"...beggars were the only ones who never pretend to be happy; on the contrary, they pretend to be sad."
-- Paulo Coelho
Nakakita ka na ba ng namamalimos na nakangiti? Ng pulubing hanep sa saya habang nakahingi ang palad niyang nag-iintay sa kung anumang ibigay ng kuripot mong bulsa? Kahit galing sa masayang paglalaro, lalapit sa'yong nakalamukos ang mukha para sa baryang pamasahe mo sana, pero sa kanila'y pangkaen na?
Aminado akong hindi ako palabigay sa mga namamalimos. Dahil kasi sa sinasabi nilang walang makain nguni't nangingintab ang mga suot na bling bling, paano ako maniniwala? Sa bawat pagbibigay nila ng mga sobreng nakasulat na pambili sana ng damit at pagkaen pero sa likurang bulsa'y may plastik ng rugby, saan ba ako makakatulong, sa pangkaen o sa pangbisyo nila? Sa bawat punas sa sapatos, tsinelas o sa paa ng mga tao sa jeep, hindi mo nalalalayan kwintas mo'y nahablot na nila. Nakakaawang nakakainis lang. Hindi ako madamot o mapanghusga, pero masisisi n'yo ba ako?
Tirik ang araw, binabaybay ang isang kalye sa Maynila. Mayroong biglang sumulpot na marungis na bata at hinihingi ang may kagat kong tinapay. Ewan ko ba kung bakit matanong ako kung minsan. Parang hiningi ko ang biodata nung bata. At habang nagtatanungan kami, bigla ko na lang siya inaya kumain sa isang hambugeran sa tabi.
Siya Si Hannah. Limang taong gulang na nakatira sa ilalim ng isang tulay sa Maynila. Dalawa silang magkapatid na namamalimos sa daan at kung minsan ay nagtitinda ng sampaguita. Ang kanyang ama ay may pedicab na nagsisilbing hanapbuhay nila. Samantalang ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa isang pabrika. Ang kinikita na kanyang mga magulang ay nagsisilbing panggastos nila sa pang-araw araw at pangtustos sa pag-aaral ng kanyang kuya. Ang pamamalimos ay taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, nguni't sa murang edad, naiisip na niyang tumulong at ito ang nakikita niyang paraan. Sa bawat napapalimusan niya, nagtatabi siya ng tatlong piso at ito'y iipunin niya. Ayon kay Hannah, iipunin niya ito para sa kanyang pag-aaral. Trenta pesos, ang kadalasang salaping pinagkakasya nila para sa pagkain nila buong araw. Kaya naman ang binili kong burger sa kanya, ginagatan lang niya ng halos dalawang beses at binalot na ulit niya. Iuuwi na lang daw niya ito sa bahay at paghahatian ng buong pamilya.
Gusto ni Hannah na maging guro balang araw. Gusto niyang magturo sa mga batang lansangan na kapos para makapag-aral. Gusto niyang matutong mangarap ang mga batang sa tingin ng iba'y walang pag-asang umunlad sa buhay.
Umuwi akong dala-dala ang kwento ng isang batang halos itaboy ng lipunan. At habang ginagawa ko ito, naaalala ko ang masaya niyang mukha habang kumakain ng tinapay na sa tingin nila'y burger na; ang lungkot at pag-asa sa mga mata niya habang nagkukwento tungkol sa mga pangarap niya.
Sa tatlong pisong pagbuo sa kanyang pangarap, ano ba naman ang baryang ito para ipagdamot pa sa batang sinasabing pag-asa ng bayan?
No comments:
Post a Comment