Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Sunday, November 13, 2011

SuperSaturated.

"Okay lang ang umiyak, pero bawal ang sumuko."

Ano ba ang ibig sabihin ng pag-iyak?

Akala ng marami, ang pag-iyak ay isang tanda na mahina ka.

Kailan ka ba huling umiyak?


********************

Nanginginig na kamay na nais itakip sa tenga. Dilang utal na gustong sabihing "Teka! Makinig ka." Utak na nagsusumigaw kumbinhisin ang damdaming nais nang bumigay. Naninikip na dibdib na hindi na mapigilang kumawala.

"Ang malas ko ngayong araw", ang sabi ko.

"Walang malas o swerte. Depende yan sa kung paano mo titignan at sasalubungin ang mga nangyayari sa'yo", ang sabi naman ng ka-trabaho.

Lahat marahil naipon, ngayon sumabog. Lahat ng pagpipigil ay ngayon lang bumigay. Lahat ng lakas ay naubos, kaya ngayon'y tumatakbo palayo at nagtatago sa mga matang huhusga sa kakayahan.

"Hindi ko na kaya.. Ayoko na!"

Pakiramdam na bihira lang sabihin ng bibig na ngayo'y paulit-ulit pang inuulit. Gusto mong isigaw, malaman ng iba na nasasaktan / nahihirapan ka na. Pero may kaunti sa'yo na nagsasabing kaya mo pa, mas maging matatag at matapang ka pa.

"DaddyLord, please give me strength. Kailangan ko ng lakas at matatag na damdamin..."

Mga kasamahang naging kaibigan, tissue at mga salitang sasalo ng sakit at luha. Lumakad pabalik, ngumiti at sinabing "Oo, kaya ko.. kaya ko pa. Kakayanin ko!"

Saglit na iyak, buong hapon na ulit ang tinawa ko. Siguro ganun lang ang buhay, kailangang ipaalam mong mahina ka, na minsan hindi mo na kaya. Oo, iyak ka lang, pero wag kang susuko.. wag kang bibitaw basta-basta.

Eto ka, binabalikan ang lugar kung saan ka tumakbo at nasaktan.. kung saan ka nahihirapan. Hinaharap ang mga bagay at tao ng nakangiti at nakatawang muli. Oo, galing ako sa iyak. Pero eto ka at tinutuloy ang buhay. Walang madaling aral na mabilis lang matutunan. Maraming kaisipang maaaring makatulong o hindi. Maraming tao sa paligid na pwedeng makaapekto o hindi. Nguni't sa huli, ikaw at ikaw pa din ang magdedesisyon. Ikaw pa din ang magsasabi kung matapang ka o maduduwag sa hamon ng buhay.


No comments: