anu-anong sermon, payo at marami pa. Pero sa huli, alam naman nating sarili din natin ang masusunod. Sabi nga ni Albert Camus di ba, Life is a sum of all your choices. Kaya kung ano man maging resulta ng mga pinili mo ngayon, hindi mo yan basta-basta pwedeng isisi o isumbat sa iba. Dahil ginusto mo man o hindi, pinili mong gawin yan. Wag nating bulyawan ang mundo na unfair ito, dahil hindi. Dahil kung merong takot, meron ding matapang. Kung merong duwang, meron ding marunong sumugal. Alin ka don?


Kung hindi ka pa handa sa sagot, wag ka magtanong. Kung hindi mo kayang matalo, wag ka sumugal. Simple as that. Pero sa panahon ngayon, dapat matapang ka, dapat lagi kang handa.. dahil talo ang mahihina. Fight!


Sabi nang isang kaibigan, wag kakalimutang babae ka. Magpasuyo ka. Hindi naman kalabisan yun.


Paulit-ulit na itong sinasabi pero minsan nakakalimutan natin -- mahalin mo ang sarili mo. 


Totoo na when it rains, it pours. Pakatatag ka lang. Lahat naman ng ulan, natatapos. at kapag tumila ang ulan, laging may araw na sasalubong sa'yo. Minsan pa nga may makulay na bahagharing ngingiti sa'yo. Wag kang magkulong at titigan lang ang ulan. Lumabas ka, damhin mo ang ulan. Wag ka matakot mabasa.


Sa oras na mahina ka, mas maraming tukso ang makikita. Wag kang magpakalulong sa mga bagay na alam mong pwede mong ikalubog at ikasira. Ang tukso ay hindi pinipigilan, ito ay iniiwasan.


Halos lahat ng bagay ay pwedeng nakasanayan lang. Kaya't wag magpakasanay sa mga bagay na alam mong hindi magtatagal. Nakakasira ito ng bait.


Madaling sabihin, mahirap gawin. Alam na nating lahat yan. Lagi lamang tatandaan na meron ding tinatawag na tama at mali. At may kulang, sapat, at sobra.


(Larawan mula sa google.)

Monday, May 13, 2013

Tayo: Big Word.

Ikaw At Ako.

May ikaw at ako, pero walang tayo. Umaasang meron pa, pero sadyang hindi na mababago. Maraming kumento ang mga kaibigan. May nangangaral, tamang nagpapayo lang, nakikisipatya kuno, may galit na sobrang apektado, at merong 'ah.. okay.'
  1. Wag daw magsasalita ng tapos, dahil wala daw nakakaalam ng pwedeng mangyari sa hinaharap.
  2. Malay mo kayo pa din sa huli, kailangan nyo lang magkahiwalay para sa sinasabing 'growth' at 'maturity.'
  3. Hayaan na. Ibig lang sabihin na hindi kayo para sa isa't isa.
  4. Wag sumuko. Malay mo, binubuo niya sarili niya para din sa'yo.
  5. Hayaan mo lang mapagod ang sarili mo, hihinto ka din.
  6. Tanggapin mo ng wala na.
  7. Wag maging tanga. Madaming pwedeng ipalit.
  8. Sabi ko na eh, pare-parehas lang sila.
  9. Hay.. sayang.
  10. Kung mahal mo pa, ipaglaban mo.

Oh well, papel. Sana lahat ng bagay pwedeng gawing batayan ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sa lahat ng pagkakataon pwedeng gawing rason ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sapat na pagmamahal na lang... period. Pero hindi.

Pero paano nga kung kayo pala talaga tapos sinukuan mo lang. Paano kung may pag-asa pa pala pero hindi mo na sinubukan. Paano kung babalik pa talaga pero hindi mo na hinintay. Paano?

Marami ang takot, kaya marami din ang malungkot. Takot bumitaw kahit yun na ang dapat gawin. Takot daw masaktan ulit, pero sa ginagawang pag-iwas doble ang sakit na nararamdaman. Self-inflicted pain.. hindi ba pwedeng self-inflicted kilig na lang?
 
