Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Saturday, July 23, 2011

Bulag sa Katotohanan Tungo sa Katangahan.

"MAG SO-SONA PA PANGULO NATIN EEH WLA NMN NGYAYARENG MAGANDA SA BANSA NATIN.... MARAMI PADIN ANG MHIRAP TAS KUNG ANU2 PANG BATAS UNG ISINUSULONG NIYA... NKAKAINIS..... DAME MUNG GUS2NG GWIN SA PINAS PERO WLA PADIN MARAMI PADING MAHIRAP..... KAYO LANG ANG MAYAMAN EEH....."

Ginising ako kaninang umaga ng isang tanong na hanggang sa pagkain ng tanghalian ay pinag-uusapan: Umunlad ba ang bansa matapos umupo sa pwesto ni PNoy? Hindi ako nagsasalita, medyo natatawa na lang ako kasi nagkakapikunan na sila. Hanggang nakita ko ang pinagsimulan ng usapang 'yon. Isang status pala sa Facebook. Asus! Yan yung unang mababasa n'yo sa post na ito. (Inaayos ko lang yung ibang letra kasi medyo nakakairita basahin.. jejemon kasi. Pasintabi!) Kanya-kanyang opinyon tayo sa lahat ng bagay.. pero minsan nakakainis malaman at makitang maraming bulag sa paligid mo. Kahit na anong tulong na ibigay mo para makakita sila, o para maging bukas ang mata't isipan nila sa mga bagay-bagay.. pikit-mata pa din sila sa katotohanan.. sarado din ang kanilang mga tenga sa opinyon ng iba. Nakakalungkot lang din.. na kapwa mo pa ang humihila sa'yo pababa.. imbes na tulungan kang umunlad at magbago.

Binasa ko ang palitan ng opinyon sa FB status na ito.. puro kabataan. At sa mga komento ng iba, malalaman mo ang estado nila sa buhay. Tuwa, lungkot, inis ang naramdaman ko matapos ko basahin yon. At para pangunahan kayong lahat, hindi ho ako maka-GMA o maka-PNoy. In short, wala naman akong pinapanigan. Nakita ko naman ang kanilang pinagkaiba. Hindi naman ako magsasalita ng dahil lang sa nadinig ko o kung sa anumang simpleng batayan. Magsasalita ako dahil nakita ko, naramdaman ko, nasaksihan ko.

Isang taon pa lang ang nakalilipas mula ng palitan ni Pnoy si dating pangulong GMA sa MalacaƱang. Sa mga naghahanap ng pagbabago.. sa loob ng isang taon, ano ang nabago mo sa sarili mo? :)

Every term naman laging may maling mapupuna. That's why walang pag-unlad. Imbes puna ng puna, edi gumawa ka ng paraan. Isang taon pa lang ang lumilipas.. wag tayong magdali. Bansa ang pinapatakbo ng Pangulo.. maraming pamilya, maraming Pilipino, buong mamamayan ng Pilipinas. Hindi mo malalaman kung gaano kahirap ang isang bagay kung wala ka pa sa posisyon na yun. Tinanggap niya ang tungkulin niya na may pending pang problema sa nakaraang termino. Mahirap basta-basta gumawa ng sinasabi nating 'paraan' kung hindi mo man lang pag-aaralan. Hindi naman pwedeng gumawa agad ng solusyon kung hindi mo aalamin kung pinagmulan talaga ng problema. Step by step procedure yan. Mahirap magpatakbo ng bansa kung ang mga hahawakan mo hindi sumusunod at puro sisihan lang naman ang alam. Sariling katamaran at katangahan mo, isisisi mo pa sa Pangulo. Ang sakit mo sa ulo huy!

Reklamo mo.. maraming corrupt. O ayan, iniisa isa na sila. Siguro naman nababalitaan mo.

And correction, hindi nagpapasa ng batas ang pangulo. Legislative Department po yung nagpapasa ng batas-- senators and members ng House of the Representative, Speaker of the House. Ang president lang po -- the Executive Department -- yung tagapagpatupad. Judicial (Supreme Court) are the one's applying the laws at nag-i-interpret ng batas.

Mahirap sa tao puro sisihan. Turo dito, turo doon. Ituro mo minsan sarili mo, tapos gumawa kang pagbabago. Sabi nga, sa sarili nagsisimula ang pagbabago. Edi kumilos ka.. hindi puro ka salita. Lahat tayo may pagkakamali. Bakit hindi na lang yung sarili natin yung ayusin natin.

Sa traffic lights na lang, idadahilan mo pang nagmamadali ka sa pagtawid mo ng pula pa ang ilaw. Balat na lang ng kendi hindi mo pa kayang ibulsa, itatapon mo pa sa kalsada. Simple lang yan..pero pasaway ka na agad. Gusto mo malaking pagbabago, pero isa ka sa sakit sa ulo.

SONA na sa Lunes. Unang pangulo na purong Tagalog ang gagamitin niyang lengguwahe. Mas mabigat ito kumpara sa iba. Mas marami ang makakaintindi, kaya panigurado mas maraming mamumuna.

Wag tayo puro asa. Gumawa ka ng paraan. Magsikap, talikuran ang pagiging tamad. Wag makontento sa sabi-sabi.. alamin mo ang buong anggulo. Imbes magturuan, magtulungan tayo. Humarap ka sa salamin at ituro mo ang sarili mo. ☺

Sunday, July 17, 2011

Pwedeng Wait Lang?

"Kung hindi totoo na may mga taong marunong maghintay, para saan pa ang waiting shed na itinayo sa bawat kanto ng barangay?"


Naitanong ko bigla sa sarili ko kung kailan ba ako sumilong sa waiting shed. Kailan kaya ako nag-intay? Bakit kaya? Napilitan? Gusto ko? O sadyang kailangan? Ano bang napala ko? Natiis ko bang sumilong at maghintay na lang?

Itinayo ang mga waiting shed dahil dinaraanan ang lugar na iyon ng mga sasakyan. Kaya sinumang nag-iintay dito, tiyak alam nilang may darating. Pero minsan, kahit tama naman ang dumaraang sasakyan.. o tama naman ang byahe.. meron pa ding hindi sumasakay, namimili pa, kaya ayun, natatagalan pa sa pag-iintay.

Hindi naman pwedeng sumakay ka sa alam mong puno na. Pero mayroon pa ding iba na marahil sa pagmamadali'y o di kaya'y sa tagal nang paghihintay kahit hindi na kasya, ipipilit pa. Kahit puno na, sasabit ka pa. Kaya minsan, excited kang may pumara lalo kung dulong byahe pa ang bababaan mo. Para makaupo ka na ng maayos.. para sulit naman ang binayad mo.

Meron namang ang gusto yung wala pang sakay. Kaya kapag lubak, mababalbog ka. Buong byahe, aalog-alog ka. At syempre, yung madalas na pasahero.. yung sakto lang. Yung sasakyang may mga nakasakay na pero kasyang kasya ka pa. Pwede ka pang mamili ng uupuan mo.. sa bandang kanan ba o bandang kaliwa. Hindi mo kailangan makipagsiksikan o ipilit ang sarili mo sa upuan. Kung bandang bungad ka pa, may mag-aabot pa ng pamasaheng ibabayad mo, makisuyo ka man o hindi. At kung papara ka na, may makikipara pa kung sakaling mahina ang pandinig ni Manong tsuper.

Waiting shed.. ginawa din para silungan.. lalo kapag malakas ang ulan at wala kang payong na dala. Merong naghihintay hanggang tumila ito pero meron din namang sinusundo para payungan at umuwi na. Swerte kung ganun.. sulit ang paghihintay kahit masiksik sa waiting shed.. alam mong may darating.. alam mong may susundo.

Hindi ako ma-waiting shed na tao.. hindi din ako ma-payong. Kahit minsan masakit na sa balat ang sikat ng araw, wala akong pakialam. Minsan kung umaambon na o umuulan.. okay pa din.. lalo kung malapit lang naman ang pupuntahan.. lalo kung alam kong may hinihintay ako.

Sabi nila ang wirdo ko. Ayaw ko kasi ng naghihintay ng matagal lalo kung alam kong may hinihintay ako.. yung tipong nagpapaintay talaga.. yung may usapang darating siya. Kasi, pwede namang magsabay kami ng dating, di ba? Pero dahil sa kadalasang "simpleng bagay" kailangan may pinaghihintay kang tao. Kahit hindi naman kaintay-intay. Mas okay ako sa paghihintay na hindi ko alam kung may darating.. yung walang usapang maghihintayan. Wala kasing expectations. So, walang disappointment kung sakali. Wala akong masisisi kundi ang sarili ko, kasi ako ang pumili non.. walang nangusap o nagsabi.. ako mismo. Alam ko magulo.. pero isa lang naman yan.. pwede naman hindi magpaintay ng tao.. pwede namang hindi ka maghintay.

Kung waiting shed pa din ang usapan, kung naging maaga ka lang sa sakayan.. hindi ka maghihintay.. makakasakay ka kaagad. Kung hindi ka nag-iinarte.. marami namang sasakyang pwedeng sakyan. Kung handa ka lang lagi.. kung lagi kang may payong na dala.. hindi na dagdag hassle pa sa'yo o sa ibang tao. Pero.. may mga pagkakataon talagang sinasabi nating 'hindi sadya'.. kaya ganun pa din. Lusot pa din. ☺ Kaya nga siguro may waiting shed pang tinatayo.. marami pa din ang taong naghihintay.



Wednesday, July 13, 2011

Inlab. LABo. laYO. Part III

Nagmahal ako ng hindi sinadya sa taong ipinaramdam din na ako'y may halaga. Nakita man ito ng ibang tao o hindi, alam ng Diyos at naramdaman ko na totoo ang naging pagmamahalan namin. Nagpapasalamat ako dahil nagkaroon ako ng relasyong alam kong maipagmamalaki ko at pwede kong ikwento sa magiging supling ko. Nabigyan ako ng pagkakataong maging inspirasyon ng iba dahil naging huwaran ang aming pagsasama. Binagyo man kami ng kung anu-anong issue pero nalagpasan namin ito ng magkahawak kamay at lalong minamahal ang isa't isa. Naranasan kong maipagmalaki sa mundo at maramdamang pinakamagandang babae kahit sa paningin lang ng isang tao -- sa taong mahal mo at mahal ka. Nalagpasan ko ang takot at natutong harapin ito dahil may isang taong naniniwala sa'yo -- siya. Minsan kasi, isang tao lang ang kailangan mong maniwala sa'yo.. okay na.. lalakas na ang loob mo. Napatunayan kong walang imposible sa isang masayang relasyon lalo't dalawa kayong "committed".. dalawa kayong lumalaban, dalawa kayong nagbibigayan at nag-aakayan.

Hindi lang naman pagmamahal ang bumubuo sa relasyong pinapangarap ng lahat. Kailangan din ng matinding pang-unawa, sakripisyo, bukas na pag-iisip, walang sawang pag-uusap, tiwala, pagkakaibigan, pagiging kontento at may patnubay ng Diyos. Hindi lang ito sa pagsisimula ng relasyon kundi sa araw araw ng inyong pagsasama. Ang matagal na relasyon ay nalalamatan ng dahil sa simpleng hindi pagkakaunawaan; nagwawakas dahil sa simpleng pagpapabaya.

*************************

Kahit ayoko, pinli kong lumayo. Binitiwan ko ang isa sa mga pinakaiingatan kong mawala. Niyakap ko ang katotohanang hindi na namin maibabalik ang dati naming pagsasama. Lumayo ako para sa mas ikabubuti naming pareho. Tinulungan ko ang sarili kong bumangon ulit at lumakad na ng pasulong. Lumingon man ako, sinanay kong ipikit ang mga mata ko kapag nararamdaman kong hinihila akong pabalik sa'yo. Binigay ko sa utak ko ang mga pagdedesisyon habang pinapagaling ko ang puso kong bugbog sa sugat at sakit. Binuksan ko ang mga mata ko sa reyalidad at sa lahat ng posibilidad. Oo, minsan naliligaw sa mga panalangin ko na bumalik ang pagmamahalan namin. Pero hindi na tulad ng dating ipinipilit kong ibigay ang hiling ko kahit maging awa na lang ang maging rason niya. Natutunan kong mahalin ulit ang sarili ko at maging masaya kahit sa simpleng mga bagay. Naging matagal ang proseso bago ko ulit nabuo ang sarili ko. Sa paunti-unting hakbang, nakikita ko na ulit na masaya na tignan ang mga mata ko.. na totoo na ang ngiti na nakakurba sa labi ko. Magaan na ang lahat. Makita man kitang may kasamang iba, walang kaplastikan akong ngingiti at sasabihing masaya ako para sa inyong dalawa.


Kapag naririnig ko ang kanta natin, hindi na ako nalulungkot. Ang naiisip ko, minsan sa buhay ko, naging masaya akong kinakanta ang kantang yon kasama ang taong minahal ko ng sobra. Ang pagmamahalan natin, ang naging labuan at ang paglayo ko ay naging magandang kabanata sa istorya nating pareho. Mas nakilala ko ang sarili ko at nalaman ang mga bagay na kaya ko pa lang gawin.

Walang kalimutang nangyari, at walang mangyayaring ganon. Mananatili ka, tayong isang masaya at magandang alaala ng nakalipas. Magiging aral at gabay ang lahat para sa taong nakalaan talaga para sa ating dalawa. Ang huling hiling ko na lang ngayon para sa'yo ay nawa'y naayos mo na ang gulo sa iyong sarili. Sa huli, magiging magandang inspirasyon tayo sa iba.

Salamat!



Munting Hiling.

Sa isang makipot na daan papuntang Montalban, Rizal ay may isang tahanang bukas ang pintuan para sa mga matatandang wala ng matuluyan.. sa mga ama't inang napabayaan na.. sa mga lola't lolo na dito na piniling manirahan. Ang lugar na ito ay hindi naman isang home for the aged, isa itong foundation na hindi inaasahang magiging isang malaking hulog ng langit sa mga matatanda. Buwan ng Mayo, naaya lang ako na sumama sa isang activity ng mga Law Students ng San Sebastian. Noong una hindi ko pa alam kung saan pupunta. Hanggang sa sinabi nilang sa Anawim Foundation, na hindi ko pa din alam kong ano ba talaga yon. Sa byahe, nabigyan ako ng kaunting ideya kung ano ang pupuntahan namin. Na-excite ako! Kung nung sa mga bata, ngayon sa mga matatanda. Mula Quezon City, nagbyahe kami papuntang Rizal. Habang nasa byahe, iniisip ko kung ano gagawin ko pagdating doon. Hindi naman katulad ng mga bata na basahan mo lang ng story book, ngingiti na; na kargahin mo lang, tatahan na sa pag-iyak; na konting itsy bitsy spider, okay na.

Pagdating namin sa Anawim, sama sama na sila sa parang Gazeebo, nagkakantahan, nagsimula na kasi yung program. Nasa gilid lang ako, hindi ko alam paano ko sila ia-approach. Hanggang may isang lola na nakatingin sa akin, sabi nila Inglesera daw yon at siya ang Ms.Anawim. Nilapitan ko siya at ngitian niya ako. May tiyara siya sa ulo, bulaklak sa tenga, naka-wheel chair, may salamin at maraming porselas.

"Hi lola!:)"

"Hello."

"Kumain na po kayo?"

"Yes, thank you!"

Ay oo nga, Inglesera si lola.

"How are you?"

"I'm fine."

Sabay abot sa kamay ko.. At mahigpit niya akong hinawakan. Hindi ko alam, pero nangulila ako sa lola.

"You want something po?"

""I want grapes."

Shocks! Saan ako hahanap ng grapes don?

"Ah La, we only have apple and orange here. I'll bring grapes when we get back here, okay?"

"Okay!" and with a big smile

."What's your name, lola?"

"I'm Victoria Cameron, but you can just call me Lola Tuyang. And your name is?"

"I'm Lia.. Lia Samonte."

"Your name is as beautiful as you are. But you look more sophisticated than your name."

"Ay la, bumabanat ka ah! Thank you!"

"Totoo kaya! Muka kang mayaman at suplada, pero mabait pala.

""At nagtatagalog po kayo. Aha!"

"Konti. I grew up in a small province. Sorry for my English, you might not understand it."

"Naiintindihan ko naman po e. :) hmm.. La, bat po kayo nandito?"

Pagkatapos ko itanong yun, parang natangahan ako sa sarili ko na sa kanya ko pa talaga naitanong. Ang awkward lang. Minsan kasi talaga hindi ko mapigilan sarili ko kapag curious ako. Whew!

"Gusto ko lang!"

Ang kaswal ng pagkakasabi. At dahil nakangiti pa si Lola, nakomportable naman ako mangealam pa

."You just went here?"

"Yes."

"You don't have a family na po?"

At yan, parang siyang naiiyak. At lalong humigpit ang hawak niya sa kamay ko.

"Sorry po. You don't have to answer my question. Happy happy lang tayo La ha.."

"They are killed by a tornado. They are all dead. I don't have any relatives left."

"I'm sorry to brought it up."

"You don't have to say sorry. It just makes me sad na ako na lang natira. Bunso kasi ako sa 13 na magkakapatid."

"Whoa! 13? Sipag ni mother at father mo po ah. Taas ng energy."

"Mahilig kamo!"

At nangiti na parang may kilig pa.Hindi ko na hinalungkat yung tungkol sa tornado kahit napaisip ako kung saan yun. Ayoko na masyadong magtanong kasi baka matuluyan yung iyak niya. Kaso intregera talaga ako e.

"Asawa, la, asan?"

"I don't have a husband. Wala ding boyfriend."

"Sa ganda mong yan po?"

"I never had a chance to have one."

"Ayy..e sino po nakakasama niyo po bago kayo pumunta dito? Saan kayo tumira?"

"Nasa Marikina lang ako. Kasama mga bata."

"Mga bata? Ano pong ginagawa nyo?

""Oo, iba't ibang mga bata. Naglalaro lang kara krus."

Sa statement na yon ni Lola Tuyang, feeling ko hindi na dapat ako lumagpas pa doon ang pagtatanong at pag-uusisa ko.

"How old are you na po?"

"Hulaan mo.." tawang parang pa-demure

."Hmmm..70?"

"I'm already 95 years old. Turning 96 this coming December. Punta ka dito ulit sa birthday ko ah."

"I'd love to, La. :)"

"I want to dance. Do you know how to dance?"

"Ofcourse Lola. We all know how to dance there are just people who are better than the other. Tara, lets shake our booty."

"Haha! I can't. Hirap na ako makatayo."

"La, we can still dance kahit nakaupo. Dali, sabay tayo!"

At narinig ko siyang humalakhak. Pati mata niya nakangiti. Ginalaw niya buong katawan niya maski ang paa niyang wala na atang pakiramdam.

"Sing for me Lia."

"Halaaa. I don't have a wonderful voice. Ikaw na lang po, tas sabayan kita."

"Okay. Alam mo yung CariƱosa?"

"Ayun lang. Sasayaw na lang po ako. :))"

Kumanta si Lola Tuyang syempre ako, si sayaw. Ang sarap sa pakiramdam na nakakapagpatawa ka sa simpleng bagay. Mga dalawang oras pa kami nagkulitan. Madalas sa usap namin ako na iniintriga niya. Sa gitna ng tawanan namin, sinabihan na lang ako na kailangan na namin magpaalam. E paano? Ang higpit pa din ng hawak ni Lola Tuyang sa kamay ko.

Lola Tuyang while singing.

"La, masaya ako nakilala kita!"

"Aalis na kayo?"

