Hindi talaga minsan lilipas ang isang araw na hindi ka makukunsumi. At madalas, pare-parehas lang naman ng mga dahilan kung bakit. Hindi mo minsan mawari kung nataon lang, o sinasadya na. Mayroon din namang mga bagay-bagay na pwede pala, pero mas pinipiling hindi na lang gawin. Isang katamaran o walang kadisiplinahan? Ang daming dumadahilan, ang daming sinasabi. Pero ang iba, kibit balikat na lang, yung iba taas kilay pa.
Sa LRT1 at 2, pati sa MRT.
Bakit mas malaki ang tren ng LRT 2 kaysa sa LRT1 at MRT kung mas marami namang mas sumasakay dito? Bakit sa MRT nagagawang sumunod sa pila ng mga pasahero (kahit paano) pero sa LRT 1 sarap manapak sa sobrang garapal maningit. Bakit ang daming bulgar na manyak sa LRT 1, e sa MRT nga kaya naman sumimple ng hipo. Buti pa sa LRT 2, madalas parang wala lang, pwede ka pang mag-tumbling.
Sa jeep.
Wow! Parang model lang ng shampoo, teh! Ang kati mo sa mukha, pramis! Hindi marunong makiramdam o sadyang nagmamaganda lang talaga? Tandaan, hindi lang ikaw ang nag-iisang pasahero. At hindi lahat nagtutuwa sa hinahanging buhok mo.
Kung ayaw mong mag-abot ng bayad, wag kang uupo sa likod ng tsuper. Minsan ang nakakainis pa, titignan ka lang hanggang sa mangawit kili-kili mo sa inaabot mong bayad. Kahit i-megaphone mo pa ang salitang PAKI ABOT PO, sorry deadma lang talaga.
Mayroon ding wagas makabukaka at makapanakop ng upuan. Ano, tatlo ang binayad? May pagkakataon ding halata namang isang pisngi lang ng pwet mo ang nakaupo, e ayaw pang umusod. Sarap i-leglock!
Tapos etong si Manong driver sasabihing sampuan kahit siyaman lang naman talaga ang kapasidad ng jeep nya. Aguy, sakit n'yo sa peklat! At idagdag mo pa ang 'kulang ang bayad' mo kahit araw-araw mo namang byahe 'yon. Isasagot pa sa'yo na ang tagal tagal na daw nilang nagbabyahe na ganoon ang presyo ng bayad. Eh Manong, ako din po.. araw-araw ako nagbabyahe, pare-parehas lang pamasaheng inaabot ko. Taga saan ka 'nong?
Sa FX.
Lahat gusto umupo sa may bukasan ng pinto. Lalo sa sevice van, ang daming ayaw sa may dulo kahit na terminal-to-terminal naman ang sakay at baba niya. Kaya imbes makaalis na, tatagal pa sa kaartehan. Tapos sisimangot kapag yung pina-upo nila sa likod ay baba bago mag terminal. Eh, ginusto n'yo yan eh.
Hindi naman sa pagrereklamo, pero dahil pare-parehas lang naman tayo nagko-commute, pakiramdaman naman. Wag puro pakapalan ng mukha. Hindi pa ako bihasa sa ganyang laban e. Okay?
2 comments:
Nice blog .. Keep it up ..
Salamat po :)
Post a Comment