Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Sunday, June 12, 2011

Magpalaya ka!




Dahil sa convo na ito sa FB sa isang kaibigan, kung anu-ano nang bumubulong sa utak ko. Oo nga pala, Araw ng Kalayaan ngayon. 113 taon na ang nakalilipas mula ng ipinahayag ni Hen. Emilio Aguinaldo ang ganap na kalayaan ng ating bansa. Ayon sa ating kasaysayan, bandang ika-lima ng hapon, Hulyo 12, 1898, sa Cavite el Viejo na ngayo'y mas kilala sa tawag na Kawit, Cavite, inihayag ng unang Pangulo ng Pilipinas na si Heneral Emilio Aguinaldo sa harap ng sambayanang Pilipino ang ating kalayaan. Sa araw din iyon unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas na ginawa ni Gng. Marcela Agoncillo sa Hongkong.




KALAYAAN, mula sa salitang ugat na LAYA. Layang mag-isip, layang magsalita, at layang kumilos sa paraang alam natin. At sa bawat kalayaan ay may kakambal na karapatan. Ang dalawang salitang ito ay makapangyarihan. Maaari itong makasira o makaganda sa tao; maaaring makabuhay o makapatay; maaaring maikasalba o maikalubog pa; at maaring gumawa ng gera o makapagpakasundo.

Marami sa mga site na nakikita ko sa internet ay may pare-parehong tanong:
MALAYA KA BA TALAGA? GANAP NGA BA TAONG MALAYA?

At ito ang ilan sa mga sagot na nakita ko..

  • No
    .
    Hindi pa rin malaya ang mga pilipino sa MGA KURAKOT na government official. Sa mga MASASAMANG loob. At sa mga TERROR na teacher.
  • sbi sa balita malaya tau POLITICALLY kc, may srili taung batas. . para skin, ndi pa,magulo pa buhay ng pilipinO ngaun e,
  • feeling ko sobrang laya natin di na tayo ma-disiplina.
  • Oo malaya tayo pero dapat makiramdam kung lumalagpas na sa kalayaang tinatamasa.


Malaya nga ba talaga ako? Malaya nga ba talaga tayo? Ang sagot ko ay isang tanong din: Sa anong aspeto? Kung sa bansa o gobyerno ang usapan.. oo! Malaya tayong ihalal ang taong mamumuno sa ating bansa. Pero anong nagyayari? sa bawat umuupo sa MalacaƱang, isang pagkakamali lang gusto nang pababain sa pwesto. Ikaw ang naghalal, ikaw din ang sisibak. Hindi madali ang magpatakbo ng bansang pasaway ang ang tao!


Malaya tayo sa pamamahayag. Ilan ba ang pahayagaan dito sa Pinas? Ilang channel ba ang meron sa telebisyon n'yo? Lahat ng mamamahayag may karapatang isulat o ibalita ang mga nakita o nakalap nila. Nakakarating din ang mga impormasyong yan sa ating mga madla. At malaya din tayong maniwala o hindi sa lahat ng nadidinig at nababasa natin.


Malaya tayong mga anak at mga magulang. Malaya kang maglayas o magrebelde kung ayaw mo ng patakaran sa loob ng pamamahay n'yo.

Malaya kang umibig. Malaya kang mang-iwan at magpaasa. Malaya kang manakit at mang-apak ng tao. Malaya kang magmura, malaya kang mambola, malaya kang magduda, magselos at magalit.


Malaya tayong sumigaw sa lansangan at ipahayag ang daing sa gobyerno. Malaya kang ikwento ang buong buhay mo sa internet. Malaya kang gumawa ng page ng kung anu-ano sa Facebook. Malaya kang magsuot ng damit ng gusto mo. Malaya kang pumili.


Malaya tayong magnakaw, mangukarot at mang-gantso. Malaya kang pumatay, mambuntis at manganak. Malaya ka! Malayang malaya.


Alam mo kung ano ang wala sa atin? Ang disiplina, tamang pagdedesisyon, pagsunod at pagtanggap. Nasa iisang gobyerno tayong may mataas na namamahala. May batas tayong dapat sundin at igalang. Sa bawat karapatang gagawin mo, di sapat na gawin mo iyon batay sa pansariling kagustuhan lamang, kundi sa pangmaramihan - pangkalahatan. May dapat sa hindi dapat. At mayroong tama at mali.


Malaya kang pumatay, pero mali. Malaya kang magnakaw, pero mali. Malaya kang mangotong, pero mali. Malaya kang manloko, pero mali. Malaya kang mambastos, pero mali. Malaya kang manakit, pero mali.


Nasobrahan ang utak natin sa pag-angkin sa kalayaan. Nasobrahan ang ipinagkaloob na kapangyarihang mag-isip, magsalita at gumawa. Ikulong natin ang ating mga sarili sa ideyolohiyang MALAYA tayo. Nakalimutan nating may salitang masama at mabuti. Malaya tayo, naaabuso na nga natin, hindi mo na nakikita?


Kung usaping dayuhan, dyan tayo tatagilid. Dahil hanggang sa ngayon, marami pa din ang sumasakop sa atin. Sakop pa din nila ang ating pag-iisip. Sa kanta, sa pananamit at sa pagkain. Sa lengguwahe, bakit nasasabihan kang bobo kung barok ka sa Ingles pero bihasa ka sa Tagalog? Bakit batayan ng pagkatao pag utal utal ka magsalita? Sa isang contest, natural lang ang may magsalin ng lengguwahe mo sa salitang Ingles. Pero bakit kapag Pinay/Pinoy ang gumawa nyan, parang "Nako! Talo na!" Naiintindihan ko naman na kailangan, pero usaping kalayaan naman ito, kaya malaya akong sabihin ang opinyon ko. ☺

Anong kinakanta mo? OPM ba? Iyong iba kapag nakarinig ng tagalog na kanta kung mandiri akala mo marunong silang bumuo ng kanta. Pero kapag banyagang musika na usapan, akala mo naman naiintindihan niya yung gustong iparating nung kanta.

Malaya ako, malaya tayo. Pero wag iisantabi ang bait sa sarili at sa kapwa mo tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero maging disiplinado sa bawat kilos mo.
Malaya ako, malaya tao. Pero huwag abuhusin ang karapatang hindi lamang ikaw ang may hawak.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag maging manhid sa nararamdaman ng ibang tao.
Malaya ako, malaya tayo. Pero huwag itong gawing dahilan para magawa ng mali.
Malaya ako, malaya tayo. Pero alamin ang limitasyon ng karapatan at kalayaan mo.

Pinalaya ka sa dayuhang sumakop ng bansa mo. Kaya't magpalaya ka sa dayuhang binuo mo sa sarili mo! Namatay sila para sa kalayaan mo, ngayo'y mabuhay ka at gumawa ng tama at dapat para sa kapwa mo!


Araw-araw kang malaya. Lumipad ka at huwag maging pabigat sa mga puno. ☺

Thursday, June 9, 2011

Nanay na Ako.

Oo, nanay na ako. Sa edad na 21, may sanggol na akong karga sa mga bisig ko. Mayroon na akong hinihele-hele para makatulog. Ang masaya pa dyan, hindi lang isa, hindi rin lang dalawa, hindi rin tatlo, kundi madaming madaming bata. Sila ay sina Bea, John Lloyd, Anton, Jennifer, Jeffrey at marami pa. Pero teka, ano ba ang kahulugan ng isang ina?

Malalim ang salitang INA. At sa kahit pa man anong tawag ng iba tulad ng nanay, mama, mommy, mudra, ermats,o kung ano pa man, marami ding kahulugan ang bumabalot dito. Kailangan bang may anak kang galing sa iyong sinapupunan para matawag kang nanay? Dapat bang may batayang edad? May requirements bang dapat gawin muna? Kung oo, edi ibig sabihin hindi ako pasado sa inyo para tawagin ko ang sarili ko na isang ina, pero sa isang saglit, naramdaman ko kung paano maging isang nanay sa mga batang hanggang ngayon inaalala ko.

Sa Lungsod ng Marikina, mayroong isang Foundation na kumukupkop sa mga batang iniwan o kinapos sa pagkakaroon ng isang pamilya. Mayroong, kapapanganak pa lang sa kanila, iniiwan na sila sa pinto ng foundation na ito. Mayroon ding kapos sa buhay ang kanyang pamilya kaya't imbes na mahirapan ang bata sa kabuhayan nila, mas pinili na lamang ng mga magulang niyang doon na lamang siya mamalagi. Mayroong napulot na lang, ipinakiusap at kung anu-ano pang dahilang nakalulungkot pakinggan. Nguni't sa kabilang dako, nakatutuwang malaman na mayroong mga organisasyong nais yumakap sa mga anghel na ito at handang bigyan ng kanilang pangangailangan lalo na ng pagmamahal. At isa dito ay ang aming napuntahan noong April 9, 2011, ang Cribs Foundation, Inc.

