Matatapos nanaman ang buwan ng Marso, at ang ibig din nitong sabihin, marami nanamang estudyante ang magtatapos sa kanilang pag-aaral. Maririnig nanaman ang paboritong martsa song tuwing graduation. Maraming sabik umakyat ng entablado para abutin ang diplomang ilang taong pinaghirapan. Maraming abot langit ang saya dahil tapos na ang pagiging mag-aaral mo sa Unibersidad na ilang taon mo din nais takasan. Maraming nagpupunyagi dahil malalagpasan na ang isang yugto ng kanilang buhay. Maraming nasasabik na kumawala sa isa't kalahating dekadang pag-aaral. Maraming nasasabik, maraming natutuwa at nasisiyahan.
Kahit walang award o hindi ka tatawaging cumlaude, ayos lang. Iba sa pakiramdam na makita mo pa lang ang pangalan mo sa list of graduating students. Paghahandaan ang susuoting damit at ang ayos ng buhok. May dalang saya at luha ang huling pagkanta mi sa himno ng paaralan mo.
Isang malaking selebrasyon para sa pamilya lalo't ginapang ang pag-aaral mo.
Nguni't sa kabila ng lahat ng ito, maraming din ang natatakot at kinakabahan.
Pagkatapos mong abutin ang diploma, pagkatapos ng seremonya, pagkatapos ng palakpakan at paghahagis ng toga.. ano ka na?
Wala ng "estudyante po!" ang pagsasabi mo ng "bayad po!" sa jeep. Wala ka nang aasahang allowance mula sa mga magulang mo kung hindi makapal ang mukha mo. :D Wala ng maribdibang pagre-review at garapalang pangongodigo. Hindi mo na makikita ang pinakaiiwasan mong terror professor, pati yung crush mong nagpapaganda ng araw mo. Mababawasan na ang mga dahilan mo para makakupit ng pera sa magulang mo dahil wala ng project o ano pang school stuffs nakailangan ipasa, bilhin o tapusin kahit pangluho mo lang naman talaga yun. Paalam cramming na din kahit kasalanan mo naman talaga kung bakit nangangarag ka. Hindi na rin kayo araw-araw magkikita ng mga barkada mo lalo na kung may mga trabaho na kayo. Ngayon pa lang atang naiisip mo lahat ng ito, nami-miss mo na maging estudyante.
Swerte ng iba kung may trabaho na agad. Pero para sa akin mas maswerte yung mga makakapagpahinga MUNA bago makapagtrabaho. ☺
Minsan maiisip mong may mas sasama pa pala sa terror professor mo -- ang boss mo. Malalaman mong may mas mahirap pa pala sa pag-iisip ng dahilan para makakupit ka ng pera -- ang pagtrabahuan ito. Kapag na-late ka o lumiban ka sa trabaho mo, hindi lang sarili mo ang apektado.. kundi ang responsibilidad na ibinigay sa'yo ng kumpanya -- mas nakararaming tao. Madidiskubre mo ding hindi sapat ang aklat na na inaaral mo noong estudyante ka pa lang. Makakakilala ka ng mga iba't ibang uri ng tao na karamihan ay akala mo ganito, akala mo ganyan, pero sa huli hindi pala. Wala na sa test paper ang exam. Hindi na intelektuwal ang susubukin lang sa'yo.
Mayroon pa palang mas ipapagod pa ang katawan mo, ang ikasasagad ng pasyensya mo at ikakatatamad mo.
Pagkatapos ng pinakahihintay mong araw, ano ang plano mo? Anong direksyon ang tatahakin mo? Pagkatapos ng elementarya, alam mong papunta sa pagiging High School student ang landas mo. Ganun din sa pagtatapos ng HS, Kolehiyo ang susunod na tatapakan mo. Pero pagkatapos sa Kolehiyo, ano ang TIYAK na landas na pupuntahan mo?
Mas malaking mundo ang naghihintay sa ating lahat. Mas mabigat na ang mga responsibilidad. At mas matinding pagdedesisyon na ang kinakailangan. Hindi pala ganun-ganun lang ang lahat. Tulad ng ilang taong paghihintay at paghihirap na makuha ang diplomang hinahanagad mo, ganun din pagkatapos nito. Hindi nagtatapos ang pagiging mag-aaral natin. Hindi humihinto ang pagkatuto at pagsubok na kikilala sa ating kakayahan at pagkatao.
Maraming pagbabago ang maaaring maganap sa paligid, sa nakasanayan, sa nalalaman, at maski sa mga sarili natin.
Gawin mong sandata lahat ng natutunan mo sa loob at labas ng eskwelahan mo. Hindi mo man agad ito magagamit ng sabay-sabay, tiyak darating ang panahon na kakailanganin mong gamitin ito.
Para sa mga magtatapos ngayong taon, Mabuhay! At sa mga may ilang taon pa, sulitin ang bawat araw na may kakabit titulo kang estudyante. ☺
2 comments:
ang dami kong natutunan. Ang dami kong narealize. Sobrang tama lahat ng sinabi mo. tagal mong di nagsulat pero sulit naman. ;P
Master, salamat! Hindi ko alam kung anong na-realize mo, pero sana makatulong kung ano man yung napagtanto mo. :) Salamat sa paggugol ng oras. :D
Post a Comment