Bakit ba sa mga palabas ngayon laging may karibal? Ang masaklap pa dyan e ang karibal na yan e kaibigan mo. Kung hindi naman, isang matinding makapit na third party. Bakit sa mga post o blog, lagi na lang tungkol sa relasyon? Relasyong malungkot, magulo, malabo. Bakit hindi na lang tungkol sa pamilya, relihiyon, edukasyon o gobyerno? Bakit puro tungkol na lang sa love life. Kapag iba ang topic, sasabihing boring. Pero kapag tungkol na sa pag-ibig pag-aaksayahan ng panahon, laging nagbibigay ng interes sa'yo. Doon lang ba tayo dapat may pakialam? Yun lang ba dapat natin pag-isipan, problemahin at hanapan ng paraan. Puro na lang love life. Hindi ba pwedeng about life with love? :)
Bakit mo ba ito binabasa? Dahil ba sa labels, title o bigla mo lang nakita at naisipang basahin. Hindi ka pa sawa na halos lahat ng post ko lagi na lang tungkol sa pag-iibigang naudlot, nawala, nasira. Halos lahat sasabihing nakakarelate sila. Kaya maraming nag-iisip na pare-parehas lang ang mga tao. Oh well.
Ehem. Kung napapaisip ka ng, "Oo nga. Wala bang bago?" Pwes, layas! Wag mo nang ituloy ang pagbabasa mo. :D
Bakit nauuso ang third party? Sa movie magkakasunod ang palabas ng may mga ganitong tema. At nakakaloka, na marami nga ang nakakarelate. E, bakit ba nangyayare yun? Ito ang mga dahilan ng kinauukulan:
- Sa sobrang tagal na ng kasalukuyang relasyon, naghahanap ng bagong pakiramdam. Bagong kilig. Bagong landi.
- May mga bagay na sa ibang tao o yung 3rd party yung nagparamdam sa'yo.
- May mga kakulangang sa iba natagpuan.
- Hindi maramdaman yung contentment sa sarili, sa relasyon at sa iba pang kabagayan.
- Okay ng may reserba para hindi mawalan.
- Natukso LAMANG!
- Pinagseselos ang taong talagang gusto niya/ Paraan ng pagganti.
Isang matinding landian lamang. Para sa iba, natutuloy na din naman sa magandang relasyon. Aba'y akalain mo. Pero mas malaki ang porsyento na mapupunta lang din ito sa wala. Marami pa sa mga nakaranas nito, mas nasaktan lang. Olats nga kumbaga. Wala na bang totoo sa panahon ngayon? Lahat na lang ba pambobola at biro? Lahat ba may bahid na ng panandaliang pakiramdam lamang? Kailangan bang may masaktan at manakit? Kailangan bang kalimutan ang tama para magawa lang ang ilang bagay na panandalian mo lang mararamdaman? Sapat bang magsakripisyo ng maraming bagay para sa hindi mo siguradong emosyon? Kaya mo ba talagang bitawan ang matagal mong pinaglaban para sa lang sa kaunting panahong 'bagong pakiramdam?'
Sino ang may kasalanan? Ang tumukso o ang nagpatukso. Sabi nga, hindi dapat pinipigilan ang tukso.. dapat dito, iniiwasan. Wala naman marupok sa tukso. Kung alam mo namang mali o di dapat, bakit mo pa gagawin? Oh yes, easy to tell. Tulad nga ng gasgas na sinasabi ng marami, palay na nga lumalapit sa manok, di pa ba tutuka? Nakahain na, sinubo na, nganganga ka na lang.
Minsan, nakakainit na lang ng ulo at nakakakulo ng dugo ang mga ganitong usapin. Kahit naman anong salita ang sabihin mo, sumang-ayon man o hindi, sariling desisyon mo pa din naman ang masusunod sa huli. Minsan, masarap lang sa pakiramdam na may mga taong nakakaalam ng talagang nararamdaman mo. Na kahit alam mong di tama, may mga tao sa paligid mong ituturo sa'yo ang daan pabalik.. hahayaan kang matuto sa sarili mong paraan, sa sarili mong pagkakamali. Pero wag naman sana mawili, na paulit-ulit na piliing magkamali.
Bakit ba paulit-ulit na lang ang mga nababasa natin? Malamang sa malamang naman alam na natin itong lahat.
No comments:
Post a Comment