Maisip pa lang kita napapangiti na ako. Minuto pa lang na hindi tayo magkasama, namimiss na kita agad. Iipunin ko lahat ng barya sa bag ko, makapagpa-load lang para makareply sa text mo. Kung 'di man abot, mambubulabog ako ng mga kaibigan para makitext pa. Magpapakakorni ako, mapakilig to the bones lang kita. Okay lang na matawag na baliw, e sa hindi ko mapigilang ngumiti mag-isa. Ikaw lang, masaya na, cloud 9 na ang feeling.
Magpapakabait ako hindi para magpa-impress kundi para hindi tayo mag-aaway. Ikaw ang magsisilbing diary ko para hindi kita mapag-alala. Ipaaalam ko sa'yo lahat ng desisyon ko dahil kasama ka na sa buhay na binubuo ko. Nagiging baduy daw ako ng hindi ko namamlayan. Hangga't maari gusto kita kausap kahit wala naman talagang pinag-uusapan. Ikaw ang huling naiisip ko bago ako matulog, at ikaw ang bumubungad sa diwa ko pagkagising ko sa umaga. Tinginan pa lang natin, nagkakaintindihan na tayo. Tusok-tusok lang sa hepa foods, unkabogable date na para sa atin. Sabay kumain at matulog kahit hindi naman literal na magkasama. Magsusundo at maghahatiran tayo kahit pagod na buong maghapon. "Hehe!" lang sa text, agad mo pang rereplyan. Aalamin kung ano ang makapagpapasaya sa isa't para walang sandaling malungkot. Gagawing posible ang imposible. Ekis ang kalungkutan kapag tayo ang makasama. Ipakikilala kita sa buong mundo, ipagmamalaki. Nakagagawa ako ng mga bagay na akala ko hindi ko kaya (love letters, personalized gifts, etc.)
Gagawa pa ako ng gimik para masopresa kita. Isang tunog pa lang sa cellphone o telepono, agad agad ko ng titignan o sasagutin lalo't kung ikaw yun. Kung dati puro quotations ang laman ng inbox ko, ngayon puro messages galing sa'yo. Nagiging sentimental ang mga simpleng bagay. Nagiging espesyal ang mga ordinaryong araw. Sa'yo lang nakatingin ang mga mata ko kahit sino pang iharap mo sa akin. Simpleng kendi lang galing sa'yo, masaya na ako. Lahat ng first, memorable. Kahit minsan nga OA na -- First breakfast/ lunch/ dinner together, first bus ride, first date, first out of town, first holding hands, first kiss, first pikunan, first away, first gift sa isa't isa, at kung anu-ano pang first. I love you dito, I love you doon, kahit paulit-ulit nakakakilig.
Kung may hindi pagkakaunawaan, hindi pwedeng matapos ang isang buong araw ng hindi ito napag-uusapan, dapat maayos agad. Ang maliliit na alitan, mananatling maliit dahil naidadaan sa maayos na usapan at nagpapakumbaba sa isa't isa. Iintindihin kita, tatanggapin ng buong-buo, at mamahalin ng higit pa sa alam mo. Matutulog kang minamahal kita at magigising na mas minamahal pa kita kaysa sa kahapon. Halos lahat, nakaplano nang magkasama tayo. Hindi maitago ang saya sa mga mata natin. Wala na akong mahihiling pa. Pero isang araw, dahil sa isang bagay na hindi ko lubos malaman kung ano, biglang nagbago ang ihip ng hangin. Tila naging baligtad ang ikot ng mundo.
********************
Maisip lang kita, nasasaktan na ako. Lumilipas ang minuto, oras at araw na hindi kita nakikita pero hindi ko namamalayan. Wala akong load, kaya wag umasa sa reply ko.
"E wala nga akong load, paano ako makakapagtext?"
Wala naman dahilan, nag-aaway. Maliit na bagay, napapalaki hanggang sa magkayamutan na lang.
"Hindi ko naman kailangang ipaalam lahat sa'yo no!"
Dati rati'y kahit hindi naman tinatanong, e sasabihin mo pa.
"Kung mahal mo ako, tanggap mo kung ano at sino ako."
Konting 'di pagkakaunawaan, hindi na napag-uusapan, kaya lumilipas ang araw hanggang umabot ng linggo na hindi nagpapansinan, walang paramdaman. Madalas na tayong nagkakapikunan na minsan hindi ko na alam kung bakit at anong dahilan. Nabawasan ang saya, nawala ang kilig, nawalan ng amor sa isa't isa.
"Saan mo gustong pumunta?
"Bahala ka!"
"Ano ang gusto mo?"
"Bahala ka!"
"Bahala ka!"
