Habang patuloy na umaandar ang oras, patuloy pa ding nag-iisip kung ano ba ang dapat gawin. Buo na ang desisyon kung tutuusin nguni't walang lakas para simulan ang pinipiling tatahakin. Baliin man ang desisyong nayari, wala na ding lakas para bumalik.
Hindi ako matapang. Duwag na akong bumalik. Ang natitirang lakas na lang ay para sa bagong daang lalandasin. Balik sa simula. Na nawa'y samahan ako ng mga taong kailangan ko para mas kayanin.
Maraming maririnig na opinyon. Maraming pangaral at siguradong maraming pagpipigil ang matatanggap kahit hindi hingin. Alam kong mas kakayanin ko yun, kaysa bumalik muli sa aking tatalikurang alam kong hindi ko na kayang yakapin.
Ilang subok na ang ginawa pero iisa pa din ang kinalalabasan. Ilang beses na pilit pinagagaan pero nananatili pa ding mabigat.
Oo, nasa pamamaraan ito kung paano bubuhatin pero ang bigat mananatiling mabigat kung hindi babawasan, kung hindi tatanggalin.
Madaling magpahinga kung pagod na. Pero ang pahinga ay hindi na sapat kung ayaw mo na.
Sa karerang tinatakbuhan ko, pinipili kong patuloy na tumakbo. Kahit wala nang maramdaman ang binti't hita ko. Kahit tila manhid na ang mga paa ko. Sa karerang tinatakbuhan ko, pinipili kong sa ibang track dumaan. Marahil mas mahaba o mas mahirap. Ayos lang maunahan o mahuli ako sa finish line, basta't matatapos ko iyon nang tumatakbo na hindi humihinto.
No comments:
Post a Comment