Ang Foundation na ito ay madali lamang makita.
Samakatuwid, pwede mo siyang lakarin galing River Banks.

Paalala: Kung gusto mo mag-volunteer, magbaon ka ng white t-shirt at medyas. Baunin, wag munang suotin. ☺

Nang magpunta kami doon, hindi namin naisip na magiging malakas ang epekto nito sa amin. Pupunta kami doon, mag-aalaga ng bata tapos uwian na. Ganun lang ang iniisip namin. Pero iba pala. Nagbigay iyon ng walang kapares na saya at libu-libong inspirasyon sa aming tatlo.

Sa paghakbang ko sa silid kung saan nandoon ang mga batang isa hanggang 4 na taong gulang, napangiti na agad ako. Una kasi, mahilig ako sa bata. Pangalawa, ang dami nila. At pangatlo, ang cute nilang lahat. Unang lumapit sa akin si baby Anton, apat na taong gulang siya. May hawak siyang libro sabay turo sa mga litrato. Binasahan ko siya ng mga kwentong pambata (with actions and sound effects) habang nagpapaulan 'yung bibig niya. Kapag feeling ko distorted ang expression ng mukha ko kakakwento, tatawa siya. Tipo ng tawang mapapangiti di lamang labi mo kundi pati puso mo.

Nilukot ko na mukha ko, nagduling-dulingan at kung anu-ano pa. Maliliit na bagay na nakapagpapangiti sa mga batang wala pang muwang sa mundo'y pinagkaitan na ng pagkakataong makasama ang taong nagluwal sa kanila. Tuwing naririnig ko ang hagikgik ng mga anghel na ito, hindi ko maiwasang isipin kung bakit natitiis ng mga ina nila na pabayaan sila o di kaya'y iwan sila dito.

Habang naglalaro kami ni baby Anton, nakatingin naman sa amin si baby Jeffrey. Limang taong gulang na siya at ayon sa kawani ng Foundation, may aampon na sa kanya. Kinarga ko siya at tinabi kay baby Anton. Agawan sila ng laruan, kaya ako naman, si awat. Kaaawat ko sa kanila, ako ang binato ni baby Jeffrey ng hawak niyang kotse-kotsehan, sapul ako sa ulo. At para hindi matamaan si baby Anton, niyakap ko siya, pero ang ganti? Sinipa niya ako sa baba. Ang sarap nila maglambing no?

Pero walang sukuan. Sa pagiging ina, habang buhay mo silang dapat mahalin. Saktan ka man ng mga anak mo ng kahit ilang beses at kahit anong sakit ang ipadama nila sa'yo, dapat maging ina ka pa din sa kanila. Ano ba naman ang sakit ng bukol at sipa sa baba kumpara sa mas malalaking sakit ng naparamdam ko sa nanay ko?

Nang kakain na sila, may mga umiiyak namang mga bata, ang hirap! Hindi mo alam kung sino una among lalapitan para patahanin. Kung pwede lang silang pagsabay-sabaying kargahin at kung kaya ko lang, bakit hindi, di ba?

Nakapagpatulog din ako ng tatlong mga anghel. Kaya sumakit ang bisig ko, kasi mabibigat sila. At kapag ihihiga mo na sila sa kuna, iiyak nanaman sila. Magpatulog pa lang pala, mahirap na. Pero iba ang pakiramdam kapag nakikita mong mahimbing silang natutulog. Matik, ngingiti ka! ☺

Dalawang oras lang ang nakalaan para sa mga volunteers, kaya ng 4pm na, parang ang bigat sa dibdib na iwan silang lahat. Ang hirap na nilang bitawan, ang hirap ng umalis. Pero bakit ganun ang nangyare sa kanila?

May mga dahilan, may mga palnong nakalaan na para sa mga batang ito. At marahil, isa sa mga dahilan kung bakit sila nandito ay dahil dito sila mas makararamdam ng pagmamahal at pag-aaruga. Dito sila mas magkakaroon ng maliwanag na kinabukasan. At dito sila tatanggapin ng buong-buo at yayakapin ng mahigpit.

