Mga walang kwentang salita na binigyang buhay ng nagwawalang emosyon. Isigaw ang itinatagong damdamin. samahan n'yo akong lumipad sa magulo at maaligagang mundo

Friday, December 30, 2011

Hindi Na Ako Tatamarin Next Year!

Hindi na ako papatay ng ipis. Hindi na ako magnanakaw ng tingin sa magaganda't gwapo. Hindi na ako iinom ng alak. Hindi na ako sisinghot ng rubgy, acetone, pentel pen, papel na bagong xerox lang sa copy trade o kili-kiling amoy deodorant.
Hindi na ako iiyak. Hindi na ako masasawi. Hindi na ako aasa. Hindi na ako maghihintay. At higit sa lahat, hindi na ako magmamahal.
Magpapakatatag na ako dahil sa bagong taon, makikilala n'yo ang bagong ako. At para makumpleto, magpapaiksi ako ng buhok para new look na din. Ay teka, pakalbo na kaya?
Panigurado sa pagpasok ulit sa eskwelahan, ipapasulat sa mga estudyante kung anu-ano ang kanilang New Year's Resolution. Minsan may required na bilang pa.
1. Hindi ko na dadaldalin ang katabi ko para di ako malagasan ng barya.
2. Hindi na ko papasok ng maaga dahil matutukso lang akong makipaglaro sa mga kaklase ko ng Moro-moro.
Naku, dalawa pa lang. Kailangan ko pa ng tatlo. Isip!
3. Magtitipid na ako para may maipon at makabili ng stationary.
4. Sa bahay ko na gagawin ang homework ko, hindi na sa school lalo pa't habang sinasabi ni Teacher na, "Pass your homework, class!".
Resolution. Solution. Resolve. Improvement. Changes.
Ano ba ang dapat kong baguhin? Ano ba ang dapat kong iresolba? Ano ba ang problema? Ano ba ang New Year's Resolution para sa'yo? Gumagawa ka ba nyan taon-taon? Anong nangyare? Bakit ka gumagawa no'n?
New Year's Resolution ay isang commitment ng tao sa kanyang sarili na gawin ang isang bagay para ikabuti ng kanyang sarili. Isang gawain na kalauna'y maaaring maging habit mo na.
Alam ko na ang problema ko..
HINDI AKO GUMAGAWA NG NEW YEAR'S RESOLUTION.
Bakit? Kasi naniniwala ako na hindi lang sa Bagong Taon dapat gawin ito. Kfine. Hindi nga naman ito tatawaging NEW YEAR'S Resolution kung hindi ito gagawin sa Bagong Taon. Ako, Year End Reflection ang nangyayari sa akin. Kung anong mga pagkakamaling nagawa ko sa buong taon, kung anong mga pagsubok ang nagbigay sa akin ng aral, mga pangyayari at mga taong nagturo sa akin o naging dahilan ng pagiging ako ngayon, mga bagay na dapat bitawan at hindi na dalhin pa sa susunod na taon. Siguro para sa iba parehas lang ito, ayoko lang siguro nung thought na parang pipilitin mo baguhin ang sarili mo 180 degrees, na alam mo namang hindi ganoon kadali. Eh?
Kung gusto mong may baguhin ka sa sarili mong alam mong ikagaganda ng pagkatao mo, bakit sa tuwing matatapos na ang taon? Bakit kung may gusto o hindi na gawin, hindi mo ginawa kahapon? O noong nakaraang buwan? Kasi ngayon mo lang naisip? Sana may Everyday Resolution.
Tapos ka man o hindi, kapag sinabing pass your paper, kailangan mong ipasa!
5. At syempre, hindi na ako magiging pasaway. Lagi kong susundin ang aking magulang: "Itigil mo yang reso-resolusyon, hindi mo naman nagagawa!"

Tuesday, December 27, 2011

Para Sa Babaeng Magmamahal Sa'yo.

Darating ang panahon at may mamahalin ka ulit. Pwedeng magkakausap pa tayo 'non o pwede din hindi na. Alam ko maraming pwedeng pumalit sa akin sa puso mo. At sa tagal din ng pinagsamahan natin, alam ko na may mga bagay ka pa din hahanap-hanapin. Sa bago mong alaalang gagawin, alam kong may pagkakataong may gusto kang balikan. At dahil iba na ang papel na ginagampanan ko sa buhay mo, nais ko sanang ipabasa mo ito sa taong mamahalin ka tulad o higit pa sa naparamdam ko sa'yo.

*****************

Hello. Hindi naman na dapat pang sabihin ito. Pero kung sakali, pwede itong makatulong para dyan sa minsang nag-iisip bata na mokong na yan.

1. Hindi yan marunong mag-gupit ng kuko niya. Kaya madalas maglalambing yan para lang gupitan mo siya. Ayaw niya ng pudpod at ayaw niyang ginugupitan yung bandang gilid.

2. Maarte yan sa umaga. Gusto niya breakfast in bed. At kung pupuntahan mo siya, gusto niya na pagkagising niya, nakatabi ka na sa kanya pati ang pagkain. Kung bibili ka, masaya na siya sa chicken at spaghetti ng Jollibee tapos pineapple ang drinks. Kung magluluto ka, gusto niya may sabaw at kung pwede, longganisa fried rice ang kanin. Hindi siya mahilig sa isda, pero kung paghihimay mo siya, keri na din.

3. Hindi siya pala-mall. Madalas nasa bahay lang siya.. matutulog, kakain, at papanoorin ang mga DVDs niya. Kaya wag mo siya kukulitin palaging mag-mall.

4. Paborito niyang manood ng NBA. Wag istorbohin kapag may laro. Lakers ang paborito niyang team at si Kobe ang idol niyang NBA player.

5. Minsan na lang maglaro ng basketball yan, kaya manood ka ng laban nila. Pagdalhan mo siya ng bimpo at pamalit. Mahilig magpatuyo ng pawis yan e.

6. Palautot yan. Wag mapipikon kung pilit niyang ipapaamoy sa'yo ang 'mabango' niyang utot. Sasaluhin niya sa kamay niya ang utot niya at ilalagay sa ilong mo mismo ang kamay niya. Sweet, di ba?

7. Kung iinom kang kasama siya, okay lang malasing. :) Sweet siya mag-alaga.

8. Keep him updated. Kahit hindi siya nagre-reply sa text mo dahil sobrang mag-aalala yan.

9. Kapag bad mood siya, wag mo siyang pilitin maging okay agad. Tabihan mo lang siya kahit hindi ka magsalita, kapag medyo maayos na mood niya, siya mismo kakausap sa'yo.

10. Gusto niya kapag nagbe-baby talk ka. Pero wag O.A..

11. Kapag may problema siya, hindi niya yan sasabihin. Just do the goldfish and monkey face. Plus the bulate dance. :)

12. Gustong-gusto niya ng yakap, lalo kapag matutulog na.

13. Hilutin mo ang tuhod nya, o kaya'y himasin mo ang mata niya para makatulog siya.

14. Pasaway yan kung minsan, magda-drive kahit nakainom.

15. Always be ready. Mahilig yan sa mga sopresa.

16. Hindi palainom ng gamot kapag may sakit, kaya lagi mong paalalahanan.

17. Isa sa mga gusto niyang ginagawa n'yo: Magkwentuhan. Masarap siya ka-kwentuhan. Maglalakbay ka sa mga salita niya.

18. Hindi siya marunong magtupi ng mga damit n'ya. Aakalain mong marurumi lahat ng damit, kaya ipagtupi mo siya. ☺ ☺

19. Laging sumasakit sikmura n'yan, kaya pagdala mo siya lagi ng gamot. (Kremil-S)

20. Kapag binigyan ka niya ng regalo, asahan mong matagal niyang pinag-isipan at pinagtanong yan.

21. Masarap siya magluto ng pasta at monggo.

22. Okay lang na ma-late siya, pero wag kang male-late. HAHA!

23. Wag maging pikunin, madalas pilyo yan.

24. Mahilig siya sa pork lalo kapag may taba. Hinay! Mabilis sumakit batok n'yan.

25. Laging mong itanong kung kamusta ang araw niya. Iparamdam mong lagi kang nand'yan para sa kanya.

26. Mahalin mo ang mga magulang at mga kapatid niya. Sobrang mapagmahal siya sa pamilya.

27. Moody siya. Madalas isasalpak lang niya earphones niya. Hawakan mo lang kamay niya hanggang maging okay mood niya.

28. Ipakilala mo siya sa lahat. Ipagmalaki mo siya. ☺ Yun kasi ang hindi ko naiparamdam sa kanya.

29. Nakawan mo siya ng kiss. Kahit sa kamay, sa noo, o sa pisngi. Ngingiti yan.

30. At syempre, lagi mong sabihin at iparamdam kung gaano mo siya kamahal. Hindi siya magsasawa kahit paulit-ulitin mo pa.


*****************

Sa kahit anong paraan o dahilan ng pagpapaalam, masakit pa din pala ito.






Ito na talaga siguro ang huling pagpapaalam ni Lisa kay Jordan.



Monday, December 26, 2011

Langit sa Lupa.

Hindi ko alam kung paano sisismulan ang kwento ko. Hindi ko maisip ang mga tamang salitang lalapat para sa isang magandang karanasang ito. Isang araw na sinaliw sa makukulay na buhay ng mga batang pinagtagpo tagpo sa tahanang kinupkop sila ng walang pag-aalinlangan.




Gustong-gusto kong nakikipaglaro sa mga bata, nakikipagkwentuhan, at makipagbiruan. Iba kasi kausap ang mga bata. Kahit napaka negatibo na ng mundo, positibo pa din sila sa buhay. Sa simpleng bagay na wala tayo, nilulugmok na ang mga sarili sa kawalang ito. Pero ang mga batang ito, simpleng bagay lang na meron sila, abot langit na ang pasasalamat sa tuwa. Ang sarap sa pakiramdam na may mga taong nakaka-appreciate pa din sa mga maliliit at simpleng kabagayan.

Inumpisahan ng pagdarasal, pagpapakilala sa isa't isa at konting kulitan. Matapos nito, sabak na sa mga palaro. Ang sarap ulit maging bata.



Game na game ang mga chikiting. Ang bibibo. Hindi din nila inatrasan ang pagandahan ng magagawang Snow Man na gawa lang sa tissue paper sa loob lamang ng dalawang minuto.

Gawa ng mga lalaki:


At gawa ng mga babae:



At ang nagwagi ayon sa mga hurado ay ang mga lalaki. ☺ At kahit mukang hindi Snow Man ang mga nagawa nila, winner pa din sa creativity.

Bago ang kainan, nagpakitang gilas din sila sa pagsasayaw. At aaminin ko, natuwa at nagandahan ako sa ipinakita nila. Talented ang mga batang ito, walang duda.



Ang sarap pagmasdan ng mga ngiti nila. Alam mong totoo. Kahit na ang iba'y hindi alam kung sino ang mga magulang nila, kung may nakakaalam man sila'y inabandona lang o kung anumang malulungkot na kwento sa buhay nila.. eto sila't nakangiting pinagpapatuloy ang pakikipagbuno sa minsang madayang pagkakataon. Hindi naging hadlang ang anuman sa pagtuloy na abutin ang kanilang mga pangarap. Nakakapag-aral sila sa tulong na din ng mga taong busilak ang mga puso. Nakakakaen at may tinitirhang binubusog ng pagmamahal na tahanan. Kung iniwan mang mag-isa.. eto silang nagtuturiang magkakapatid.

Maraming dapat ipagpasalamat sa Poong MayKapal. Ang tao sobra-sobra ang paghahangad pero hindi alam ang salitang salamat. Ang daming gustong makamtan na madalas hindi na napapansin ang mga bagay na higit na importante sa kanila. Pilit hinahanap ang mga bagay na akala'y magpapasaya iyon pala'y hawak na natin.. matagal na.

****

Magpasaya at tumulong sa mga batang ito.

Wednesday, December 14, 2011

The Boat is Sinking.

Halos isang taon ang lumipas. Isang taong madaming pagbabago. Natutunan ko ulit maging masaya sa kabila ng mga di magagandang nangyari. Maraming masasayang alaala ang nabuo. Maraming di inaasahang pangyayari ang naganap. Maraming bagay ang gumulat na nagmulat muli sa akin na ipagpasalamat ang lahat na mayroon sa kasalukuyan.
Isang ordinaryong araw. Nakakulitan bigla ang isang ka-eskwela noong hayskul. Ito nanaman - biglaan, hindi inaasahan - bakit ang hilig ko sa ganitong eksena?
Araw-araw. Hindi makukumpleto ang araw na hindi siya nakakausap. Napapangiti na niya ako sa di ko mawaring dahilan, napapasaya. Naririnig ko na lang minsan ang aking sarili na kinukwento siya sa aking mga kaibigan. Nawawala ang kunot sa aking noo kapag nadidinig ko boses nya. Kwentuhang hindi na namin napapansin ang oras. Alam ko, gusto ko siya. At matapos ang mga di kasiguraduhan sa buhay ko, ngayon lang ulit ako naging sigurado ulit. Siya si Kevin, ang lalaking di ko inaasahang magtuturo sa akin magtiwala muli.
Sweet kami sa isa't isa. Masaya kami. May 1st month, 2nd month, 3rd month at 100 days. Nararamdaman ko ulit yung kilig, yung ngungiti mag-isa, yung magmahal ulit. Oo, gusto ko siya maging boyfriend. Gusto ko maging kami. Hanggang di inaasahang nagkita kami ni Jordan.
Masaya akong nakita ko ulit si Jordan. Maganda ang nabuo naming pagkakaibigan kaya siguro wala kaming ilangan sa isa't isa kahit pa naghiwalay kami bilang magkasintahan. Nasundan ang pagkikita ng isa at dalawa pa. At sinabi niyang gusto niya akong bumalik sa buhay niya. Hindi ako nakatulog noong gabing 'yon. Matagal kong hiniling na bumalik sa akin si Jordan. Ang tagal kong naghintay na dumating ang araw na ito. Alam ko wala ng dapat timbangin, wala na dapat piliang mangyari pero sabi ng isang kong kaibigan, kung gusto ko talaga si Kevin kailangang putulin ko ang koneksyon ko kay Jordan lalo ngayon sa sinabi niya. At kung bumalik man ako kay Jordan, masasaktan ko si Kevin na nagpasaya ulit sakin. Binigyan ko ng oras ang sarili ko makapag-isa. Hinanda ko ang sarili ko sa kung anong pwedeng mangyari matapos ang desisyon ko. Sinabi ko kay Kevin na kailangan ko mag-isip, pero di ko binanggit ang tungkol kay Jordan.
Mabilis na lumipas ang araw. Naging abala na din ako sa trabaho na halos di ko man lang magawang mag-text. Halos di na din nagpaparamdam si Kevin. At patuloy ang panunuyo ni Jordan.
Naglambing ako kay Kevin, ng paulit-ulit pero parang wala. Kapag nakakapag-usap kami parang mauuwi lang sa pagtatalo, sa tampuhan. Anong nangyari? Kasalanan ko ba ito? Hiniling ko makapag-isa ng maikling panahon para sa aming dalawa. Maging sigurado na kaya ko na ulit ibigay ng buo ang sarili ko. At ngayong handa na ako, anong nangyari? Gusto ko ibalik yung dating kami na hindi naman ganun katagal na nawala. Naluluha na lang ako kapag naiisip kong ako din ang may kasalanan ng mga nangyayari.
Napag-uusapan na namin ang tungkol sa aming dalawa dati pa, kaya alam kong gusto din niya ako. Patuloy ko lang sinuyo at nilambing hanggang sa nalaman kong nagkabalikan sila ng dati nyang kasintahan.Hindi ito ang inaasahan ko. Hindi ako handa na ganito ang mangyayari.
Pinili ko siya, pero hindi ako ang pinili niya. Gaano kasakit yun?
Nangyari ang gustong-gusto mong mangyari, ang bumalik ang pinakamamahal mo pero naka-move on ka na, gaano kalungkot yun?
Di naman siguro sadya ang nangyari, kaya tinanggap ko kahit masakit. Gusto ko maging bitter, pero para san?
Panibagong sugat, na kahit hindi ganun kalalim ay mag-iiwan pa din ng marka.


Friday, December 9, 2011

Tatlong Pisong Pangarap.



"...beggars were the only ones who never pretend to be happy; on the contrary, they pretend to be sad."
-- Paulo Coelho

Nakakita ka na ba ng namamalimos na nakangiti? Ng pulubing hanep sa saya habang nakahingi ang palad niyang nag-iintay sa kung anumang ibigay ng kuripot mong bulsa? Kahit galing sa masayang paglalaro, lalapit sa'yong nakalamukos ang mukha para sa baryang pamasahe mo sana, pero sa kanila'y pangkaen na?

Aminado akong hindi ako palabigay sa mga namamalimos. Dahil kasi sa sinasabi nilang walang makain nguni't nangingintab ang mga suot na bling bling, paano ako maniniwala? Sa bawat pagbibigay nila ng mga sobreng nakasulat na pambili sana ng damit at pagkaen pero sa likurang bulsa'y may plastik ng rugby, saan ba ako makakatulong, sa pangkaen o sa pangbisyo nila? Sa bawat punas sa sapatos, tsinelas o sa paa ng mga tao sa jeep, hindi mo nalalalayan kwintas mo'y nahablot na nila. Nakakaawang nakakainis lang. Hindi ako madamot o mapanghusga, pero masisisi n'yo ba ako?

Tirik ang araw, binabaybay ang isang kalye sa Maynila. Mayroong biglang sumulpot na marungis na bata at hinihingi ang may kagat kong tinapay. Ewan ko ba kung bakit matanong ako kung minsan. Parang hiningi ko ang biodata nung bata. At habang nagtatanungan kami, bigla ko na lang siya inaya kumain sa isang hambugeran sa tabi.


