Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Friday, August 5, 2011

Magdalena.

Ako si Magdalena.
Ginawa kong paninda ang sarili ko para kumita.
Kolorete at pampaganda ay hindi mawawala sa aking mukha.
Alindog at ganda ang aking puhunan sa aking propesyon,
Para mamimili'y sa akin agad ang atensyon.
Konting hipo sa aking katawan, may pambayad na kaming pamilya sa buong araw.
Saglit na hilata, may pambayad na kami sa gastusin sa bahay.
At sa ilang minutong pagbukaka, may pantustos na ako sa kapatid kong nag-aaral.


Sarili, pamilya, at kinabukasan para sa isang gabing pagbibigay ng ligaya.
Matatawag mo ba akong masama?
Masasabi mo ba akong desperada?
Nawalan ako ng puri ng paulit-ulit para sa buhay at pangangailangan ng pamilya.
Nawalan sila ng salapi sa bulsa't pitaka para sa sandaling init at ligaya.
Matatawag mo bang patas?
Matatawag mo bang parehas?





Tawag sa akin ay puta.
Tingin sa akin ay naninira ng pamilya.
Turing sa akin sa lipunan ay
Pesteng dapat mapuksa.
Masama, madumi, salot --
mga salitang sa pagkatao ko'y binalot.
Ahas, linta, kaladkarin, pokpok --
mga palayaw na sa akin ay nakalilok.


Hindi ba pwedeng makilala ako bilang anak,
Hindi puta?
Ituring akong kapatid,
Hindi linta?
Maramdamang ako'y babae..
Isang taong may pakiramdam,
Kahit madumi..
At hinubaran ng puri.


Patuloy akong nabubuhay sa mundong mapangutya.
Kabilang ako sa lipunang pinuno ng panghuhusga.
Oo, ako ang may kasalanan..
Ako ang pumili ng kinasadlakan,
Tinulak ako ng mapang-alipustang kapalaran.
Binuhay ko ang mga pangarap sa maling paraan,
Ang magbigay aliw --
Isang babaeng bayaran.


Ikaw --
babaeng mabuti, malinis, at birhen --
tulad ko..
Nangangailangan din ako ng pagmamahal,
Pag-aaruga at pang-unawa.
ang kinaibaha'y lahat ng ito'y ibinibigay sa'yong kusa.
Samantalang ako..
Kailangan pang maghinagpos, manlimos, at magmakaawa.





Hindi lang damit ang hinuhubad sa akin ng madla,
Pilit ding tinatanggal ang karapatan kong lumipad ng mataas at malaya.
Kung gaano kaikli ang saplot
Na sa akin ay nakasuot,
Ganoon na lamang ang luhang gustong sa mata'y pumatak.
At kung gaano ko itinatago
Ang aking hikbi,
Ganoon na lamang ang kagustuhan kong isigaw ng malakas ang lahat ng pighati.


Ako si Magdalena.
Ang babaeng magdadala sa'yo ng halina.
Hawakan akong may pagnanasa,
Habang kapiling sa buong gabi sa ibabaw ng kama.
Iwan akong walang lakas...
Walang saplot at tulala.
Sa kamang minahal ako para maging parausan...
Kapalit ng salaping buhat sa patagong luha at dusa.


Ako si Magdalena.
Mabuting kapatid,
Ulirang anak sa pamilya.
Nagiging matatag ako nang dahil sa kanila,
Kahit na sa paglabas ng tahanang pinilit binubuo,
Ako si Magdalenang...
Masama, madumi, salot,
Pokpok, at puta.


###


2:11 am to 3:05 am
August 03, 2011
~LESamonte.

No comments: