Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo
Showing posts with label Life. Show all posts
Showing posts with label Life. Show all posts

Saturday, May 17, 2014

K A R A M B O L A

Hindi ko alam kung paano ito sisimulan, tulad din ng hindi ko alam kung paano tatapusin kung sakaling masimulan na.


Marami talagang tanong sa mundo, na minsan maiisip mo, kailangan ba talaga ng sagot? O pwede ding tanong ka ng tanong pero wala naman pala dapat itanong. Kumbaga, pinapakomplikado mo lang yung mga bagay na simple naman kung titignan. Mahirap makontento no? Lalo't alam mo sa sarili mo na higit pa 'don ang dapat natatanggap mo. Meron din namang tanong na alam mo naman ang sagot, pero kailangan mo pang ipasampal sa'yo yun ng ibang tao. Mahirap tanggapin kasi masakit tanggapin.


Nitong dumaang mga buwan, ang dami dami kong naramdaman. Iba-iba. Halu-halo. Medyo nakakabaliw na nakaka-praning. Marami na akong narinig na kung anu-anong sermon, payo at marami pa. Pero sa huli, alam naman nating sarili din natin ang masusunod. Sabi nga ni Albert Camus di ba, Life is a sum of all your choices. Kaya kung ano man maging resulta ng mga pinili mo ngayon, hindi mo yan basta-basta pwedeng isisi o isumbat sa iba. Dahil ginusto mo man o hindi, pinili mong gawin yan. Wag nating bulyawan ang mundo na unfair ito, dahil hindi. Dahil kung merong takot, meron ding matapang. Kung merong duwang, meron ding marunong sumugal. Alin ka don?


Kung hindi ka pa handa sa sagot, wag ka magtanong. Kung hindi mo kayang matalo, wag ka sumugal. Simple as that. Pero sa panahon ngayon, dapat matapang ka, dapat lagi kang handa.. dahil talo ang mahihina. Fight!


Sabi nang isang kaibigan, wag kakalimutang babae ka. Magpasuyo ka. Hindi naman kalabisan yun.


Paulit-ulit na itong sinasabi pero minsan nakakalimutan natin -- mahalin mo ang sarili mo. 


Totoo na when it rains, it pours. Pakatatag ka lang. Lahat naman ng ulan, natatapos. at kapag tumila ang ulan, laging may araw na sasalubong sa'yo. Minsan pa nga may makulay na bahagharing ngingiti sa'yo. Wag kang magkulong at titigan lang ang ulan. Lumabas ka, damhin mo ang ulan. Wag ka matakot mabasa.


Sa oras na mahina ka, mas maraming tukso ang makikita. Wag kang magpakalulong sa mga bagay na alam mong pwede mong ikalubog at ikasira. Ang tukso ay hindi pinipigilan, ito ay iniiwasan.


Halos lahat ng bagay ay pwedeng nakasanayan lang. Kaya't wag magpakasanay sa mga bagay na alam mong hindi magtatagal. Nakakasira ito ng bait.


Madaling sabihin, mahirap gawin. Alam na nating lahat yan. Lagi lamang tatandaan na meron ding tinatawag na tama at mali. At may kulang, sapat, at sobra.


(Larawan mula sa google.)

Monday, November 28, 2011

Huling Bagsak





Mahirap magpaalam. Lalo sa bagay na inakala mong hahawakan mo ng matagal.


Mahirap magpigil ng luha. Lalo't nasabi't naiwaksi mo lahat ng niloloob mo ng matagal.

Mahirap pigilang hindi isipin ang mga alaala. Lalo na ang mga bagay na hindi mo inaasahang maalala pa.

May gaan sa pakiramdam. Kahit malabo pa ang nakikitang daan. Alam ko maraming makaiintindi. Alam ko marami din ang hindi. Pero sapat na ang intindi ng magulang. Sapat nang malaman na hindi lang sarili ang kakampi.

Salamat sa lahat ng nakilala.

Salamat sa lahat ng umunawa.

Salamat sa aral, pangaral at pagpuna. Mas nalaman ang lakas at kahinaan na dati'y akala ko ay wala.

