Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Wednesday, December 14, 2011

The Boat is Sinking.

Halos isang taon ang lumipas. Isang taong madaming pagbabago. Natutunan ko ulit maging masaya sa kabila ng mga di magagandang nangyari. Maraming masasayang alaala ang nabuo. Maraming di inaasahang pangyayari ang naganap. Maraming bagay ang gumulat na nagmulat muli sa akin na ipagpasalamat ang lahat na mayroon sa kasalukuyan.
Isang ordinaryong araw. Nakakulitan bigla ang isang ka-eskwela noong hayskul. Ito nanaman - biglaan, hindi inaasahan - bakit ang hilig ko sa ganitong eksena?
Araw-araw. Hindi makukumpleto ang araw na hindi siya nakakausap. Napapangiti na niya ako sa di ko mawaring dahilan, napapasaya. Naririnig ko na lang minsan ang aking sarili na kinukwento siya sa aking mga kaibigan. Nawawala ang kunot sa aking noo kapag nadidinig ko boses nya. Kwentuhang hindi na namin napapansin ang oras. Alam ko, gusto ko siya. At matapos ang mga di kasiguraduhan sa buhay ko, ngayon lang ulit ako naging sigurado ulit. Siya si Kevin, ang lalaking di ko inaasahang magtuturo sa akin magtiwala muli.
Sweet kami sa isa't isa. Masaya kami. May 1st month, 2nd month, 3rd month at 100 days. Nararamdaman ko ulit yung kilig, yung ngungiti mag-isa, yung magmahal ulit. Oo, gusto ko siya maging boyfriend. Gusto ko maging kami. Hanggang di inaasahang nagkita kami ni Jordan.
Masaya akong nakita ko ulit si Jordan. Maganda ang nabuo naming pagkakaibigan kaya siguro wala kaming ilangan sa isa't isa kahit pa naghiwalay kami bilang magkasintahan. Nasundan ang pagkikita ng isa at dalawa pa. At sinabi niyang gusto niya akong bumalik sa buhay niya. Hindi ako nakatulog noong gabing 'yon. Matagal kong hiniling na bumalik sa akin si Jordan. Ang tagal kong naghintay na dumating ang araw na ito. Alam ko wala ng dapat timbangin, wala na dapat piliang mangyari pero sabi ng isang kong kaibigan, kung gusto ko talaga si Kevin kailangang putulin ko ang koneksyon ko kay Jordan lalo ngayon sa sinabi niya. At kung bumalik man ako kay Jordan, masasaktan ko si Kevin na nagpasaya ulit sakin. Binigyan ko ng oras ang sarili ko makapag-isa. Hinanda ko ang sarili ko sa kung anong pwedeng mangyari matapos ang desisyon ko. Sinabi ko kay Kevin na kailangan ko mag-isip, pero di ko binanggit ang tungkol kay Jordan.
Mabilis na lumipas ang araw. Naging abala na din ako sa trabaho na halos di ko man lang magawang mag-text. Halos di na din nagpaparamdam si Kevin. At patuloy ang panunuyo ni Jordan.
Naglambing ako kay Kevin, ng paulit-ulit pero parang wala. Kapag nakakapag-usap kami parang mauuwi lang sa pagtatalo, sa tampuhan. Anong nangyari? Kasalanan ko ba ito? Hiniling ko makapag-isa ng maikling panahon para sa aming dalawa. Maging sigurado na kaya ko na ulit ibigay ng buo ang sarili ko. At ngayong handa na ako, anong nangyari? Gusto ko ibalik yung dating kami na hindi naman ganun katagal na nawala. Naluluha na lang ako kapag naiisip kong ako din ang may kasalanan ng mga nangyayari.
Napag-uusapan na namin ang tungkol sa aming dalawa dati pa, kaya alam kong gusto din niya ako. Patuloy ko lang sinuyo at nilambing hanggang sa nalaman kong nagkabalikan sila ng dati nyang kasintahan.Hindi ito ang inaasahan ko. Hindi ako handa na ganito ang mangyayari.
Pinili ko siya, pero hindi ako ang pinili niya. Gaano kasakit yun?
Nangyari ang gustong-gusto mong mangyari, ang bumalik ang pinakamamahal mo pero naka-move on ka na, gaano kalungkot yun?
Di naman siguro sadya ang nangyari, kaya tinanggap ko kahit masakit. Gusto ko maging bitter, pero para san?
Panibagong sugat, na kahit hindi ganun kalalim ay mag-iiwan pa din ng marka.


No comments: