Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Saturday, April 30, 2011

Kwentong Chalk: Elementary Edition.

"May maganda ka bang libro dyan? Pabasa naman! Pampalipas oras lang."

"O eto, basahin mo! Maganda 'to."

"ABNKKBSNPLAko?! ni Bob Ong.. Okay salamat! Isang upuan lang 'to. Soli ko sa'yo mamaya."

High School ako nang makilala ko si Bob Ong at ang kanyang mga likha. At simula noon, hindi ko na hiniwalayaan ang mga nilalathala niya. At simula noon, hindi na siya isang pampalipas oras kundi naging inspirasyon mula sa aking pag-aaral hanggang sa iniwan kong pangarap na maging isang manunulat. Kahit paulit-ulit kong basahin ang mga libro niya, okay lang. Dahil sa paulit-ulit na pagbasa ko sa mga ito, paulit-ulit din niya akong tinuturuan at binibigyan ng motibasyon.

Una kong nabasang aklat niya ay ang ABNKKBSNPLAko?! -- ang kwentong chalk ni Bob Ong. Isang aklat na bumuhay sa aking pagkabata at mga pangarap noong ako'y bata pa.


Mga pagbabalik tanaw noong nasa elementarya pa ako. Mga pagkakataong aakyat ka sa over pass pero hindi ka naman tatawid. Kukuha ng tray sa school canteen para sa pagkaen ng mga classmates mo. Ang paulit-ulit na soup na iniinom mo na minsan may mga kung anu-ano pang lumulutang don. :P At marami pang iba.

Tulad ng ibang mga bata, nanay ko ang naging una kong guro. Mula sa pagsulat, pagbabasa at pagguhit. hindi na ako dumaan sa pagiging nursery student, kinder agad.


Kinder.
Unang araw ko e hindi pa ako nakauniporme. Tanda ko noon, ang mahilig ipasuot sa akin ng nanay ko ang bistidang malaprinsesa sa paningin ko. Mayroon pang magandang panali o ipit sa buhok, terno ang sapatos sa damit, at kailangan ang medyas mo ay iyong tipong nangungusap ang lace. Kaya sa unang araw ko, para akong papansin -- takaw tingin. Hinati kami sa anim na grupo ng mga kulay (blue, yellow, green, red, orange at violet). At dahil siguro kapansin-pansin ako, naging leader ako ng group red, at doon nagsimula ang tinatawag nilang leadership. ☺
  • Hindi ko malilimutan:
  1. Hatid-sundo ako ng nanay ko, pero isang araw na binilin ako sa 'ka-nanay' niya sa school, sumakit ang tiyan ko. Sa hiya ko, hindi ko masabing natatae ako. Nag-aalburuto ang tiyan ko at gusto na kumawala. Wala naman akong nagawa para pigilan pa kaya't lumabas sila ng walang kasing baho. Nag-opening prayer, nag-activities pero parang walang nakakapansin. Recess.. hindi na siguro nakatiis ang teacher ko noon sa karumaldumal niyang naaamoy. Sa sobra kong hiya, napahiya ako noong araw na iyon -- ang leader ng red group ay natae sa salawal.
  • Pinakanatutunan:
  1. Kapag leader ka, kailangan mong ipakitang magaling ka. Kailangan mong maging huwaran sa iba, kaya sa kubeta ka dudumi, wag sa salawal. ☺


Grade 1.
Pinilit akong ilipat ng nanay ko sa panghapon na klase, dahil hindi ko daw kakayanin ang klase. O.o Kaya from section 1, naging section 6 ako pero wala namang kaso kung anong section ka mapunta. ☻ Dahil sa kasama ako sa honors noong kinder, napakataas ng expectations ng mga kaklase ko, lalo ang mga naging guro ko. Kaunting buka ng bibig, madaldal na; isa o dalawang mali sa exam, hindi ka na nag-aral. Tutok ang lahat sa kilos at salita mo, kaya't doble ingat.

  • Hindi makalilimutan:
  1. Nakilala ko si Agulay-- ang naging unang crush ko buong grade school years.
  • Pinakanatutunan:
  1. Sa mura kong edad at isipan, natutunan/ nalaman ko na may ibang mga taong kinakaibigan ka upang makita ang kahinaan mo at gagamitin iyon para makalimutan mo ang mga kalakasan mo sa buhay.
  2. Kapag naging mabuti ka sa panongin ng iba, makagawa ka man ng mali, maaari ka pa din nilang palagpasin sa nagawa mong mali; makagawa ka man ng mabuti sa iba kung kalokohan at kapasawayan mo ang pinapairal mo, madalas, hindi na napupuna ng ibang tao ang mabubuti mong gawa.
  3. Mapapatahimik mo ang bata sa pamamagitan ng chalk. ☻

Grade 2.
Ito ang baitang kung saan usong-uso sa guro namin ang magpakabisado ng mga tulang Ingles. Halos linggo-linggo may bago ata siyang tulang ipapamemorya at dapat makabisado mo lahat iyon kung ayaw mong mabaon sa lupa. ☺

Nakapaok na din ako ng naka-bloomer lang dahil sa natapunan ang palda ko ng batang kumakaen ng ice cream. At ubod ang naging pagalit sa akin ng nanay ko dahil kasalanan ko, hndi ko daw kasi iniwasan. Center of attraction nanaman ako, kaya noong araw na iyon, ako ang napili ng guro namin na tumula. Nangilid ang luha ko sa tuwa at kaba nang nakita kong ngumiti ang guro namin at sinabing magandang huwaran ako sa buong klase.

Malas akong katabi. Nagsasalita lang ako kapag recitation o kung may importante lang akong sasabihin. At kapag sinabi kong importante, importante talaga! Kaya panis ang laway ng katabi ko noon. Dito ko unang naranasan ang salitang ligaw -- modernong ligaw! Natutuwa akong kinukulit ng mga kaklase ko noon pero nagsusungit na lang ako dahil TAKOT AKO SA NANAY KO! Na-master ko ang iba't ibang anyong lupa, anyong tubig, atbp. na may kinalaman sa Sibika at Kultura.

Nawalan ako ng minamahal, taong 2007 namatay ang tinuturing kong lola. Para sa kanya ang silver medal na nakuha ko noon. Pampalakas o mapangiti ko man lang sana siya, pero noong nakuha ko na ang medalyang iyon, pumanaw na siya. Hindi na niya ako nahintay na maibigay ko sa kanya iyon, nguni't gayunpaman, sa kanya ko iniaalay ang pagiging second honor ko. Mahal ko po kayo Lola Soledad. ♥

Si Lola ang nagturo sa akin ang kaibahan ng kalatan sa latundan. Mahilig niya akong tawaging malantod na akala ko'y isang uri din ng saging. ☺ ☺ ☺

  • Hindi ko malilimutan:
  1. Mapagalitan dahil sa 'Hands on you lap.'
  2. Pagkaen ng Jolly ice candy tuwing uwian.
  3. Ang pag-aya sa akin ni Agulay na ihahatid sundo niya ako -- kahit may service siya.
  4. Pakikipa-away dahil sa stationary.
  • Pinakanatutunan:
  1. Hindi lahat ng gurong masungit, ay masama na ang ugali.
  2. Kapag may tyaga, maganda talaga ang aanihin.
  3. Hindi mo maipipilit sa tao kung paano ka nila titignan, kaya't maging totoo ka lang.

Grade 3.
First love. First crush. First puppy love. Masabi lang na 'first,' mayroon pa yang 2nd, 3rd at 4th, depende pa yan kung ilan ba sila sa buhay mo. Nakakalokong sa ganoong edad namin, ito na agad ang mabentang usapan -- padamihan ng crush, padamigan ng manliligaw -- e, bakit kaya hindi namin naisip na magpadamihan ng 90 plus na grade? O kaya pataasan na din? Hmm..

Nagsisimula nang umatake ang impluwensiya ng kaibigan. Hinayaan ko naman ito, makakabuti man sa akin o makakasama. Unti-unting nawala ako sa 'focus,' kaya wagi ang pang-iimpluwensiya pero malaking porsyento, kasalanan ko!

"Ohfelia, first love ka ni Titus! :)"

"Ha? Si Titus, ako ang first love? Imposible!"

"Oo nga! Tataningin ko ah?"

(Mula sa upuan namin sa row 3, sumigaw si Penielle para marinig ni Titus na nasa row 1.)

"Titus! Sino first love mo?"

"Si Ohfelia!"

Hiyawan buong klase, namula ako at kinilig to the ribs! :">

Pero syempre, hindi pa din ako nag-boy friend. Because again, takot ako sa nanay ko!

Nauso na din sa akin ang chinese garter kahit hindi naman ako magaling, kaya minsan saling pusa lang ako -- pampagulo! Nauso din sa amin ang pagsuot ng shoe rugs kasi baka mawalan ng kinang ang sahig. ;)

  • Hindi malilimutan:
  1. Pagbili ng mais, tubo, siomai, fries, ice candy, sago't gulaman, mangga, atbp. tuwing uwian.
  • Pinakanatutunan:
  1. Kapag may kapit, pwede kang makapasok sa top 10, kahit sabit.
  2. Pwede mong maging kaibigan lahat, pero depende sa'yo kung magpapaimpluwesiya ka sa lahat.
  3. Sa lahat ng magiging desisyon mo, ikaw at ikaw lang ang pwedeng sisihin sa bandang huli.

Grade 4.
Unang tikim ng over night! Yey! ☺ At ako'y nawili. Dahil siguro nakita ko ang ibang mundo, maliban sa bahay at paaralan. Nasabik ako sa kung ano pa ang pwede kong makita, at dahil sa over night na yan, natuto akong manghiram ng damit na ikinagagalit ng nanay ko.

Nalaman kong may talento pala ako sa pagsasayaw, kaya sumali ako sa mga sayawan sa paaralan, na nauwi din sa pagiging 'angel' ko noong Christmas Cantata dahil sa nagkasakit ako habang nag-aaral sila ng steps sa sayaw! Tsk!

Naging dalawa ang bestfriend ko! ♥ ☺ Naging makulay ang mundo ko. Napagsabay-sabay ko ang pag-aaral, barkada, laro, luho at kung anu-ano pa. Life outside my mother's sight. And yes, nakabalik ako sa honor roll, sabit!

Natuto akong mag-cut ng klase dahil ayoko ng T.H.E./ T.L.E.. Lumalabas ako sa klase at pinupuntahan ko ang paborito kong masungit na guro noong grade 2. ☺ At babalik ako kapag alam kong next subject na. Bad!

Nagamit ko ang marupok kong talento sa pagguhit sa aming Science subject. Skeletal system, digestive, excretory at kung anu-ano pang sistema ng katawan. Napupuyat ako sa kakabura ng drawing ko at gigising ng maaga para mapanood ang Sineskwela bago pumasok dahil kung hindi, lagot ka kay Ma'am Detera!

Ewan ko kung napagtripan lang ako noong panahong iyon o dahil wala lang choice. Pinasali ako ng teacher ko sa English sa Beauty Pageant, Mr./Ms. Red Triangle. On-the-spot ito! Hindi ako prepared lalo sa damit na isusuot. Lahat ng kalaban ko, hataw sa porma samantalang ako, Mickey Mouse t-shirt at manong na jumpsuit. Hellooooooooo?! Pero dahil sa hindi naman na akong makakaatras pa, kailangan lumaban sa rampa! Napuri nang napuri hanggang sa Q & A. Hindi ko mawari kung bakit hindi ko nasagot ang tanong: "Paano mo maibabahagi ang lahat ng natutunan mo sa iyong paaralan?" At siguro'y sa kahihiyan, nagkasakit ako pagkatapos non. Bumawi ako sa exams and projects, pero ewan ko lang kung makakalimutan nila ang nakakahiyang pangyayaring 'yon. Failed!

  • Hindi malilimutan:
  1. Pagpapalitan ng sapatos hanggang uwian.
  2. Pagdaan sa classroom ng crush mo.
  • Pinakanatutunan:
  1. Ang pagkakadapa'y hindi nangangahulugang mahina ka. Gawing inspirasyon mo ito upang magtagumpay!
  2. Okay lang magkaroon ng inspirasyon, huwag lang hayaang ito din ang maging sanhi ng iyong depresyon.
  3. Ang tiwala ay dapat simulan sa iyong sarili.


Grade 5.
Hello sa Bibong ako! ☺ Extra-curricular activities + acads = first honor me. Owyes! Pero sabi nga, kapag ang puno ay hitik sa bunga, pupukulin ka hanggang malaglag ka, dumating pa sa puntong pati bestfriend ko, sinasabong sa akin. Lahat ng baho mo, kakalkalin. Kung saan ka mahina, iyon ang pupunahin. Nakakalungkot lang!

