Hindi na ako papatay ng ipis. Hindi na ako magnanakaw ng tingin sa magaganda't gwapo. Hindi na ako iinom ng alak. Hindi na ako sisinghot ng rubgy, acetone, pentel pen, papel na bagong xerox lang sa copy trade o kili-kiling amoy deodorant.
Hindi na ako iiyak. Hindi na ako masasawi. Hindi na ako aasa. Hindi na ako maghihintay. At higit sa lahat, hindi na ako magmamahal.
Magpapakatatag na ako dahil sa bagong taon, makikilala n'yo ang bagong ako. At para makumpleto, magpapaiksi ako ng buhok para new look na din. Ay teka, pakalbo na kaya?
Panigurado sa pagpasok ulit sa eskwelahan, ipapasulat sa mga estudyante kung anu-ano ang kanilang New Year's Resolution. Minsan may required na bilang pa.
1. Hindi ko na dadaldalin ang katabi ko para di ako malagasan ng barya.
2. Hindi na ko papasok ng maaga dahil matutukso lang akong makipaglaro sa mga kaklase ko ng Moro-moro.
Naku, dalawa pa lang. Kailangan ko pa ng tatlo. Isip!
3. Magtitipid na ako para may maipon at makabili ng stationary.
4. Sa bahay ko na gagawin ang homework ko, hindi na sa school lalo pa't habang sinasabi ni Teacher na, "Pass your homework, class!".
Resolution. Solution. Resolve. Improvement. Changes.
Ano ba ang dapat kong baguhin? Ano ba ang dapat kong iresolba? Ano ba ang problema? Ano ba ang New Year's Resolution para sa'yo? Gumagawa ka ba nyan taon-taon? Anong nangyare? Bakit ka gumagawa no'n?
New Year's Resolution ay isang commitment ng tao sa kanyang sarili na gawin ang isang bagay para ikabuti ng kanyang sarili. Isang gawain na kalauna'y maaaring maging habit mo na.
Alam ko na ang problema ko..
HINDI AKO GUMAGAWA NG NEW YEAR'S RESOLUTION.
Bakit? Kasi naniniwala ako na hindi lang sa Bagong Taon dapat gawin ito. Kfine. Hindi nga naman ito tatawaging NEW YEAR'S Resolution kung hindi ito gagawin sa Bagong Taon. Ako, Year End Reflection ang nangyayari sa akin. Kung anong mga pagkakamaling nagawa ko sa buong taon, kung anong mga pagsubok ang nagbigay sa akin ng aral, mga pangyayari at mga taong nagturo sa akin o naging dahilan ng pagiging ako ngayon, mga bagay na dapat bitawan at hindi na dalhin pa sa susunod na taon. Siguro para sa iba parehas lang ito, ayoko lang siguro nung thought na parang pipilitin mo baguhin ang sarili mo 180 degrees, na alam mo namang hindi ganoon kadali. Eh?
Kung gusto mong may baguhin ka sa sarili mong alam mong ikagaganda ng pagkatao mo, bakit sa tuwing matatapos na ang taon? Bakit kung may gusto o hindi na gawin, hindi mo ginawa kahapon? O noong nakaraang buwan? Kasi ngayon mo lang naisip? Sana may Everyday Resolution.
Tapos ka man o hindi, kapag sinabing pass your paper, kailangan mong ipasa!
5. At syempre, hindi na ako magiging pasaway. Lagi kong susundin ang aking magulang: "Itigil mo yang reso-resolusyon, hindi mo naman nagagawa!"
No comments:
Post a Comment