Siya Si Hannah. Limang taong gulang na nakatira sa ilalim ng isang tulay sa Maynila. Dalawa silang magkapatid na namamalimos sa daan at kung minsan ay nagtitinda ng sampaguita. Ang kanyang ama ay may pedicab na nagsisilbing hanapbuhay nila. Samantalang ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa isang pabrika. Ang kinikita na kanyang mga magulang ay nagsisilbing panggastos nila sa pang-araw araw at pangtustos sa pag-aaral ng kanyang kuya. Ang pamamalimos ay taliwas sa kagustuhan ng kanyang mga magulang, nguni't sa murang edad, naiisip na niyang tumulong at ito ang nakikita niyang paraan. Sa bawat napapalimusan niya, nagtatabi siya ng tatlong piso at ito'y iipunin niya. Ayon kay Hannah, iipunin niya ito para sa kanyang pag-aaral. Trenta pesos, ang kadalasang salaping pinagkakasya nila para sa pagkain nila buong araw. Kaya naman ang binili kong burger sa kanya, ginagatan lang niya ng halos dalawang beses at binalot na ulit niya. Iuuwi na lang daw niya ito sa bahay at paghahatian ng buong pamilya.



Gusto ni Hannah na maging guro balang araw. Gusto niyang magturo sa mga batang lansangan na kapos para makapag-aral. Gusto niyang matutong mangarap ang mga batang sa tingin ng iba'y walang pag-asang umunlad sa buhay.

Umuwi akong dala-dala ang kwento ng isang batang halos itaboy ng lipunan. At habang ginagawa ko ito, naaalala ko ang masaya niyang mukha habang kumakain ng tinapay na sa tingin nila'y burger na; ang lungkot at pag-asa sa mga mata niya habang nagkukwento tungkol sa mga pangarap niya.

Sa tatlong pisong pagbuo sa kanyang pangarap, ano ba naman ang baryang ito para ipagdamot pa sa batang sinasabing pag-asa ng bayan?





Tuesday, December 6, 2011

Bato Balaning Pilipinas at Pilipino.

Ilang presidente na ang papalit-palit na umupo. Ilang pagpupulong at pagra-rally na ang nasaksihan sa daan. Pare-parehas na hinaing sa iba't ibang pinunong binoto at kalauna'y nais ding patalsikin. Marami na ang nasaktan, at ang iba'y nasawi. Sino ba ang bingi sa labas lalamunang sigaw sa kalsada? Sino ba ang bulag sa pagbabagong nagaganap na harapang sinasampal sa madla? Sino ba talaga ang may kasalanan sa kahirapang hindi matakasan ni Juan?

Nasa palad ng bawat isa ang kapangyarihang pumili ng mamumuno sa bansa. Lahat ng suporta ay ibibigay manalo lamang ang manok at pinupulso ng nakararami. Bakit mo ba siya pinili? Dahil ba sa matalino siya, may kakayahang mamuno, at malapit sa masa? O dahil sa sikat ang pamilya, walang ibang mapili, at mayaman siya? Ano pa man ang dahilan kung bakit siya ang isinulat mo sa iyong balota, sana ganun pa din ang suportang ibinibigay mo matapos ang pagkakahalal sa kanya.

Madaling sabihing maraming magbabago. Pero hindi ganoon kadali pag sinasagawa na ang pagbabago.

Halimbawa na lang sa ating mga sarili. May nagsasabi sa atin na 'magbabago na ako.' Ang taong nasadlak sa bisyo, hindi agad-agad na kinabukasan ay matatalikuran na niya ang bisyong lagi-lagi niyang ginagawa. Posible ang magbago. Pero maski sa sarili natin, aminin natin, hindi mabilisang proseso ito. Paano pa kaya kung ang babaguhin ay ang nakagisnang pamamalakad?


May nais makapag-aral nguni't hindi gumagawa ng paraan. May nais makapagtrabaho pero hindi naman naghahanap, nananatiling tambay sa bahay. May gustong lamanan ang sikmura pero sa halip, rugby ang binili sa tindahan.

May nakakapag-aral kahit kapos, pero iniiwan ang eskwela para sa ibang bagay. May biniyayaan ng trabaho, pero binabalewala lang. At may nakakakain ng maayos nguni't kung aksayahin, wari'y sila ang nagmamay-ari ng palayaan sa mundo.

Maaaring hindi ko nakikita ang mga nakikita mo, o napapansin ang mga bagay na dinadaan-daanan ko lang, pero hindi nangangahulugang wala na akong pakialam.

Edukasyon - sinasabing kalasag sa kahirapan. Nguni't kapag nakatapos ka, asan ka? Ang ilan e nakadaragdag pa sa problema ng bayan. Saan mo ginamit ang pinaglalabang edukasyon para sa'yo?

Pinag-aagawang budget na milyon o bilyon. Maraming nagsasabing mali ang ginagawang alokasyon. Ilang sangay ba ang dapat nitong paglaanan? Paano ba ang dapat na paghahati-hati ng mga salaping galing din naman sa kaban ng bayan? Maraming nagrereklamo na ang pinoproblemang pagba-budget ay kung paano pagkakasyahin ang baon sa paglalaro ng computer games, sa pangbisyo o sa pagpapaganda.

Pantay na karapatan. Hinihingi ng ilan ang salitang yan. Nguni't ang mismong pinaghihingan nyan ay hindi mo binibigyan ng sinasabing mong 'pantay' na karapatan.

Maraming palpak na gawa ang napupuna. Nguni't wala man lang isa na pumansin sa mga magagandang nagawa. Ang daming humihingi ng pagbabago nguni't wala ni isa ang nagkusang nanguna sa pagbabago. Lahat ay nagrereklamo, nguni't wala ni isa ang gumawa ng paraan kundi isinisi sa sinasabi nilang may kasalanan ng kanilang katamaran.

**********


Hindi ako mayaman. Nakapagtapos ako ng pag-aaral sa isang Unibersidad na nagmulat sa akin ng 'tatsulok' na sistema ng bansa. Alam ko ang pakiramdam ng mga sumisigaw sa Mendiola, Morayta, o maski sa loob lang ng paaralan. Nabiyayaan ako ng edukasyon na muntik ko ng itapon. Kahit hindi laging bongga ang nakahain sa hapag-kainan, tatlong beses naming nalalamanan ang aming tyan. May trabaho akong iniwan ko, na ang iba'y nasasayangan. Naiisip ko na sana noong nag-aaral ako, sinulit ko. Sana mas naging mabuting estudyante ako. Sa mga pagkakataong kapos, sana kinaen ko na lang yung mga patagong pagkaing inaksaya ko kahit sobrang busog na ako. Sa mga panahong wala akong magawa, sana hindi ako tinamad noon.

Maraming palpak sa buhay ng tao. At malaking porsyento ay hindi dapat na sa ibang tao isisi at ipaako. Tulad ng sabi ko dati, simulan mo sa maliit na bagay.. simulan mo sa sarili mo. Pero dahil tamad akong tao, tulungan mo itong maipabasa ito kay PNoy!

Maskara.

Matagal na buwan na mula nang wala kaming usap ni Jordan. Hindi na din kami nagkikita. Ang maganda naming samahan ay isa na lamang magandang alaala. Tinuturuan ko nang tanggalin sa sistema ko ang lagi siyang kasama, Ganun na din sina Marco at Ramon.

"Busy ka?"

Isang text mula kay Jordan. Yan ang bumungad sa umaga ko. At dahil kilala ko siya, alam ko na kung saan tutungo ang tanong na yan. Nag-reply ako at tama nga ang nasa isip ko. Pinapapunta niya ako sa apartment niya. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil aaminin ko, na-miss ko siya. Pero paano nga ba ako makaka-move on ng tuluyan kung lagi na lang akong hindi makatanggi sa mga ganitong aya niya. Maghapon kaming nag-ayaan, laging sagot ko hindi ako papayagan. Hanggang inabot kami ng ala-sais ng gabi.

Nanaig ang katigasan ng ulo ko. Kahit hindi ko alam kung paano pumunta sa bagong nilipatan niya, umalis pa din ako kahit madilim na.

Habang nasa byahe ako, nag-text bigla si Ramon.

"Baby, palit na ulit tayo ng status sa facebook?"

Tatanggi pa ba ako? Kung totoong kami nga, isang malaking kasalanan ang gagawin kong pagpunta kay Jordan. Sumagot akong 'okay' at hindi na nasundan pa ang usapang iyon.

Sinundo ako ni Jordan sa isang convenient store malapit sa apartment niya. At doon nalaman ko kung bakit gusto niyang may kasama.

Paika-ika akong nilapitan ni Jordan. Oo, may pilay siya. Medyo nilalagnat pa. Okay, nurse ako sa gabing ito.

Casual. Nilapitan niya ako, inakbayan at nakwento siya. Nakinig lang ako, hindi umiimik. Ang normal sa kanya lahat. Parang walang nasaktan, walang nakasakit, walang umiyak, walang nagpaalam. Normal. Casual. Ganyan kami habang magkasama.


Naitanong ko bigla sa sarili kung tama ba talagang andoon ako. Kung usapang kaibigan, tama bang andoon ako?

Napaisip nanaman ako - nalilito. Pero ayoko lamunin ng isip ko ang puso ko, ng puso ko ang sistema ko. Kailangan kong mag-ingat. Pero naramdaman ko, na-miss din niya ako, na-miss niya kami. Niyakap ulit ako ng kahapon. Masaya pero alam ko, tulad ni Cinderella, bukas ay balik na ulit sa katotohanan.

