Martes noon. Walang kamalay malay sa kung paano matatapos ang araw ko. Kahit anong oras umuwi, ayos lang. Sanay naman ng abutan ng hating gabi sa daan. Pero binago ng pag-uwi ko ng alas otso, at pagsakay ko ng jeep sa Cubao ang kasanayang ito.
Tulad ng araw-araw na kinagawian, paglabas sa opisina, sasakay akong MRT at baba sa Cubao. At sa Cubao sasakay akong jeep papuntang Welcome. Madalas sa byahe, pampatay inip, nagbabasa akong libro. Hanggang sa maantala ako ng makarating sa Araneta. Ang iingay ng mga tao sa kalsada. Ang trapik. Hanggang makarating sa QI. Sabi sabi, may sunog daw. Sabi sabi, may banggaan daw. Hanggang sa pagdaan namin sa kanto ng Brgy. Tatalon, may nakahandusay na lalaki sa gitna ng daan. At dahil trapik, nahinto ang sinasakyan kong jeep sa mismong tapat ng duguang lalaki.
Marami na akong nasasaksihang ganito -- mga duguan sa kalsada. Pero iba ang pangyayaring ito.
Ang sakay sa jeep: si manong driver, si ate na nurse, si kuyang may ka-text, at ako, na mukang namumutla at nagambala sa nakita.
Lahat kami gulat. Ang daming pulis at tanod. May grupo na din ng media at mga usi sa paligid. Nabasag ang pagkagulat ng lahat nang sumakay ang isang lalaking may back pack. Ang daming tanong ni manong driver. Anong nangyari? Nako, patay na yun 'no? Bakit kaya? At biglang sumagot ang bagong sakay na lalaki.
Bagong sakay: Holdaper po. Patay na.
Driver: Ano, iho?
Bagong sakay: Holdaper po yun. Patay na. Nabaril sa tyan.
Driver: Nako, natimbog! Naglalabasan nanaman ang mga masasamang loob. Magpapasko na din kasi.
At biglang may isang matinis na boses ang sumabat sa usapan..
Ate na nurse: Ano kuya? Anong nangyari?
Inusisa n'ya ang bagong sakay na lalaki na animo'y isa s'yang reporter. Ang daming tanong. Kaya't napakamot na lang ang lalaking bagong sakay. Pero sumasagot din naman siya sa bawat tanong ng nurse.
Bagong sakay: Holdaper yung namatay.
Nurse: sinong bumaril?
Bagong sakay: Pulis. May sakay na pulis din kasi 'yung jeep na hinoldap nun. Ayun.
Nurse: Saan n'ya binaril kuya?
Bagong sakay: Sa tagiliran, bandang tyan. Kaya ayon patay.
Nurse: Grabe naman! Dapat sa paa na lang nila binaril. Hindi nila pinatay. Grabe naman sila.
Bagong sakay: Nag-warning shot na rin kasi. E may hawak din yung holdaper kaya siguro napilitan naring puruhan.
Nurse: Maski na. Ang bigat kaya sa loob na makakita ng taong duguan sa kalsada. Lalo pa't patay na. Araw-araw akong nasa ospital, halos araw-araw din akong nakakakita ng taong namamatay. At sa tingin ko, di naman magandang pati sa kalsada, makakakita ka din ng namatay. Di ba?
Bagong sakay: Alam n'yo, mabait yun. Kapitbahay ko kasi yun.
Napatingin ako sa bagong sakay na lalaki. At nakita ko din napatingin ang mausisang nurse, si manong driver, at ang lalaking text lang ng text. Napansin kong pawis na pawis ang bagong sakay na lalaki. Parang binabasa n'ya bawat tumatakbo sa isipan naming lahat.
Nurse: HA? Talaga kuya?
Bagong sakay: Oo, kapitbahay ko yun. Mabait yun. Factory worker s'ya. Alam ko may sakit ang anak niya kaya siguro naisipan n'yang gawin yun. Marami na ngayon ang kumakapit sa patalim para lang sa mga minamahal nila. Kaya siguro hindi ko siya masisisi. Nakakalungkot nga lang na sa ganitong paraan siya namatay.
Nurse: Kawawa naman pala. Ang hirap na kasi ng ekonomiya natin. Ang hirap maghanap ng trabaho. Ang baba magpasweldo. Kung hindi sapat ang kita, kulang naman. Paano na ngayon yung anak n'yang may sakit? Dagdag gastos pa ngayon yung pagkamatay nya 'no?
Manong driver: Yan ang pagkukulang ng media. Ibabalita at ipapakita nila na nahuli at napatay nila ang holdaper na walang nakakaalam kung bakit nila ito nagawa. Hindi nila napapakita ang lahat ng anggulo ng istorya. Nakakalungkot.
Bagong sakay: ....
Lalaking nagte-text: (Nagte-text pa din.)
Ako: Para po sa tabi.
Nangangatog akong bumaba. At ang dami kong naisip habang nakikinig sa usapan sa jeep na 'yon. Pwedeng tama sila, pwedeng hindi. Pero sabi nga, may dahilan lahat. At may dahilan kung bakit ganon ang paniniwala o opinyon nila. At sa pangyayaring 'yon, nabigyan ako ng dahilan para mag-iba ng routa sa pag-uwi.
No comments:
Post a Comment