Maliban sa diploma, importante din ang transcript. Napaka sagrado ng papel na ito. Dito nakalagay lahat ng grado mo. Ito ang magpapatunay kung gaano ka ba kagaling na estudyante, kung gaano ka katalino, kung gaano mo nakabisa ang bawat titik sa librong gamit n'yo, at kung gaano mo nabola ang mga guro mo. Ang mga numero ang basehan kung saan ka ilalagay na klase, ang mga numero ang basehan kung tatanggapin ka ba sa trabahong gustong-gusto mong pasukan.
Okay ka sa exam, okay ka din sa interview. Tapos nung makita ang 'sardinas' mong grade sa trascript mo, ayun, nagdalawang isip pa sa'yo kahit oks na oks ka na. 555. Tatlong singko. Masasabi bang bobo ka na kung may ganito kang marka? Ang laking mantsa sa papel, na mas dudungis pa sa pagkatao mo.
Itatanong kung bakit naging ganon ang grade mo. Pero kahit anong dahilan ang sabihin mo, totoo man o hindi, malaking porsyento e hindi ka paniniwalaan. Reject agad ang application mo. Lagi kong gusto itanong kung bakit ganun-ganun na lang iisantabi ng maraming kumpanya ang may ganitong record sa transcript nila. Bakit?
Magiging mantsa din ba sa maganda nilang kumpanya kung tatanggap sila ng mga aplikanteng ganito? Kahit na ang rason e napagtripan lang talaga sila ng professor nila. Na sa kabila ng putik sa puting papel na 'yon e magaling ka naman talaga. Alam mo na hindi mo deserve iyon pero ang tanging nagawa mo na lang noon ay tanggapin ito at ulitin ulit.
Hindi uno, dos, tres, o singko ang magiging basehan kung magaling ka ba sa isang aspeto ng buhay mo. Hindi ito ang susukat sa kakayahan mo. Hindi ito ang magsasabi kung kaya mo bang gawin o hindi ang isang bagay. Hindi porke hindi mo napalya ang uno noong nag-aaral ka e alam mo na lahat ng trabaho. At hindi porke sinalo mo lahat ng singko e pagxe-xerox lang ang alam mo.
Maraming nagtatagong kwento sa bawat numerong nakasulat sa transcript ng sinuman. Maraming nagsunog ng kilay, gumapang, namawis, nabaliw at nagkalabo-labo ang buhay estudyante makuha lang ang bwisit na uno na yan. Pero meron din namang nagbutas lang ng bulsa o nanlaki lang ang mata. Merong tumulay sa alambre, lumunok ng gas at ang iba'y nakipaglaro sa apoy, pero ang ending, isang nakakanginig lamang singko.
Scripted: Ang marahil sasabihin ng mga transcript kung nakakapagsalita lang ito.
Magkaiba ang mundo sa loob at labas ng eskwelahan. Magkaiba ang itinuro ang isang bagay sa ginagawa na ito sa totoong buhay. Ang pagkakamali mo mang nagawa kahapon ay hindi maaaring hadlang para sumuko na lang. Kung nadapa ka noon at nakayanan mong bumangon muli, makakayanan mo ulit ito.. kahit paulit-ulit pa. Kung maraming bugok sa eskwelahan, mas marami sa labas. At marami sa kanila, may magagandang record noong nag-aaral sila. At kasalungat nito, marami ding aanga-anga kung ituring noong nag-aaral pa, pero ngayon, tinitingala na at hinahangaan.
Nakalulungkot man isipin, nguni't isang bungi lang na marka e parang pandidirihan ka na. Tipong naestima na nila ang abilidad mo kahit hindi pa man din nila nakikita kung paano ka mag-isip at gumawa.
E tutal, scripted naman na ang mga transcript ngayon, tara na sa Recto! ☺