Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label naudlot na pag-iibigan. Show all posts
Showing posts with label naudlot na pag-iibigan. Show all posts

Wednesday, December 14, 2011

The Boat is Sinking.

Halos isang taon ang lumipas. Isang taong madaming pagbabago. Natutunan ko ulit maging masaya sa kabila ng mga di magagandang nangyari. Maraming masasayang alaala ang nabuo. Maraming di inaasahang pangyayari ang naganap. Maraming bagay ang gumulat na nagmulat muli sa akin na ipagpasalamat ang lahat na mayroon sa kasalukuyan.
Isang ordinaryong araw. Nakakulitan bigla ang isang ka-eskwela noong hayskul. Ito nanaman - biglaan, hindi inaasahan - bakit ang hilig ko sa ganitong eksena?
Araw-araw. Hindi makukumpleto ang araw na hindi siya nakakausap. Napapangiti na niya ako sa di ko mawaring dahilan, napapasaya. Naririnig ko na lang minsan ang aking sarili na kinukwento siya sa aking mga kaibigan. Nawawala ang kunot sa aking noo kapag nadidinig ko boses nya. Kwentuhang hindi na namin napapansin ang oras. Alam ko, gusto ko siya. At matapos ang mga di kasiguraduhan sa buhay ko, ngayon lang ulit ako naging sigurado ulit. Siya si Kevin, ang lalaking di ko inaasahang magtuturo sa akin magtiwala muli.
Sweet kami sa isa't isa. Masaya kami. May 1st month, 2nd month, 3rd month at 100 days. Nararamdaman ko ulit yung kilig, yung ngungiti mag-isa, yung magmahal ulit. Oo, gusto ko siya maging boyfriend. Gusto ko maging kami. Hanggang di inaasahang nagkita kami ni Jordan.
Masaya akong nakita ko ulit si Jordan. Maganda ang nabuo naming pagkakaibigan kaya siguro wala kaming ilangan sa isa't isa kahit pa naghiwalay kami bilang magkasintahan. Nasundan ang pagkikita ng isa at dalawa pa. At sinabi niyang gusto niya akong bumalik sa buhay niya. Hindi ako nakatulog noong gabing 'yon. Matagal kong hiniling na bumalik sa akin si Jordan. Ang tagal kong naghintay na dumating ang araw na ito. Alam ko wala ng dapat timbangin, wala na dapat piliang mangyari pero sabi ng isang kong kaibigan, kung gusto ko talaga si Kevin kailangang putulin ko ang koneksyon ko kay Jordan lalo ngayon sa sinabi niya. At kung bumalik man ako kay Jordan, masasaktan ko si Kevin na nagpasaya ulit sakin. Binigyan ko ng oras ang sarili ko makapag-isa. Hinanda ko ang sarili ko sa kung anong pwedeng mangyari matapos ang desisyon ko. Sinabi ko kay Kevin na kailangan ko mag-isip, pero di ko binanggit ang tungkol kay Jordan.
Mabilis na lumipas ang araw. Naging abala na din ako sa trabaho na halos di ko man lang magawang mag-text. Halos di na din nagpaparamdam si Kevin. At patuloy ang panunuyo ni Jordan.
Naglambing ako kay Kevin, ng paulit-ulit pero parang wala. Kapag nakakapag-usap kami parang mauuwi lang sa pagtatalo, sa tampuhan. Anong nangyari? Kasalanan ko ba ito? Hiniling ko makapag-isa ng maikling panahon para sa aming dalawa. Maging sigurado na kaya ko na ulit ibigay ng buo ang sarili ko. At ngayong handa na ako, anong nangyari? Gusto ko ibalik yung dating kami na hindi naman ganun katagal na nawala. Naluluha na lang ako kapag naiisip kong ako din ang may kasalanan ng mga nangyayari.
Napag-uusapan na namin ang tungkol sa aming dalawa dati pa, kaya alam kong gusto din niya ako. Patuloy ko lang sinuyo at nilambing hanggang sa nalaman kong nagkabalikan sila ng dati nyang kasintahan.Hindi ito ang inaasahan ko. Hindi ako handa na ganito ang mangyayari.
Pinili ko siya, pero hindi ako ang pinili niya. Gaano kasakit yun?
Nangyari ang gustong-gusto mong mangyari, ang bumalik ang pinakamamahal mo pero naka-move on ka na, gaano kalungkot yun?
Di naman siguro sadya ang nangyari, kaya tinanggap ko kahit masakit. Gusto ko maging bitter, pero para san?
Panibagong sugat, na kahit hindi ganun kalalim ay mag-iiwan pa din ng marka.


Monday, December 5, 2011

Let's Play Who Wants To Be Serious?

Not everything is as it seems. Maraming nag-aakalang in a relationship ako. Maraming nag-aakalang masaya na ulit ang mga mata ko. Maraming nag-aakalang totoo ang lahat ng nakikita o hindi nila nakikita. Akala nila totoo ang mga bagay na 'pinaniwala' namin sa mga tao. Ang hirap gumawa ng isang larong hindi ka naman bihasa.

Ang daming nagtatanong kung paano naging kami ni Ramon. At sa t'wing tinatanong kung kamusta kaming dalawa o kung talagang totoo ba, hindi ko masabi ang totoo - joke, trip. Ang madalas na sagot ko, pang-artista, ang ngumiti. Ang hirap gawing panloko ang emosyon. Maraming tao ang alam kong natuwa, na ang iba halos magtatatalon sa tuwa nang malamang in a relationship kami 'kuno'. Ganun lang nila talaga kagustong magkatuluyan kami.

Para sa mga nakakaalam ng totoong sitwasyon namin ni Ramon, sinasabi nilang gawing totoo na lang. Pwede daw maging daan 'yun para makalimutan namin ang sakit na nararamdaman namin sa mga ex namin. At para mabigyang daan ang kagustuhan ng marami. Parang artista lang. Oh, no!

Ayong isakripisyo ang pagkakaibigang mayroon kami. Ayokong dumating yung panahong magkailangan kami. At hindi ko pa pala nasasabi, dating kasintahan ni Ramon ang dalawang malalapit kong kaibigan. Alam ko kahit 'in good terms' sila, mayroon at mayroong ilang factor pa din. At ayokong maging ganun kami ni Ramon. Tama na ang nakaraang nagkagusto kami sa isa't isa. Okay na yun. Ayoko ng dungisan ang maganda naming samahan.


Tulad ng ibang istorya, laging may kontrabida. O kaya yung mga taong 'nagmamalasakit'. Nakita daw nila si Ramon na may ibang kausap na babae. Kung kami man ni Ramon talaga, alam kong hindi dapat pagselosan ang ganung kababaw na dahilan. Hindi lang naman ako ang babaeng pwede niyang kausapin. Hello? May nagsabi ding hanggang ngayon nilalandi pa din ni Ramon ang ex niya. At ang nagsabi nito sa akin? Ang isa pang ex niya. Ang saya saya nila.

Naglabasan ang mga tunay at 'di ko tunay na kaibigan. Hindi ako nagalit sa kung ano pang nalaman ko kay Ramon. Niyayanig lang ng maraming tao ang pasensya ko sa tulad nilang ayaw makakita ng masasayang tao. Alam ko na kahit sa walong taon naming pagkakaibigan, marami pa din akong hindi alam sa kanya. Pero hindi ito sapat para basta basta na lang manira ng kapwa.

Bahagi man ng pagkatao mo ang iyong nakaraan, hindi naman ito batayan upang husgahan mo ang isang tao. Binago ka man ng ilang pangyayari sa iyong buhay, pero wala tayo sa lugar para sabihin kung tama o mali ang naging desisyon niya.

Lumipas na ang isang buwan. At kahit hindi ako totoong girlfriend ni Ramon, sa mga nangyari sa isang buwan na 'yon.. ang hirap din pa lang maging boyfriend siya. At kung siya ang lalaking ako.. ang hirap ko pala maging girlfriend.

Thursday, December 1, 2011

Totohanan Na Ba?

Mas naging aral at paalala sa akin ang nangyari sa amin ni Marco. Ang bawat matatamis na salita ay hindi dapat basta bastang kinakagat. Nguni't dumarating minsan sa buhay ang isang larong akala mo'y kaya mong laruin. Pumapasok ka sa isang sitwasyong akala mo'y basta basta mo malalabasan.


Hiniwalayan ako ni Jordan. Pingalaruan ako ni Marco. Parang walang tinirang emosyon sa akin ng mga pangyayari. Parang nagiging tulad nila ako.



Si Ramon - ang lalaking ako. Halos walong taon ko na siyang kaibigan. At halos walong taon na din kaming tinutukso sa isa't isa. Nagkakagustuhan naman talaga kami, pero mas matindi ang salitang kaibigan sa'ming dalawa kaya siguro ganito lang kami.



June5 - Hindi ko alam kung anong trip ko at trip nya kung bakit kami napunta sa isang dare. Maging kami sa isang social networking site. Hindi ko na alam kung nag-isip ba ako.



June7 - Lisa Montealegre is in a relationship with Ramon Oreta.



Hindi ko alam kung anong drugs ba tinira ko't pumayag payag ako. Siguro, for fun? Humakot ng komento ang pangyayaring yun. Maraming natuwa, maraming nagulat. At maraming gusto makakita ng patunay. Patay! Hindi na namin alam kung paano patayin ang sunog na ginawa namin.



June9 - Hiwalay na si Marco at ang girlfriend nya.




June10 - Nakatanggap ako ng text galing kay Jordan na nagsasabing congrats. At hindi na siya nag-reply pagkatapos non.



Doon ako bigla natauhan. Dahil alam ko, mali ang ginawa naming dare na 'yon. Pero naisip ko, sana kahit konti, nasaktan si Jordan na malamang may kunwaring bagong boyfriend na ako. At ganun din si Marco, maramdaman niyang hindi lang siya ang kayang maglaro. Ang sama ko lang!



Lumipas ang mga araw na parang kailangang panindigan ang ginawa naming 'yon. Sinubukan, oo. Pero ni ang isiping hawakan ang kamay ni Ramon na may malisya, hindi ko magawa. Parang kung sakali, para kaming magkapatid na naglalambing lang sa isa't isa.

Wala ng paramdam. Unti-unti nanamang nawawala ang mga bagay na nasanay ka na. Parehas na hindi nagparamdaman sa isa't isa. Pinakiramdaman ko, at alam kong pati din siya, kung may mangyayari ba.. kung may pag-asa ba.. hanggang sa may isa sa aming naglakas loob na alamin kung ano nga ba.

........

Swerte Ko, Malas Mo.

Ako si Lisa. Isang babaeng, tulad ng iba, hinahangad na makilala ang kanyang prinsipeng mamahalin siya hanggang sa huli. Na kahit ilang beses nang nasaktan ay patuloy pa ding magmamahal hanggang sa dumating ang taong hihilom sa pusong nabihag sa lungkot ng nakaraan.


April30 - araw kung kailan una kong makausap si Marco. 'Di inaasahan. Biglaan. Tamang kulitan at kwentuhan. Hanggang sa naging araw-araw na. Naging bahagi na ng sistema naming dalawa. Walang sawang pag-uusap na inaabot ng gabi hanggang kinabukasan. Nauso ang endearment na BEB. Mas naging malalim at lumalim pa when one started to care, at nang sabihin ni Marco na mahal na niya ako. Gusto kong maniwala. Pero noong mga panahong 'yon alam kong mahal ko pa si Jordan. Gusto kong maniwala na totoo lahat, at gusto kong maniwalang pwede ko siyang mahalin. Pero hindi.



Naging masaya ako nung dumating si Marco. Pero hindi sapat yung saya na 'yon para masabi kong mahal ko na din siya. Hindi sapat yung saya para matabunan yung sakit at pagmamahal ko kay Jordan. Nag-iingat lang din ako. Galing lang ako sa masakit na paghihiwalay at nasa proseso ako na pagalingin ang sugat. Ayoko namang hayaan ang sarili kong masaktan ulit. Alam ko hindi pa ito love, pero gusto ko siya at masaya ako.