Habang tulog siya, nagtatalo ang isip at puso ko. Marahil nga't na-miss niya ako pero hindi ibig sabihin nun na mahal pa din niya ako - tulad ng pilit kong pinapaniwala sa sarili ko. Marahil mali nga ako't andoon ako, kaya dapat hindi na ito maulit, Marami akong pinanghahawakan sa aming dalawa, marami kaming alaalang hindi mabura-bura, at maraming mga pangakong nananatiling nakalutang . Paano nga ba ako makaka-move on kay Jordan?





********
Kaunting sulyap sa istorya ni Lisa at Jordan --> BASAHIN. :)

Monday, December 5, 2011

Let's Play Who Wants To Be Serious?

Not everything is as it seems. Maraming nag-aakalang in a relationship ako. Maraming nag-aakalang masaya na ulit ang mga mata ko. Maraming nag-aakalang totoo ang lahat ng nakikita o hindi nila nakikita. Akala nila totoo ang mga bagay na 'pinaniwala' namin sa mga tao. Ang hirap gumawa ng isang larong hindi ka naman bihasa.

Ang daming nagtatanong kung paano naging kami ni Ramon. At sa t'wing tinatanong kung kamusta kaming dalawa o kung talagang totoo ba, hindi ko masabi ang totoo - joke, trip. Ang madalas na sagot ko, pang-artista, ang ngumiti. Ang hirap gawing panloko ang emosyon. Maraming tao ang alam kong natuwa, na ang iba halos magtatatalon sa tuwa nang malamang in a relationship kami 'kuno'. Ganun lang nila talaga kagustong magkatuluyan kami.

Para sa mga nakakaalam ng totoong sitwasyon namin ni Ramon, sinasabi nilang gawing totoo na lang. Pwede daw maging daan 'yun para makalimutan namin ang sakit na nararamdaman namin sa mga ex namin. At para mabigyang daan ang kagustuhan ng marami. Parang artista lang. Oh, no!

Ayong isakripisyo ang pagkakaibigang mayroon kami. Ayokong dumating yung panahong magkailangan kami. At hindi ko pa pala nasasabi, dating kasintahan ni Ramon ang dalawang malalapit kong kaibigan. Alam ko kahit 'in good terms' sila, mayroon at mayroong ilang factor pa din. At ayokong maging ganun kami ni Ramon. Tama na ang nakaraang nagkagusto kami sa isa't isa. Okay na yun. Ayoko ng dungisan ang maganda naming samahan.


Tulad ng ibang istorya, laging may kontrabida. O kaya yung mga taong 'nagmamalasakit'. Nakita daw nila si Ramon na may ibang kausap na babae. Kung kami man ni Ramon talaga, alam kong hindi dapat pagselosan ang ganung kababaw na dahilan. Hindi lang naman ako ang babaeng pwede niyang kausapin. Hello? May nagsabi ding hanggang ngayon nilalandi pa din ni Ramon ang ex niya. At ang nagsabi nito sa akin? Ang isa pang ex niya. Ang saya saya nila.

Naglabasan ang mga tunay at 'di ko tunay na kaibigan. Hindi ako nagalit sa kung ano pang nalaman ko kay Ramon. Niyayanig lang ng maraming tao ang pasensya ko sa tulad nilang ayaw makakita ng masasayang tao. Alam ko na kahit sa walong taon naming pagkakaibigan, marami pa din akong hindi alam sa kanya. Pero hindi ito sapat para basta basta na lang manira ng kapwa.

Bahagi man ng pagkatao mo ang iyong nakaraan, hindi naman ito batayan upang husgahan mo ang isang tao. Binago ka man ng ilang pangyayari sa iyong buhay, pero wala tayo sa lugar para sabihin kung tama o mali ang naging desisyon niya.

Lumipas na ang isang buwan. At kahit hindi ako totoong girlfriend ni Ramon, sa mga nangyari sa isang buwan na 'yon.. ang hirap din pa lang maging boyfriend siya. At kung siya ang lalaking ako.. ang hirap ko pala maging girlfriend.

Thursday, December 1, 2011

Totohanan Na Ba?

Mas naging aral at paalala sa akin ang nangyari sa amin ni Marco. Ang bawat matatamis na salita ay hindi dapat basta bastang kinakagat. Nguni't dumarating minsan sa buhay ang isang larong akala mo'y kaya mong laruin. Pumapasok ka sa isang sitwasyong akala mo'y basta basta mo malalabasan.


Hiniwalayan ako ni Jordan. Pingalaruan ako ni Marco. Parang walang tinirang emosyon sa akin ng mga pangyayari. Parang nagiging tulad nila ako.



