Ilang presidente na ang papalit-palit na umupo. Ilang pagpupulong at pagra-rally na ang nasaksihan sa daan. Pare-parehas na hinaing sa iba't ibang pinunong binoto at kalauna'y nais ding patalsikin. Marami na ang nasaktan, at ang iba'y nasawi. Sino ba ang bingi sa labas lalamunang sigaw sa kalsada? Sino ba ang bulag sa pagbabagong nagaganap na harapang sinasampal sa madla? Sino ba talaga ang may kasalanan sa kahirapang hindi matakasan ni Juan?
Nasa palad ng bawat isa ang kapangyarihang pumili ng mamumuno sa bansa. Lahat ng suporta ay ibibigay manalo lamang ang manok at pinupulso ng nakararami. Bakit mo ba siya pinili? Dahil ba sa matalino siya, may kakayahang mamuno, at malapit sa masa? O dahil sa sikat ang pamilya, walang ibang mapili, at mayaman siya? Ano pa man ang dahilan kung bakit siya ang isinulat mo sa iyong balota, sana ganun pa din ang suportang ibinibigay mo matapos ang pagkakahalal sa kanya.
Madaling sabihing maraming magbabago. Pero hindi ganoon kadali pag sinasagawa na ang pagbabago.
Halimbawa na lang sa ating mga sarili. May nagsasabi sa atin na 'magbabago na ako.' Ang taong nasadlak sa bisyo, hindi agad-agad na kinabukasan ay matatalikuran na niya ang bisyong lagi-lagi niyang ginagawa. Posible ang magbago. Pero maski sa sarili natin, aminin natin, hindi mabilisang proseso ito. Paano pa kaya kung ang babaguhin ay ang nakagisnang pamamalakad?
May nais makapag-aral nguni't hindi gumagawa ng paraan. May nais makapagtrabaho pero hindi naman naghahanap, nananatiling tambay sa bahay. May gustong lamanan ang sikmura pero sa halip, rugby ang binili sa tindahan.
May nakakapag-aral kahit kapos, pero iniiwan ang eskwela para sa ibang bagay. May biniyayaan ng trabaho, pero binabalewala lang. At may nakakakain ng maayos nguni't kung aksayahin, wari'y sila ang nagmamay-ari ng palayaan sa mundo.
Maaaring hindi ko nakikita ang mga nakikita mo, o napapansin ang mga bagay na dinadaan-daanan ko lang, pero hindi nangangahulugang wala na akong pakialam.
Edukasyon - sinasabing kalasag sa kahirapan. Nguni't kapag nakatapos ka, asan ka? Ang ilan e nakadaragdag pa sa problema ng bayan. Saan mo ginamit ang pinaglalabang edukasyon para sa'yo?
Pinag-aagawang budget na milyon o bilyon. Maraming nagsasabing mali ang ginagawang alokasyon. Ilang sangay ba ang dapat nitong paglaanan? Paano ba ang dapat na paghahati-hati ng mga salaping galing din naman sa kaban ng bayan? Maraming nagrereklamo na ang pinoproblemang pagba-budget ay kung paano pagkakasyahin ang baon sa paglalaro ng computer games, sa pangbisyo o sa pagpapaganda.
Pantay na karapatan. Hinihingi ng ilan ang salitang yan. Nguni't ang mismong pinaghihingan nyan ay hindi mo binibigyan ng sinasabing mong 'pantay' na karapatan.
Maraming palpak na gawa ang napupuna. Nguni't wala man lang isa na pumansin sa mga magagandang nagawa. Ang daming humihingi ng pagbabago nguni't wala ni isa ang nagkusang nanguna sa pagbabago. Lahat ay nagrereklamo, nguni't wala ni isa ang gumawa ng paraan kundi isinisi sa sinasabi nilang may kasalanan ng kanilang katamaran.
**********
Hindi ako mayaman. Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa isang Unibersidad na nagmulat sa akin ng 'tatsulok' na sistema ng bansa. Alam ko ang pakiramdam ng mga sumisigaw sa Mendiola, Morayta, o maski sa loob lang ng paaralan. Nabiyayaan ako ng edukasyon na muntik ko ng itapon. Kahit hindi laging bongga ang nakahain sa hapag-kainan, tatlong beses naming nalalamanan ang aming tyan. May trabaho akong iniwan ko, na ang iba'y nasasayangan. Naiisip ko na sana noong nag-aaral ako, sinulit ko. Sana mas naging mabuting estudyante ako. Sa mga pagkakataong kapos, sana kinaen ko na lang yung mga patagong pagkaing inaksaya ko kahit sobrang busog na ako. Sa mga panahong wala akong magawa, sana hindi ako tinamad noon.
Maraming palpak sa buhay ng tao. At malaking porsyento ay hindi dapat na sa ibang tao isisi at ipaako. Tulad ng sabi ko dati, simulan mo sa maliit na bagay.. simulan mo sa sarili mo. Pero dahil tamad akong tao, tulungan mo itong maipabasa ito kay PNoy!