Ilang araw na lang at Valentine's Day na. May ka-date ka na ba? Anong plano mo para pakiligin siya? Ah, tsokolate at bulaklak, tapos kain sa labas. Nood sine na din kung ma-tripan. Hmm.. bahala na. Pero kung gusto mo ng tips sige magkukwento ako ng mga kilig gimik para sa balentayns. ☺
"Ang makita ka ang nagiging motibasyon ko upang pumasok pa. Kahit madalas mukha kang masungit, hindi ko maiwasang hindi ka masulyapan kahit saglit. Gusto kitang lapitan nguni't kapag nakikita ko ang ngiti mo, kahit minsa'y pilit, pakiramdam ko humihinto ang mundo ko sa pag-ikit. Gusto kitang kausapin nguni't sa tuwing nadidinig ko ang iyong tinig, utal na ang dila at natutuliro na ang isip. Kaya't dinaan ko sa liham pagka't 'di na ito kaya pang ilihim."
Habang tumatagal, nawawala na ang nakakakilig na love letters. Dahil sabi nga pwede na ito sa text, pwede na sa facebook at sa kung anu-ano pang gawa ng teknolohiya. Pero ang totoo, walang tatalo sa sulat-kamay na liham.
Love Letter with Gimik.
"Ikaw ang isa sa mga pinakaimportanteng kaibigan ko. Kaya gusto ko sanang ipakilala sa'yo ang nagpapatibok ng puso ko at ang nagpapasaya sa akin. Gusto ko sanang ilarawan siya sa'yo nguni't alam kong hindi sasapat ang mga salita. Kaya mamaya bago umuwi, pumunta ka sa computer room. Ipapakilala kita sa kanya at magtatapat na din ako."
Sa computer room, may mga nakakalat na rosas. Halos lahat ng kaibigan ko at niya ay nandoon din. Nilapitan niya ako at niyaya sa loob. Nadinig ko na tumugtog ang isang kanta ng MYMP. Lahat sila nakatingin sa amin. Napansin kong pati Computer teacher namin andoon, nakangiting nakatingin sa amin. "Anong nangyayari?" sa isip isip ko.
Siya: Yung sinasabi ko sa'yo sa sulat.. Ikaw yun.
Simple pero Panalo.
Pwede na kaya ang cloud 9 sabay banat na 'ganyan ang feeling ko pag kasama kita, parang nasa cloud 9.' Tapos pipitas ako ng maraming santan at gagawin kong tiyara n'ya, dahil prinsepe at prinsesa namin ang isa't isa. Kakaen kaming fishball, kikiam, kwek-kwek at tapsilog o kahit anong -silog. Tapos magmo-movie marathon kami sa bahay hanggang sa wala na kaming mapanood. Haaay! Ang simple no? Pero masaya, kasi kasama mo ang mahal mo.
Retired Playboy.
Para sa mga tumatalikod na sa pagiging playboy at chickboy:
Inaya niya ako sa isa sa pinaka magandang simbahan sa Pilipinas, sa lugar kung saan siya lumaki. Hindi naman lahat ng simbahan ay may misa kada oras lalo't kung hindi Linggo. Pero inaaya niya ako ng Miyerkules. Hindi ko alam kung sumasabay ang tadhana at pagkakataon pero pagdating namin sa simbahan, kakatapos lang ng kasal kaya't may red carpet pa at mga bulaklak sa paligid. Nagkwento siya ng mga nangyari sa kanya noong bata, hindi ko alam na nagpapatay lang pala siya ng oras noon at nag-iipon ng lakas ng loob para sabihin ang mga salitang nagpangiti sa akin noon.
Siya: Sinasabi nila na ang simbahan ay isang sagradong lugar. At dito, hindi ka pwedeng magsinungaling dahil nasa harap natin ang Diyos. Naniniwala ka ba doon?
Ako: Oo naman. ☺
Siya: Kaya ngayon, sa harap ng Diyos, sinasabi kong gusto kita.
Effort kung Effort.
Expected na ng marami na sa tuwing Araw ng mga Puso, laging present ang bulaklak. At syempre ang pinakamabenta ay ang rosas. Pero walang tatalo sa rosas na natanggap ko.
Isang dosenang rosas ng paborito kong kulay na nakaayos ng maganda sa isang dinesenyuhang cartolina. Hindi amoy rosas kundi amoy colored paper at tinta. Hindi lang ako ang kinilig kundi pati ang mga kaibigan ko. Ang bouquet na ito na purong gawa sa papel. At bawat rosas may nakasulat na magandang bahagi ng pagsasama namin.
**********
Merong iba na ayaw na dumaan ang araw na ito. Kasi walang partner, walang kasintahan o iniibig. Nakakaramdam ng lungkot ang iba'y nayayamot. Pero kung tutuusin, wala naman dapat ikalungkot o ikayamot. Hindi naman ibig sabihin na wala kang kapareha ngayong darating na Valentine's e mananatili ka ng mag-isa. At ang araw na ito ay hindi naman para sa mga mag-jowa lang.
"Ang saya ko palagi kapag natatapat sa Sabado o Linggo ang Araw ng mga Puso. Hindi napaparamdam sa akin ni Kupido na napag-iiwanan ako. Hindi naipapamukha sa akin harap-harapan na mag-isa ako." Ganito ako mag-isip dati. Hindi ko napapansin ang mga magaganda at nakakakilig na nangyayari sa buhay ko. Pinuno ko ng drama at inggit ang dapat masaya at may pasasalamat sa Diyos.
**********
Wala naman sa materyal na kabagayan ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso. Ito ay dapat sa kung paano mo ipararamdam ang nararamdaman mong pagmamahal para sa mga taong nasa paligid mo. Hindi dapat ma-bitter o malungkot. Hindi dapat mainggit at mapoot. Wag bigyan ng puwang ang pagmumokmok. Kung wala 'yong pinana ni kupido para sa'yo, wag isiping pinagkaitan ka na ng pagkakataon.
Alam ko ilang araw pa bago ang pinakahihintay na Valentine's Day, pero inuunahan ko na kayong batiin ng isang masaya at punong-puno ng pagmamahal na Maligayang Araw ng mga Puso. Laging lagyan ng ngiti ang labi, dahil sa ngiting yan, maraming ka ng napapasaya. ☺
No comments:
Post a Comment