  • Hindi malilimutan:
  1. Ang PGES Quadrangle na may puno kada baitang. Pagandahan! :)
  2. Ang Lim Building na makitid ang hagdan.
  3. Ang pusong binigay ni Casupanan sa bestfriend ko.
  4. Ang P.E. na naka-bloomer lang ang mga babae.
  • Pinakanatutunan:
  1. Kung gusto mong maging matagumpay, dapat handa ka sa mga kalabang gusto ka pabagsakin.
  2. Nasusubok ang pagkakaibigan sa bagay na parehas ninyong gustong makuha.
  3. Madali lang ang Mathematics subject. PROMISE!
  4. Totoo na may favorite ang mga teacher sa kanilang mga estudyante pero hindi lahat ng teacher, nadadaan sa sipsip. ☻
  5. Malalaman mong importante ang isang tao kapag nasa iba na ang atensyon niya.
  6. Makakaya mong gawin ang lahat para sa gusto mo, lalo sa taong mahal/ gusto mo.
  7. Hindi lahat, naniniwala sa kakayahan mo, pero ang pinakaimportante, WAG KA MAWAWALAN NG TIWALA SA SARILI MO. Tandaan, ang unang taong kakampi mo ay ang iyong sarili.
  8. Tama ang sinabi ni Rizal, mas malakas ang bulong sa sigaw.
  9. Parang gulong nga ang buhay.
  10. Matalino ka! Ano man ang sabihin ng iba.


Grade 6.
Cream of the crop. Hello brainy classmates! First time kong maging pang-umaga since lahat naman ng grade 6 students pang-umaga! Nay, kaya ko pong pumasok ng maaga. 6am ang umpisa ng klase pero 5am pa lang nasa paaralan na ako dahil sa paglalaro. Mataya-taya, agawang base at kung anu-ano pang larong takbuhan. Kaya unang subject pa lang, amoy pawis na. Hindi pwedeng hindi ka bibo, dahil lahat ng kaklase mo pwede kang lamunin sa isang tinginan lang, kahit sa laro. ☺

Marami pang kalokohan ang nagawa namin. Ultimo spirit of the coin na kami-kami lang ang nagpapagalaw sa coin hanggang sa takutang dumadalaw si Padre Gomez tuwing alas sais ng gabi lalo sa SPED Building. Maraming kaibigan, maraming karanasan na unti-unting humubong sa aming lahat. Pagsisimula ng pagdadalaga at pagbibinata at paghahanda sa hinaharap.

Acads sa umaga, may computer subject pa after lunch, journalist sa hapon, at museum guide pa. Paramihan ng organizations, pupuntahang training at seminars. Sa lahat ng programs, dapat kasali ka. Pero hindi ko naramdamang pinipilit ako dahil nag-enjoy ako, nag-eenjoy ako. 12 hours sa school? Kayang kaya. ☺

May demonstration lesson si Ma'am Antiquerra na napalabas sa TV at nalathala sa dyaryo. Cool di ba? Isa na palang paghahanda ang lahat ng ito sa pagtungtong ko sa sekondarya!


Ipagpapatuloy...



Abangan...
Mula sa Sta. Cruz, nagpatuloy ako ng sekondaryo sa San Rafael, San Miguel malapit sa Mendiola. Sa dinami dami ng mga pampribadong paaralan doon, sa nag-iisang pampublikong paaralan ako pumasok, dahil sa Operation Big Brother Program nila na nakita ng nanay ko.

4 comments:

Unknown said...

may karugtong pa ba to? mahusay..at tulad mo hilig ko rin ang pagbasa at pagsubaybay ng aklat ni Bob Ong. Ang akin lamang pintas ay ang mga "typo".. pero maganda ang iyong pagkakasulat. ☺

Paniking Aligaga said...

http://kursongabnormal.blogspot.com/2011/05/kwentong-chalk-high-school-edition.html

salamat sa pagbabasa at pagpuna. :) Maraming salamat.

Unknown said...

gomez is hart hart nag retire na po si mam antiquera eh si mam tagarino po ung kapalit ng sec. 1

taga gomez din po ako ngaun
gr. 6 einstein :)

sec. 1 since gr.2

c mam anduque oh :)

alexandrite po ba kau noon?

Paniking Aligaga said...

Hi Nerissa. Grade 6 na ako noong nagkarron ng names kada section. Grade 5 kay Ma'am Anduque, section 2.

Section 2 ako since grade 2 tapos section 1 noong grade 6. :D