Salamat sa naging kaibigan na sana'y patuloy na maging kaibigan kahit hindi na magkakasama.



Thursday, November 24, 2011

Amber.

Nag-iisip. Hanggang sa matulala. Sa dami ng pumapasok sa isip, hindi na alam kung anong dapat unahin. Lilipad na lang basta ang diwa mo hanggang sa di na mamalayan na bababa ka na pala sa jeep. Pilit na hakbang papunta sa pupuntahan.

BEEEEEEEP!

Ginising ang utak mong tuliro sa busina ng humaharurot na sasakyan.Naglalakad ng matulin. Kasabay ng pag-ikot ng oras na hindi mo mapigil. Sana pwedeng ihinto ang oras. Sana pwedeng ihiling na minsan pa-extend din.Matamis ang ngiti nguni't kita sa mata ang lungkot at pagod. Masayang mukha ang nakikita nguni't di na mapigil ang kasinungalingang ito sa pagtalikod.

Magulo ang lahat. Oo, marahil sarili mo din ang gumawa lahat ng kaguluhang ito. Sa kadahilanang gusto mo na lang takbuhan, nagkapatong patong na lahat.. Nagkalabo-labo.. Na parang hindi na malulusutan.Hindi mo pwedeng iisantabi't takbuhan ang lahat. Dahil darating ang araw na kailangan mo itong harapin sa ayaw man o sa gusto mo. Iwasan mo man ito, patuloy ka nitong hahanapin hanggang sa matuto kang harapin ito.

Bagot. Nag-aabang ng oras na kay bagal ang ikot.

Yamot. Nakukulangan sa oras na kay bilis ang ikot.

Ang dami mong pwedeng ibigay pero hindi naman kinakailangan.

Kapos na kapos ka, pero kailangang may maibigay ka.

Gusto mong isumbong lahat, pero alam mong sa huli, ikaw pa din ang ituturong may kasalanan.

Nag-iisip. Hanggang sa matulala. Sa dami ng pumapasok sa isip, hindi na alam kung anong dapat unahin. Lilipad na lang basta ang diwa mo hanggang sa di na mamalayan na bababa ka na pala sa jeep. Isa, dalawa, tatlo. Tatlong kanto na ang nilagpasan pero hindi mo masabi ang salitang para. Pulang ilaw sa traffic light ang nagtulak sayo para bumaba. Di mo alam kung bakit hindi ka pumara. Hindi mo din alam kung bakit ka doon bumaba.




Naglalakad. Hindi mo sigurado kung saan ka tutungo. Mabagal na lakad. Walang pakialam sa bilis o bagal ng oras.

May altar. May santo. May mga nagdarasal. Doon ka dinala ng mga paa mo. Gustong tumulo ng luha mo. Gusto mong amining hindi mo na kaya. Na pagod ka na. Na gusto mo nang sumuko. Na gusto mo ng yakap. Na gusto mo ng tulong. Pero nakatayo ka lang. Blangko ang isip. Hinayaan mong puso mo ang lumuha. Hinayaan mong kaluluwa mo ang umiyak. Dahil ramdam mong pagod na ang katawang lupa.

KRRRRIIIIIINNNNGGG...

Nagising ka sa tunog ng alarm clock. Pinutol ang tulog mong sana'y matagal tagal pa. Dapat nang bumangon para hindi na makipaghabulan sa oras. Dapat. Kailangan. Kahit minsan nararamdaman mong ayaw mo.

Sunday, November 13, 2011

SuperSaturated.

"Okay lang ang umiyak, pero bawal ang sumuko."

Ano ba ang ibig sabihin ng pag-iyak?

Akala ng marami, ang pag-iyak ay isang tanda na mahina ka.

Kailan ka ba huling umiyak?


********************

Nanginginig na kamay na nais itakip sa tenga. Dilang utal na gustong sabihing "Teka! Makinig ka." Utak na nagsusumigaw kumbinhisin ang damdaming nais nang bumigay. Naninikip na dibdib na hindi na mapigilang kumawala.

"Ang malas ko ngayong araw", ang sabi ko.

"Walang malas o swerte. Depende yan sa kung paano mo titignan at sasalubungin ang mga nangyayari sa'yo", ang sabi naman ng ka-trabaho.

Lahat marahil naipon, ngayon sumabog. Lahat ng pagpipigil ay ngayon lang bumigay. Lahat ng lakas ay naubos, kaya ngayon'y tumatakbo palayo at nagtatago sa mga matang huhusga sa kakayahan.

"Hindi ko na kaya.. Ayoko na!"

Pakiramdam na bihira lang sabihin ng bibig na ngayo'y paulit-ulit pang inuulit. Gusto mong isigaw, malaman ng iba na nasasaktan / nahihirapan ka na. Pero may kaunti sa'yo na nagsasabing kaya mo pa, mas maging matatag at matapang ka pa.

"DaddyLord, please give me strength. Kailangan ko ng lakas at matatag na damdamin..."

Mga kasamahang naging kaibigan, tissue at mga salitang sasalo ng sakit at luha. Lumakad pabalik, ngumiti at sinabing "Oo, kaya ko.. kaya ko pa. Kakayanin ko!"

Saglit na iyak, buong hapon na ulit ang tinawa ko. Siguro ganun lang ang buhay, kailangang ipaalam mong mahina ka, na minsan hindi mo na kaya. Oo, iyak ka lang, pero wag kang susuko.. wag kang bibitaw basta-basta.

Eto ka, binabalikan ang lugar kung saan ka tumakbo at nasaktan.. kung saan ka nahihirapan. Hinaharap ang mga bagay at tao ng nakangiti at nakatawang muli. Oo, galing ako sa iyak. Pero eto ka at tinutuloy ang buhay. Walang madaling aral na mabilis lang matutunan. Maraming kaisipang maaaring makatulong o hindi. Maraming tao sa paligid na pwedeng makaapekto o hindi. Nguni't sa huli, ikaw at ikaw pa din ang magdedesisyon. Ikaw pa din ang magsasabi kung matapang ka o maduduwag sa hamon ng buhay.


Sunday, April 3, 2011

Lilipas din ang Lahat ng Lungkot.



Kamusta ka? Malungkot ka pa din ba?

Lagpas isang taon na mula ng may makilala akong babaeng ubod ng lungkot. Naghiwalay na kasi sila ng taong sobrang mahal niya. At ngayon, gusto kong kamustahin kong malungkot pa din ba siya. Gusto kong malaman kung ngumingiti na ba ulit siya. Gusto kong makita na masaya na ulit ang mga mata niya.

Hindi masamang maging malungkot. Hindi kapangahasan ang umiyak sa mga pagkakataong pakiramdam mo ay iniwan ka ng pinakaimportanteng tao sa buhay mo. Ang magiging kasalanan mo lang ay ang hayaan ang sarili mo na maging malungkot sa matagal na panahon; ang ikulong ang iyong sarili sa isang emosyong ikaw na lang ang nakakaramdam sa inyong dalawa. Natural ang maging malungkot, natural ang umiyak, nguni't hindi natural ang magmukmok habambuhay. Maraming magagandang bagay sa mundo na maaaring hindi mo makita ng dahil sa iisang bagay ka lamang nakatuon.

Pwede mong isigaw, pwede mong ikwento o pwde mo ding isulat. Lahat ay huhupa, lahat ay matatapos. Wag mong hayaang malubog ka sa isang malungkot na kahapon. -- isang kahapong ikaw na lang ang bumubuhay. Matutong ngumiti ulit, matutong bumangon at maging masayang muli. Kung naging ganun ka kasaya sa maaaring maling tao, ano pa ang sayang pwede mong maramdaman sa taong tama na dadarating din sa buhay mo. :)

At sa mga malulungkot na parte ng buhay mo, nandiyan naman ang mga kaibigan mong handa kang pangitiin kahit na sa likod ng mga ngiting pinapakita mo ay nakakubli ang mga luhang nagpapakita ng sakit at lungkot.

Totoong ngingiti ka din. Totoong ngingiti din ako. :)