Nagmahal ako ng hindi sinadya sa taong ipinaramdam din na ako'y may halaga. Nakita man ito ng ibang tao o hindi, alam ng Diyos at naramdaman ko na totoo ang naging pagmamahalan namin. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng relasyong alam kong maipagmamalaki ko at pwede kong ikwento sa magiging supling ko. Nabigyan ako ng pagkakataong maging inspirasyon ng iba dahil naging huwaran ang aming pagsasama. Binagyo man kami ng kung anu-anong issue pero nalagpasan namin ito ng magkahawak kamay at lalong minamahal ang isa't isa. Naranasan kong maipagmalaki sa mundo at maramdamang pinakamagandang babae kahit sa paningin lang ng isang tao -- sa taong mahal mo at mahal ka. Nalagpasan ko ang takot at natutong harapin ito dahil may isang taong naniniwala sa'yo -- siya. Minsan kasi, isang tao lang ang kailangan mong maniwala sa'yo.. okay na.. lalakas na ang loob mo. Napatunayan kong walang imposible sa isang masayang relasyon lalo't dalawa kayong "committed".. dalawa kayong lumalaban, dalawa kayong nagbibigayan at nag-aakayan.
Hindi lang naman pagmamahal ang bumubuo sa relasyong pinapangarap ng lahat. Kailangan din ng matinding pang-unawa, sakripisyo, bukas na pag-iisip, walang sawang pag-uusap, tiwala, pagkakaibigan, pagiging kontento at may patnubay ng Diyos. Hindi lang ito sa pagsisimula ng relasyon kundi sa araw araw ng inyong pagsasama. Ang matagal na relasyon ay nalalamatan ng dahil sa simpleng hindi pagkakaunawaan; nagwawakas dahil sa simpleng pagpapabaya.
*************************
Kahit ayoko, pinli kong lumayo. Binitiwan ko ang isa sa mga pinakaiingatan kong mawala. Niyakap ko ang katotohanang hindi na namin maibabalik ang dati naming pagsasama. Lumayo ako para sa mas ikabubuti naming pareho. Tinulungan ko ang sarili kong bumangon ulit at lumakad na ng pasulong. Lumingon man ako, sinanay kong ipikit ang mga mata ko kapag nararamdaman kong hinihila akong pabalik sa'yo. Binigay ko sa utak ko ang mga pagdedesisyon habang pinapagaling ko ang puso kong bugbog sa sugat at sakit. Binuksan ko ang mga mata ko sa reyalidad at sa lahat ng posibilidad. Oo, minsan naliligaw sa mga panalangin ko na bumalik ang pagmamahalan namin. Pero hindi na tulad ng dating ipinipilit kong ibigay ang hiling ko kahit maging awa na lang ang maging rason niya. Natutunan kong mahalin ulit ang sarili ko at maging masaya kahit sa simpleng mga bagay. Naging matagal ang proseso bago ko ulit nabuo ang sarili ko. Sa paunti-unting hakbang, nakikita ko na ulit na masaya na tignan ang mga mata ko.. na totoo na ang ngiti na nakakurba sa labi ko. Magaan na ang lahat. Makita man kitang may kasamang iba, walang kaplastikan akong ngingiti at sasabihing masaya ako para sa inyong dalawa.
Kapag naririnig ko ang kanta natin, hindi na ako nalulungkot. Ang naiisip ko, minsan sa buhay ko, naging masaya akong kinakanta ang kantang yon kasama ang taong minahal ko ng sobra. Ang pagmamahalan natin, ang naging labuan at ang paglayo ko ay naging magandang kabanata sa istorya nating pareho. Mas nakilala ko ang sarili ko at nalaman ang mga bagay na kaya ko pa lang gawin.
Walang kalimutang nangyari, at walang mangyayaring ganon. Mananatili ka, tayong isang masaya at magandang alaala ng nakalipas. Magiging aral at gabay ang lahat para sa taong nakalaan talaga para sa ating dalawa. Ang huling hiling ko na lang ngayon para sa'yo ay nawa'y naayos mo na ang gulo sa iyong sarili. Sa huli, magiging magandang inspirasyon tayo sa iba.
Salamat!
2 comments:
http://www.youtube.com/watch?v=NzdgPGo3T2g
:) Thanks for the link.
Post a Comment