Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Saturday, February 11, 2012

Hapag Kainan.

Gaano kahalaga sa'yo ang may kasabay kumain? Gaano kayo kadalas magsalo salo ng buong pamilya mo?

Noon, napakahalaga na magkasabay-sabay ang pamilya sa oras ng pagkain. May oras -- parang required na kasama ito sa schedule mo. Hindi ka pwedeng mag-pass o umabsent. Parang isang sagradong bagay lalo't kung Linggo, dapat lagi kayong kumpleto.

Sa tahanan namin, tsempuhan kung magtagpu-tagpo kami sa bilog naming mesa. Masasabi mong bilang lang ang mga araw na 'yon. Kaya kapag kumpleto kami sa bahay at oras na para kumain, madalas una ako sa pag-aya. Nae-excite kasi talaga ako kapag gano'n, dahil alam ko hindi lang namin lalamanan ang mga tyan namin, kundi bubusugin ang diwa sa kumukulong opinyon at usapin. Parang nagkakaroon ng debate sa pagitan ng iba't ibang nasasaisip ng magkakaibang henerasyon. Hindi naman laging seryoso ang paksa, meron ding kwela at meron ding walang kwenta. Merong malaman na usapan, pero meron ding masabaw at walang lasa.

Hindi naman ito sadya. Random kumbaga. Siguro dahil nga sa ganitong oras na lang kami nakakapag-usap at nakakapagkamustahan sa isa't isa. Minsan ang simpleng pagkukwento mo na nadukutan ka habang pauwi ka, mapupunta sa na sa Sociology at Psychology; Ang pangangamusta, nauuwi sa tsismis na nasagap mo noong umaga; ang biglaang pagbabahagi mo ng horror stories eh nasingitan ng kung paano matatanggal ang B.O. mo dahil nagbibinata ka na; O minsan, sa simpleng lumilipad na ipis, naikonek pa sa mga isyung kinahaharap ng bansa.


Dalawa hanggang tatlong oras ang pinakamatagal naming hapunan kung minsan. Eh, paano, habang nagpapakabusog ka, dumadaldal naman ang utak mo. Napag-uusapan ang tungkol sa SONA, si PNoy bilang presidente, si ex Presidente GMA, ang mag-aswang matanda na sa kariton lang nakatira sa tapat ng mismo ng Batangay Hall, ang iba't ibang opinyon sa ekonomiya, ang halaga ng piso, na ang lalaking ipis lang ang lumilipad, kung saan pwedeng iligaw ang pusa pero ligtas at mabubusog pa din sila araw-araw, ang pagbabago ng panahon, ang grade school at high school memorable experience ng bawat isa, ang estado ng panliligaw mo sa babaeng kahapon mo lang nakilala at kung anu-ano pang pipitik sa utak mo.

Sa mga pag-uusap namin, nakikilala namin ang isa't isa. Kung ano ka ba sa paaralan, sa trabaho, at sa mga kabigan mo. Ang mga gumugulo sa isip mo kagabi, pwedeng masagot. Minsan hindi maiiwasan, may nagkakapikunan pero bago din naman matapos ang araw na 'yon, okay na ulit. Minsang tampulan ng tawa ang pinakabata sa amin. Ibang iba na talaga ang takbo ng pag-iisip ng mga kabataan ngayon.

Alam ko hindi lang naman ito sa amin nangyayari, maski sa ibang bahay, oo. Hindi lang siguro napupuna. At hindi lang naman ito sa pagitan ng magpapapamilya, bagkus gano'n din sa opisina at kung ang mga kaibigan mo ang kasama mo. Dahil sa bawat subo mo, ang dami mo ding natututunan, lumalawak ang iyong kaalamanan. Kaya pansin mo, minsan hindi mo na namamalayan ang pagtakbo ng oras. Nasasarapan ka sa kwentuhan kahit minsan nakikinig ka lang naman.

Ay alam mo ba, yung nabalita kanina sa TV, magulang yon ng classmate ko. Iyak nga siya ng iyak kanina. Teka kukwento ko mamaya. Maghain muna tayo nang makakain na. ☺

No comments: