Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Saturday, May 12, 2012

Hoy Fidela!

Mama tawag ko sa kanya. Minsan Mudra. Madalas Mother Earth o kaya Mother Dear. Natatawag ko din siyang Mudrakels, minsan pag naglalambing, Nay o Nanay. Kapag naman nang-aasar ako sa kanya, tinatawag ko siya sa totoo at buo niyang pangalan.

Gustong gusto ko kapag tinatawag niya akong anak, kahit madalas, sa text lang naman ito nagaganap. Gustong gusto ko kapag naaasar o napipikon siya; ang kunot na noo at salubong niyang kilay kapag nagagalit siya. Pero mas gusto kong nakikita ang pigil na pigil niyang ngiti, kapag binobola ko siya tungkol sa luto niya.


Mula noong nag-aaral ako, nagigising siya ng sobrang aga para lutuan ako ng babaunin at painitan ng tubig panligo. Kahit naman na nagigising ako sa tunog ng alarm, e gigisingin niya pa din ako. Kahit na kaya ko naman ng kumilos, gustong gusto pa din niya siya ang magbubuhol ng laso sa damit ko. Minsan, gusto niyang siya pa ang magta-tuck in ng damit ko, siya ang nagtatali ng buhok ko o naghahanda ng damit ng susuotin ko. Pero sa kabila nito, hindi niya ako pinalaking maluho lalo sa materyal na bagay.

Magaling siyang magluto. May mga pagkain na ayaw kong kainin pero kapag siya ang nagluto, nakakalimutan kong hindi ako kumakain ng ganon.

Baka matawag akong walang modo kapag makita mo kaming magbiruan. At baka mapagkamalan mo siyang bagets kapag narinig mo siyang bumanat ng kung anu-ano. Nagugulat na lang ako madalas kapag bigla niyang sasakyan ang pang-aasar ko sa kanya.

Hindi siya yung nanay na sinasabihang gwapo o maganda ang anak niya. Minsan itatanong ko pa na "Bakit kaya ang ganda-ganda ko?" ang lagi niyang sagot ay itigil ko na daw ang kalokohan ko. Pero kapag sasabihin kong bakit ang ganda niya, ngingiti lang yun at mamumula na parang tinukso sa crush niya.

Hindi siya pala-kwento pero kapag brown out, ewan ko ba, pero ang daldal niya lalo kapag kumakain kami. Paborito niyang ikwento e yung paano sila noong mga bata pa sila.

Madalas din kaming magtalo. Sobrang magkasalungat ang tingin namin sa mga bagay-bagay. Pero kahit ganon, alam ko na madalas niya akong iniintindi at pinagbibigyan... dahil kasi mapilit at matigas ang ulo ko.

Gusto niya na kapag nag-text siya, magre-reply ka agad. Pero maiimbyerna ka kakahintay ng reply nyang OK.

Ibibigay niya ang pagkain sa'kin at sasabihing busog siya kahit hindi naman. Ibibigay niya ang damit na binili niya sa sarili niya at sasabihing hindi pala kasya sa kanya kahit fit naman talaga sa kanya. Ibibigay ko sweldo ko sa kanya para sa panluho niya pero ipapambibili lang niya yun ng anek-anek na sinasabi niyang kailangan ko.

Minsan magagalit siya sa akin, maiinis at mabubwisit. Hindi ako kakausapin na minsan tumatagal ng isang linggo, pero ganun pa din tuwing umaga.. may mainit na tubig, nakahandang baon, yun nga lang, kung hindi hampas, sipa ang panggising niya sa akin.

Ano pa naman madalas na hindi namin mapagkasunduan, hindi magbabago ang pagmamahal na alam naming merong sa aming dalawa. Magkasalungat man kami, nagkakasundo't nagkakasalubong kami sa katotohanang ina at anak niya ako.

Mahirap na masarap na maging anak ng nanay ko. Gusto niya akong matutong maglakad pero ayaw niya akong bitawan at madapa. Gusto niya akong matutong magsalita, pero iilang salita lang ang tinuturo niyang bigkasin ko. Pero malaki ang pasasalamat ko na siya ang nanay ko. Gasgas man pero sasabihin ko pa din...


At para sa aking magandang inang si Fidela na menopause na ata, Happy Mother's Day. Wag kang magkuripot at manlibre ka ng turon. At wag muna magsungit, lalong kukulot ang panget mong buhok. :D Chos!