Walang patid na saya ang nasa puso naming tatlo noong araw na iyon. Tiyak babalik pa kami sa lugar na iyon, hindi lang kaming tatlo kundi marami na kaming kasama. Naisip ni Ate Marj na bumuo ng isang samahang magvo-volunteer sa nga ganitong organisasyon. At ang Cribs Foundation ang una naming babalikan. Kahit pa ilang daang beses na mabato ng mga kung anu-anong laruan o masipa sa kung saang parte ng katawan.

Okay sa alright ang dalawang oras na pagiging ina.




Kung gusto mong mag-volunteer o mag-donate, click here!


Bagong Salta sa PUP

Gaano man kaliit o kalaki ang ekwelahang papasukan mo, talagang mangangapa ka sa umpisa. At sa mga mata ng nauna na sa'yo doon, alam nilang bago ka. Pwedeng dahil sa damit na suot mo, sa kilos mo, sa mga dala mo, kung saan ka nakatambay o sadyang alam lang nila kasi napandaanan na nila iyon.



Pila Ulit Pila - hindi na ata mahihiwalay ang mga salitang iyan sa Polytechnic University of the Philippines. Mula sa pag-aasikaso sa enrollment, hanggang sa maka-graduate ka, yan ang dadanasin mo. Iyan ang unang itatanim mo sa utak mo kung gusto mong mag-aral sa PUP. Huwag ka nang magugulat kung ang pila para lang magbayad ng tuition fee ay aabot hanggang 5th floor. Sadyang ganoon kadami ang mga estudyante na nag-aaral dito, mantakin mong sa kursong tinapos ko, ang populasyon namin ay pwede nang bumuo ng isang Pamantasan. Pero kung talagang dadaanin sa tyaga, matatapos mo yan ng isang araw. At siguraduhin mong ang pinipilahan mo ang tamang pila.

Lipana na din ang mga mag-aaral na dinadaan sa daya ang pila, kaya alerto ka din, wag ka papalamang.
  • Merong pipila dyan na isa o dalawang tao at kapag malapit na sa cashier, magdadatingan na ang buong klase nila.
  • May dadaang kakilala iyong nakapila at biglang magkakakwentuhan sila, hanggang sa malaman mong sumisingit na pala sa pila ung isa.
  • May makikiusap sa'yo na pasingitin ang kaibigan nila, ikaw pa ang tatarayan.
  • Bobolahin kang kailangan nilang mauna dahil sa mga rasong ikaw na humusga kung kapani-paniwala.
Pananamit. Simple lang manamit ang mga estudyante dito. Kaya kapag first year ka, halatang halata lalo kung pa-impress ka. Pwedeng magtsinelas, mag-shorts, magsando, long sleeves, pantalon, t-shirt, palda o kung ano pang gustuhin mo. Pero ikaw, ano ba dapat at tamang suotin kapag pumapasok? ☺ Wag lang OA.

Kung walang tyaga, walang nilaga. Bawal ang tamad. Bawal ang late. Bawal ang petics. Bawal ang pasaway. Bawal ang magreklamo sa professor. Bawal sumali sa mga organizations sa school. Bawal ang hindi seryoso. - Bawal daw, pero hindi kumpleto ang Kolehiyo kung wala yang mga yan. Pero nasa iyo kung saan ka magpapadala sa mga gagawin at pipiliin mo.

Organizations. Kakapasok mo pa lang ng gate sa Mabini Campus, sasalubungin ka na ng iba't ibang org. member/s. Payo lang, maging mabusisi sa layunin ng mga samahang ito. Wag makuntento sa sinasabi lang sa'yo - magtanong ka, magmasid at kumalap ng impormasyon - huwag basta-basta mahihikayat sa nadidinig lang.

Tambayan. Hindi lahat ng lugar sa loob ng campus ay pwede mong tambayan. MAGBASA KA! Hindi naman delikado, pero mas magandang alam mo kung hanggang saan ka lang pwede. Mas okay nang alam mong hindi ka lumalaspas sa teritoryo ng iba. Dahil nagkalat ang mga organisasyon, nagkalat din ang mga pwesto nila.