"Babalik po ako. Pangako! Hintayin mo ako Lola ah!"

"Osige!"

Nakangiting nakatitig siya sa akin. Habang pinapasok na siya, magkatinginan pa din kami. Sa dalawang oras, na-attached nanaman ako sa taong di ko naman kaano-ano. Ang bigat nanaman sa pakiramdam na umalis. Habang pauwi, kwentuhan tungkol sa mga matatandang nakausap. Kanya kanyang istorya. May nakakaiyak, nakakatawa at nakakaloka. Hanggang sa natahimik na lang kaming lahat. Hindi dahil sa pagod, kundi dahil nag-iisip at inaalala ang mga nakilalang matatanda sa Foundation. Bakit ganoon? Bakit may iba na naaatim na iwan na lang sila sa ganitong lugar? Sa mga home for the aged? Matapos tayong alagaan ng ating mga magulang, bakit hindi natin na masuklian man lang ito sa kanilang pagtanda? Parang walang pangungulila man lang. Sa sitwasyon ni Lola Tuyang, siguro nga mas mabuti nang dito siya manuluyan kaysa sa lansangan. Sana, sana dumating ang panahong mabawasan ang mga matatanda sa mga ganitong foundation at sa mga home for the aged.. sana'y nasa kanya kanyang bahay sila ng kanilang pamilya. Mas nakakalungkot lang ito, kaysa sa mga batang iniwan. Dahil ang mga bata, may aampon pang mabubuting pamilya. Pero ang mag matatandang ito, bibilangin na lang ang oanahon na ilalagi nila. Sana maparamdam natin sa kanila na masaya nilang lilisanin ang mundo. Maramdaman nilang mahal sila g mga pamilya nila. Na kailanman hindi sila pabigat sa mga anak nila na sila naman ang nagpalaki at nagbigay ng magandang buhay. Simple lang naman ang madalas na hiling nila, makita ang mga anak nila na tila kinalimutan na sila. Mayakap ang mga anak nila kahit tinalikuran na sila nito. Maalala man lang silang bisitahin kahit alam nilang sa isip ng iba'y pinatay na sila. Sana.. sana matuto tayong magpahalaga sa buhay.

For more details about Anawim just click --> DONATE!:)

Inlab. LABo. laYO. Part II

Ang pagpapatuloy...


Gabi. Umuulan. Isang ordinaryong araw na tatatak sa isip ko.

"Hi!"

"Hello!:)"

"Kamusta ka?"

"Ayos lang! Ikaw?!

"Okay lang din."

"Good to know you're okay. Hows your day, baby?"

"We need to talk!"

"We're talking, aren't we?"

"A real talk, I mean."

"Ano ba 'to, joke?"

(yamot...)

"Hmm.. matagal ko na 'tong pinag-isipan..."

"Ako din, ang dami kong napag-isipan lately.."

"Really? About what?"

"About us. :)"

"So, ikaw din pala."

"Yeah! Ayoko na ng ganito, baby..."

"Ayoko na din.. Kaya napag-isipan kong friends na muna tayo."

"Whhaa-whaaaattt? What do you mean by that?"

"Friends. No committment. But we could still hang-out together. And besides, sabi mo naman, ayaw mo na din ng ganito. Ang gulo na.. ang labo na."

"Right! Ayoko na ng ganito tayo, so I was thinking of making things new again. Aayusin natin.. SANA. Magsisimula ulit tayo. Pag-uusapan ang mga dapat pag-usapan."

(silence...)

"Mahal mo pa ba ako?"

"Oo naman. Hindi naman na mawawala yun."

"Gaano kamahal?"

"Hindi ko na sigurado..."

"Kailan pa?"

"Medyo matagal na."

"Ng hindi ko alam? Sana sinabi mo sa akin para hanggang ngayon sigurado ka pa. Para alam ko ngayon kung paano ako lulugar..."

"Ayokong masaktan ka!"

"Tengene naman! Ano feeling mo ngayon.. nagtatatalon ako sa tuwa?"

"Sorry... Ang gulo ko na din kasi. Kailangan ko ayusin sarili ko."

"Okay.."

Okay? At iyon lang ang nasabi ko? Seryoso? Well, oo. Yun nga lang ang nasabi sa dinamiraming gusto kong sabihin, okay lang ang naging ending. Ganun natapos ang gabi naming pareho --sa salitang okay. Hindi ako umiyak at hindi ko nakita o nalaman kung naiyak ba siya. Parang ang gaan ng lahat.

Helllllloooooooo?! wala nang "kayo!"

Yan ang paulit-ulit na nadidinig ko. Oo na.. Oo na!!

Kinabukasan, wala na akong kiss sa noo o beso man lang. Wala nang kumikindat o pabirong bumabatok sa akin. Anyare? I thought I was just dreaming last night. :( Then and there, tsaka ko naramdaman yung sakit. Nagsi-sink in na lahat. Gusto kong sumabog, gusto ko magwala at mainis sa sarili ko kung bakit okay lang ang nasabi ko.

"You look so sad. What happened?"

"Naiihi kasi ako. Samahan nyo nga ako sa CR."

"Di nga??"

"Sa CR na please? Di ko na kaya magpigil e.."

At habang naglalakad sa hallway.. umiiyak ako. Ayoko talaga ng ganung eksena. :/

"Ano ba nangyare sa'yo?"

"Wala na kami! :'("

(shocked...)

"For real? BAKIT???"

"Hindi ko alam. Hindi ko na alam. Ang sakit pala. Ang sakit sakit!"

Bakit kapag nanliligaw, kailangan ng matinding approval para maging kayo. Kailangan mutuan decision palagi. Pero bakit kapag hiwalayan na, kahit isa lang ang magdesisyon, kahit ayaw mo, mag-aapprove ka. Not fair. :(

*************************

Mula noon, ninamnam ko ang sakit. Hinayaan kong makita siya na unti-unting lumalayo, habang ako nakahawak pa din sa nakaraan. Nasaksihan ko kung paano siya bumubuo ng bagong mundo na hindi na ako kasama, samantalang ako, hindi ko maiwan iwan ang mundong kasama siya. Nakita ko siyang tumawa habang ako, hirap na hirap ngumiti. Sulong siya ng sulong samantalang ako, palubog nang palubog. Walang too late sa pagmamahal, kaya gagawin ko ang lahat --lahat-lahat-- para mabawi ko ang pesteng okay na yun, kahit alam kong marami nang nagbago. Name it! Lahat ginawa ko. Isa na lang ang hindi.. ang bitawan at palayain ang sarili ko. Nag-iiinom ako at nalasing. Alam ko namang hindi mababago ng pag-inom ko ang katotohanan, inililihis ko lang yung pag-iintindi ko sa nararamdaman kong sakit. Sa pagsakit ng ulo o ano pang epekto ng alak, nakakalimutan kong broken hearted pala ako.. kahit sandali.


Umaga, tanghali, gabi... hindi ko na napapansing lumilipas ang araw. Nagtago ako sa madilim kong kwarto. Hinayaan kong pasayahin ako ng ibang tao dahil nakakasawa ang pakiramdam na malungkot. Ngiti dito, ngiti doon.. pero makikita pa din malungkot ang mata ko. Hanggang nagpakalayo ako, dala ang mga katanungang hindi ko masagot sagot. Pero minsan, sa mga pagkakataong hindi mo inaasahan, sinasagot ka na lang ng Diyos. Binibigyang linaw Niya ang magulong mong utak.

Linggo. Huling misa ng araw na iyon. Umupo ako sa bandang gitna. Madalas, mag-isa lang naman ako magsimba. Tumitig ako sa altar at naluha. Para akong kinausap ng Diyos. Kinausap Niya ang puso ko. Nawala lahat ng bigat sa dibdib ko. Ang simple lang naman ng sinabi ko:

"Lord, yakapin Mo akong mahigpit. Tulungan po N'yo akong tanggapin na ang lahat. Bigyan Mo po ako ng mas malawak na pang-unawa. Ipaalala Mo po sa aking malaki ang mundo at maraming bagay ang pwede ko pang mapagdaanan, na mas mabigat pa dito. Give me strength po. Hindi ko po ito kayang mag-isa. Alisin N'yo po ang tapaho sa mga mata ko."

Ang weird ng feeling pero parang nag-iba ang aura ko. Lumalabas-labas na ulit ako kasama ang mga kaibigan ko. Nakikipaghalubilo na ako, nakikipagkaibigan. Sabi nila, kapag gumagaling na ang sugat mo, nangangati na ito. Ayun, nangangati na ako. JK! :))

Kung gaano kami katagal naging magkarelasyon, ganun din halos katagal para matanggap kong tapos na kami. Na hindi na siya babalik. Na may iba na siya. Pinuno ko ng tao ang paligid ko. Mga luma at (lumang) bagong tao.. yung malayo sa kanya. Posible pala yung ikaw ang tinuturing niyang ngayon at bukas niya pero sa isang iglap, magigising ka na lang na ikaw na ang kahapon niya. Ang minamahal, naging minahal; ang nagpapasaya, naging nagpasaya; ang nakakasama, naging nakasama. Naging past tense na ang lahat.. naging past ka na niya. Masakit ituring na nakaraan ang taong turing mo'y ang iyong kasalukuyan at kinabukasan. Para lang din kayong nabubuhay sa magkaibang panahon. Pero ngayon.. tanggap ko na. Tanggap ko na ng buong-buo. Yakap na yakap ko na ang katotohanan.


Tanggap ko ng siya at ako ay isa na lang bahagi ng nakaraan. Isang nakaraang lipas at ngayo'y kumukupas. Tanggap ko ng ang forever naming dalawa ay matagal nang natapos. Tanggap ko ng ang mga pangako namin sa isa't isa'y isa na lamang mga salita, walang ng buhay at unti-unti nang nabubura. Tanggap ko ng hindi na kami ang prinsepe at prinsesa ng isa't isa. Maaaring ako lang ang naging daan para makilala niya ang tunay na bida sa knayng istorya. Isa na lang ako sa mga tauhang kaming dalawa ang bumuo. Tanggap ko ng ang tangi ko na lang pinanghahawakan ay mga alaalang inaanod na ng panahon. Tanggap ko ng hindi na iisa ang tibok na aming mga puso. At hindi na din ako ang magiging dahilan ng pagbilis ng pintig ng puso niya. Tanggap ko ng isa na lang kaming alaala. At sa kabila ng ilang sakit, nagpapasalamat pa din ako na naramdaman kong magmahal, mahalin.. at iwan.


Ipagpapatuloy...

Sunday, July 10, 2011

Inlab. LABo. laYO.

Maisip pa lang kita napapangiti na ako. Minuto pa lang na hindi tayo magkasama, namimiss na kita agad. Iipunin ko lahat ng barya sa bag ko, makapagpa-load lang para makareply sa text mo. Kung 'di man abot, mambubulabog ako ng mga kaibigan para makitext pa. Magpapakakorni ako, mapakilig to the bones lang kita. Okay lang na matawag na baliw, e sa hindi ko mapigilang ngumiti mag-isa. Ikaw lang, masaya na, cloud 9 na ang feeling.



Magpapakabait ako hindi para magpa-impress kundi para hindi tayo mag-aaway. Ikaw ang magsisilbing diary ko para hindi kita mapag-alala. Ipaaalam ko sa'yo lahat ng desisyon ko dahil kasama ka na sa buhay na binubuo ko. Nagiging baduy daw ako ng hindi ko namamlayan. Hangga't maari gusto kita kausap kahit wala naman talagang pinag-uusapan. Ikaw ang huling naiisip ko bago ako matulog, at ikaw ang bumubungad sa diwa ko pagkagising ko sa umaga. Tinginan pa lang natin, nagkakaintindihan na tayo. Tusok-tusok lang sa hepa foods, unkabogable date na para sa atin. Sabay kumain at matulog kahit hindi naman literal na magkasama. Magsusundo at maghahatiran tayo kahit pagod na buong maghapon. "Hehe!" lang sa text, agad mo pang rereplyan. Aalamin kung ano ang makapagpapasaya sa isa't para walang sandaling malungkot. Gagawing posible ang imposible. Ekis ang kalungkutan kapag tayo ang makasama. Ipakikilala kita sa buong mundo, ipagmamalaki. Nakagagawa ako ng mga bagay na akala ko hindi ko kaya (love letters, personalized gifts, etc.)


Gagawa pa ako ng gimik para masopresa kita. Isang tunog pa lang sa cellphone o telepono, agad agad ko ng titignan o sasagutin lalo't kung ikaw yun. Kung dati puro quotations ang laman ng inbox ko, ngayon puro messages galing sa'yo. Nagiging sentimental ang mga simpleng bagay. Nagiging espesyal ang mga ordinaryong araw. Sa'yo lang nakatingin ang mga mata ko kahit sino pang iharap mo sa akin. Simpleng kendi lang galing sa'yo, masaya na ako. Lahat ng first, memorable. Kahit minsan nga OA na -- First breakfast/ lunch/ dinner together, first bus ride, first date, first out of town, first holding hands, first kiss, first pikunan, first away, first gift sa isa't isa, at kung anu-ano pang first. I love you dito, I love you doon, kahit paulit-ulit nakakakilig.


Kung may hindi pagkakaunawaan, hindi pwedeng matapos ang isang buong araw ng hindi ito napag-uusapan, dapat maayos agad. Ang maliliit na alitan, mananatling maliit dahil naidadaan sa maayos na usapan at nagpapakumbaba sa isa't isa. Iintindihin kita, tatanggapin ng buong-buo, at mamahalin ng higit pa sa alam mo. Matutulog kang minamahal kita at magigising na mas minamahal pa kita kaysa sa kahapon. Halos lahat, nakaplano nang magkasama tayo. Hindi maitago ang saya sa mga mata natin. Wala na akong mahihiling pa. Pero isang araw, dahil sa isang bagay na hindi ko lubos malaman kung ano, biglang nagbago ang ihip ng hangin. Tila naging baligtad ang ikot ng mundo.

********************

Maisip lang kita, nasasaktan na ako. Lumilipas ang minuto, oras at araw na hindi kita nakikita pero hindi ko namamalayan. Wala akong load, kaya wag umasa sa reply ko.

"E wala nga akong load, paano ako makakapagtext?"

Wala naman dahilan, nag-aaway. Maliit na bagay, napapalaki hanggang sa magkayamutan na lang.

"Hindi ko naman kailangang ipaalam lahat sa'yo no!"

Dati rati'y kahit hindi naman tinatanong, e sasabihin mo pa.

"Kung mahal mo ako, tanggap mo kung ano at sino ako."

Konting 'di pagkakaunawaan, hindi na napag-uusapan, kaya lumilipas ang araw hanggang umabot ng linggo na hindi nagpapansinan, walang paramdaman. Madalas na tayong nagkakapikunan na minsan hindi ko na alam kung bakit at anong dahilan. Nabawasan ang saya, nawala ang kilig, nawalan ng amor sa isa't isa.

"Saan mo gustong pumunta?
"Bahala ka!"
"Ano ang gusto mo?"
"Bahala ka!"

"Tulog ka na, may gagawin pa ako.
"Tulog na. Goodnight!"

"Kaen ka na, tapos na ako."
"Kaen ka na, mamaya na ako."

"Sunduin mo naman ako.."
"Pwede bang sa susunod na lang? Napagod kasi ako buong maghapon."

"Hatid pa ba kita?

Tumunog man ang ilang beses ang cellphone o telepono, wala ng pagmamadali sa pagsagot. Naka-silent na ang cellphone o minsan idadahilan na lang ito kapag late reply sa text. Delete all messages na dati hirap na hirap kang magbura. Ulyanin na sa date at special day n'yo. Nagiging masyadong friendly na sa iba na minsa'y nauuwi na sa flirting. Kahit huli at halata na, harap harapan pang ide-deny sa'yo. Sakit lang! Bihira na ang sabihan ng i love you o mahal kita. Kapag may nagtatanong kung kamusta tayo, hindi ko na alam kung paano ko sasagutin ng tama.

"Eto going strong!" (nga ba?)

"Okay kami.. masaya!" (labas pa sa ilong habang sinasabi..)

"Sana maintindihan mo naman ako..."
"Hindi naman lahat kaya kong intindihin!!"

Mabubugnot. Mayayamot. Magagalit hanggang idaan sa bisyo, ibaling sa iba ang atensyon o hanapin sa iba ang nakikita mong pagkukulang. Minsan iiiyak ko na lang. Bakit naging ganito? Mahal kita at mahal mo ako, pero bakit wala na yung dating saya, yung dating kilig, yung dating tayo?


Gusto kong pag-usapan at ayusin kung anong nagyayari sa atin, pero tuwing sinisimulan ko, alam kong ayaw mong makinig, ramdam kong ayaw mong pag-usapan. Palilipasin ang problema pero mauungkat sa susunod na pagtatalo. Nagiging praning sa bawat kilos ng isa na nagiging tama sa hinala. Pagkagising sa umaga, hangga't maaari ayaw ko ng ikaw ang una kong maiisip dahil nalulungkot lang ako, naiinis. Nagbago ka, at oo, nagbagao din marahil ako. Oo, pwedeng pati ako nagsasawa na sa kakasuyo. Pero ikaw din ba, gusto mo din ba tulad ko na maayos pa natin ang relasyong dati'y walang away at puro pag-iintindihan at pagpapakumbaba?

Totoo bang sa una lang masaya? Totoo bang sa umpisa lang nagkakaintindihan? Totoo bang sa simula lang sweet? Kapag bago tsaka lang maayos ang lahat? Totoo bang kahit taon na ang pinagsamahan talagang darating sa panhong ganito, magulo? Kaya ba nating sayangin ang mga binuo nating pangarap? Kaya ba nating bitawan ang isang bagay na nakasanayan na at naging malaking bahagi na ng sistema ng ating pagkatao? Kaya mo ba? Kaya ko ba?

Bakit tayo naging ganito? May iba ba? O sadyang ikaw at ako ang problema? Ang daming tanong ang nagsusulputan sa isip ko. Ang dami kong kasagutang gusto kong malaman. Ang dating "hindi kita kayang mawala sa buhay ko," naging isang tanong na hindi ko alam kung paano ba dapat sagutin -- Kamusta ka na? -- Dahil sa hindi ko nga alam kung paano sagutin, tatlong salita lang ang nasabi ko: I miss you! Hindi ko na sigurado kung talagang nararamdaman ko ang mga salitang yan o dahil wala na talaga akong masabi pa.

"I miss you, too!"

Nangiti ako, pero bakit kumirot ang dibdib ko? Nagkulitan kami pero parang may iba sa pakiramdam. Nagkwentuhan tulad ng dati, pero hindi na tulad ng dati. Magkasama kami pero parang ang layo pa din niya. Nagiging cycle na lahat, paulit-ulit. Parang scripted na ang bawat galaw at sinasabi, expected na ang mga susunod na mangyayari. Kumbaga sa libro, intro pa lang, alam mo na ang ending ng istorya. Sunud-sunod na gabi, ito ang naging laman ng text niya:

"Goodnight, baby! I love you. Mwuah!"

Parang may nakasave na sa drafts niya tapos ise-send na lang niya tuwing gabi. Wala nang epekto. Wala ng dating. :( Kapag nakikita ko ang ngiti niya, alam kong kulang na ang saya. Kapag nagkakatitigan kami, alam kong may gusto itong sabihin pero hindi ko na mabasa. Para na kaming kumakapa sa dilim, parehas pang nakapiring. Para akong pipi, siya naman bingi. Ano na ba ang dapat kong gawin?



Itutuloy. . . .