"Tulog ka na, may gagawin pa ako.
"Tulog na. Goodnight!"
"Kaen ka na, tapos na ako."
"Kaen ka na, mamaya na ako."
"Sunduin mo naman ako.."
"Pwede bang sa susunod na lang? Napagod kasi ako buong maghapon."
"Hatid pa ba kita?
Tumunog man ang ilang beses ang cellphone o telepono, wala ng pagmamadali sa pagsagot. Naka-silent na ang cellphone o minsan idadahilan na lang ito kapag late reply sa text. Delete all messages na dati hirap na hirap kang magbura. Ulyanin na sa date at special day n'yo. Nagiging masyadong friendly na sa iba na minsa'y nauuwi na sa flirting. Kahit huli at halata na, harap harapan pang ide-deny sa'yo. Sakit lang! Bihira na ang sabihan ng i love you o mahal kita. Kapag may nagtatanong kung kamusta tayo, hindi ko na alam kung paano ko sasagutin ng tama.
"Eto going strong!" (nga ba?)
"Okay kami.. masaya!" (labas pa sa ilong habang sinasabi..)
"Sana maintindihan mo naman ako..."
"Hindi naman lahat kaya kong intindihin!!"
Mabubugnot. Mayayamot. Magagalit hanggang idaan sa bisyo, ibaling sa iba ang atensyon o hanapin sa iba ang nakikita mong pagkukulang. Minsan iiiyak ko na lang. Bakit naging ganito? Mahal kita at mahal mo ako, pero bakit wala na yung dating saya, yung dating kilig, yung dating tayo?
Gusto kong pag-usapan at ayusin kung anong nagyayari sa atin, pero tuwing sinisimulan ko, alam kong ayaw mong makinig, ramdam kong ayaw mong pag-usapan. Palilipasin ang problema pero mauungkat sa susunod na pagtatalo. Nagiging praning sa bawat kilos ng isa na nagiging tama sa hinala. Pagkagising sa umaga, hangga't maaari ayaw ko ng ikaw ang una kong maiisip dahil nalulungkot lang ako, naiinis. Nagbago ka, at oo, nagbagao din marahil ako. Oo, pwedeng pati ako nagsasawa na sa kakasuyo. Pero ikaw din ba, gusto mo din ba tulad ko na maayos pa natin ang relasyong dati'y walang away at puro pag-iintindihan at pagpapakumbaba?
Totoo bang sa una lang masaya? Totoo bang sa umpisa lang nagkakaintindihan? Totoo bang sa simula lang sweet? Kapag bago tsaka lang maayos ang lahat? Totoo bang kahit taon na ang pinagsamahan talagang darating sa panhong ganito, magulo? Kaya ba nating sayangin ang mga binuo nating pangarap? Kaya ba nating bitawan ang isang bagay na nakasanayan na at naging malaking bahagi na ng sistema ng ating pagkatao? Kaya mo ba? Kaya ko ba?
Bakit tayo naging ganito? May iba ba? O sadyang ikaw at ako ang problema? Ang daming tanong ang nagsusulputan sa isip ko. Ang dami kong kasagutang gusto kong malaman. Ang dating "hindi kita kayang mawala sa buhay ko," naging isang tanong na hindi ko alam kung paano ba dapat sagutin -- Kamusta ka na? -- Dahil sa hindi ko nga alam kung paano sagutin, tatlong salita lang ang nasabi ko: I miss you! Hindi ko na sigurado kung talagang nararamdaman ko ang mga salitang yan o dahil wala na talaga akong masabi pa.
"I miss you, too!"
Nangiti ako, pero bakit kumirot ang dibdib ko? Nagkulitan kami pero parang may iba sa pakiramdam. Nagkwentuhan tulad ng dati, pero hindi na tulad ng dati. Magkasama kami pero parang ang layo pa din niya. Nagiging cycle na lahat, paulit-ulit. Parang scripted na ang bawat galaw at sinasabi, expected na ang mga susunod na mangyayari. Kumbaga sa libro, intro pa lang, alam mo na ang ending ng istorya. Sunud-sunod na gabi, ito ang naging laman ng text niya:
"Goodnight, baby! I love you. Mwuah!"
Parang may nakasave na sa drafts niya tapos ise-send na lang niya tuwing gabi. Wala nang epekto. Wala ng dating. :( Kapag nakikita ko ang ngiti niya, alam kong kulang na ang saya. Kapag nagkakatitigan kami, alam kong may gusto itong sabihin pero hindi ko na mabasa. Para na kaming kumakapa sa dilim, parehas pang nakapiring. Para akong pipi, siya naman bingi. Ano na ba ang dapat kong gawin?
Itutuloy. . . .
No comments:
Post a Comment