Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Thursday, June 9, 2011

Nanay na Ako.

Oo, nanay na ako. Sa edad na 21, may sanggol na akong karga sa mga bisig ko. Mayroon na akong hinihele-hele para makatulog. Ang masaya pa dyan, hindi lang isa, hindi rin lang dalawa, hindi rin tatlo, kundi madaming madaming bata. Sila ay sina Bea, John Lloyd, Anton, Jennifer, Jeffrey at marami pa. Pero teka, ano ba ang kahulugan ng isang ina?

Malalim ang salitang INA. At sa kahit pa man anong tawag ng iba tulad ng nanay, mama, mommy, mudra, ermats,o kung ano pa man, marami ding kahulugan ang bumabalot dito. Kailangan bang may anak kang galing sa iyong sinapupunan para matawag kang nanay? Dapat bang may batayang edad? May requirements bang dapat gawin muna? Kung oo, edi ibig sabihin hindi ako pasado sa inyo para tawagin ko ang sarili ko na isang ina, pero sa isang saglit, naramdaman ko kung paano maging isang nanay sa mga batang hanggang ngayon inaalala ko.

Sa Lungsod ng Marikina, mayroong isang Foundation na kumukupkop sa mga batang iniwan o kinapos sa pagkakaroon ng isang pamilya. Mayroong, kapapanganak pa lang sa kanila, iniiwan na sila sa pinto ng foundation na ito. Mayroon ding kapos sa buhay ang kanyang pamilya kaya't imbes na mahirapan ang bata sa kabuhayan nila, mas pinili na lamang ng mga magulang niyang doon na lamang siya mamalagi. Mayroong napulot na lang, ipinakiusap at kung anu-ano pang dahilang nakalulungkot pakinggan. Nguni't sa kabilang dako, nakatutuwang malaman na mayroong mga organisasyong nais yumakap sa mga anghel na ito at handang bigyan ng kanilang pangangailangan lalo na ng pagmamahal. At isa dito ay ang aming napuntahan noong April 9, 2011, ang Cribs Foundation, Inc.

Ang Foundation na ito ay madali lamang makita.
Samakatuwid, pwede mo siyang lakarin galing River Banks.

Paalala: Kung gusto mo mag-volunteer, magbaon ka ng white t-shirt at medyas. Baunin, wag munang suotin. ☺

Nang magpunta kami doon, hindi namin naisip na magiging malakas ang epekto nito sa amin. Pupunta kami doon, mag-aalaga ng bata tapos uwian na. Ganun lang ang iniisip namin. Pero iba pala. Nagbigay iyon ng walang kapares na saya at libu-libong inspirasyon sa aming tatlo.

Sa paghakbang ko sa silid kung saan nandoon ang mga batang isa hanggang 4 na taong gulang, napangiti na agad ako. Una kasi, mahilig ako sa bata. Pangalawa, ang dami nila. At pangatlo, ang cute nilang lahat. Unang lumapit sa akin si baby Anton, apat na taong gulang siya. May hawak siyang libro sabay turo sa mga litrato. Binasahan ko siya ng mga kwentong pambata (with actions and sound effects) habang nagpapaulan 'yung bibig niya. Kapag feeling ko distorted ang expression ng mukha ko kakakwento, tatawa siya. Tipo ng tawang mapapangiti di lamang labi mo kundi pati puso mo.

Nilukot ko na mukha ko, nagduling-dulingan at kung anu-ano pa. Maliliit na bagay na nakapagpapangiti sa mga batang wala pang muwang sa mundo'y pinagkaitan na ng pagkakataong makasama ang taong nagluwal sa kanila. Tuwing naririnig ko ang hagikgik ng mga anghel na ito, hindi ko maiwasang isipin kung bakit natitiis ng mga ina nila na pabayaan sila o di kaya'y iwan sila dito.

Habang naglalaro kami ni baby Anton, nakatingin naman sa amin si baby Jeffrey. Limang taong gulang na siya at ayon sa kawani ng Foundation, may aampon na sa kanya. Kinarga ko siya at tinabi kay baby Anton. Agawan sila ng laruan, kaya ako naman, si awat. Kaaawat ko sa kanila, ako ang binato ni baby Jeffrey ng hawak niyang kotse-kotsehan, sapul ako sa ulo. At para hindi matamaan si baby Anton, niyakap ko siya, pero ang ganti? Sinipa niya ako sa baba. Ang sarap nila maglambing no?

Pero walang sukuan. Sa pagiging ina, habang buhay mo silang dapat mahalin. Saktan ka man ng mga anak mo ng kahit ilang beses at kahit anong sakit ang ipadama nila sa'yo, dapat maging ina ka pa din sa kanila. Ano ba naman ang sakit ng bukol at sipa sa baba kumpara sa mas malalaking sakit ng naparamdam ko sa nanay ko?

Nang kakain na sila, may mga umiiyak namang mga bata, ang hirap! Hindi mo alam kung sino una among lalapitan para patahanin. Kung pwede lang silang pagsabay-sabaying kargahin at kung kaya ko lang, bakit hindi, di ba?

Nakapagpatulog din ako ng tatlong mga anghel. Kaya sumakit ang bisig ko, kasi mabibigat sila. At kapag ihihiga mo na sila sa kuna, iiyak nanaman sila. Magpatulog pa lang pala, mahirap na. Pero iba ang pakiramdam kapag nakikita mong mahimbing silang natutulog. Matik, ngingiti ka! ☺

Dalawang oras lang ang nakalaan para sa mga volunteers, kaya ng 4pm na, parang ang bigat sa dibdib na iwan silang lahat. Ang hirap na nilang bitawan, ang hirap ng umalis. Pero bakit ganun ang nangyare sa kanila?

May mga dahilan, may mga palnong nakalaan na para sa mga batang ito. At marahil, isa sa mga dahilan kung bakit sila nandito ay dahil dito sila mas makararamdam ng pagmamahal at pag-aaruga. Dito sila mas magkakaroon ng maliwanag na kinabukasan. At dito sila tatanggapin ng buong-buo at yayakapin ng mahigpit.

Walang patid na saya ang nasa puso naming tatlo noong araw na iyon. Tiyak babalik pa kami sa lugar na iyon, hindi lang kaming tatlo kundi marami na kaming kasama. Naisip ni Ate Marj na bumuo ng isang samahang magvo-volunteer sa nga ganitong organisasyon. At ang Cribs Foundation ang una naming babalikan. Kahit pa ilang daang beses na mabato ng mga kung anu-anong laruan o masipa sa kung saang parte ng katawan.

Okay sa alright ang dalawang oras na pagiging ina.




Kung gusto mong mag-volunteer o mag-donate, click here!


No comments: