Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Monday, May 13, 2013

Kalma. Hindi Naman Ako Nagmamadali.

Pangarap kong tumanda.. at may ka HHWW. Pa-sway-sway pa kahit masakit na ang buto-buto. Sabi ko nga, sana buhay pa si Willie Revillame at ang "pang masa niyang programa sa tv" para makasali sa Will of Fortune kapag kulubot na balat at bingi na ako. Pipilitin ko ang asawa ko kahit yun pa pag-awayan namin. Madalas kasi yung segment na ang contestant eh yung mga 50 years ng kasal at magkasama pa din. Pangarap ko yun. Pangarap kong may kasamang tumanda. Pangarap kong ikwento sa mundo ang istorya ng pag-ibig ko. At pangarap kong mayakap si Will, mabigyan ng jacket, makita sa tv, at sabihing.. "Sa mga kapit-bahay ko dyan.. ARTISTA NA AKOOOOOO!!"


Etong boss ko, halos araw-araw kami tanungin kung bakit wala kaming boyfriend. Tinatanong kung anong tipo namin sa lalaki. Bale tatlo kaming babae sa opisina na kinukulit ni Sir. Sabi ni Angie, gusto daw niya sa singkit. Sabi naman ni Aileen, gusto niya sa lalaking lalaki ang dating. Ako naman.. gusto ko, sa tingin pa lang eh.. mabango na. Tapos sabi niya, irereto daw niya kami sa mga construction worker sa gumagawa sa baba ng building namin.

Naalala ko pa, lagi kaming over time dahil sa dami ng dapat tapusin. Maski sabado pumapasok kami. Noong nakaluwag luwag kami, tuwang tuwa si Sir. Linya niya, "Good! good! Buti yang di na kayo nag-o-ot. Gusto ko hindi lang kayo puro trabaho. Pano kayo magkaka-boyfriend nyan kung lagi kayo may ot. Hindi na kayo pabata. Maganda yung may inspirasyon kayo. Nakakaganda din yun sa outcome ng trabaho. Sa Sabado, mag-mall kayo.. maghanap kayo ng lalaki."

Yung lalaki kong bestfriend, inuusisa na din ang lovelife ko. At ang conclusion nya sa akin, bagay daw sa akin eh seaman. At ngayon pa lang daw, sinasabi na niyang mahihirapan ako kaya simulan ko na manligaw. Ligawan ko na daw si Racini. Aba eh ayoko. Sa ganung bagay eh makaluma pa din ako. Gusto ko yung nililigawan at sinusuyo. Tapos sabi ng bestfriend ko: "Confirmed! Mahihirapan ka nga. May tendency kang tumandang dalaga. O kaya matanda ka na mag-aasawa."

Noong nagsisimula nang pag-usapan ang pag-aasawa, sabi ko pag 25 na ako, gusto ko kasal na ako non. Eh ngayong 23 na ako, para atang nagmamadali naman ako masyado noong sinabi ko yun. Halos dalawang taon na lang ang dadaan eh ni boyfriend wala ako. Hala ka!
Tuwing may gala o kitaan, lagi akong tampulan ng asaran na wag akong sumama kapag wala akong kasamang boyfriend. Sweet ng friends ko no. Superb!

Choosy. Mataas ang standard. Tibo. Manang. At kung anu-ano pa. Ang dami ng hinuha ng mga kaibigan at kakilala. Marami pang mas excited pa sa akin. Pero kasi hindi naman pumapasok sa isang relasyon para lang masabing meron kang karelasyon. Hindi naman nakakainip at nakakalungkot, kasi sobrang ang daming nagmamahal sa akin. Hindi naman din ako nagmamadali, naniniwala ako na lahat ay may kanya-kanyang perfect timing. At balang araw masasaksihan ng buong bansa pati ng may TFC subscribers.. na nag-eexist pa din ang happy ever after.

(larawan mula sa google.)

Tuesday, April 9, 2013

Dalawang Taon Na Kami.

Matagal-tagal na din ang dalawang taon, kasi sa panahon ngayon mas marami na ang bumibitaw. Pero syempre may mga dahilan yan, at may mga dahilang hindi mo maiintidihan. Dalawang taon na ang lumipas, andyan pa din siya para sa akin, kahit sa mga panahong hindi ko man siya pinapansin. Noong nag-uumpisa pa lang kami, ang saya saya ko na kahit nakukumplikaduhan ako sa kanya, eh andyan siya palagi para sa mga kwento kong alam kong balewala lang sa iba. Dalawang taon, na kahit parang kinalimutan ko na siya, ay palagi lang siyang nandiyan kapag binabalikan ko siya.

Hindi ko namalayan na matagal-tagal na din pala akong nagba-blog. Alam ko namang hindi ko talaga mundo ito. Hindi ko naman hanap ang maraming followers o mambabasa. Hindi ko din naman hiling na makilala ako mabigyang papuri sa mga nilalagay ko dito. Wala lang! Siguro kapag magkagalit kami ng papel at ballpen at kailangan ko lang magdaldal, ito ang paraan ko. At madalas kasi, nacha-challenge ako kapag may mga nagre-request na temang pwedeng i-blog. At nakakataba ng puso kapag nagugustuhan naman ng mga nagbabasa at lalo kapag nakakatulong na pala ako. Salamat po.

Nahihiya ako kapag pinapakilala akong "blogger", dahil alam ko namang hindi. Sa tingin ko kasi, hindi porke may account ka sa blogger, tumblr, wordpress o sa kahit ano pa mang site, e matatawag ka ng blogger.

Sa pagkakatanda ko, grade 2 pa lang ako ay nahilig na ako sa panitikan.  Kaya tuwang tuwa ako kapag nagpapabigkas ang guro namin ng kung anu-anong tula hanggang sa nagsusulat na din ako, grade 4 ako noon. Mas nahasa ako sa wikang Filipino dahil noong grade 5 ako, 'yon ang lenggwaheng mas pinahubog sa akin lalo nung naging isa ako sa mga naging manunulat sa paaralan namin. Kung ang karamihan ay nagbabasa ng English dictionary, ako naman ay nagbuburo ng oras kakabasa ng Tagalog dictionary. At sa tuwing may mga salita akong gusto  kong matandaan, gumagawa ako ng tula.

Highschool,  pinasok ko na din ang essay at maikling kwento. Alam kong hindi din naman ako matatawag na magaling. Sadyang naging hilig ko na lang din siguro.

Marami ang nagsasabing may "gift" daw ako. Kaya eto, kaya pala siguro nandito ako. Gusto kasi ng bestfriend ko na dalhin ko dito ang sinasabi niyang gift ko. Hehe! Pero pagkatapos ng isang taon, bibihira ko na lang silipin ito... bumabalik pa din kasi ako sa first love ko -- sa lapis at papel.


Dalawang taon na kami.. At bakit paniking aligaga? Korni ang dahilan pero dahil sa gabi ako maraming naiisip na isulat. Na minsan sa sobrang dami, puro lang intro. Hehe. Ayoko lang din gamitin yung pangalan ko, para merong konting pag-iisip kung sino ba ang nasa likod ng pangalang walang kadating-dating. ☺

Isasabuhay ko isa sa mga araw na ito ang mga bitin kong naisulat sa notebook ko. ☺Madalas kasi kapag may plano akong magdagdag ng kung anu-ano, nauuwi ako sa pagbabasa. At nakakalungkot na ilan sa mga nasa blog roll ko eh nagsiwala na din. :(

Dalawang taon, walang kasiguraduhan kung masusundan pa ba ng isa pang taon. Baka oo, baka hinde. Pero sigurado akong magsusulat pa din ako, kahit tatlo na lang kaming nakakaalam.. ang lapis.. ang papel.. at ako.