Matagal-tagal na din ang dalawang taon, kasi sa panahon ngayon mas marami na ang bumibitaw. Pero syempre may mga dahilan yan, at may mga dahilang hindi mo maiintidihan. Dalawang taon na ang lumipas, andyan pa din siya para sa akin, kahit sa mga panahong hindi ko man siya pinapansin. Noong nag-uumpisa pa lang kami, ang saya saya ko na kahit nakukumplikaduhan ako sa kanya, eh andyan siya palagi para sa mga kwento kong alam kong balewala lang sa iba. Dalawang taon, na kahit parang kinalimutan ko na siya, ay palagi lang siyang nandiyan kapag binabalikan ko siya.
Hindi ko namalayan na matagal-tagal na din pala akong nagba-blog. Alam ko namang hindi ko talaga mundo ito. Hindi ko naman hanap ang maraming followers o mambabasa. Hindi ko din naman hiling na makilala ako mabigyang papuri sa mga nilalagay ko dito. Wala lang! Siguro kapag magkagalit kami ng papel at ballpen at kailangan ko lang magdaldal, ito ang paraan ko. At madalas kasi, nacha-challenge ako kapag may mga nagre-request na temang pwedeng i-blog. At nakakataba ng puso kapag nagugustuhan naman ng mga nagbabasa at lalo kapag nakakatulong na pala ako. Salamat po.
Nahihiya ako kapag pinapakilala akong "blogger", dahil alam ko namang hindi. Sa tingin ko kasi, hindi porke may account ka sa blogger, tumblr, wordpress o sa kahit ano pa mang site, e matatawag ka ng blogger.
Sa pagkakatanda ko, grade 2 pa lang ako ay nahilig na ako sa panitikan. Kaya tuwang tuwa ako kapag nagpapabigkas ang guro namin ng kung anu-anong tula hanggang sa nagsusulat na din ako, grade 4 ako noon. Mas nahasa ako sa wikang Filipino dahil noong grade 5 ako, 'yon ang lenggwaheng mas pinahubog sa akin lalo nung naging isa ako sa mga naging manunulat sa paaralan namin. Kung ang karamihan ay nagbabasa ng English dictionary, ako naman ay nagbuburo ng oras kakabasa ng Tagalog dictionary. At sa tuwing may mga salita akong gusto kong matandaan, gumagawa ako ng tula.
Highschool, pinasok ko na din ang essay at maikling kwento. Alam kong hindi din naman ako matatawag na magaling. Sadyang naging hilig ko na lang din siguro.
Marami ang nagsasabing may "gift" daw ako. Kaya eto, kaya pala siguro nandito ako. Gusto kasi ng bestfriend ko na dalhin ko dito ang sinasabi niyang gift ko. Hehe! Pero pagkatapos ng isang taon, bibihira ko na lang silipin ito... bumabalik pa din kasi ako sa first love ko -- sa lapis at papel.
Dalawang taon na kami.. At bakit paniking aligaga? Korni ang dahilan pero dahil sa gabi ako maraming naiisip na isulat. Na minsan sa sobrang dami, puro lang intro. Hehe. Ayoko lang din gamitin yung pangalan ko, para merong konting pag-iisip kung sino ba ang nasa likod ng pangalang walang kadating-dating. ☺
Isasabuhay ko isa sa mga araw na ito ang mga bitin kong naisulat sa notebook ko. ☺Madalas kasi kapag may plano akong magdagdag ng kung anu-ano, nauuwi ako sa pagbabasa. At nakakalungkot na ilan sa mga nasa blog roll ko eh nagsiwala na din. :(
Dalawang taon, walang kasiguraduhan kung masusundan pa ba ng isa pang taon. Baka oo, baka hinde. Pero sigurado akong magsusulat pa din ako, kahit tatlo na lang kaming nakakaalam.. ang lapis.. ang papel.. at ako.
No comments:
Post a Comment