Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Sunday, July 17, 2011

Pwedeng Wait Lang?

"Kung hindi totoo na may mga taong marunong maghintay, para saan pa ang waiting shed na itinayo sa bawat kanto ng barangay?"


Naitanong ko bigla sa sarili ko kung kailan ba ako sumilong sa waiting shed. Kailan kaya ako nag-intay? Bakit kaya? Napilitan? Gusto ko? O sadyang kailangan? Ano bang napala ko? Natiis ko bang sumilong at maghintay na lang?

Itinayo ang mga waiting shed dahil dinaraanan ang lugar na iyon ng mga sasakyan. Kaya sinumang nag-iintay dito, tiyak alam nilang may darating. Pero minsan, kahit tama naman ang dumaraang sasakyan.. o tama naman ang byahe.. meron pa ding hindi sumasakay, namimili pa, kaya ayun, natatagalan pa sa pag-iintay.

Hindi naman pwedeng sumakay ka sa alam mong puno na. Pero mayroon pa ding iba na marahil sa pagmamadali'y o di kaya'y sa tagal nang paghihintay kahit hindi na kasya, ipipilit pa. Kahit puno na, sasabit ka pa. Kaya minsan, excited kang may pumara lalo kung dulong byahe pa ang bababaan mo. Para makaupo ka na ng maayos.. para sulit naman ang binayad mo.

Meron namang ang gusto yung wala pang sakay. Kaya kapag lubak, mababalbog ka. Buong byahe, aalog-alog ka. At syempre, yung madalas na pasahero.. yung sakto lang. Yung sasakyang may mga nakasakay na pero kasyang kasya ka pa. Pwede ka pang mamili ng uupuan mo.. sa bandang kanan ba o bandang kaliwa. Hindi mo kailangan makipagsiksikan o ipilit ang sarili mo sa upuan. Kung bandang bungad ka pa, may mag-aabot pa ng pamasaheng ibabayad mo, makisuyo ka man o hindi. At kung papara ka na, may makikipara pa kung sakaling mahina ang pandinig ni Manong tsuper.

Waiting shed.. ginawa din para silungan.. lalo kapag malakas ang ulan at wala kang payong na dala. Merong naghihintay hanggang tumila ito pero meron din namang sinusundo para payungan at umuwi na. Swerte kung ganun.. sulit ang paghihintay kahit masiksik sa waiting shed.. alam mong may darating.. alam mong may susundo.

Hindi ako ma-waiting shed na tao.. hindi din ako ma-payong. Kahit minsan masakit na sa balat ang sikat ng araw, wala akong pakialam. Minsan kung umaambon na o umuulan.. okay pa din.. lalo kung malapit lang naman ang pupuntahan.. lalo kung alam kong may hinihintay ako.

Sabi nila ang wirdo ko. Ayaw ko kasi ng naghihintay ng matagal lalo kung alam kong may hinihintay ako.. yung tipong nagpapaintay talaga.. yung may usapang darating siya. Kasi, pwede namang magsabay kami ng dating, di ba? Pero dahil sa kadalasang "simpleng bagay" kailangan may pinaghihintay kang tao. Kahit hindi naman kaintay-intay. Mas okay ako sa paghihintay na hindi ko alam kung may darating.. yung walang usapang maghihintayan. Wala kasing expectations. So, walang disappointment kung sakali. Wala akong masisisi kundi ang sarili ko, kasi ako ang pumili non.. walang nangusap o nagsabi.. ako mismo. Alam ko magulo.. pero isa lang naman yan.. pwede naman hindi magpaintay ng tao.. pwede namang hindi ka maghintay.

Kung waiting shed pa din ang usapan, kung naging maaga ka lang sa sakayan.. hindi ka maghihintay.. makakasakay ka kaagad. Kung hindi ka nag-iinarte.. marami namang sasakyang pwedeng sakyan. Kung handa ka lang lagi.. kung lagi kang may payong na dala.. hindi na dagdag hassle pa sa'yo o sa ibang tao. Pero.. may mga pagkakataon talagang sinasabi nating 'hindi sadya'.. kaya ganun pa din. Lusot pa din. ☺ Kaya nga siguro may waiting shed pang tinatayo.. marami pa din ang taong naghihintay.



1 comment:

IEMELIF Sta Mesa said...

Naks, Greenday. Rockstar \m/ hahaha