Nakilala ko kapatid nya, ang tatay nya at mga kaibigan niya. Inaaya nya ako sa isang resort sa Antipolo kasama ng mga kaibigan niya. Gusto kong sabihing oo, pero parang may pumipigil sa akin na hindi ko alam kung ano. Kaya ang laging sagot ko, "I'll try!".



May31 - May mali, alam ko! Nararamdaman kong nawawala na siya.



June1 - Marco is in a relationship.



Gusto kong umiyak non. Gusto kong magalit pero hindi ko alam kung kanino. Bakit ganon? Habang sinasabi ba niyang mahal niya ako, may iba din siyang sinasabihan nito? Muntik na akong maniwala. Muntik na akong madala. Muntik.



Swerte ko, malas mo. Swerte ko dahil hindi ako nagpadala sa pekeng pagmamahal mo. Malas mo, hindi mo nabilog ulo ko. Salamat pa din. Dahil naging masaya ako. O nasasabi ko lang na masaya kasi alam kong malungkot ako.



Swerte ko, malas mo.. siguro ng dahil na din kay Jordan.


Monday, October 10, 2011

Hit and Run.

Sinasadya ba o hindi? Walang choice o sadyang yun lang ang pinili? Takot panagutan pero ang lakas at ang kapal ng mukha para takbuhan na lang. Mayroong bumabalik dahil sa konsensya, mayroon din naman na hindi ata tinubuan kahit ng hiya. Hahabulin mo pa ba? Hahayaan na lang ba? May galos at daplis lang ang dala. Mayroon din namang agaw-buhay na. Kung kikidlatan bawat taong ewan mo ba kung anong trip sa buhay kundi manakit, malamang sa malamang kahit gabi, nagliliwag ang langit.

Alam mo yung feeling na ang sweet nyo sa isa't isa, sineryoso mo, pero laro lang sa kanya? Yung feeling na tinuring ka niyang other half niya, naniwala ka, pero pa-fall lang pala siya. Yung pakiramdam na kayo, pero hindi lang official, e yun pala ganun din siya sa iba. Pakiramdam na may pagkakaintindihan kayo pero may takot lang sa pwedeng mangyari, tapos bigla-bigla, may iba na pala. Yung pagkakataong ayaw mong maniwala, tapos nung naniwala ka na, bigla ka na lang iiwan. Yung feeling na ang saya-saya mo na tapos isang iglap mawawala na lang ng wala man lang pasabi o paalam. Ang saya no? Ang sarap magdiwang. Dalawa kayong nagsimula, pero ngayon mag-isa ka na lang.

Akala mo iba siya. Akala mo magtatagal kayo. Akala mo seryoso siya. Akala mo totoo ang lahat. Akala mo sincere siya. Akala mo sa'yo lang niya sinasabi at pinaparamdam ang lahat. Akala mo puti, pula naman pala. Akala ko kasya yun pala hindi. Akala ko tama yun pala mali.




Akala ko alam ko na ang lahat ng dapat na malaman, nguni't mali na naman. Pero okay lang yan, wag kang matakot na baka magkamali. Walang mapapala kung 'di ka magbabakasakali. Dahil lumilipas ang oras baka ka maiwanan kung hindi mo susubukan. ☺

Ah eh kung sa usapang damdamin, hindi ba pwedeng sigurado? Pero ang sabi-sabi sa balita, ang damdamin sadyang paiba-iba. Kasi ang damdamin binubuo ng emosyon. E alam naman nating maraming emosyon ang naramramdaman sa mundo. E baka nga hindi mo pa nararamdaman yun lahat. Pero hindi sapat na dahilan para mang-iwan na lang ng basta-basta. Na matapos na mapaibig mo ang isang tao, bibitawan mo na lang, na minsan walang paapaalam. Masakit malamang nagbago ang nararamdaman mo sa isang tao, walang magaan at walang hindi nakakasakit na paraan. Nguni't, hindi tama na takbuhan mo na lang ito. Hindi tama na maglalaho na lang na parang bula. Maging patas ka.

Ang pag-ibig minsan parang hit and run, kapag hindi kayang panindigan, tatakbuhan ka na lang. Badtrip no? Pero ikaw ba hindi mo yun nagawa? Sadya man o hindi sadya?