Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Monday, May 13, 2013

Tayo: Big Word.

Ikaw At Ako.

May ikaw at ako, pero walang tayo. Umaasang meron pa, pero sadyang hindi na mababago. Maraming kumento ang mga kaibigan. May nangangaral, tamang nagpapayo lang, nakikisipatya kuno, may galit na sobrang apektado, at merong 'ah.. okay.'
  1. Wag daw magsasalita ng tapos, dahil wala daw nakakaalam ng pwedeng mangyari sa hinaharap.
  2. Malay mo kayo pa din sa huli, kailangan nyo lang magkahiwalay para sa sinasabing 'growth' at 'maturity.'
  3. Hayaan na. Ibig lang sabihin na hindi kayo para sa isa't isa.
  4. Wag sumuko. Malay mo, binubuo niya sarili niya para din sa'yo.
  5. Hayaan mo lang mapagod ang sarili mo, hihinto ka din.
  6. Tanggapin mo ng wala na.
  7. Wag maging tanga. Madaming pwedeng ipalit.
  8. Sabi ko na eh, pare-parehas lang sila.
  9. Hay.. sayang.
  10. Kung mahal mo pa, ipaglaban mo.

Oh well, papel. Sana lahat ng bagay pwedeng gawing batayan ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sa lahat ng pagkakataon pwedeng gawing rason ang pagmamahal. Pero hindi. Sana sapat na pagmamahal na lang... period. Pero hindi.

Pero paano nga kung kayo pala talaga tapos sinukuan mo lang. Paano kung may pag-asa pa pala pero hindi mo na sinubukan. Paano kung babalik pa talaga pero hindi mo na hinintay. Paano?

Marami ang takot, kaya marami din ang malungkot. Takot bumitaw kahit yun na ang dapat gawin. Takot daw masaktan ulit, pero sa ginagawang pag-iwas doble ang sakit na nararamdaman. Self-inflicted pain.. hindi ba pwedeng self-inflicted kilig na lang?
 
Mayroong iba na todo ipaglaban na baka sila pa din talaga. Kasi daw single pa din kayo pareho. Pero kasi, may mga pagkakataong tayo na lang ang nagpapaasa sa sarili natin. Mga sarili na lang natin ang pumipilit, pero sa kahit anong anggulo mo tignan, wala na talaga eh.

Mayroon ding sobra ikulong ang sarili sa nakaraan, tapos mag-e-emote at magtataka na bakit ang tagal-tagal ng panahon eh nasasaktan pa din. Ang daming panahon ang sinasayang na imbes maging masaya, hinahayaan ang sarili na maging tanga. Mahalin natin ang mga sarili natin, para mahalin din tayo ng iba. Lahat naman ay nagsisimula sa mga sarili natin. Hanap tayo ng hanap sa iba, yun pala sa sarili lang natin makikita.

Mayroon din na halos isemento ang paligid, maproeteksyunan lang ang sarili sa sinasabing "hindi pwedeng emosyon." At mayroon din namang okay ka na, moved on ka na, pero ang mga tao sa paligid mo ang hindi maka-move on sa nangyari sa'yo. Pamilyar na tayo sa linyang: "Paano ka namin matutulungan kung mismong sarili mo ayaw mong tulungan." Pero sana alam din natin ang linyang: "Paano ko lubusang matutulungan sarili ko kung yung mga taong gusto akong maging okay, ay hindi naman naniniwalang pwede akong maging okay." Konting kibo't kilos, iuugnay at iuugnay sa mga bagay na hindi naman na dapat. Friends, move on, move on din pag may time. :) Nakaka-jejemon. Jejeje.

Oo, hindi naman madaling makalimot sa mga bagay na napasaya ka. Pero kasi, hindi naman dapat kalimutan 'yon. Nakaraan mo 'yon.. sabihin man nating hindi naging maganda ang resulta, eh marami ka namang babauning aral. Ang mahalaga ay makita mo ang saya sa sakit, ang ngiti sa mga luha, at aral sa mga pagkakamali. Naalala ko yung nabasa ko noong isang araw, "Kung nadapa ka ng siyam na beses, bumangon ka ng ika-sampung ulit."Okay lang umiyak, basta't alam mo kung kailan ka hihinto. Naramdamam mo mang hindi ka na buo, darating ang panahong mabubuo kang muli. Wala namang hindi nahihilom ng panahon.. basta't hindi mo hahayaang bulukin ka ng sakit. At kasama ng lumilipas na panahon, gumawa ka ng paraan para tuluyang mawala ang langib. Minsan mas magandang hindi mo lagyan ng band aid, makakahinga yung sugat.. mas mabilis gumaling.
 

