Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Thursday, November 24, 2011

Tatsmub

Kapag hindi mo nagawa, ibig ba nito sabihin na hindi mo na talaga ito magagawa? Kapag naka-oo ka sa isa, kailangan ba sa lahat oo na din ang isasagot mo? Kapag pumayag ka ng isang beses, ibig bang sabihin papayag ka na din sa mga susunod? Kapag hindi ka umiyak, ibig ba sabihin okay ka lang? Kapag ba tumawa ka, masaya na agad? Kapag nagkamali ka, hindi mo na ba ito pwedeng maitama? At kung tama ka, ibig na ba sabihin nito hindi ka na kailanman magkakamali?

"Bawal bawi", sabi ng mga batang naglalaro. Kapag binawi mo, sasabihan kang madaya. Minsan para walang away, kahit kating-kati ka na bawiin, hindi ka na lang iimik. Kunot-noo ka na't salubong ang kilay parang wala lang sa mga kalaro mo.

Sa larong pass the message kailangan pakiramdaman. Hindi ba ito applicable sa lahat ng bagay? At ang touch move, kailangan ba talaga ito kahit sa laro ng buhay?

Kapag hindi mo kaya ang taas ng garter sa larong ten twenty, pwedeng ipasa sa kakampi o kung ma-dead ka, pwede ka kang buhayin ng kasunod mo. Kasi damay-damay. Kaya hangga't kaya mong tumalon ng mataas, gagawin mo para makausad kayo sa susunod na level. Sana ganun, may pagtutulungan.


Anim na mali, tanga ka na. Larong pagbuo ng salita na kailangan nagkakaisa ang utak ng naglalaro. Sa bawat mali, salitang S-T-U-P-I-D ang mabubuo. Paano kung napagkaisahan ka? Paano kung lahat sila nagkakaintidihan maliban sa'yo? Stupid ka na, idiot ka pa. Moron!

Maraming laro na sabi nila nagagawa talaga sa totoong buhay. At gaya ng sa laro, pwedeng bumawi sa susunod na round, sa susunod na paghaharap. Kalaunan, magkakaroon ka ng technic o style. Madalas bawal time pers kahit alam mong talo ka. Pero meron ding kapalmuks na ayos lang masabihan at mabansagang madaya.

Oooppps! Checkmate.

No comments: