Gasgas na gasgas ang TGIF, kasi kinabukasan non simula ng pahinga sa trabaho o sa eskwela. Time out muna sa tambak na trabaho at sangkatutak na takdang-aralin. Tapos pag sumapit na ang Lunes, ang bibigat ng katawan para simulan ang araw. Tinatamad, bitin sa weekend at sabik ulit sa Biyernes. Pero ako, laging 'Hay, Friday na!' at 'Yes! Lunes na ulit.
Lagi akong may dalang libro para pampatanggal inip sa mahabang pila sa terminal ng FX papuntang Ayala. Minsan makakalahati ko na yung libro pero wala pa ding dumadating na sasakyan. Kaya minsan, 'di maiiwasang yung mga kasama mo sa pila ang pag-aksayahan mo ng tingin. Merong laging naka headphones na mas malaki pa ata sa ulo niya. Meron ding hawi ng hawi ng buhok na ginawa ng suklay ang mga daliri niya. Merong kahit walang tugtog, tila sumasayaw na sa kinatatayuan niya. Merong tingin ng tingin sa relo, nagbabasa ng libro, nanonood sa movie sa cellphone, nagma-marathon ng The Walking Dead sa iPod, naglalaro ng candy crush saga, nag-a-aka guardiya sibil ni Rizal at nabubugnot tulad ko. Hanggang sa alam ko na ang oras ng dating ng iba. At hanggang sa may lagi akong inaabangang babae sa kung anong suot niya. Magaling kasi siya magdala ng damit, na kahit simple lang eh nakaka- wow. Lagi na lang siya ang tinitignan ko. Nakatabi ko na din siya at nalaman kong napaka-conscious niya. Straight body kapag nakaupo, hindi natutulog sa byahe kahit naghihilik na ang lahat sa loob ng fx, sa pananalita eh mukang masungit at medyo maarte. (Hindi naman sa pagiging judgemental. Ayon lamang 'yan sa obserbasyon ko).
Hindi lang pala ako ang laging tumitingin sa kanya. Merong isang simpatikong lalaki ang sulyap ng sulyap. Medyo maliit siya para sa height ng lalaki. Dalawang emosyon lang ang karaniwang makikita mo sa mukha niya -- masungit at blangko. Hindi ko alam kung sadyang suplado siya tignan o lagi lang mukhang nakataas kilay niya. (Ang sexy tignan. Tehehe *u*)
Ang misteryoso ng dating. Nakakaasar pero ang cute din. Eh hanggang napansin kong kapag dumarating ako sa terminal matik na hinahanap ko si loko. Siya naman ang inoobserbahan ko. Mala-John Lloyd ang porma, humabang mahawk ang style ng buhok, may humahabang bigote, darating ng 7am o 5 to 10 minutes before 7 na laging may earphones na puti at backpack na itim. Hindi ko alam pero 'di ko namamalayan eh nagiging crush ko na siya. Kahit na sa tuwing mapapatingin siya sa direksyon ko, eh laging pa-snob ang mukha niya.
Sabik ako sa Lunes kasi dalawang araw ko siyang 'di nakita. Tantyado ang oras ng dating ko sa terminal para 'di masyado magkalayo ang pila namin. Tamang distansya lang para makasulyap. At Racini ang tinawag ko sa kanya kasi yun ang tatak ng bag niya. :)
Minsang inatake ako ng sakit ko: katam. Naalala ko siya at napatayo na lang ako sa'king pagkakahiga. Minadali ang kilos at imbes maglakad eh nag-tricycle na ako para maabutan ko siya sa pila. Nakaka-excite sa feeling. (Landi lang eno)
Pagdating ko, alam kong obvious ako na may hinahanap ako. Kaso wala, hindi ko siya nakita, 7:15 na din kasi, baka nakasakay na siya. Napabuntong hininga na lang ako at nanghinayang sa trenta pesos na pamasahe sa tricycle. Naglakad na lang sana ako, eh hindi ko din naman pala siya maabutan. Parang ewan lang na ang lungkot sa feeling. (Ang arte lang talaga. ☺) Tapos napalingon ako.
Hindi ko sigurado kung napatingin siya dahil napalingon ako o sadyang kanina pa niya ako tinititigan. (Assuming lang. ♥ Self-inflicted kilig) Pero sigurado akong nagbanggaan talaga ang tingin namin. Nawala ang sungit ng mukha niya. Hindi mukhang nakataas ang kilay. May pangatlong emosyon na siya-- gulat. Napangiti ako. Parang baliw lang. Sa tingin ko nga eh nag-blush pa nga ako. Nakita ko na 'yong nagpapa-excite sa'kin na mag Lunes na. 'Di na ako nagtangkang lumingon ulit, dahil bukas, alam kong makikita ko siya ulit at marahil ang pang-apat at iba pang emosyong nakatago sa minsang blangko at madalas na masungit niyang mukha.
(larawan mula sa deviantART.com)