(Larawan mula sa google.)

Kalma. Hindi Naman Ako Nagmamadali.

Pangarap kong tumanda.. at may ka HHWW. Pa-sway-sway pa kahit masakit na ang buto-buto. Sabi ko nga, sana buhay pa si Willie Revillame at ang "pang masa niyang programa sa tv" para makasali sa Will of Fortune kapag kulubot na balat at bingi na ako. Pipilitin ko ang asawa ko kahit yun pa pag-awayan namin. Madalas kasi yung segment na ang contestant eh yung mga 50 years ng kasal at magkasama pa din. Pangarap ko yun. Pangarap kong may kasamang tumanda. Pangarap kong ikwento sa mundo ang istorya ng pag-ibig ko. At pangarap kong mayakap si Will, mabigyan ng jacket, makita sa tv, at sabihing.. "Sa mga kapit-bahay ko dyan.. ARTISTA NA AKOOOOOO!!"


Etong boss ko, halos araw-araw kami tanungin kung bakit wala kaming boyfriend. Tinatanong kung anong tipo namin sa lalaki. Bale tatlo kaming babae sa opisina na kinukulit ni Sir. Sabi ni Angie, gusto daw niya sa singkit. Sabi naman ni Aileen, gusto niya sa lalaking lalaki ang dating. Ako naman.. gusto ko, sa tingin pa lang eh.. mabango na. Tapos sabi niya, irereto daw niya kami sa mga construction worker sa gumagawa sa baba ng building namin.

Naalala ko pa, lagi kaming over time dahil sa dami ng dapat tapusin. Maski sabado pumapasok kami. Noong nakaluwag luwag kami, tuwang tuwa si Sir. Linya niya, "Good! good! Buti yang di na kayo nag-o-ot. Gusto ko hindi lang kayo puro trabaho. Pano kayo magkaka-boyfriend nyan kung lagi kayo may ot. Hindi na kayo pabata. Maganda yung may inspirasyon kayo. Nakakaganda din yun sa outcome ng trabaho. Sa Sabado, mag-mall kayo.. maghanap kayo ng lalaki."

Yung lalaki kong bestfriend, inuusisa na din ang lovelife ko. At ang conclusion nya sa akin, bagay daw sa akin eh seaman. At ngayon pa lang daw, sinasabi na niyang mahihirapan ako kaya simulan ko na manligaw. Ligawan ko na daw si Racini. Aba eh ayoko. Sa ganung bagay eh makaluma pa din ako. Gusto ko yung nililigawan at sinusuyo. Tapos sabi ng bestfriend ko: "Confirmed! Mahihirapan ka nga. May tendency kang tumandang dalaga. O kaya matanda ka na mag-aasawa."

Noong nagsisimula nang pag-usapan ang pag-aasawa, sabi ko pag 25 na ako, gusto ko kasal na ako non. Eh ngayong 23 na ako, para atang nagmamadali naman ako masyado noong sinabi ko yun. Halos dalawang taon na lang ang dadaan eh ni boyfriend wala ako. Hala ka!
Tuwing may gala o kitaan, lagi akong tampulan ng asaran na wag akong sumama kapag wala akong kasamang boyfriend. Sweet ng friends ko no. Superb!

Choosy. Mataas ang standard. Tibo. Manang. At kung anu-ano pa. Ang dami ng hinuha ng mga kaibigan at kakilala. Marami pang mas excited pa sa akin. Pero kasi hindi naman pumapasok sa isang relasyon para lang masabing meron kang karelasyon. Hindi naman nakakainip at nakakalungkot, kasi sobrang ang daming nagmamahal sa akin. Hindi naman din ako nagmamadali, naniniwala ako na lahat ay may kanya-kanyang perfect timing. At balang araw masasaksihan ng buong bansa pati ng may TFC subscribers.. na nag-eexist pa din ang happy ever after.

(larawan mula sa google.)