Hindi ko alam kung paano ito sisimulan, tulad din ng hindi ko alam kung paano tatapusin kung sakaling masimulan na.
Marami talagang tanong sa mundo, na minsan maiisip mo, kailangan ba talaga ng sagot? O pwede ding tanong ka ng tanong pero wala naman pala dapat itanong. Kumbaga, pinapakomplikado mo lang yung mga bagay na simple naman kung titignan. Mahirap makontento no? Lalo't alam mo sa sarili mo na higit pa 'don ang dapat natatanggap mo. Meron din namang tanong na alam mo naman ang sagot, pero kailangan mo pang ipasampal sa'yo yun ng ibang tao. Mahirap tanggapin kasi masakit tanggapin.
Nitong dumaang mga buwan, ang dami dami kong naramdaman. Iba-iba. Halu-halo. Medyo nakakabaliw na nakaka-praning. Marami na akong narinig na kung anu-anong sermon, payo at marami pa. Pero sa huli, alam naman nating sarili din natin ang masusunod. Sabi nga ni Albert Camus di ba, Life is a sum of all your choices. Kaya kung ano man maging resulta ng mga pinili mo ngayon, hindi mo yan basta-basta pwedeng isisi o isumbat sa iba. Dahil ginusto mo man o hindi, pinili mong gawin yan. Wag nating bulyawan ang mundo na unfair ito, dahil hindi. Dahil kung merong takot, meron ding matapang. Kung merong duwang, meron ding marunong sumugal. Alin ka don?
Kung hindi ka pa handa sa sagot, wag ka magtanong. Kung hindi mo kayang matalo, wag ka sumugal. Simple as that. Pero sa panahon ngayon, dapat matapang ka, dapat lagi kang handa.. dahil talo ang mahihina. Fight!
Sabi nang isang kaibigan, wag kakalimutang babae ka. Magpasuyo ka. Hindi naman kalabisan yun.
Paulit-ulit na itong sinasabi pero minsan nakakalimutan natin -- mahalin mo ang sarili mo.
Totoo na when it rains, it pours. Pakatatag ka lang. Lahat naman ng ulan, natatapos. at kapag tumila ang ulan, laging may araw na sasalubong sa'yo. Minsan pa nga may makulay na bahagharing ngingiti sa'yo. Wag kang magkulong at titigan lang ang ulan. Lumabas ka, damhin mo ang ulan. Wag ka matakot mabasa.
Sa oras na mahina ka, mas maraming tukso ang makikita. Wag kang magpakalulong sa mga bagay na alam mong pwede mong ikalubog at ikasira. Ang tukso ay hindi pinipigilan, ito ay iniiwasan.
Halos lahat ng bagay ay pwedeng nakasanayan lang. Kaya't wag magpakasanay sa mga bagay na alam mong hindi magtatagal. Nakakasira ito ng bait.
Madaling sabihin, mahirap gawin. Alam na nating lahat yan. Lagi lamang tatandaan na meron ding tinatawag na tama at mali. At may kulang, sapat, at sobra.
(Larawan mula sa google.)