Si Ramon - ang lalaking ako. Halos walong taon ko na siyang kaibigan. At halos walong taon na din kaming tinutukso sa isa't isa. Nagkakagustuhan naman talaga kami, pero mas matindi ang salitang kaibigan sa'ming dalawa kaya siguro ganito lang kami.



June5 - Hindi ko alam kung anong trip ko at trip nya kung bakit kami napunta sa isang dare. Maging kami sa isang social networking site. Hindi ko na alam kung nag-isip ba ako.



June7 - Lisa Montealegre is in a relationship with Ramon Oreta.



Hindi ko alam kung anong drugs ba tinira ko't pumayag payag ako. Siguro, for fun? Humakot ng komento ang pangyayaring yun. Maraming natuwa, maraming nagulat. At maraming gusto makakita ng patunay. Patay! Hindi na namin alam kung paano patayin ang sunog na ginawa namin.



June9 - Hiwalay na si Marco at ang girlfriend nya.




June10 - Nakatanggap ako ng text galing kay Jordan na nagsasabing congrats. At hindi na siya nag-reply pagkatapos non.



Doon ako bigla natauhan. Dahil alam ko, mali ang ginawa naming dare na 'yon. Pero naisip ko, sana kahit konti, nasaktan si Jordan na malamang may kunwaring bagong boyfriend na ako. At ganun din si Marco, maramdaman niyang hindi lang siya ang kayang maglaro. Ang sama ko lang!



Lumipas ang mga araw na parang kailangang panindigan ang ginawa naming 'yon. Sinubukan, oo. Pero ni ang isiping hawakan ang kamay ni Ramon na may malisya, hindi ko magawa. Parang kung sakali, para kaming magkapatid na naglalambing lang sa isa't isa.

Wala ng paramdam. Unti-unti nanamang nawawala ang mga bagay na nasanay ka na. Parehas na hindi nagparamdaman sa isa't isa. Pinakiramdaman ko, at alam kong pati din siya, kung may mangyayari ba.. kung may pag-asa ba.. hanggang sa may isa sa aming naglakas loob na alamin kung ano nga ba.

........

Swerte Ko, Malas Mo.

Ako si Lisa. Isang babaeng, tulad ng iba, hinahangad na makilala ang kanyang prinsipeng mamahalin siya hanggang sa huli. Na kahit ilang beses nang nasaktan ay patuloy pa ding magmamahal hanggang sa dumating ang taong hihilom sa pusong nabihag sa lungkot ng nakaraan.


April30 - araw kung kailan una kong makausap si Marco. 'Di inaasahan. Biglaan. Tamang kulitan at kwentuhan. Hanggang sa naging araw-araw na. Naging bahagi na ng sistema naming dalawa. Walang sawang pag-uusap na inaabot ng gabi hanggang kinabukasan. Nauso ang endearment na BEB. Mas naging malalim at lumalim pa when one started to care, at nang sabihin ni Marco na mahal na niya ako. Gusto kong maniwala. Pero noong mga panahong 'yon alam kong mahal ko pa si Jordan. Gusto kong maniwala na totoo lahat, at gusto kong maniwalang pwede ko siyang mahalin. Pero hindi.



Naging masaya ako nung dumating si Marco. Pero hindi sapat yung saya na 'yon para masabi kong mahal ko na din siya. Hindi sapat yung saya para matabunan yung sakit at pagmamahal ko kay Jordan. Nag-iingat lang din ako. Galing lang ako sa masakit na paghihiwalay at nasa proseso ako na pagalingin ang sugat. Ayoko namang hayaan ang sarili kong masaktan ulit. Alam ko hindi pa ito love, pero gusto ko siya at masaya ako.






Nakilala ko kapatid nya, ang tatay nya at mga kaibigan niya. Inaaya nya ako sa isang resort sa Antipolo kasama ng mga kaibigan niya. Gusto kong sabihing oo, pero parang may pumipigil sa akin na hindi ko alam kung ano. Kaya ang laging sagot ko, "I'll try!".



May31 - May mali, alam ko! Nararamdaman kong nawawala na siya.



June1 - Marco is in a relationship.



Gusto kong umiyak non. Gusto kong magalit pero hindi ko alam kung kanino. Bakit ganon? Habang sinasabi ba niyang mahal niya ako, may iba din siyang sinasabihan nito? Muntik na akong maniwala. Muntik na akong madala. Muntik.



Swerte ko, malas mo. Swerte ko dahil hindi ako nagpadala sa pekeng pagmamahal mo. Malas mo, hindi mo nabilog ulo ko. Salamat pa din. Dahil naging masaya ako. O nasasabi ko lang na masaya kasi alam kong malungkot ako.



Swerte ko, malas mo.. siguro ng dahil na din kay Jordan.