Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Decisions. Show all posts
Showing posts with label Decisions. Show all posts

Monday, November 28, 2011

Huling Bagsak





Mahirap magpaalam. Lalo sa bagay na inakala mong hahawakan mo ng matagal.


Mahirap magpigil ng luha. Lalo't nasabi't naiwaksi mo lahat ng niloloob mo ng matagal.

Mahirap pigilang hindi isipin ang mga alaala. Lalo na ang mga bagay na hindi mo inaasahang maalala pa.

May gaan sa pakiramdam. Kahit malabo pa ang nakikitang daan. Alam ko maraming makaiintindi. Alam ko marami din ang hindi. Pero sapat na ang intindi ng magulang. Sapat nang malaman na hindi lang sarili ang kakampi.

Salamat sa lahat ng nakilala.

Salamat sa lahat ng umunawa.

Salamat sa aral, pangaral at pagpuna. Mas nalaman ang lakas at kahinaan na dati'y akala ko ay wala.

Salamat sa naging kaibigan na sana'y patuloy na maging kaibigan kahit hindi na magkakasama.



Sunday, November 27, 2011

30 Minutes

Habang patuloy na umaandar ang oras, patuloy pa ding nag-iisip kung ano ba ang dapat gawin. Buo na ang desisyon kung tutuusin nguni't walang lakas para simulan ang pinipiling tatahakin. Baliin man ang desisyong nayari, wala na ding lakas para bumalik.
Hindi ako matapang. Duwag na akong bumalik. Ang natitirang lakas na lang ay para sa bagong daang lalandasin. Balik sa simula. Na nawa'y samahan ako ng mga taong kailangan ko para mas kayanin.
Maraming maririnig na opinyon. Maraming pangaral at siguradong maraming pagpipigil ang matatanggap kahit hindi hingin. Alam kong mas kakayanin ko yun, kaysa bumalik muli sa aking tatalikurang alam kong hindi ko na kayang yakapin.
Ilang subok na ang ginawa pero iisa pa din ang kinalalabasan. Ilang beses na pilit pinagagaan pero nananatili pa ding mabigat.
Oo, nasa pamamaraan ito kung paano bubuhatin pero ang bigat mananatiling mabigat kung hindi babawasan, kung hindi tatanggalin.
Madaling magpahinga kung pagod na. Pero ang pahinga ay hindi na sapat kung ayaw mo na.
Sa karerang tinatakbuhan ko, pinipili kong patuloy na tumakbo. Kahit wala nang maramdaman ang binti't hita ko. Kahit tila manhid na ang mga paa ko. Sa karerang tinatakbuhan ko, pinipili kong sa ibang track dumaan. Marahil mas mahaba o mas mahirap. Ayos lang maunahan o mahuli ako sa finish line, basta't matatapos ko iyon nang tumatakbo na hindi humihinto.