Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Thursday, November 24, 2011

Amber.

Nag-iisip. Hanggang sa matulala. Sa dami ng pumapasok sa isip, hindi na alam kung anong dapat unahin. Lilipad na lang basta ang diwa mo hanggang sa di na mamalayan na bababa ka na pala sa jeep. Pilit na hakbang papunta sa pupuntahan.

BEEEEEEEP!

Ginising ang utak mong tuliro sa busina ng humaharurot na sasakyan.Naglalakad ng matulin. Kasabay ng pag-ikot ng oras na hindi mo mapigil. Sana pwedeng ihinto ang oras. Sana pwedeng ihiling na minsan pa-extend din.Matamis ang ngiti nguni't kita sa mata ang lungkot at pagod. Masayang mukha ang nakikita nguni't di na mapigil ang kasinungalingang ito sa pagtalikod.

Magulo ang lahat. Oo, marahil sarili mo din ang gumawa lahat ng kaguluhang ito. Sa kadahilanang gusto mo na lang takbuhan, nagkapatong patong na lahat.. Nagkalabo-labo.. Na parang hindi na malulusutan.Hindi mo pwedeng iisantabi't takbuhan ang lahat. Dahil darating ang araw na kailangan mo itong harapin sa ayaw man o sa gusto mo. Iwasan mo man ito, patuloy ka nitong hahanapin hanggang sa matuto kang harapin ito.

Bagot. Nag-aabang ng oras na kay bagal ang ikot.

Yamot. Nakukulangan sa oras na kay bilis ang ikot.

Ang dami mong pwedeng ibigay pero hindi naman kinakailangan.

Kapos na kapos ka, pero kailangang may maibigay ka.

Gusto mong isumbong lahat, pero alam mong sa huli, ikaw pa din ang ituturong may kasalanan.

Nag-iisip. Hanggang sa matulala. Sa dami ng pumapasok sa isip, hindi na alam kung anong dapat unahin. Lilipad na lang basta ang diwa mo hanggang sa di na mamalayan na bababa ka na pala sa jeep. Isa, dalawa, tatlo. Tatlong kanto na ang nilagpasan pero hindi mo masabi ang salitang para. Pulang ilaw sa traffic light ang nagtulak sayo para bumaba. Di mo alam kung bakit hindi ka pumara. Hindi mo din alam kung bakit ka doon bumaba.




Naglalakad. Hindi mo sigurado kung saan ka tutungo. Mabagal na lakad. Walang pakialam sa bilis o bagal ng oras.

May altar. May santo. May mga nagdarasal. Doon ka dinala ng mga paa mo. Gustong tumulo ng luha mo. Gusto mong amining hindi mo na kaya. Na pagod ka na. Na gusto mo nang sumuko. Na gusto mo ng yakap. Na gusto mo ng tulong. Pero nakatayo ka lang. Blangko ang isip. Hinayaan mong puso mo ang lumuha. Hinayaan mong kaluluwa mo ang umiyak. Dahil ramdam mong pagod na ang katawang lupa.

KRRRRIIIIIINNNNGGG...

Nagising ka sa tunog ng alarm clock. Pinutol ang tulog mong sana'y matagal tagal pa. Dapat nang bumangon para hindi na makipaghabulan sa oras. Dapat. Kailangan. Kahit minsan nararamdaman mong ayaw mo.

2 comments:

Anonymous said...

Huuuuuuuuuuuuuuuuuug <3 I love you. God and I are just here..to listen, to hug you, to love you. :) Be strong!

Paniking Aligaga said...

Yeah! >:D< Matagal ko na 'to nasulat. Nasa celepono lang. :) heheh. Thank you Miss. :) :*