Mayroong iba na todo ipaglaban na baka sila pa din talaga. Kasi daw single pa din kayo pareho. Pero kasi, may mga pagkakataong tayo na lang ang nagpapaasa sa sarili natin. Mga sarili na lang natin ang pumipilit, pero sa kahit anong anggulo mo tignan, wala na talaga eh.

Mayroon ding sobra ikulong ang sarili sa nakaraan, tapos mag-e-emote at magtataka na bakit ang tagal-tagal ng panahon eh nasasaktan pa din. Ang daming panahon ang sinasayang na imbes maging masaya, hinahayaan ang sarili na maging tanga. Mahalin natin ang mga sarili natin, para mahalin din tayo ng iba. Lahat naman ay nagsisimula sa mga sarili natin. Hanap tayo ng hanap sa iba, yun pala sa sarili lang natin makikita.

Mayroon din na halos isemento ang paligid, maproeteksyunan lang ang sarili sa sinasabing "hindi pwedeng emosyon." At mayroon din namang okay ka na, moved on ka na, pero ang mga tao sa paligid mo ang hindi maka-move on sa nangyari sa'yo. Pamilyar na tayo sa linyang: "Paano ka namin matutulungan kung mismong sarili mo ayaw mong tulungan." Pero sana alam din natin ang linyang: "Paano ko lubusang matutulungan sarili ko kung yung mga taong gusto akong maging okay, ay hindi naman naniniwalang pwede akong maging okay." Konting kibo't kilos, iuugnay at iuugnay sa mga bagay na hindi naman na dapat. Friends, move on, move on din pag may time. :) Nakaka-jejemon. Jejeje.

Oo, hindi naman madaling makalimot sa mga bagay na napasaya ka. Pero kasi, hindi naman dapat kalimutan 'yon. Nakaraan mo 'yon.. sabihin man nating hindi naging maganda ang resulta, eh marami ka namang babauning aral. Ang mahalaga ay makita mo ang saya sa sakit, ang ngiti sa mga luha, at aral sa mga pagkakamali. Naalala ko yung nabasa ko noong isang araw, "Kung nadapa ka ng siyam na beses, bumangon ka ng ika-sampung ulit."Okay lang umiyak, basta't alam mo kung kailan ka hihinto. Naramdamam mo mang hindi ka na buo, darating ang panahong mabubuo kang muli. Wala namang hindi nahihilom ng panahon.. basta't hindi mo hahayaang bulukin ka ng sakit. At kasama ng lumilipas na panahon, gumawa ka ng paraan para tuluyang mawala ang langib. Minsan mas magandang hindi mo lagyan ng band aid, makakahinga yung sugat.. mas mabilis gumaling.
 

(Larawan mula sa google.)

Thursday, November 24, 2011

Tatsmub

Kapag hindi mo nagawa, ibig ba nito sabihin na hindi mo na talaga ito magagawa? Kapag naka-oo ka sa isa, kailangan ba sa lahat oo na din ang isasagot mo? Kapag pumayag ka ng isang beses, ibig bang sabihin papayag ka na din sa mga susunod? Kapag hindi ka umiyak, ibig ba sabihin okay ka lang? Kapag ba tumawa ka, masaya na agad? Kapag nagkamali ka, hindi mo na ba ito pwedeng maitama? At kung tama ka, ibig na ba sabihin nito hindi ka na kailanman magkakamali?

"Bawal bawi", sabi ng mga batang naglalaro. Kapag binawi mo, sasabihan kang madaya. Minsan para walang away, kahit kating-kati ka na bawiin, hindi ka na lang iimik. Kunot-noo ka na't salubong ang kilay parang wala lang sa mga kalaro mo.

Sa larong pass the message kailangan pakiramdaman. Hindi ba ito applicable sa lahat ng bagay? At ang touch move, kailangan ba talaga ito kahit sa laro ng buhay?

Kapag hindi mo kaya ang taas ng garter sa larong ten twenty, pwedeng ipasa sa kakampi o kung ma-dead ka, pwede ka kang buhayin ng kasunod mo. Kasi damay-damay. Kaya hangga't kaya mong tumalon ng mataas, gagawin mo para makausad kayo sa susunod na level. Sana ganun, may pagtutulungan.


Anim na mali, tanga ka na. Larong pagbuo ng salita na kailangan nagkakaisa ang utak ng naglalaro. Sa bawat mali, salitang S-T-U-P-I-D ang mabubuo. Paano kung napagkaisahan ka? Paano kung lahat sila nagkakaintidihan maliban sa'yo? Stupid ka na, idiot ka pa. Moron!

Maraming laro na sabi nila nagagawa talaga sa totoong buhay. At gaya ng sa laro, pwedeng bumawi sa susunod na round, sa susunod na paghaharap. Kalaunan, magkakaroon ka ng technic o style. Madalas bawal time pers kahit alam mong talo ka. Pero meron ding kapalmuks na ayos lang masabihan at mabansagang madaya.

Oooppps! Checkmate.

Friday, August 5, 2011

Magdalena.

Ako si Magdalena.
Ginawa kong paninda ang sarili ko para kumita.
Kolorete at pampaganda ay hindi mawawala sa aking mukha.
Alindog at ganda ang aking puhunan sa aking propesyon,
Para mamimili'y sa akin agad ang atensyon.
Konting hipo sa aking katawan, may pambayad na kaming pamilya sa buong araw.
Saglit na hilata, may pambayad na kami sa gastusin sa bahay.
At sa ilang minutong pagbukaka, may pantustos na ako sa kapatid kong nag-aaral.


Sarili, pamilya, at kinabukasan para sa isang gabing pagbibigay ng ligaya.
Matatawag mo ba akong masama?
Masasabi mo ba akong desperada?
Nawalan ako ng puri ng paulit-ulit para sa buhay at pangangailangan ng pamilya.
Nawalan sila ng salapi sa bulsa't pitaka para sa sandaling init at ligaya.
Matatawag mo bang patas?
Matatawag mo bang parehas?





Tawag sa akin ay puta.
Tingin sa akin ay naninira ng pamilya.
Turing sa akin sa lipunan ay
Pesteng dapat mapuksa.
Masama, madumi, salot --
mga salitang sa pagkatao ko'y binalot.
Ahas, linta, kaladkarin, pokpok --
mga palayaw na sa akin ay nakalilok.


Hindi ba pwedeng makilala ako bilang anak,
Hindi puta?
Ituring akong kapatid,
Hindi linta?
Maramdamang ako'y babae..
Isang taong may pakiramdam,
Kahit madumi..
At hinubaran ng puri.


Patuloy akong nabubuhay sa mundong mapangutya.
Kabilang ako sa lipunang pinuno ng panghuhusga.
Oo, ako ang may kasalanan..
Ako ang pumili ng kinasadlakan,
Tinulak ako ng mapang-alipustang kapalaran.
Binuhay ko ang mga pangarap sa maling paraan,
Ang magbigay aliw --
Isang babaeng bayaran.


Ikaw --
babaeng mabuti, malinis, at birhen --
tulad ko..
Nangangailangan din ako ng pagmamahal,
Pag-aaruga at pang-unawa.
ang kinaibaha'y lahat ng ito'y ibinibigay sa'yong kusa.
Samantalang ako..
Kailangan pang maghinagpos, manlimos, at magmakaawa.





Hindi lang damit ang hinuhubad sa akin ng madla,
Pilit ding tinatanggal ang karapatan kong lumipad ng mataas at malaya.
Kung gaano kaikli ang saplot
Na sa akin ay nakasuot,
Ganoon na lamang ang luhang gustong sa mata'y pumatak.
At kung gaano ko itinatago
Ang aking hikbi,
Ganoon na lamang ang kagustuhan kong isigaw ng malakas ang lahat ng pighati.


Ako si Magdalena.
Ang babaeng magdadala sa'yo ng halina.
Hawakan akong may pagnanasa,
Habang kapiling sa buong gabi sa ibabaw ng kama.
Iwan akong walang lakas...
Walang saplot at tulala.
Sa kamang minahal ako para maging parausan...
Kapalit ng salaping buhat sa patagong luha at dusa.


Ako si Magdalena.
Mabuting kapatid,
Ulirang anak sa pamilya.
Nagiging matatag ako nang dahil sa kanila,
Kahit na sa paglabas ng tahanang pinilit binubuo,
Ako si Magdalenang...
Masama, madumi, salot,
Pokpok, at puta.


###


2:11 am to 3:05 am
August 03, 2011
~LESamonte.