Ilang araw ang lumipas na dala-dala ang agam-agam. Ilang gabi ang pinalampas na kimkim ang isang kapasyahan. Nguni't isang gabi'y dumating na ang alam mong dapat ng maganap. Gabing babasag sa ilang araw na walang pag-uusap. Dumating na may hapunan nang nakahain sa hapag. Kita'y nilapitan at hinawakan ng mahigpit sa kamay. Mata sa mata, sinambit kong "May kailangan akong sabihin sa'yo." Walang salita, umupo lang siya at ngumiti, kahit sa mga mata niya'y lungkot ay hindi maitatanggi.
Gustong umurong ng aking dila, nguni't kailangan masabi ang nasa diwa. Sampung taong relasyon ay gusto nang putulin, gusto nang wakasan, gusto nang tuldukan. Malumanay kong sinabi ang nasa gunita. Iyon ang ating panghimagas noong gabing iyon. Imbes pagtaasan ng boses at hagulgulan ng iyak, mahinahon akong tinitigan at tinanong ng "Bakit?" Iniwasan ko ang tanong na nag-udyok sa kanya na magalit. Gusto niya ng dahilan na hindi ko naman alam kung paano sasagutin. Alam kong gusto niyang alamin ang problema at gawan ng paraan, gusto niya itong ayusin. Pero hindi ko na kayang sabihin pa ng harapan na sa kanya'y wala ng pagmamahal sa nadarama.
Sa kagustuhang matapos na ang usapan, sumulat ako ng kasunduan sa aming paghihiwalay. Sa kanya ang kotse at bahay na aming naipundar; sa kanya na din ang ilang porsyento na aming naipon sa lagakan ng pera. Matapos mabasa, pinunit niya itong umiiyak sa aking harapan. Hindi na ako nagulat. Inaasahan ko na marahil na ganoon ang magiging reaksyon niya.
Matapos ang gabing iyon, lalong naging malinaw sa akin ang nilalayon kong pakikipaghiwalay. Ang taong nakasama ko ng sampung taon, ngayo'y tila hindi ko na kilala. Malalim na ang gabi sa tuwing ako'y umuuwi. Walang pansinan, walang tinginan, hindi na kami nagtatabi. Isang umaga sinabi niyang pumapayag na siyang makipaghiwalay. Nilatagan niya ako ng ilang kundisyon na isinulat niya sa papel. Hindi niya hiniling ang kotse, bahay o salapi. Kundi ang isang buwang pagpapanggap para sa aming nag-iisang supling. Gusto niya kaming manatiling masaya sa mata ng aming limang taong gulang na anak. Sumunod dito'y ang buhatin siya tuwing umaga mula sa kwarto hanggang sa aming bakuran bago kami pumasok sa trabaho. Tulad ng pagbuhat noong kami'y bagong kasal pa. Kabaliwan ito kung sa isip niya'y maaari nitong ibalik ang masaya naming pagsasama. Sinang-ayunan ko na lang ang kanyang kagustuhan. Isang buwan ay mabilis lang naman ding lilipas.
Kinabukasan, sinimulan ko nang bilangin ang isang buwan: magpanggap sa aming anak at ang kabaliwan niyang uma-umaga siyang buhatin. Kumikirot ang puso ko sa tuwing nakikita kong kilig na kilig ang anak namin. Pikit mata na lang akong ngumingiti dahil alam kong ito'y isang kasinungalingan lamang. Lumipas ang araw na kasama na ito sa aming sistema. Nawawala na ang ilang, humihigpit na ang kapit at tila nawawala na ang pagpapanggap. Naaamoy ko ang pabango niyang dati'y gustong-gusto kong amuyin. Nararamdaman ko ang hawak niyang dati'y gustong-gusto kong damhin. Kelan ko nga ba huling natitigan ang taong ito? Ang tagal nang itinakbo ng aming relasyon. Sa dami ng ibinigay niyang pagmamahal, paano ko nasabing sa kanya'y wala ng pagsinta? Natigilan ako. Anong ginagawa ko sa taong sampung taon akong minamahal at inaruga?
Sa mga sumunod na araw, madalas na akong napapatitig sa kanya. Napapansin ang kilos at pananamit niya. Bigla-bigla, tila bumabalik ang mga alaala noong unang taon ng aming pagsasama. Magiliw ko na siyang binubuhat at nangingiti sa tuwing nagbabanggaan ang aming mga tingin. Hindi ko na napansin na isang buwan na ang nakalilipas. Ang tagal ko siyang pinagmasdan at tila ayoko na siyang bitawan sa pagkakabuhat. Nasabi ko na lang na ang tagal pala naming hinayaan na mawalan kami ng oras sa isa't isa. Hinayaan naming wala nang naglalambing, naging steady, inakalang damdamin ay natutuyo na. Tinignan lang din niya ako, nginitian at nangilid luhang nagpasalamat sa pagtupad sa isang buwan naming kasunduan.
Habang papasok sa trabaho, napagtanto kong mali ako sa ideyang hindi ko na siya mahal. Nagkamali ako sa hingin ang aming paghihiwalay. Oo, naging malungkot ang ilang yugto ng aming pagsasama, nagkaroon ng pagkukulang at hindi pagpapahalaga... na dapat inaayos at lalong pinatatatag ang sumpaang binitiwan sa harap ng dambana. Umuwi akong may dalang paborito niyang bulaklak na may kalakip sulat:
Kita'y aking bubuhatin uma-umaga hanggang sa ating pagtanda.Bisig ay 'di mapapagod kahit tayo'y maging ugud-ugod na.Patawad, Oh, aking sinta!
Walang hinto sa pag-iyak ang aming anak. Siya nama'y walang malay na nakahiga, hindi na humihinga. Iyan ang naabutan ko sa aking pag-uwi. Huli na ako. Ilang buwan na din pala niyang nilalabanan ang kanyang malalang sakit. Parang nalanta ang hawak kong mga bulaklak. At kahit isigaw ko, hindi na niya maririnig ang sasabihin ko.
2 comments:
parang nabasa ko na to sa facebook..
May link ka? salamat.
Post a Comment