Madalas, sa lagoon kami tumatambay.
Mukhang mabaho kung iisipin, pero hindi. Minsan lang. LOL


Pylon. Hindi lapida ang makikita mo sa gate, mukha lang, pero hindi. Si Pylon yan - ang PUP marmol. At maniwala ka sa akin, buhay na marmol yan. ☺


The Catalyst. Maging updated sa loob ng campus. Wag mahiyang kumuha ng dyaryong pinaghirapan ng kapwa mo Isko/Iska. Marami kang malalaman sa iilang pahinang yan.

Mabini Campus. Hindi kailangang kabisaduhin ang iba't ibang parte ng campus. Dahil sa paglipas ng ilang araw, malalaman mo na din yan ng kusa.

Obelisk

Gymnasium

Catwalk

Mabini Shrine

Mabini Campus - Academic Building

PUP Mabini Campus Soccer Field.
Dun pa. HAHA. May gate na yan ngayon. Pero noong batch namin, wala.

Freedom Plaza

Left Side bago pumasok. Exit Area.
Pansinin mo yang nasa pader na yan. Alamin mo kung ano yan.
Magiging assignment mo yan. ☺

Nasa Freedom Plaza ang flagpole.
Every Monday, tinataas ang bandila.

Ninoy Aquino Learning Resources Center
Yan ang ating Library. Pumasok ka para magkalaman. ☺
Kung gusto mo ng sample ng mga thesis, ito ang best place.
Andito din ang Bulwagang Balagtas.

Amphitheatre
Tabi lang ito ng lagoon.
May mga event na dito ginaganap.

Linear Park. Masisilayan mo ang Ilog Pasig doon. Sa likod ito ng Charlie Building.
Charlie Building. Andyan ang Guidance Office.
Chapel. Tapat ng North wing Odd numbers.
Admin. / Cashier. South Wing.

Wag mo ding palalampasin ang dumaan sa spiral/dome. Paborito naming doon dumaan lalo't hindi pa late.

Hindi lang sa College n'yo pwedeng magrent ng projector, meron din sa Coop.

Masarap tumambay sa 6th floor, North wing. Pero kapag maulan, best spot ang East wing lalo sa 4th floor.

Wag malito. North, East, West, South Wing lang ang direksiyon ng building sa Mabini Campus. At bawat wing, odd at even yan.

Kapag ang nasa Regi form mo TBA ang room, ibig sabihin non, maghanap na kayo ng room na forever vacant sa oras ng subject n'yong yon. Para hindi kayo maghahanapan tuwing dapat nagle-lesson na kayo. Marami sa 5th floor.

Ang Claro M. Rect Hall ay wala sa NALRC, nasa Main Building lang yon. 6th floor. South Wing.

Hindi lang sa Open field at Gym pwedeng mag-P.E., pwedeng sa CEA. (College of Engineering and Architecture). Kung hindi ka naman tamad, pwede mo nang lakarin 'yon galing Mabini Campus. Pag labas, kaliwa, diretso. ☺

PUP- CEA- Anonas St. cor. Pureza St.
Bago makarating ng CEA, madadaanan n'yo muna ang building ng MassCom.

PUP Jasmin - HRM and Tourism Building.
Malapit ito sa Nagtahan.

Marcelo H. del Pilar Campus

Antique House
Tapat ng CEA.

College of Technology
Tapat ng Antique House.

Maraming masasarap na kainan sa Teresa - ang kalyeng nilalakad mo mula court hanggang gate ng Unibersidad. Isa don ay ang Garden. Pero kung hanap mo masarap na siomai, sa Papus ka kumaen. Kung masarap na shake naman at lechong kawali, sa foodcourt ka pumunta. Kainan iyon bago ang V.Francisco Street. Winner ang mangga ni Manong na nakapwesto sa tapat ng water station. Babalik balikan mo naman ang lamig ng buko juice sa may kanto ng Teresa, pagkatapos mong kuamen ng yummy na isaw sa tabing pwesto nito. Pagkatawid mo ng riles, masarap naman ang sizzling na tinitinda doon, right side ng kalye. At ngayon, marami nang mga bagong bukas doon na patok talaga. Pero kung tinatamad kang lumabas, masasarap at abot-kaya ang bilihin sa North Wing. Sulit ang buy one take one burger ni Ga at fruit shake ni Ganda. Kilalanin niyo sila. ☺Sa East Wing, bandang dulo, marami ding masasarap na ulam ang tinitinda doon.

Ang sarap ng timpla ng fruit shake ni Ganda.


Computer rental, xerox, calculator rental, scan, print, school supplies - pwede nang hindi ka na lumabas. Lahat nyan meron sa West Wing. Suki kami ni Ate May dyan. ☺

Pisong tubig? Pwede yan sa ATM (Automated Tubig Machine).

Isapuso ang Imno ng Paaralan mo. Wag mong balewalain yan, kailangan mo yan bago mapirmahan ang clearance mo.

Imno ng PUP

(S. Calabig, S. Roldan, and R. Amaranto)

Sintang Paaralan

Tanglaw ka ng bayan

Pandayan ng isip ng kabataan

Kami ay dumating nang salat sa yaman

Hanap na dunong ay iyong alay

Ang layunin mong makatao

Dinarangal ang Pilipino

Ang iyong aral, diwa, adhikang taglay

PUP, aming gabay

Paaralang dakila

PUP, pinagpala

Gagamitin ang karunungan

Mula sa iyo, para sa bayan

Ang iyong aral, diwa, adhikang taglay

PUP, aming gabay

Paaralang dakila

PUP, pinagpala


Kada buwan, minsan linggo, mayroong nagdiriwang ng College Week. Kaya kung sino man ang may klase ng 8 ng umaga, wag na manibago sa ingay ng mga estudyante. Bawi ka na lang sa Week ninyo. ☺ Posibleng isang linggong walang pasok, puro activities lang. Sumali kayo. Kung hindi naman, suportahan mo ang mga kaklase mong sasali. Parang ako, taga nood at taga-tili. HAHAHA.

MK 2D at MK 3N
Pandacan Court (Kanan)

Mga taga-tili at mga mapang-yamot sa kalaban.
Talo agad ang pikon. ☺

Pandacan Court (kaliwa)

Kung gusto mong karirin ang pagiging supporter mo, karirin mo na din ang pagsama sa paiba ibang venue. Lalo kung basketball ang usapan at CB Marketing ang kurso mo. Mapapadpad ka sa Bacood, Pandacan, Pureza, Teresa at kung saan pang pwede.

Alam mo ba kung saan ang PUP Annex? Sa SM Sta. Mesa. Kaya masanay kang sumakay ng patok. Ang mga jeep na sasabog sa lakas ng volume sa pagpapatugtog at parang walang bukas kung magmaneho ang mga tsuper. Bawal ang sabit, titilapon ka. Lalo ang byaheng Stop n Shop - Cubao. Bawal din magkwentuhan, hindi kayo magkakarinigan. :P

Mapapansin mo naman agad kung patok ang isang jeep. ☺

Isa sa mga nagpakumpleto ng pagiging batang Teresa ko ay ang pagsakay sa trolley. Yan ang sasakyan papuntang Pandacan. Imagine kung may kasalubong kang tren tapos nataong nasa ma bandang ilog ang trolley. Ang saya..


Wag kang mabibigla sa mga nakapaskil na paghihimutok ng ibang estudyante. Normal lang yan. Freedom Wall ang buong dingding ng building. LOL. Mayroong pang Black Friday o Walk-out Day. Ikaw ang bahala kung sasama ka o hindi. Masanay ka na din sa mga nagra-rally na umiikot muna sa bawat Wing ng building. Bandwagon. Wag mo silang huhusgahan, may malalim silang dahilan. At may mga dahilan din silang talagang pinag-aralan. Respeto lang.

Videoke. Kung ayaw n'yo nang lumayo, meron lang sa Teresa. V.Francisco Street, kanang side kung galing kang PUP. :) Meron din naman sa Pureza, sa may El Capitan.
Note: Wag matuksong mag-vandal doon, malalaman ng buong school na nag-session at nag-videoke kayo. :P

Wag nang tumambay sa 6th floor at lagoon kapag gabi na. Baka makasaksi ka ng live show. o.O Tsaka madaming lamok, baka magka-dengue ka!

Pylon Run. Tuwing October yan. May tumatakbong nakahubad (Parang sa UP). At sa apat na October ko sa PUP, hindi ako nakanood. HAHA! Sayang.

Kung 7am ang unang klase mo at sa 6th floor ka, goodluck! ☺ Mawawalan ka ng glamour sa pagpanhik. Wag mo nang tangkaing mag-elevator! Exercise! :)

Kung may add subject/s ka, asikasuhin agad ang ACE Form. Bawal ang mabagal, baka maubusan ng slot.

Aircon-tinous ang PUP. Kaya magdala kang pamaypay. Presko kung sa West Wing ang klase mo.

Ferry. May station ng ferry sa PUP. ☺

Marami ng bago ngayon sa Sintang Paaralan, may Great Wall na na hindi na namin naabutan. Oo, mas maganda na ngayon, in short. Pero sa mga bagong salta, pare-parehas lang naman ang pinagdadaanan. Wish ko lang, maging Professor n'yo sa ObliCon si Atty.Melchor, si Sir Sebastian sa History at Lit., si Sir Gutierrez sa Logic at ang mga iba pang magagaling sa larangan ng pagtuturo. ☺☺☺ At wag n'yo akong isusumpa pagkatapos.

Pamantasang Utak ang Puhunan.

Wednesday, June 8, 2011

Masarap Masaktan.


Masakit sa umpisa pero masarap kapag tumagal na, kasi natututo ka na. Tamang balanse lang sabi nila, pero bago ko nakuha ang pesteng balanse na yan, dinagsa muna ako ng pasa sa tuhod, sumakit muna ang katawan ko. Pero kahit masakit na katawan ko, masaya naman ako noong natapos. Una, sumasakay sakay lang ako hanggang sa ako na ang nagpapatakbo. Sabi nga ng nagturo sa akin, ang bilis ko daw matuto. ☺

April 11, 2010, hindi ko naman yun first time. Naturuan at nasubukan ko naman na iyon noong 8 years old ako, pero dahil hindi naman iyon pwede sa bahay, sa hindi ko alam na dahilan, hindi ko naman na-practice. Pero dahil sa biglaang aya at katuwaan, ito na, sabak na sa bakbakan sa QC Circle.

Pero bago ang matinding pagtuturo, exercise daw muna kami, kaya nagbadminton muna kami. At sa di inaasahang pagkakataon, nakilala namin si Lolo Jorge. Lagi siyang naglalaro sa Circle tuwing Linggo. Never underestimate people. Naloka kami kay Lolo. He's 70 or 80 plus years old pero sinisiw kaming tatlo. 1 vs. 3 ang laban. Tapos after 30 minutes, time out muna kami para uminom tubig pero siya ni hindi ata pinagpapawisan. Siya ang lolong chillax lang habang naglalaro. Na kahit nakaupo siya maglaro, talo niya kami.



Sabi nila, ito ang warm-up namin bago nila ako turuan. HUHU. Sumakit na agad katawan ko kay Lolo. Pagkatapos ng halos apat na oras, sumuko na kami. At pinagtawanan kami ni lolo at tinanong kung may bisyo ba kami.

"Wala po! Halimaw lang po talaga kayo sa energy!"
"HAHAHA! Ibabalik ko lakas niyo."

Nagtaka naman kami bigla. IBABALIK ANG LAKAS NAMIN.

"Paano po?"
"Ipagdadasal ko kayo. Pumikit kayo!"

Pikit naman kami, at nagdasal kaming lahat. Hindi ko na mataandaan kung naging effective ba yung ginawa namin. Pagkatapos non, may pinabasa siyang article tungkol sa katapusan ng mundo. Kaya napunta na sa religion ang topic namin. Kanya-kanyang opinyon naman pagdating sa bagay na iyon. Kaya iginalang namin ang bawat sinabi ni Lolo. Naniniwala naman kami, lalo sa sinabi niyang nasa paligid lang lagi si Jesus, makapangyarihan at alam lahat. Oo naman, di ba nga 3 O's SIYA - Omnipotent, Omniscious, Omnificient. ☺ Para kaming nakarinig ng Homily kay Lolo. Linggo nga pala kasi.

Sabi ni Lolo Jorge, wag daw kaming magugulat kasi sa picture, malaki talaga tenga niya. Weird na creepy, pero totoo, hindi ganyan kalaki / kahaba ang tenga ni Lolo.

Pahinga muna saglit at nagpalamig. Eto na yung hinihintay ko. Tuturuan na nila ako mag-bike. ☺ Sorry! Loser na kung loser, ayaw kasi ako pagbisikletahin noong bata ako. Kaya number 2 ko sa Bucket list ko ang mag-bike.

Nakakaloka silang tatlo, ako pinakuha nila ng bike. Syempre ayoko magdunug-dunungan, ayun hindi ko na alam paano. TANGA lang eno. HAHA.

Angkas muna at magmasid kung paano - yan ang unang pinagawa sa akin. Inikot namin ang Circle ng tatlong beses bago nila binigay sa akin ang manibela. Takot ako masugatan, kasi matagal gumaling, ni magkapasa. Pero sa tulad ng ganitong gusto ko talaga, okay lang masugatan ng maraming beses kasi alam ko dun ako matututo. Sabi ko pagalitan nila ako kung mag-inarte ako. HAHA! Sa unang angkas ko, masaya. Kahit na hindi mo kontrolado ang direksiyon mo, kasi nga, hindi ikaw ang may hawak ng manibela. Pero noong tinuturuan na ako, masarap din pala na ikaw ang magpatakbo - ikaw na ang may kontrol. Pero dahil naka-focus ako sa gulong, hindi ko alam nabubunggo na pala ako. Takot akong alisin ang tingin ko sa gulong kasi baka sumemplang ako, pero ang hindi ko naisip, mas mapapahamak pala ako sa ginagawa ko. Ang mas masama, makabunggo ako ng tao - hindi lang ako ang nasaktan, nakasakit pa ako ng iba.

May akay pa ako.

Bahala na daw ako. :|

At dahil kasama ito sa 'pinapangarap' kong gawin, kailangan may documentation. LOL. Para malaman n'yo ang ka-chorvahan ko sa pagba-bike, click mo to --- 1st Attempt: ang batang sa gulong naka-focus.

Bakit ba lagi akong patagilid?

May preno nga pala ang bisikleta, yan ang nakalimutan ko. Na-enjoy ko ang pagpepedal, sa mabagal hanggang sa mapabilis ang takbo. Nakalimutan kong pwede pa lang huminto kahit hindi ka nababangga at nakakabangga.

--> 2nd Attempt: Naawa ako sa puno. Masyado akong natuwa na napapaandar ko na mag-isa ng bisikleta, pero gayun pa man, nawalan ako ng kontrol kahit pwede naman.

--> Marunong na ako! Marunong na ako. Marunong na ako magpaandar, magpreno at magkontrol ng bilis at bagal. Pero kulang pa din. Ano? Ang lumiko at ang bumalik. Puro lang ako pasulong.

Una kong semplang!

Ang dahilan ng una kong semplang ay dahil sa pesteng batong hindi ko napansin. Nagalusan ako pero natawa na lang. Sa dinami-daming pwedeng maging dahilan ng pagkasemplang ko, isang hindi kalakihang bato pa! Kahit pala anong ingat mo, dadating talaga yung pagkakataong masasaktan ka. Kahit pa nasa kalagitnaan ka na ng 'masaya kang natututo', hindi imposibleng sa maliit na bagay, pwede kang bumagsak. Pero dalawa lang yan, titigil na ako at gagamutin ko ang sugat o tatayo ulit ako, magiging masaya sa natutunan ko at hahayaan kong gumaling ng kusa ang sugat. ☺

Salamat sa mga matyagang nagturo sa akin:
Kay Xandy na inangkas at inakay ako hanggang makayanan ko nang mag-isa. Na laging nagsasabing "Kaya mo yan! Sa harap ka tumingin, wag sa baba."

Kay Mish na sinasabayan ako at inaabangan ang highlights ng mga galaw ko. SABAW KA! :P Ang utak ng pag-aaya. Ang laging nagsasabing, matututo din ako, kasi alam niyang gusto kong matuto.

At kay Urban na walang ginawa kundi asarin at saktan ako. Hahaha. Bwiset na bata ka! Pero sabi nga niya, may mga bagay na kailangan nasasaktan ka muna. Swerte ko na bilang lang ang semplang ko. Swerte ko, binti at tuhod lang ang nasaktan sa akin. At swerte ko, may mga kasama ako. May iba kasi na mag-isa nilang natututunan ang mga bagay na gusto nila, kaya yung iba, hindi masyadong naeenjoy.

Ang dugyot ko lang di ba? Ang tuhod, dilubyo!

Fresh pa, after ilang oras, nag-iba na kulay nyan.

PASA!

Pakiramdam ko ang exag ng pagkakasakit ng binti ko noong araw na yon. Pero mas exag ang mga pasa ko nung nag-iba na kulay nila. Pero kapag naiisip ko ang dahilan ng mga pasang yan, ngingiti lang ako at matutuwa na lang.